KUNG IKAW AY MAHILIG MAGBASA NG MAHIRAP NA BABAE NA PINIPILIT MAGTAGUMPAY SA BUHAY AT ANG LALAKING NAGMAHAL SA KANYA AY UBOD NG YAMAN, ISANG BILYONARYO... BASAHIN NA ANG "I'LL BE THAT GIRL" KASABAY NG "THE DAWN OF LOVE NA ITINATAMPOK KO NGAYONG BUWAN NA ITO. SABAY ANG UPDATES NATIN DOON AT MATATAPOS ANG DALAWANG KUWENTONG ITO NGAYONG APRIL. BASAHIN NA RIN!
CHAPTER 2
"Bola mo 'to?" kunot ang noo ko. Halatang sumasabog sa galit.
"Oo, pasen..." hindi pa niya nakumpleto ang salitang "pasensiya na" ay malakas kong ibinato sa mukha niya ang bola.
Nagulat siya sa inasal ko.
Doon nagsimula ang aso’t pusa naming turingan ng batang ‘yon. Ang batang iyon ang magiging malaking bahagi ng buhay ko.
"Bakit mo ginawa 'yun? Nagsosorry naman ako ah!"
"Sino bang nauna? Di ba tinamaan mo ako?" maangas kong tanong.
"Oo pero..." inapuhap niya ang kanyang noo na tinamaan ng bola.
"O di hayan, tinamaan din kita? Amanos na hindi ba?"
"Anlabo mo naman e." sagot niya. Nakita ko ang pamumula ng noo niyang tinamaan ko ng bola.
"O ngayon, magsorry ka na, tatanggapin ko naman ang sorry mo e. Ganun lang 'yun kadali, ulol!" pangiti-ngiti kong sagot.
Nang-aasar.
"E, di ko naman sinasadyang tamaan ka a! Mas ulol ka!" matapang na singhal niya.
Lalo akong nag-init. "Di mo nga sinasadya pero tinamaan mo pa rin ako hindi ba?"
"Oo nga nando’n na tayo, natamaan ka, hindi yung binato kita, ibig sabihin hindi ko naman talaga sinasadya.”
"O hayan, tinamaan kita, sinasadya ko, ano may angal?" maangas kong tanong. Nilapitan ko siya. Handang makipagsuntukan.
"Gago ka pala e!" singhal niya.
"E, aba ako ginagago mo! Ano lalaban ka!"
"Oo, bakit! 'Kala mo porke mayabang at matapang ka, aatrasan kita." Galit niya ring sagot.
Nakita ko ang pagporma niya parang lumaban. Wala na yung ngiti niya kanina. Unti-unting nawala ang malalim na biloy sa kaniyang pisngi.
Walang sabi-sabing sa isang iglap ay kaagad kong binigwasan ang kaniyang panga ng isang malakas kong suntok.
"Wala nang parang away babae. Sugod kung sugod! Laban kung laban! Napakarami mo pang satsat e!" paninigaw ko.
Halos mapaupo siya sa lakas ng pagkakabigwas ko sa kanya ngunit hindi ko siya napatumba.
Nang sipain ko siya ay mabilis niya iyong nasangga.
Muli kong inambaan ng suntok. Pinakawalan ko iyon sa kaniyang mukha
Mintis!
Ang Bangis! Nakailag pa siya.
Dahil nawalan ako ng panimbang idagdag na rin ang lambot ng buhangin ay natumba ako.
Sinamantala niya ang pagkakataong iyon para ma-lock niya ako. Dinaganan ng kaniyang dalawang tuhod ang magkabilang kamay ko. Hindi ko iyon maigalaw. Sobrang sakit ng braso ko na dinaganan ng kanyang tuhod. Hindi ko maialis ni maigalaw.
Nagpupumiglas ako. Sinikap kong makawala.
Walang nangyari.
Hindi talaga ako makagalaw.
“Kapag ako nakawala rito, tandaan mo, bubugbugin talaga kita!”
“Kung makakawala ka!” nakangisi pa siya.
Dinuraan ko siya. Sa gano’ng paraan ay malingat lang siya kahit sandali para naman makagalaw ako.
Ngunit wala. Hindi talaga siya nagpatinag.
Itinaas niya ang isang kamay niya para ambaan ako ng suntok.
Napapikit ako. Iyon lang naman ang kaya kong gawin sa pagkakataong iyon, ang pumikit at hintayin ang kamao niya sa aking nguso.
"Anak! Huwag!" sigaw ng isang siguro ay kaedad ni Daddy. Siguro iyon ang Papa niya.
Tumingin siya sa parating na lalaki.
Lumuwang ang pagkakadagan ng tuhod niya sa aking braso at buong pwersa niya sa akin. Kinuha ko ang sandaling iyon para makakakilos. Bumangon ako. Lalaban pa rin ako. Magpapakawala sana ako ng isang malakas na sipa ngunit maagap akong hinila ni Daddy palayo sa bata.
Nakita ko ring hawak ng isang halos ka-edad din ni Daddy ang tinawag sa pangalang Faye.
"Pagpasensiyan na ho ninyo ang ginawa ng anak ko." si Daddy.
"Bakit kayo humihingi ng pasensiya, Dad e siya yung nakatama ng bola sa akin."
"Oho tinamaan ko ho siya, pero hindi ko ho iyon sinasadya kasi naglalaro lang kami nina Papa. Nagkataon lang na natamaan siya, hihingi palang ho sana ako ng sorry pero ipinukol na niya ang bola sa mukha ko. Ta's siya pa po ang may ganang unang manuntok!" pagpapaliwanag ng bata.
"E, di ba nga..."
"Jetro!" galit na sigaw ni Papa Zayn. Hindi ko na nakumpleto ang sana ay pagpapaliwanag ko. "Humingi ka ng sorry sa maling inasal mo!"
Tumingin ako sa kanilang lahat, kay Mama Sheine, kay Daddy Bradley, kay Papa Rave at Mama Dame ngunit nakita kong lahat sila iisa ang tingin sa akin. Nasintensiyahan na nila ako. Sa tingin nila ako talaga ang mali.
"Okey fine!" singhal ko.
Lumapit ako. Inilahad ko ang palad ko sa bata.
"Sige na anak. Tanggapin mo na ang pakikipagkamay niya." mahinang sinabi iyon ng Papa niya.
Naglakad palapit sa akin ang batang iyon.
Tinanggap niya ang kamay ko. Nagtitigan kami. Nang magkadaop-palad kami ay pinisil ko iyon ng ubod ng lakas. Dahil ako ang unang nakapuwersa ay hindi na niya kayang pisilin ang kamay ko. Napangiwi siya sa akin.
"Aray! Bitiwan mo ang kamay ko!" singhal niya.
"Bakit, ano namang gagawin mo kung hindi ko ito bibitiwan!"
"Bitiwan mo sabi e!"
"Sorry! Di ba iyon naman ang gusto mong marinig. Eto, na… sorry!" pinarinig ko iyon sa pamilya kong nakapalibot sa akin at ang pamilya rin niya.
"Ayaw mong bitiwan ah!"
Sa isang iglap ay parang sa pelikula ko lang napanood ang ginawa niya sa akin. Hinila niya ang kamay kong nakapilipit sa kamay niya at bago ako makalaban ay natagpuan ko ang sarili kong lumagapak sa buhanginan.
Nanlaki ang mga mata ko sa bilis ng ginawa niya. Hindi ako makapaniwala.
Hindi rin ako makahinga sa kamay niyang nakasakal sa akin at nanginginig ang kaniyang kamao. Alam kong sa isang iglap ay tatama na iyon sa aking mukha. Hindi ko na nakita ang pagkaamo ng kaniyang mukha. Galit na galit ang kaniyang mga mata na nakatitig sa akin. Parang tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Wala rin akong naririnig na ingay sa aking paligid. Tanging malakas na hininga ko at hininga niya ang gumuguhit sa pandinig ko.
Ngunit maagap siya. Laging handa.
Mabilis na dumapo ang kamao niya sa aking labi at nang muli niya akong ambaan ng suntok ay napapikit na lang ako.
Ngunit hindi na tumama ang isa pang suntok sana sa mukha ko. Kaagad siyang hinila palayo sa akin. Nang bumangon ako para kahit papaano ay makabawi sana sa panununtok niya sa akin ay kaagad din akong hinila ni Mama Shantel. Galit na galit kong minura ang ‘tang inang batang ‘yon. Gusto kong makaganti, gusto kong makahulagpos sa pagkakawak sa akin ni Mama ngunit kulang ang lakas ko.
