Chapter 1

2473 Words
"SAAN ka ba galing ikaw na bata ka!" mabilis akong sinalubong ni Nanay at pinunasan ang aking likod ng tuyong tuwalya. "Nay, ano ba naman 'yan hahaha! Bente anyos na ako, ginagawa n'yo parin akong bata? Hahahaha! Tsaka ito nga po pala.." dinukot ko sa bulsa ko ang aking kinita kanina mula sa paglalako ng suman. "Ang bilis naman ikang maubos? Ano bang ginawa mo?" natatawang ani ni Nanay habang iginigiya ako papasok ng bahay. "Syempre nay, dinaan ko lang sa karisma at ganda ko ang lahat ng bumibili kaya ayon dinadamihan nila ang bili." pagmamayabang ko pa at natawa naman si Nanay. "Ikaw talagang bata ka. Kung ano-ano ang nalalaman mo. Oh siya, kumain ka muna at ipaghahanda kita." Ani niya at nagderetso sa kusina. Mabilis naman akong umupo sa hapag habang nakangiting pinagmamasdan si Nanay. "Nay, kaninong bahay nga po pala itong tinitirhan natin ngayon? Naririnig ko kasi sa mga kapitbahay na patay na raw ang may-ari nito?" tanong ko at mabilis na napatingin sa akin si Nanay. Agad na nag-iba ang awra niyang kanina lang ay maliwanag. "Hay naku anak, huwag kang magpapani-paniwala sa mga sabi-sabi. Ang may ari ng bahay na ito ay nagta-trabaho sa ibang bansa. Babalik din iyon dito at uuwi na tayo sa isla." sagot naman ni Nanay at tumango nalang ako. Nakangiti niyang inilapag sa harap ko ang pagkain saka siya tumabi sa akin mula sa pagkakaupo. Naramdaman kong marahan niyang hinaplos ang buhok ko at inilagay sa likod ng aking tainga ang mga hibla nito. "Sigurado ka bang sasama ka sa akin sa pagbalik sa isla, anak?" tanong niya at agad naman akong napatitig sa kaniya. "Oo naman nay, hindi kita pwedeng pabayaan na mag-isa roon. Lalo na ngayong wala na ang tatay." malungkot na usal ko. Namatay kasi ang tatay dahil sa sakit sa puso kaya kami ay nagpunta rito sa Maynila upang maipagamot sana siya kaso hindi na naagapan pa. Naipalibing na rin namin siya agad pagkatapos dahil wala kaming perang maisasaludar sa pagpapaburol sa kaniya. "Ang mga totoo mong mga magulang anak? Wala ka bang planong hanapin sila?" mabilis na namuo ang katahimikan sa pagitan namin ni Nanay. Hindi ko inaasahan ang tanong niya. Malimit niya akong tanungin tungkol sa mga magulang ko. Sunod-sunod ang naging pagbuntong hininga ko dahil hindi ko rin malaman ang isasagot sa tanong niya. "Bakit ko naman sila hahanapin?" animo'y natatawa kong sabi pero agad ring namuo ang luha sa mata ko. "Limang taon na pero hindi man lang ako hinanap." dagdag ko pa saka pilit na ngumiti at sumandok ng kanin. Pinipigulan ko na lamang ang pagtulo ng luha ko. "Ano ba naman 'yan Nay, ang drama natin ah? Basta ako buo na ang desisyon ko na samahan ka pabalik sa isla." sabi ko saka mahigpit na niyakap ang nanay mula sa tagiliran. Napangiti siya at muling hinaplos ang buhok ko. "I love you, Nay!" ---- "WOAH! Nay, ang yayaman pala ng mga Almazan no? Akalain mo nay may dalawampu't isang kumpanya sila mula sa iba't ibang bansa?" namamangha kong sabi habang tinutulungan siyang magkuskos ng mga labahan. "At saan mo naman narinig ang mga bagay na iyan?" tanong ni Nanay. "Kina Aling Fatima po, may telebisyon kasi sila sa bahay nila at sobrang astig nay! Ngayon langa ako nakakita ng ganoon sa personal. Yung mga nababasang kwento sa libro makikita mo roon sa pamamagitan ng pelikula. Artista pala tawag sa mga gumaganap doon, sana balang araw magkaroon din tayo. Dadalhin natin sa isla para makapanuod sina Kuya Boyet at Ninong Kiko." kwento ko pa at natatawa nalang siyang ginulo ang buhok ko. "Oh siya mamaya na muna iyang kwentuhan nang matapos natin itong paglalaba. Lilinisin pa natin ang buong bahay." sabi ni Nanang at tahimik naman akong napangiti. --- "NAY ito ba 'yong may-ari nitong bahay?" tanong ko at inilabas