Maria's POV
Inis kong pinalo ang lamok na dumapo sa braso ko. Akala ko pa naman mabait at gentleman ang Alas na ito kahit laging nakasigaw. Iyon pala'y nagkamali ako.
Lintek!
Siya ang natutulog sa maliit na papag na may foam. Sa kanya ang electric fan at kulambo. Sa akin? Unan, kumot, at banig lang. Dito pa ako sa sahig pinahiga. Napakabait nga niya, 'no?
Bukod sa hindi ako makatulog sa init at lamok, pati paghihilik niya ay pagtitiisan ko magdamag!
Argh!
Mula sa kinahihigaan ko ay tanaw ko ang bintana ng kuwarto ni Alas na walang kurtina, kaya tanaw na tanaw ko kung gaano kaliwanag ang buwan.
Kinapa ko ang cellphone ko sa bag kong dala. Nang tingnan ko iyon ay pa-low batt na at may isang missed call.
Mommy…
Bakit kaya tumatawag si Mommy? Agad kong dinial ang number niya kahit alas-onse na ng gabi. Nag-ring nang ilang ulit iyon bago ko narinig ang boses ni Mommy na mukhang ginigising si Daddy.
"Hi, Mom. Naistorbo ko po ba tulog mo?"
"Hindi naman, anak. Nasaan ka ba ngayon? Bakit hindi ka umuwi kagabi?" nag-aalala niyang tanong sa akin na ikinairap ko naman.
Sabi na, e! Hindi nakikinig ang nanay ko no'ng nagpapaalam ako sa kanya na luluwas ako dito sa Muntinlupa. Panay tango at oo lang ang nakuha kong sagot sa kanya no'ng nakaraang araw dahil ang atensyon niya ay nasa laptop lamang.
Napailing ako at napatawa nang pagak. "Nandito po ako sa Muntinlupa, Mom. Tatapusin ko lang po ang project ko pagkatapos ay uuwi na po ako."
"Okay, anak. Mag-ingat ka r'yan. May allowance ka ba? Dinala mo ba ang ATM mo?"
"Opo, Mommy. Don't worry, I'm fine."
"Okay, good. Pag-uwi mo, mag-ready ka. Mami-meet mo na ang ate mo. I'll hang up now. Good night, sweetheart."
Natulala ako bago ko na-realize na pinatayan na ko ng tawag ng nanay ko.
Ate? Sinong ate naman? E, nag-iisa lang nila akong anak. Ahh… Baka pinsan ko na nanggaling sa kung saan at ngayon lamang umuwi ng Pinas. Ipapakilala siguro sa akin.
Napatango ako sa kawalan bago bumaling sa direksyon ni Alas. Tulog na tulog ang hudyo! Samantalang ako ay pinupupog ng lamok!
Naupo ako at mas pinagmasdan ang natutulog na si Alas. Napakaguwapo at ang amo ng mukha niya ‘pag tulog. Sana tulog na lang siya palagi.
Nahiga muli ako at nagbilang sa isipan ko hanggang sa tangayin na ako ng antok.
Nagising lamang ako nang marinig ko ang malalakas na sigawan sa labas ng kuwarto. Pupungas-pungas akong bumangon.
"Nagkakagulo na sa labas, tulog-mantika ka pa rin? Iba talaga ‘pag anak-mayaman. Tanghali na kung gumising!"
Agad nagpanting ang tainga ko sa narinig.
"Gago ka ba? Sinong makakatulog agad sa sahig na pinupupog ng mga lamok? At napuyat ako dahil sa malakas mong paghihilik!" malakas kong sigaw at sumbat sa kanya.
‘Ika nga nila, magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising at sa babaeng may mens o regla.
"At sinong matinong lalaki ang patutulugin ang babae sa sahig? Ikaw nakakulambo, safe na safe sa kagat ng mga lamok! Samantalang ako ay nilalamon na ng mga lamok kagabi!" dagdag kong sigaw sa kanya. Napansin ko rin na tumahimik bigla sa labas. Nawala ang mga nagsisigawan.
