... KAI’s POV …
“AKO?!” Exaggerated na itinuro ko ang sarili ko. “Kabet ni Juke Rivas? Eh, ‘di wow!” at saka hindi makapaniwala na kako. My eyes wide with panic.
Neil just gave me one shoulder shrug.
“Paanong nangyari iyon? Eh, ni buhok nga ng Juke Rivas na iyon ay hindi ko pa nakikita?” protesta ko na rin dahil imposible ang naibalita sa TV. Oo nga’t sikat na sikat na artista si Juke Rivas pero hindi naman ako fan kaya maituturing na hindi ko rin siya kilala. Kilala sa pangalan oo pero sa personalidad ay hinding-hindi. Pake ko! Tapos sasabihin na mistress niya ako? Saan galing ‘yon? Patawa sila, ah!
“Pero iyon nga ang kumakalat ngayon na balita. Even on all social media, especially on f*******:, dahil sa larawan mo na nakunan. Malinaw sa larawan na kasama ka ni Juke sa aksidente. Nakita mo naman ang picture ‘di ba?” sabi ni Niel na lalong nagpagulo sa akin.
“Oo, pero hindi totoo iyon. Mag-isa lang ako sa kotse na inupahan ko nang papunta na ako sa meeting place sana natin no’ng gabing iyon. Alam mo ‘yon dahil paano naman ako makikipag-date sa’yo if kasama ko pala si Juke Rivas that time. Think about it.”
Tinitigan niya ako sa mukha. Tinigasan ko naman ang expression ko upang makita niya na nagsasabi ako ng katotohanan.
“He was drunk same as you are.” Ngunit duda pa rin siya.
Halos magsalubong na talaga ang mga kilay ko. “Basta ako nakainom ako dahil nag-inuman kami nina Dhenna. Alam mo rin ‘yon. Ewan ko sa Juke na iyon kung bakit siya nakainom.”
“Mahirap mapatunayan iyan sa salita lamang dahil malinaw na ikaw ang nasa larawan kasama si Juke. Iyong inuman niyo nina Dhenna, do you have photos as proof?”
I narrowed my eyes at him. Pakiramdam ko kasi ay nasa paglilitis na ako agad, gosh!
“Meron ba?”
Hindi pa rin ako sumagot. Inisip ko na lang kung meron nga ba. Sa malas ay wala akong maalala na nag-picture-an kami habang nag-iinuman. Paano ay wala naman yatang mga cellphone ang mga batang iyon. Ako lang yata ang meron tapos ay hindi ko man lang naisip na mag-selfie or makipag-groufie sa kanila. Noon pa talaga na nawala ang interes ko sa pag-selfie, kung saan kailangan ko. Asar naman, oh.
“Kung meron ay puwede mong ilaban sa korte iyang alibi mo, pero kapag wala ay mabuti pang manahimik ka muna habang nag-iisip kami ng paraan para malusutan ito,” payo ni Neil nang wala pa rin akong masabi.
“Kaya ka ba naririto dahil diyan? Dahil sa issue?”
Tumango siya. “Ang totoo ay kasama ko si Juke na nagpunta rito sa Cebu dahil sa isang mahalagang bagay. Nagkahiwalay lang kami noong gabing iyon dahil may date raw siya. Hindi ko naman alam na same pala kami ng babaeng idi-date sana.”
Gusto na talagang magdilim ang paningin ko. “Sabing hindi ako ang kasama ni Juke Rivas no’ng gabing iyon, eh! I-check mo kaya ang mga CCTV sa kalsada para malaman mo!”
“Sorry, pero walang CCTV sa kalsadang pinangyarihan ng aksidente kasi remote place na iyon. Ni walang nakakita sa inyo kung hindi napadaan ang mga traveller na nagligtas sa inyo.”
“Aiissst!” Nainis na talaga ako. Marahas na napakamot ako sa ulo ko na animo’y ang dami ko nang balakubak bigla. “Basta hindi ako ang kabet ng Juke Rivas na iyon! Ako pa? Eh, galit nga ako sa mga kabet na mga ’yan. Alam mo naman siguro iyong issue noon ni Dhenna na kinalaban ko siya kahit best friend ko siya dahil ayaw na ayaw ko na maging mistress siya. So paano ako magiging isang mistress aber?”
“Nagbabago ang pananaw ng isang tao habang tumatagal,” pormal na sabi lamang ni Neil.
This time ay parang puputok na ang ulo ko na may benda. Sumakit na ang ulo ko dahil parang kahit anong sabihin ko ay walang panalo sa lalaking ito. Kung sabagay attorney nga pala siya. Hangga’t wala kang malinaw na ebidensya ay hindi siya maniniwala sa’yo dahil nga abogado siya.
“Bahala ka kung ayaw mong maniwala sa akin. Maghintay ka lang na gumaling at papatunayan ko sa’yo na hindi ako ang babae na sakay sa kotse ng Juke Rivas na iyon. Dahil kahit kailan ay hindi ako papatol sa lalaking may asawa na! Nakakasuka!”
Bumuntong hininga siya. “Ayaw na ni Juke Rivas na palakihin ang issue.”
“Sino bang may gusto?” pabalang ko na sabi. “Nagpunta lang ako rito sa Cebu, kabet na ako? My God!”
“Gusto niya ay manahimik na lang kayong dalawa. Hintayin niyo na lang daw na humupa ang issue. At handa siyang magbayad ng isang milyon sa’yo kapalit ng hindi mo na pagdadaragdag sa problema. In short, just zip your mouth shut. At kung gusto mo ay puwede ka munang magpakalayo-layo. Mas maganda iyon.”
Natigilan ako. Nalula ako sa isang milyon sa totoo lang. Pero gano’n na lang ba iyon? Kapalit ng isang milyon ay ang kahihiyan ko? Ang pangalan ko? Ang dignidad ko? At ang ipinaglalaban ko na walang magawang dulot ang pangangabet?
“Kapag naging ayos na siya ay mag-uusap daw kayo regarding sa offer. And don’t worry dahil kung nalusutan noon ni Juke ang mga naunang ibinato sa kanya na mga issue ay siguradong malulutusan niya rin ito. Basta makisama ka lang,” pang-iingganyo pa sa akin ni Neil.
Suddenly I lost my admiration for him as a lawyer. Akala ko pa naman ay matino siya, tulad din pala siya ng ibang abogado na kapalit ng pera ay binabaliktad ang katotohanan. Tama rin pala na hindi siya ang pinili ni Dhenna noon, pulpol din pala ito. Mas pulpol pa kay Randy Daseco. Mga buwisit na mga lalaki.
“Anong masasabi mo?” nakangiti na siya na tanong. Tiwala na nasilaw na nila ako sa pera.
“Hindi ko tatanggapin ang offer. Mas mahalaga sa akin ang pangalan ko. Hindi niya ako kabet kaya dapat lang na malaman ng mga tao ang totoo. I don’t deserve this bullshit issue. Malinis ang pangalan ko at dignidad ko,” taas noong sagot ko. Nakakapanghinayang ang isang milyon pero mas nakakapanghinayang kung masisira ang pangalan ko sa wala namang katotohanan na issue.
“Pag-isipan mo muna, Kai. Isipin mo na malaking tulong na sa’yo ang isang milyon kung sakali. Hindi madaling makakuha ng ganoong kalaking halaga sa hirap ng buhay ngayon. Isipin mo na lang na nangyari ang bagay na ito upang maiahon ka sa kahirapan. Blessing in disguise kung baga.”
Napatiim bagang ako. Kung hindi lang ako nakaratay ngayon sa hospital bed ay malamang nabatukan ko na siya. Ang sarap niyang tadyakan sa bayag. Hindi na nga lang ako nakaalma dahil may kumatok bigla.
Tumayo si Neil at binuksan iyon. Nakita ko na nagyuko siya ng ulo bilang paggalang sa dumating. Namamangha akong pinanood siya. Hindi ko maulinigan maigi ang sinasabi nila ng kausap niya dahil bahagyang lumabas si Neil. Kalahati na lamang ng katawan niya ang nakikita ko. At ngayon ko lang napansin na naka-suit siya. Ibig sabihin ay pure na trabaho lang ang dahilan kung bakit narito siya at binabantayan niya ako. Malamang ay utos ng boss niyang si Juke Rivas.
Ang depungal na iyon. Para sa kapakanan niya ay wala siyang pakialam sa kapakanan ng ibang tao. Por que may pera na pambayad. Sayang lang ang paghanga ng mga maraming tao sa isang tulad niya na selfish, sinungaling at... at lahat na ng bad adjective.
“Makalabas lang ako rito. Ipapakita ko sa tao ang tunay mong kulay na Juke Rivas ka,” gigil ko na bulong.
Magkapantay na inis na ang nararamdaman ko para kay Juke Rivas at Neil Austria. Anong akala nila sa akin tanga? Hindi nila ako mauuto. Mas mahalaga pa rin sa akin ang p********e ako. Kahit hindi totoo ay hindi ako magiging mistress. Hindi ako magiging belong sa mga salot sa lipunan. Over my dead hot body.
“Kai,” agaw pansin na sa akin ni Neil.
Pumasok na ang kausap niya. Naka-wheelchair pala. Ang weird pa dahil naka-face mask ng itim tapos naka-jacket ng itim na may hood. Iyong tipong parang ayaw malantad ang kanyang mukha. Feeling famous… Wait…
Kasabay nang pagkakaisip ko na baka siya si Juke Rivas ay siya namang pagtanggal ng lalaki sa kanyang face mask kaya nalantad sa akin ang kanyang napakaguwapong mukha. Nabatombalani tuloy ako nang wala sa oras. Literal na nalaglag ang panga ko. For the first time ay naramdaman ko ang sinasabi nila na mga paru-paro sa tiyan. Kinilig ako putspa. Nag-fan mode ako bigla. Nag-alsa balutan na yata tuloy ang inis ko sa kanya.
“Hindi ko na siguro kailangang ipakilala kayo sa isa’t isa,” pambabasag ni Neil sa titigan namin ni Juke Rivas.
“You already told her my offer?” tanong ni Juke Rivas kay Neil. Ang boses niya siyang-siya sa TV. Husky. Lalaking-lalaki.
“s**t!” naimura ko sa isip ko. Parang gusto ko nang magbago ng paniniwala sa buhay. Parang gusto ko nang sabihin na hindi bale nang maging mistress basta ganito kaguwapo ang pakikiapidan mo.
“Yeah. Unfortunately, she refused,” sagot ni Neil.
Bigla ay tumayo si Juke Rivas dahilan para lalo akong napanganga. Tapos ay pumamulsa siya, as if walang nangyari. Acting lang ‘yon?
“What does she want then?” tanong pa ni Juke Rivas kay Neil. Kaharap na niya ako pero si Neil pa rin ang tintanong niya. Ayaw yata niya akong kausap.
“Gusto raw niyang malinis ang pangalan niya,” sagot na naman Neil.
Juke scoffed.
Like seriously? Ako ang pinag-uusapan nila sa harapan ko mismo? Mga takas sa mental yata ang mga ito, eh.
“Dagdagan mo ng isang milyon ang offer para matapos na ito,” sabi na naman ni Juke.
Para akong bumalik sa grade one na nag-one plus one equals two sa aking isipan. “Two million?! Seryoso ba ang Juke Rivas na ito?” Nagwala na ang alter ego ko sa loob-loob ko. Hindi makapaniwala sa offfer.
“Kai, narinig mo naman yata iyon?” untag sa akin ni Neil. Sa wakas ay naalala na kasama nila ako sa kuwarto.
Narinig ko iyon. Gumagana pa naman ng matino ang mga tainga despite of the accident. Ang kaso bigla yatang naapektuhan ang dila ko dahil hindi ko na siya nararamdaman. Ayaw na mag-function ang dila ko kaya hindi ako makapagsalita kahit na okay naman kanina. Ang daldal ko nga kanina kay Neil. Nakikipagtalo pa ako. Bakit ngayong kay Juke Rivas na ay bigla na akong napipi? Kaloka.
“Dalawang milyon kapalit ng pananahimik mo about sa issue at hintayin na lang na humupa,” panlilinaw ni Neil. Akala yata ay hindi ko naintindihan ang pinagsasabi nila. “Take it or leave it?”
Kapwa sila nakatuon ang tingin sa akin at matamang hinihintay ang sagot ko. Palipat-lipat ang tingin ko sa kanila. At masasabi ko na guwapo sila parehas pero iba pa rin ang kaguwapuhan ng isang Juke Rivas. Nakakalaglag panty, buti na lang at nakahiga ako.
“Magdesisyon ka. Para rin sa’yong kapakanan ito dahil kung ipagpipilitan mo ang gusto mo ay baka lalo lang ikakasira ng pangalan mo. Tandaan mo, isang acting lang ni Juke sa harap ng camera ay puwede nang mabaliktad ang pangyayari. Ikaw rin, baka magsisisi ka.”
Hindi ko alam kung nagpapaliwanag lamang si Neil or nagbabanta na. Ang sure ko lang ay natablan ako. Tama naman kasi ang sinabi niya. Ano ang laban ko sa isang Juke Rivas? Isa pa ay parang mas nakaka-proud pa na maging kabet niya yata. Ako pinatulan ni Juke Rivas? Wow, instant sikat ako niyon kung sakali.
“Paano ang dignidad mo? Alalahanin mo na ipinaglaban mo noon ang dignidad ni Dhenna. Binawi mo siya sa pagiging mistress. Ginawa mo ang lahat, tapos ngayon hahayaan mo lang sarili mo na malugmok naman sa ganoong kahihiyan?” Kaso ay protesta ng isang bahagi ng isip ko. Dahil doon ay bumalik ang lahat ng sakripisyo ko noon para kay Dhenna.
Tama, masama ang maging mistress totoo man iyon o paratang lang.
“Ayoko!” saglit ay matatag na sagot ko na nang nakapagdesisyon ako na mas gusto ko pa ring linisin ang pangalan ko kaysa ang tanggapin ang dalawang milyon………