pa iyong litrato na nakuha ko sa isang kahon na nasa itaas ng malaking aparador. "Ang ganda niya." manghang usal ko habang pinakatitigan yung larawan. Nakita kong may sulat na nakalagay sa likod nito at nalaman kong Celestine pala ang pangalan niya. Kay gandang pangalan. "Nakung bata ka. Huwag mo iyang pakikialaman. Malalagot tayo kay Selda niyan." tukoy ni Nanay sa tagapangalaga nitong bahay na nagpatuloy sa amin dito ng pansamantala. Mabilis ko namang ibinalik 'yong litrato sa kahon 'tsaka ito inayos mula sa pagkakalagay. Bumaba ako mula sa pagkakapatong sa silya nang may mahulog sa sahig. Agad ko itong pinulot at ibinalik mula sa pagkakadikit sa aparador. Isasara ko na sana ang malaking aparador na nasa harap ko nang may mapansin akong nagkalat na dyaryo sa pinaka-ilalim. Napailing at napakamot nalang ako dahil pagod na ako at gusto ko nang magpahinga. Ngunit kilangan kong tapusin itong paglilinis bago pa dumating si Tiya Selda. Kinuha ko ang mga dyaryo at ikinalat ito sa sahig upang ayusin ang pagkakatupi. [Eroplanong sinasakyan ng mga Almazan, sumabog. Labing-walo patay.] Labing-walo ang patay matapos bumagsak ang pribadong eroplano ng mga Almazan sa malawak na karagatan ng pasipiko kaninang umaga. Kasama rito ang buong pamilya ng Almazan at iilang mga katulong at kasamahan nila sa trabaho. Hanggang ngayon ay hindi parin matukoy ng mga opisyal kung ano ang dahilan ng insidente. Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng ating search and rescue team ang mga nawawalang katawan ng biktima. Agad na nagsalubong ang kilay ko nang mabasa ang pahina sa dyaryo na hawak ko. P-Patay na ang mga Almazan? Tinignan ko kung anong taon inilathala ang balita at nakita ko sa may bandang kanan sa itaas nito ang petsa: July 03, 2016. Matagal nang patay ang mga Almazan? Kung ganoon, bakit sila parin ang laman ng balita hanggang ngayon? Agad kong binasa ang artikulo na nasa ikalawang pahina. Nakapaskil naman sa ikaapat na pahina ng dyaryo ang mga larawan ng mga namatay sa pagsabog. Habang pinagmamasdan isa-isa ang mga larawan ng nasawi ay natigilan ako sa isang litrato na aking nakita. A-Ako ba ito? Kumabog nang mabilis ang dibdib ko habang pinagmamasdang maigi ang litarto ng isang bata sa dyaryo. Mas lalo ko pa itong inilapit sa mukha ko para siguraduhin ngunit agad akong nalaramdam nang matinding sakit ng ulo— "Pasabugin mo ang eroplano. Lipulin mo ang lahat ng nakasakay rito." "Hindi ko gugustuhing may makaligtas ni isa sa kanila. Patayin ang mga Almazan." "D-Dad please, huwag na tayong tumuloy sa US." "No Dad, may masamang mangyayari. Pakiusap, pakinggan ninyo ako!" "Let's go. Wala na tayong oras pa." "Mom bumaba na tayo. Huwag na tayong tumuloy." "What's happening with you? Hindi na tayo maaaring bumaba pa, Elizabeth. Paalis na ang eroplano." "Please! Please stop this plane right now!" "I said stop this plane!" "A-Ano ang nangyayari? Jusko!" "May naglagay ng bomba!" "Mom! Dad!—" Agad akong napatakip sa tainga ko nang sunod-sunod na bumalik sa isip ko ang tunog ng pagsabog ng eroplano. Naramdaman ko na parang bumagsak sa ere ang katawan ko. Binalot ng lamig ang katawan ko. Pakiramdam ko ay lumulutang ako sa tubig. Sa takot ko ay sunod-sunod ang naging pag-iyak at hagulhol ko. Nanginig ang aking mga tuhod at hindi ko alam kung saan galing ng mga tunog na naririnig ko mula sa aking tenga. May mga boses ng tao, tunog ng makina, sigawan at iyakan. May mga pumapasok sa isip kong mga pagmumukha ng mga tao na hindi ko maalala kung sino pero parang kilala ko sila. Pakiramdam ko kilala ko sila... Agad kong niyakap nang mahigoit ang aking mga nanginginig na tuhod, takip-takip ang tainga at nakapikit ang mga mata habang sunod-sunod ang pag-agos ng luha sa aking mga pisngi. "Mom.. D-Dad... Y-yaya Lucy." bigla ay wala sariling usal ko. 