"Magpasalamat ka na lang, babae, na pinatulog kita rito kahit bawal," seryoso niyang sagot sa akin.
"Bakit? Hiniling ko ba na patulugin mo 'ko rito? Ikaw lang 'tong nanakot kagabi kaya wala akong nagawa kundi rito matulog!" talak ko pa sa kanya. Ramdam ko na ang inis niya sa kaingayan ko dahil kung nakakatusok lang ang mga mata niyang matatalim ay kanina pa ko natusok.
"Alis!"
Huh?
"Ngayon palalayasin mo naman ako? Napakasama ng ugali mo!" Kahit walang toothbrush o hilamos ay nagdadabog akong lumabas ng kuwarto niya. Pahaklit ko ring hinila ang bag ko at saka ko pabalibag na sinara ang pintuan niya. ‘Yong tipong masisira na.
Lalakad na sana ako nang mapansin kong halos lahat ng preso ay nakatingin sa ‘kin. Ano'ng mayro'n? May dumi ba ko sa mukha?
Inikot kong muli ang mga mata sa kanila at kakaiba ang tingin nila sa akin. Parang may pagnanasa na hindi ko maintindihan. Agad kong sinipat ang sarili ko at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang hinaharap ko na bakat na bakat sa suot kong bestida. Tinanggal ko nga pala ang bra ko kagabi no'ng nahiga ako.
Mabilis akong pumasok muli sa kuwarto ni Alas. Namumula ang mukha ko sa hiya at takot. Kita ko si Alas na napatingin sa akin at sumama na naman ang timpla ng mukha nang makita ako pero agad ding ngumisi nang makita ang hinaharap ko na ikinausok ng ilong ko sa inis at galit.
"Kahit 'di mo na isuot ang bra mo, wala namang makikita r'yan," pang-aasar niya na ikinapikon ko na.
Mabilis akong lumapit sa kanya na hindi man lang niya ikinatinag. Mas ngumisi pa siya sa ‘kin habang palipat-lipat ang mata niya sa dibdib ko at sa mukha ko. Agad kong tinakpan ng bag na dala ko ang dibdib ko at isang malakas na sampal ang ipinadapo ko sa pisngi niya na ikinagulat niya.
"Bastos! Manyak!" sigaw ko sa kanya na halos ikaiyak ko na.
Hinablot ko agad ang bra ko at wala na akong pakialam kung makita niya akong isinusuot ito. Tumalikod na lamang ako sa kanya para likod ko lang ang makita niya. Nang maayos na ay marahas akong humarap muli kay Alas pero agad akong napaatras nang tumama ang mukha ko sa matigas niyang dibdib.
"At saan ka pupunta?" malakas niyang sigaw sa akin na ikinangatog ng tuhod ko sa takot. Nasindak niya na naman ako lalo na nang makita ko ang pamumula ng mukha niya at leeg sa sobrang galit sa akin. "Ikaw pa lang ang nakakasampal sa akin. At alam mo ba kung ano ang ginagawa ko sa mga babaeng katulad mo?" malamig niyang sambit na mas ikinaatras ko lalo, pero halos mapamura ako nang maramdaman ko ang bisig niyang pumulupot sa maliit kong baywang. "Sinasakal ko!"
Naramdaman ko ang malaki niyang kamay na sinakop ang leeg ko. Unti-unti iyong sumisikip na ikinatakot ko lalo sa kanya. Ngayon ay alam kong nababasa niya sa mga mata ko ang takot at pagkabahala. Ngumisi siya. Ngising demonyo na ikinataas ng balahibo ko.
"Kung gusto mong makalabas nang buhay sa selda na ito, ayusin mo ang bibitawan mong mga salita lalo na ang aksyon mo! Kahit babae ka, kaya kitang saktan! Naiintindihan mo?"
Mabilis akong tumango sa kanya kasabay ng pagpatak ng mga luha ko.
Marahas niya akong binitawan na ikinaiyak ko lalo.
"Napakasama ng ugali mo! Ang sama-sama mo!" malakas kong sigaw sa kanya kasabay ng hagulgol ko.
"Umalis ka na," mahina pero may pagbabantang utos niya.
Hindi na ako sumagot sa kanya. Mabilis akong tumalikod mula sa kanya at binuksan ang pintuan ng kuwarto niya. Hindi ko na iyon inabalang isara. Bagkus ay mabilis akong tumakbo habang umiiyak.
Iyak lang ako nang iyak habang tumatakbo palabas ng Bilibid. Nakasalubong ko pa ang guwardiyang si Morales na nakakunot ang noo habang pinagmamasdan ako. Nakarating ako kay Manong Guard sa may gate na nang makita ako ay rumehistro agad ang pag-aalala sa kanyang mukha.
"Uuwi na po ako, Manong." Sinikap kong magsalita kahit na gusto ko nang bumigay.
"Sinaktan ka ba niya, hija?" nag-aalala niyang tanong na ikinailing ko nang maraming beses.
Hindi ko na hinintay pa ang mga tanong ni Manong Guard. Mabilis na akong lumabas sa gate na maliit at pumara ng tricycle pauwi sa tinutuluyan ko.
Walang ampat ang mga luha ko. Hindi ko alam kung para saan ito. Sa katotohanang hindi ko kayang kunin ang loob ni Alas na pabago-bago ang ugali o dahil alam kong hindi na ako makaka-graduate. Pakiramdam ko pa ay ayaw sa akin ng mundo. Ayaw sa ‘kin ng mommy at daddy ko. Wala akong kapatid na masasandalan. Pakiramdam ko nag-iisa lang ako sa mundong ito. Ngayon naman ay ang inaakala kong mabuti na si Alas ay ramdam ko ang pagkamuhi sa akin. Ang gusto ko lang naman ay makapagtapos ng pag-aaral. Maka-graduate at makahanap ng trabaho. Hindi porket mayaman kami ay hihiga na lamang ako sa yaman ng mga magulang ko. Ayoko ng gano'n. Gusto kong magsikap para sa sarili ko. Gusto kong may mapatunayan. Gusto kong maabot ang mga pangarap ko. Pero dahil lang sa lintek na interview na ito ay mukhang hindi na matutupad iyon.
Nagbayad agad ako sa tricycle driver at mabilis pumasok sa maliit na kuwarto. Sa apat na sulok ng kuwartong maliit na ito ang saksi sa pagtangis ko nang walang humpay.
Kinapa kong muli ang cellphone ko pero hindi ko ito makita. Napapikit ako sa inis. Naiwan ko sa selda ni Alas ang cellphone ko. Ngayon, paano akong makakapagpasundo sa driver namin?
Mabilis kong inayos ang kaunti kong gamit at nagpaalam na sa landlady ng kuwartong inupahan ko. Nagpaalam ako sa kanya nang maayos at pinabaunan lang niya ako na mag-ingat sa biyahe.
Hindi ako papasa sa interview project namin kaya aasahan ko nang hindi ako makaka-graduate.
Ayoko nang makita pa si Alas kahit kailan! Napakasama ng ugali niya. Mabulok sana siya sa kulungan!
Pakiramdam ko ay hapong-hapo ako sa pagod at gutom. Nakarating ako ng Bulacan na halos nanghihina na dahil wala pa kong kain simula kaninang umaga na pagbiyahe ko.
Pumasok agad ako sa bahay namin at agad akong inasikaso ng mga katulong namin. Nagpahanda ako ng mainit na chicken soup para mainitan ang sikmura ko.
"Maria, mabuti't nakauwi ka na?"
Maliit lamang na ngiti ang sinukli ko kay Nanay Trining na siyang umaasikaso sa akin ngayon.
"Nandito na pala ang ate mo. Hindi mo pa ba siya nakikilala?"
Natigil sa ere ang kutsarang may lamang soup nang marinig ko ang sinabi nya.
"Sino pong ate?" nagtataka kong tanong.
"Si Ate Devora mo. Ang nawawala mong kapatid. Twenty years nang nakakalipas. Five years old lang siya noong nawala."
