Five years later...
Agarang napatigil ang mga rookie agent sa kani-kanilang ginagawang pag-eensayo nang marinig ang malakas na pagparada ng isang motor. At katulad ng kanilang inaasahan ay dumating na si Agent Fang. Doon ay nagmadali sila na humanay sa magkabilang gilid ng daan at buong galang na yumuko sa harapan ng binata.
Sa mundong kanilang ginagalawan ay walang agent ang hindi nakakakilala sa taglay na husay at galing ni Agent Fang. Labis labis ang paghanga nilang mga rookie agent sa binata dahil sa nagawa nito mapagtagumpayan ang pinakamalaking misyon na ibinigay sa kanya limang taon na nakakaraan.
Ito ang misyon na hulihin ang sindikato na si Jack Hidalgo na siyang pinaka-ulo ng illegal ng pagbebenta ng sandata, pagsasagawa ng prostitusyon sa kanilang bansa at ang pagpapasabog sa mga kilala na establishment na ikinasawi ng ilan nilang kababayan. Kaya ganoon na lang kalaki ang naiambag ni Agent Fang sa kabutihan at kapayapaan ng bansa. At ang mga bagong rookie agent na katulad nila ay nais na sundan ang kanyang mga yapak bilang isang mahusay na secret agent.
Ngunit sa kabila ng natatamasang kahangaan at pagkilala na iyon ng mga rookie agent ay hindi magawang maging masaya ni Agent Fang. Dahil sa limang taon na nakalipas ay hindi pa rin niya malimutan ang gabi ng kanyang misyon. Ang araw kung saan nakasama niya sa isang mainit na gabi ang isang misteryosang babae. Ni hindi mawaglit man lang sa isipan niya ang maamong mukha nito. Hindi niya akalain na siya si Jaxson Alcones ay labis na nahumaling sa isang babae na hindi man lang niya alam ang pagkakilanlan o pangalan. At sa limang taon na lumipas ay puspusan niya hinanap ang misteryosang babae pero tila isa itong bula bigla na lang naglaho. Halos mabaliw na nga siya para lang mahanap ang babae ngunit hanggang ngayon ay bigo pa rin siya.
"Agent Fang," seryosong pagtawag ni Agent Virgo para bumalik sa kasalukuyan ang isipan ni Agent Fang, "Kanina ka pa hinahanap ni Boss."
Bagot na nagkibit balikat naman si Jaxson sa ipinaalam na iyon ni Agent Virgo. "Tss. Ilang ulit ko na lang ba sasabihin na wala akong balak tumanggap pa ng bagong misyon," pag-angal pa niya, "Alam ko naman na kaya niya ako hinahanap ay para kulitin na naman sa bagay na iyon."
Agarang napasimangot at naghalukipkip ng kanyang braso si Agent Virgo dahil sa tinuran na iyon ni Agent Fang. "Hindi ba sapat na ang limang taon na ibinigay niya sa iyo?" pagpapaalala nito sa ginawa ng kanilang boss sa mga lumipas na taon, "Tama naman si Boss Libra. Panahon na para bumalik ka sa pagtanggap ng mga misyon kaysa i-train ang ating mga rookie agent. Agent Fang, mas kailangan ng NIA ang kakayahan mo sa pagtapos ng mga misyon."
Paulit ulit na iniling iling ni Agent Fang ang kanyang ulo para ipakita ang labis na pagtutol. Gusto man niya bumalik sa pagtanggap ng mga misyon ay mas nanaig sa kanya ang kagustuhan na mahanap ang misteryosang babae. Kaya gagawin niya ang lahat para lang mahanap ito. Kahit suyurin niya ang pinakailalim ng mundo.
"Tsk. Paulit ulit na lang ang usapan natin na ito, " singhal ni Agent Fang, "Ilang beses ko ba sasabihin na hindi ako tatanggap ng misyon hanggang hindi ko pa natatapos ang sarili kong misyon. Walang magpapabago sa isipan ko."
"Tama na nga ang kahibangan mo na ito," mariing komento muli ni Agent Virgo, "Malay mo kung namatay na rin pala ang babaeng iyon sa araw ng misyon mo na iyon. Napaka-imposible naman na hindi mo nagawang hanapin siya sa loob ng limang taon unless hindi pa nga siya patay. Tumigil ka na, Agent Fang. Sinasayang mo lang ang sarili mo."
Sa narinig ay tila napanting ang tenga ni Agent Fang. Napakabilis na nahugot niya ang tinatagong punyal sa kanyang tagiliran at agarang itinutok ito sa leeg ni Agent Virgo. Sa bilis ng kanyang kilos ay hindi nagawang depensahan ni Agent Virgo ang kanyang sarili. Napalunok na lamang ang kawawang agent at namutla sa takot dahil baka tuluyan na nga siya ng nababaliw na agent.
"Woah, woah, woah," agarang pag-awat naman ni Agent Venom kay Agent Fang, "Chill bro. Si Agent Virgo iyan. Lalo ka pag-iinitan ni Boss kung makakarating sa kanya ito."
Matalim na binigyan ng tingin ni Agent Fang ang mga kasamahan na agent. Pagkatapos ay dahan dahan na ibinababa niya ang punyal na siyang ikinahinga ng maluwag ni Agent Virgo. Kahit magaling siyang agent ay hindi niya kayang sabayan ang taglay na bilis ni Agent Fang kaya ganoon na lang ang paghihinayang niya nang hindi na tumanggap ito ng misyon. Gusto niya na makita muli ito katulad ng dati. Kung saan siya ang kanilang malalapitan sa tuwing may mabibigat na misyon ang NIA.