Ako na lang noon ang inaawat. Siya ay kalmadong nakatingin lang sa akin. Pinunasan ko ang dugo sa aking labi at idinura ang iba pang nasa loob na ng bibig ko.
"Tarantado ka, gagantihan kita! Hindi kita patitirahin sa muli nating pagkikita, gago!" singhal ko.
Sa isinisigaw kong iyon ay mas nagalit si Daddy sa akin. Hinila niya ako. Malakas ang pagkakahilang niya palayo doon. Alam kong sumasabog na siya sa galit. Pati ang pagpigil sa kaniya ni Mama Sheine ay hindi na nito pinansin. Nang makalayo-layo na kami ay hinawakan niya ang magkabilang braso ko. May diin iyon.
"Anong itong ginagawa mong ganito ha! Kahit saan tayo magpunta, lagi kang naghahanap ng away. Anong problema mo?"
Huminga ako ng malalim.
Hindi ako sumagot.
Bakit? Kung sasabihin ko ba ang problema ko, sigurado ba nilang masosolusyunan nila iyon? Kapag ba alam nila ang pinagdadaanan ko, sigurado silang basta na lang maglaho iyon?
Tumingin sa akin si Mommy. Maluha-luha siya. Sumunod siya sa amin si Daddy Bradley. Hindi siya nagsalita ngunit nakikita ko sa mga mata nito na hindi siya natutuwa sa nakikita niyang pinaggagawa ko.
"Hirap na hirap na akong intindihin ka 'nak. Napakabata mo pa para pakitaaan kami ng ganyan katigasan ng ulo. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa'yo." Pinunasan ni Mommy Shantel ang bumagtas na luha sa kaniyang pisngi.
"Jetro, anak. Mga mata ng tunay na Daddy mo ang mga ito." Itunuro ni Daddy Bradley ang mga mata niya. Nakita ko ang pamumula no’n. Naluluha. Nakaramdam ako ng kakaiba habang pinagmamasdan ko ang mga mata ni Daddy.
"Okey, mata naman niya ngayon ang nasa inyo. Dami talaga ninyong mga pakulo. Anadaming mga hindi ko na maintindihan na pangyayari." Tulad ng nakagawian, sa isip ko lang siyempre 'yun. Habang lumalaki kasi ako mas maraming mga gumugulo sa aking isip na hindi ko alam kung paano ko sila tatanungin.
"Sa ginagawa mo ngayon, siguradong hindi siya natutuwang makita kang ganyan kung sakaling buhay pa siya.”
“At sa tingin ninyo? Natutuwa rin ba ako sa estado ng buhay ko ngayon? Para akong galing sa biniyak na boho lang at ipamigay. Mabuti pa nga yung tuta alam kung saan galig pero ako?” siyempre sa isip ko lang uli iyon.
“Masakit rin sa amin bilang mga tumayong magulang mo na makitang ganyan ka. Kasi kahit hindi ka galing sa amin, kahit wala kang kadugo sa amin, mahal ka namin anak at ang pinakamasakit para sa mga nagmamahal na magulang ay makita ang anak nilang nalilihis ng landas." Garalgal ang boses ni Daddy.
Hindi pa rin ako sa kanila tumingin.
Nanatili akong nakayuko.
Binubuhul-buhol ko ang laylayan ng aking sando.
"May kinalaman ba ito sa pagsasabi sa'yo ng buong katotohana kahit sa murang edad mo pa lamang? Anak, nagtanong ka e, kaya sinabi namin ang totoo sa'yo. Ayaw naming lumaki ka't mapaniwala sa mga kuwentong hindi totoo pagkatapos kapag nagkaedad ka saka mo kami sisisihin. Wala sa amin ng Mommy Shantel mo ang tunay mong magulang ngunit may pagkukulang ba kami para maging ganyan ka?" tanong ni Daddy Bradley.
"Sumagot ka!" singhal ni Mommy.
Noon ko lang siya nakitang galit. Noon lang ako pinagtaasan ng boses.