'Elizabeth!' 'Hindi ba't kakasabi ko lang sa'yo na huwag kang makikipag laro sa mga batang kalye? Napakatigas ng ulo mong bata ka, malalagot ako nito kay Madam eh.' 'Yaya, hindi ka naman pagagalitan pag 'di ka magsusumbong.' 'Hay naku! Hindi ko talaga alam kung saan ka pinaglihi. Oh, siya pumasok ka na at maligo. Napakadungis mo.' Habol-habol ko naman ang aking hininga habang pilit inaalis sa isip ang mga pumapasok na eksena sa isip ko. Paulit-ulit ang naging pag-iling ko. Ano ito? Ano itong mga naaalala ko? "A-Ako si Elizabeth Natasha Almazan?" Agad akong napalingon sa aking gilid at tumama ang titig ko sa aking repleksyon sa malaking salamin na nakadikit sa aparador. Bakas parin ang takot sa mukha ko ngunit ang aking buong sistema ay nabalot ng mga tanong at pagtataka. Sino ba talaga ako? "Oo ikaw si Elizabeth Almazan." Agad kong inilibot ang aking paningin nang marinig ang isang boses na umalingawngaw sa buong silid. Agad akong napasigaw sa takot nang sunod-sunod na magsisarahan ang mga bintana at pinto ng silid. "S-Sino ka!" sigaw habang inililibot parin ang paningin. Wala akong makitang tao sa loob. Sino ang naririnig ko? Muli akong napatakip ng tenga at paupong umatras hanggang sa naramdaman kong tumama ang aking likod sa malamig na pader. Napasigaw nalang ako nang may lumitaw na repleksyon ng isang babaeng nakaputing bestida sa salamin. "Ikaw si Elizabeth Natasha Almazan." usal nito habang diretsong nakatitig sa aking mga mata. Hindi ko naman maipaliwanag ang malamig na hangin na bumalot sa buo kong katawan. Nanlaki ang mata ko nang dahan-dahang lumabas mula sa salamin ang babae at nakangiti itong naglakad palapit sa akin. Walang saplot ang kaniyang mga paa at napakadungis pa ng kaniyang itsura. "Ang mga Hidalgo ang pumatay sa magulang mo." dagdag niya pa. Sa tono ng oananalita niya ay mararandaman mo ang natinding galit. Kahit ang pagbigkas niya ng salitang Hidalgo ay may diin. H-Hidalgo? Muli ay nakaramdam ako ng mas matinding kaba sa sistema ko. P-Pamilyar sa akin ang mga Hidalgo. Sino sila? Nag-angat ako ng tingin sa babaeng nasa harap ko at nakakakilabot ang mga ngiting ipinapakita nito sa akin— "Pasabugin mo ang eroplano. Lipulin mo ang lahat ng nakasakay rito." sigaw ng isang lalaki habang may kausap sa telepono. "Hindi ko gugustuhing may makaligtas ni isa sa kanila. Patayin ang mga Almazan." Napaatras ako sa aking narinig at ganoon na lamang ang gulat ko nang matabig ng aking siko ang plorera na nakapatong sa mesa. Agad itong nahulog sa sahig at umalingawngaw ang malakas na pagkabasag nito sa buong silid. Mas lalo akong binalot ng kaba nang mapatitig sa akin si Tito Manuel saka dahan-dahang ibinaba ang telelepono na nasa kaniyang tainga. Napaatras ako nang nakangisi siyang naglakad palapit sa gawi ko. "T-Tito.." nauutal kong sabi habang patuloy parin sa pag-atras. Naramdaman kong tumama sa mesa ang likod ko dahilan upang mas balutin ako ng kaba. "Narinig mo ba ang lahat?" nakangisi nitong sabi sa akin at nang makalapit ay hinawakan ng mahigpit ang mukha ko. Agad akong umiling habang patuloy sa pag-uunahan ang aking mga luha. Nagulat ako nang bigla siyang bumulalas ng tawa. Umalingawngaw sa buong silid ang nakakatakot niyang tawa. Patapon niyang binitawan ang mukha ko at saka nakapamulsa akong tinignan. "Bukas ang pinto." nakangiti niyang usal sabay turo sa pinto 'di kalayuan sa kinatatayuan namin. "Sige. Magsumbong ka sa tarantado mong Ama." Nakangiting usal nito saka ako tinalikuran. Muli akong napailing sa mga senaryong pumapasok sa utak. Saan galing ang mga ito? Totoo ba talagang isa akobg Almazan? A-Ako si Elizabeth? Muli akong nag-angat ng tingin sa babaeng nasa harap