"Agent Fang, para rin naman sa ikakabuti mo ito," concern na komento muli ni Agent Virgo, "Huwag mo sayangin ang iyong sarili. Tama na ang kahibangan mo. Panahon na para sumuko ka na hanapin ang babaeng iyon."
Kaysa pakinggan ang mga sinasabi na iyon ni Agent Virgo ay nagsimula maglakad si Agent Fang patungo sa opisina ng kanilang boss. Ramdam pa ng agent ang paghabol ng tingin sa kanya ni Agent Virgo na napailing na lang sa patuloy na pagmamatigas niya.
Nang makarating sa tapat ng opisina ni Boss Libra ay humugot nang malalim na hininga si Agent Fang pagkatapos ay walang katok katok na pumasok siya sa loob nito.
"Agent Fang," hindi natutuwang pagtawag ni Boss Libra sa kanya, "Ilang beses ko ba sasabihin na kumatok ka muna bago pumasok ng aking opisina."
Hindi naman pinansin iyon ni Agent Fang at sa halip ay naupo sa harapan nito at prenteng itinaas ang paa sa ibabaw ng lamesita. "Boss, hinahanap niyo raw ako," sambit na lang niya, "Hindi naman siguro dahil sa nais niyo pa rin ako tumanggap ng misyon."
Malalim na napabuntong hininga si Boss Libra dahil sa lumalalang asal na iyon ng kanilang agent. Pinagsisihan niya tuloy ang desisyon niyang piliin si Agent Fang sa misyon limang taon na nakakaraan. Kung alam niya lang na mawawala ang pinakamahusay nilang agent dahil sa misyon na iyon ay hinayaan na lang nila na makuha ng PIA ang pagkilala. Hindi sana magpapakahirap ngayon si Agent Fang na hanapin ang isang babae.
Sa nais nila na bumalik sa dati si Agent Fang ay lihim na rin sila nagsagawa ng pag-iimbestiga tungkol sa hinahanap nitong babae ngunit katulad ni Agent Fang ay dead end ang imbestigasyon nila.
"May bagong misyon akong---" panimula na lang ni Boss Libra
"Hindi ako tatanggap ng misyon," agarang pagtutol ni Agent Fang bago pa matapos ni Boss Libra ang kanyang sasabihin.
Sinamaan ng tingin ni Boss Libra ang binatang agent. "Sigurado ka na hindi ka pa rin tatanggap ng misyon?" panunubok niya na lang, "Kahit isa sa mga kaibigan mo ang maaaring mapunta sa peligro."
Tila nakuha nito ang atensyon ng binatang agent. Sinalubong niya ang tingin ni Boss Libra at may kuryosidad sa mga mata niya.
"Kaibigan?" hindi makapaniwalang sambit niya, "Kilala niyo kung gaano kakilalang tao ang mga kaibigan ko," pagmamayabang niya.
Napasandal sa kanyang kinauupuan si Boss Libra. "Oo, kilala silang mga tao sa ating bansa kaya hindi nakakapagtaka na may mga tao na nanaisin na pabagsakin sila."
Napakuyom ng kanyang kamay si Agent Fang, Aaminin niya na panandalian niya tinulungan ang kaibigan na si Ismael Alcazar sa naging problema nito. Ngunit hindi naman ganoon kalaki ang tulong ibinigay niya para bumalik sa pagtanggap ng kanyang misyon.
"Kung makapagsalita naman kayo ay tila may mamamatay sa mga kaibigan ko," kompiyansang komento na lang ni Agent Fang, "Kilala ko ang mga iyon... Sila na ang unang gagalaw bago pa lumaki ang gulo."
Napatikhim si Boss Libra bago inilabag sa harapan ni Agent Fang ang isang brown envelop. "Bakit hindi ikaw ang humusga?" paghahamon na lang niya
Napasimangot si Agent Fang gayun pa man ay binuksan niya ang nilalaman ng brown envelop. Agarang napakunot siya ng noo nang makita na ang misyon na iyon ay request mismo ng kaibigan niyang si Ismael Alcazar. Wala sa Pilipinas ang hindi nakakakilala sa kanyang kaibigan dahil kilala ito sa pinakamayamang negosyante at nagmamay-ari ng pinakamalaking kompanya sa bansa. Mahigit isang taon pa lang ang nakalipas mula ng pakasalan nito ang sekretarya niya na si Catherine. Masaya ito ngayon kapiling ang minamahal na asawa at ang kanilang triplets.
Ngunit hindi niya alam na nahaharap na naman si Ismael sa problema. Kung saan may malaking banta sa buhay ng kaniyang asawa at mga anak. Maaaring nagmula ang death threat na iyon sa mga kalabang negosyante ni Ismael o kaya sa mga taong may malaking inggit sa asawa niyang si Catherine.
Sa natuklasan ay napahilot ng kanyang noo si Agent Fang. Ayaw niya sana tanggapin ang misyon na ito ngunit importante sa kanya ang buhay ng kaibigan at ang pamilya nito.
"Tatanggapin mo na ba ang misyon, Agent Fang?" nakangising tanong ni Boss Libra nang makita ang reaksyon ng binatang agent.
"Tss... Alam niyo na ang sagot diyan, Boss," pagsuko ni Agent Fang, "Ako mismo ang tatanggap sa misyon na ito."