Nangunot ang noo ko sa narinig. Bakit wala akong alam tungkol sa kapatid kong nawala?
Agad kong tinapos ang kinakain ko at nagmadaling umakyat sa kuwarto. Pero halos magdikit ang mga kilay ko nang makita kong iba na ang ayos at kulay ng kuwarto ko. Naligaw ba ako?
"Anong ginagawa mo sa kuwarto ko?" mataray na tanong ng isang babaeng matangkad sa akin nang kaunti. Naka-roba siya at mukhang bagong paligo lamang.
"Kuwarto ko 'to. Ikaw ang dapat tanungin ko. Ano'ng ginagawa mo sa kuwarto ko?" seryoso kong tanong sa kanya.
Natigilan ang babaeng nasa harapan ko at pinakatitigan akong mabuti pagkatapos ay ngumiti nang matamis. Hindi ako manhid at tanga para hindi masabing puno ng kaplastikan ang ngiti niya.
"Maria? Ikaw na nga ba si Maria? Ang bunso kong kapatid?" tila natutuwa niyang sambit pero ramdam ko ang pagkamuhi doon na hindi ko alam kung saan nagmumula.
"Nagkita na pala kayong dalawa. Maria, anak. Ito ang iyong Ate Devora. Nawala siya noong limang taong gulang pa lamang siya at ngayong nakita na natin siya ay buo at kumpleto na tayong muli," masayang sambit ni Mommy na ikinasikip ng dibdib ko.
"Saan na po ang kuwarto ko mommy?" seryoso kong tanong sa kanila. Si Daddy na alam kong nakatingin sa akin ay hindi ko na sinulyapan pa. Pagod ako at hindi ko alam kung ano ang ire-react ko sa nangyayari ngayon.
"Dito na ang kuwarto mo anak, sa tabi lang ng dati mong kuwarto na kuwarto na ngayon ng ate mo."
Tumango lamang ako at pumasok na sa bago kong kuwarto. Mabuti at nakaayos na ito.
Ibinalibag ko na lang sa kung saan ang bag kong dala at nahiga na sa kama para sana ipahinga ang utak ko pero napaupo ako sa kama ko nang pumasok ang ate ko.
"Kumusta ka na? Hindi ka ba masaya na nandito na si ate?" tila nagtatampo niyang sabi.
Tinitigan ko siyang mabuti at noon ko lang napansin na may pagkakahawig kaming dalawa. Maputi nga lamang ako at siya ay may pagka-morena na namana kay Daddy.
"Masaya ako na nakita ka na nila Daddy. Hindi na sila malulungkot. Pasensya ka na, Ate, kanina. Pagod lang ako at nabigla sa pangyayari dahil walang sinasabi sila Mommy tungkol sa iyo o na may kapatid pala akong nawala, twenty years ago," paliwanag ko sa kanya. Kita ko ang pagdaan ng muhi sa mga mata niya pero agad din niya iyong pinasaya.
"I understand. Anyway, babawi ako sa iyo bilang nakatatandang kapatid mo. Hindi mo na siguro natatandaan no'ng mga panahong ako ang nag-aalaga sa iyo dahil wala ka pang isang taon noon. Gustong-gusto mo sa akin lagi sumasama kaysa kay Mommy. Ako rin lagi ang pinipili mo kaysa sa kanila ni Daddy kaya sobrang lapit natin sa isa't isa. Kaya no'ng panahon na nawala ako ay nalungkot ako nang sobra. Gumuho ang mundo ko no'ng panahon na ‘yon dahil nawalay ako sa inyo nila Mommy. Pero pinatatag ko ang loob ko at nagpapasalamat na may mabait na kumupkop sa akin. Nag-aral ako hanggang sa makatapos at maging isang abogado. Dahil gusto ko kayong balikan na pamilya ko. Gusto kong bumawi sa inyo."
Hindi ko alam kung may laman ang bawat salita niya. Hindi ko na lang pinansin at lumapit ako sa kanya saka siya niyakap nang mahigpit.
"Welcome home, Ate."