ko. "S-Sino ka?! P-Paano mo nakilala ang mga Hidalgo!" sigaw ko at ngumiti naman siya ng pagkatamis-tamis sa harap ko na para bang may isang bagay na masayang inaalala. Humakbang pa siya palapit sa akin saka umupo upang magkapantay ang mga mukha namin. Pinilit ko pang unatras kahit pader na ang nasa likod ko. Nagsitayuan bigla ang mga balhibo ko nang bumalot sa silid ang napakalamig na hangin. Nakasara ang mga bintana, saan nanggaling ang hangin? "Ako si Celestine Sandoval-Hidalgo." mataman na usal niya at napapikit naman ako nang haplusin niya ng kaniyang daliri ang pisngi ko. N-Napakalamig ng kaniyang daliri. Doon ko lang napagtanto sa malapitan na ang napakadungis niyang suot ay nababalot pala ng dugo at putik. Hindi ako nakapagsalita at pakiramdam ko ay nanigas ang aking katawan sa kaniyang ginawa. "Dating asawa ni Emmanuel Hidalgo." dagdag pa nito ngunit, unti-unting nagbago ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Napalitan na naman ito ng matinding galit. Hindi lang basta galit kundi matinding poot. Kung kanina ay napakaamo nitong tignan, ngayon ay para na itong demonyo na galit na nakatingin sa mga mata ko. Nanlilisik ang kaniyang mga mata at nakakakilabot ang kaniyang mga ngiti. Gusto kong sumigaw at humingi ng tulong ngunit walang boses na lumalabas sa aking bibig. Nanatili lang itong nakaawang at pinagmamasdan siya sa harapan ko. "Walang awa niya kaming pinatay ng anak ko." bigla ay naging malungkot ang kaniyang boses. Nangilid ang mga luha sa mata niya. Nakita kong pasimple siyang humawak sa kaniyang tiyan na sinundan ko ng tingin. "Sinaktan, binugbog at inilibing ng buhay." dagdag niya pa at ayun na naman ang malamig na hangin na bumalot sa buong silid. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa harap ko at nandoon parin ang galit sa kaniyang mukha. "Pareho tayong pinaglaruan ng mga Hidalgo, Eliz." dagdag pa niya. "At gusto kong maghiganti!" sunod-sunod na lunok ang nagawa ko nang tumitig siya sa akin. Muli siyang lumapit sa akin at inilahad ang kamay niya sa harap ko. Nagtaka naman akong tiningnan ang kamay niya at nakita kong tumango siya na agad ko namang naintindihan ang ibig sabihin. Nanginginig man ay inabot ko ang kamay ko sa malamig niyang kamay na nakalahad saka ako marahang hinila patayo mula sa pagkakasalampak sa sahig. Iniharap niya ang sarili ko sa malaking salamin na nasa aparador. Marahan akong naglakad palapit sa repleksyon ko. Nakakatakot sapagkat repleksyon ko lang ang nakikita ko rito. Hindi ko makita ang repleksyon niya sa salamin. Naramdaman kong muli ang kamay niyang hinahaplos ang buhok ko. "Hayaan mo akong ipaghiganti kita sa mga Hidalgo." sabi niya at agad naman na nagsalubong ang kilay ko. "A-Ano ang ibig mong sabihin?" kinakabahan kong tanong at ayun na naman ang nakakatakot niyang ngiti na para bang isang nakakakilabog na ideya ang naglalaro sa isip niya "Hayaan mo akong gamitin pansamantala ang katawan mo at ipapangako ko sa iyo na sa oras na umalis ako ay nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng pamilya mo." Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa mga sinabi niya sa akin. Dahan-dahang lumabo ang paningin ko nang maramdaman kong dumampi ang kamay niya sa may bandang puso ko. Naramdaman ko nalang ang mainit na pakiramdam na bumalot sa buo kong katawan. Para akong pinapaso at at binabalot ng umaalab na apoy. Hindi ako makahinga ng maayos pakiramdam ko ay iniipit ang katawan ko. Pakiramdam ko ay sumikip ang silid. Wala akong hangin na nalalanghap. "Maghihiganti tayo Elizabeth. Maghihiganti tayo." Namalayan ko nalang na bumagsak ako sa sahig at narinig ang malakas na pagbukas ng pinto ng kwarto. "Yuna! Anak!"

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD