Sa Gubat ng Hiwaga

1980 Words
Chapter 2: Sa Gubat ng Hiwaga ............... Matapos kaming mananghalian ay naglakad lakad na muna ako sa paligid. Kahit na tanghali na ay hindi masyadong mainit. Ito ang kagandahan dito sa probinsya. Habang naglalakad ako, napatingin ako sa direksyon ng gubat. Parang may kung anong pwersa dito na humihila sa akin. Hindi ko maintindihan ang aking sarili pero gusto kong pasukin ang gubat. Bumalik ako sa bahay para kumuha ng ilang damit, pagkain at ilang kagamitan na maari kong gamitin kung madadatnan ako ng gabi sa loob ng gubat. Alam kong pinagbabawalan ako ni lolo na pumasok doon pero mas namayani ang aking kuryusidad kung ano ba talaga ang makikita sa loob nito. Lumabas ako ng aking kwarto at nadatnan ko si lola na abala sa pagbuburda. Tinanong ko siya kung nasaan si lolo at sinabi niyang nasa sakahan daw siya. Sakto naman para makatakas akong makapasok sa gubat kahit na saglit lamang. Nagpaalam ako kay lola dala ang isa kong bag na mamasyal lamang sa bayan. Pinayagan naman niya ako at sinabi pa niyang pasasahan niya ako sa isa naming driver ngunit tumanggi na lamang ako. Lumabas ako ng bahay at agad na naglakad patungo sa gubat. Hindi naman masyadong delikado ang daanan dahil may nakikita naman akong dinadaanan ng tao na pinagtaka ko. Kung walang pumapasok dito, bakit may daan patungo dito? Niloloko lang yata ako ni lolo sa mga kwento niya eh. Wala pang dalawangpong minuto ay nakarating na ako sa bungad ng gubat. Parang karaniwan lang naman itong gubat. Wala namang kakaiba. Wala rin akong nararamdamang takot. Napabuntong hininga na lamang ako at nagpatuloy na sa paglalakad papasok ng gubat. Sa pagpasok ko, biglang umihip ang malamig na hangin. Napatingin ako sa mga puno na sumasayaw pa ang mga dahon ng mga ito. Ang sarap sa pakiramdam kaya napapikit na lamang ako. Sa pagdilat ko, nagulat na lamang ako ng mapansin kong parang may kakaiba. Nagpaikot ikot ako ng aking paningin at napagtanto kong nakapasok na ako ng tuluyan sa gubat. Hindi ko alam kung paano nangyari yun pero inisip ko na lamang na baka hindi ko lang naramdaman na pumapasok na pala ako sa gubat. May mga naririnig akong mga huni ng ibon habang naglalakad ako. Hindi pa rin nawawala ang lamig ng simoy ng hangin kaya parang hindi ko ramdam ang pagod ko sa paglalakad. Mga ilang minuto pa ang aking paglalakad nang makarinig ako ng lagaslas ng tubig. Nagmamadali akong sundan ito dahil alam kong may isa dito na yamang tubig. Hindi nga ako nagkamali ng bunungad sa akin ang isang talon. Medyo malaki ito at ang tubig ay sobrang linaw. Kumakaway ang tubig sa akin na para bang gusto niya akong maligo. Hindi rin ako nakapagpigil at ibinaba ko ang aking bag sa lupa at tinanggal ang aking sapatos at naglakad patungo sa may tubig. Malamig ang tubig. Kahit na ang paa ko lamang ang nadadampihan nito. Pakiramdam ko ay narerelax ang buo kong katawan. Napapikit ako ng aking mga mata at dinama ko ito. Sa pagbukas ng aking mga mata ay parang may nakita ako sa kabilang pangpang. Isang pigura ng tao. Pinagmasdan ko ito ng maigi para makita ang kanyang mukha. Hindi naman ako nabigo at nakita ko na nakangiti siya sa akin. Ngayon, napagtanto kong gawa gawa lamang ni lolo ang mga kwento niya tungkol dito sa gubat. Ilang saglit pa ay gumalaw ang lalaki. Nagmadali akong pumunta sa pangpang at kinuha ang aking mga gamit. Pagkatapos ay patakbo kung tinahak ang daan patungo sa kabila. Nang makarating ako ay hindi ko na siya nakita pa. Siguro ay abala siya sa kung ano man ang ginagawa niya dito kaya umalis na lang siya bigla. Napabuntong hininga ako ng malalim at nagpatuloy na naman sa paglalakad. Wala namang talagang kakaiba dito sa loob ng gubat. Pangkaraniwan lamang. Kung ano ang nakikita sa iba ay nakikita rin dito. Habang naglalakad ako, nakakaramdam ako ng presensya mula sa aking likod. Tumigil ako sa paglalakad at lumingon sa aking likod pero wala naman akong nakita kahit na ano. Baka guni guni ko lamang ang nararamdaman ko. Nagpatuloy ako sa paglalakad at medyo nakakaramdam na rin ako ng pagod at gutom. Naghanap ako ng pwedeng mapagpwestuhan na agad naman akong nakakita. Dali dali akong pumunta sa isang lilim ng isang malaking puno. Umupo ako sa malalaking ugat nito at binuksan ang aking bag na dala. May dala akong tubig at ilang makakain tulad ng tinapay at mga junkfoods. Kumuha ako ng isang supot ng junkfood at tubig at nagimula nang kumain at magpahinga. Matapos akong makakain ay muli na namang akong tumayo. Sa pagtayo ko, biglang tumaas ang aking balahibo dahil nakaramdam ako ng paghawak sa aking balikat. Dahan dahan akong lumingon kung sino man ang nakahawak sa aking balikat at nakita ko ang lalaki kanina sa may talon. Nakangiti siya sa akin. Napagmasdan ko ang kanyang itsura at nagtataka ako sa aking nakikita. Nakaputi lamang siya mula sa damit hanggang sa kanyang short pero ang pinagtaka ko ay nakapaa lamang siya. "Ano ang kailangn mo, tol?" Tanong ko sa kanya. Nakangiti lamang siyang nakatingin sa akin at hindi ako nito sinagot. Naramdaman ko naman na bumababa ang kanyang kamay mula sa aking balikat papunta sa aking leeg. Dahil nagulat ako sa kanyang ginagawa ay napaatras ako bigla na nagdahilan para makalayo ako ng kaunti sa kanya. Dahandahan siyang lumapit sa akin. Hindi ko alam pero sa kabila ng kanyang mga ngiti ay nakakaramdam na ako ng takot kaya napapaatras ako habang papalapit siya sa akin. "Anong kailangan mo?" Medyo may takot na sa aking boses ng tanungin ko muli siya pero patuloy pa rin siya sa paglalakad palapit sa akin. Dahil hindi ko nakikita ang aking likod, natalisod ako na nagdahilan para mapaupo ako sa lupa. Nakikita ko ang pagngisi niyang. Parang nagbabadya ng isang hindi magandang pangyayari. Nakatayo siya sa aking harapan. Suminglot siya at napapikit pa. Ilang saglit pa ay nagsalita ang lalaki. "Ang sarap mo!" Sambit niya na pinagtataka ko. "A-anong sinasabi mo? Sino ka ba? Ano ang kailangan mo?" Nagtataka at natatakot kong tanong sa kanya. Ngumisi lamang siya sa akin at yumuko. Sa isang iglap ay bigla niyang hinawakan ang aking damit at pinatayo. Nakakaramdam na ako ng takot sa kanyang ginagawa. Para bang hindi siya pangkaraniwang nilalang. "Bakit? Anong gagawin mo sa akin!" Kahit na natatakot ako ay pilit ko pa ring maging matapang sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang gagawin niya sa akin pero may kakaiba. Napagmasdan ko ang kanyang mukha. Ang kanyang kilay ay medyo makapal, ang mga mata na kay itim, ang ilong niyang matangos ang labi niyang mapula. Ilang saglit pa ay naramdaman kong hinaplos niya ang aking leeg. Dahil sa kanyang ginawa ay nag-ipon ako ngblakas para tanggalin ang kanyang kamay na nasa aking damit. Nagawa ko naman ng maayos at lumayo sa kanya ng kaunti. Nakatayo siyabsa aking harapan habang nakatitig sa akin. "Hindi ka makakatakas sa akin." Sabi niya na pinagtaka ko. Dahan dahan akong kumilos patalikod sa kanya pero sa bawat hakbang ko ay humahakbang din siya palapit sa akin. Hindi pa rin nawawala ang pagngisi niya at sa hindi ko alam na dahipan, parang nagbabago ang anyo niya sa aking paningin. Tumataad na ang takot ko nang mapansin ang kanyang mga balahibo sa kanyang mga kamay. Sino ba itong lalaking to? Bakit nagbabago ang anyo niya? Mga tanong ko sa aking sarili. Ilang saglit pa ay biglang may sumigaw na isang tinig. "Lumayo ka sa kanya! Delikado siya!" Narinig kong sigaw. Dahil sa narinig ko ay tuluyan nang natakot ang aking pagkatao. Tumalikod ako sa lalaki at mabilis na tumakbo. Tumakbo ako ng matulin pero naririnig ko ang kakaibang pagtawa ng lalaki. Napalingon ako ng aking paningin at nakita ko siya tumatakbo rin na sinusundan ko. Inihagis ko ang bag na dala ko sa kanya habang tumatakbo. May isang tinig naman na nagsasabing bilisan ko pa dahil papatayin daw ako ng sumusunod sa akin. Ginawa ko naman ang sinabi niya. Wala akong pakialam kung saan ako pupunta basta ang alam ko ay dapat makalayo ako sa nilalang na sumusunod sa akin. Ilang saglit pa, dahil sa mabilis na pagtakbo ko ay hindi ko nakita ang isang ugat ng puno na nagdahilan para masubsuob ako sa lupa. Naramdaman ko na lang ang paghatak sa aking damit. Iniharap niya ako sa kanya at laking gulat ko na lamang nang makita ko ang kanyang anyo. Kung kanina ay para lang siyang tao, ngayon ay iba na. Mabalahibo na ang kanyang mukha, ang kanyang mata ay sobrang itim na, ang kanyang ilong na nagkorteng ilong ng aso at may mga malalaking pangil pa siya. Ano ang nilalang na ito? Nananaginip lang ba ako o totoo ang aking nakikita? "Sabi ko sayo, hindi ka makakatakas sa akin." Nakangisi niyang sambit sa akin. "Sino ka ba,ha? Ano ka? Ano ang kailangan mo sa akin!?" Kahit na matapang ang boses ko sa pagtatanong, nakakubli ang takot sa aking loob. "Amoy na amoy ko ang sariwa mong dugo, ang masasarap mong lamang loob. Matagal na panahon na rin noong huli akong nakatikim nito kaya hindi ko na sadayangin pa ang pagkakataon!" Sabi niya sa akin. Mas tumindi pa ang takot sa aking dibdib. Nagpupumiglas ako sa kanyang pagkakahawak. Sinisipa ko siya ngunit wala namang akong napala. Inaabot ko siya ng suntok pero parang hindi niya maramdaman. Ilang saglit pa ay bigla niya akong hinagis at tumama ang aking likod sa isang puno. Namilipit ako sa sakit dahil sa pagtama ng aking likod. Napaupo ako sa lupa at sa pag-angat ko ng aking ulo ay agad ko siyang nakita. Yumuko siya sa aking harapan at agad na pinunit ang aking damit. Naglabas pa siya ng dila ng makita niya ang aking katawan. Hindi ko alam pero sa nakikita ko ay parang takam na takam siya. "Akin ka na ngayon, masarap na pagkain!" Matapos niyang sabihin yan ay napadilat ako ng aking mga mata. Napatingin ako sa aking dibdib at nakita ang pag-agos ng dugo mula dito. "Ahhh!!" Sigaw ko dahil sa pagpilit niyang pinapasok ang kanyang kamay sa aking dibdib. Lumuluha na rin ang aking mga mata. Lumalabo na rin ito dahil sa sakit na aking nadarama. Ito na ba ang katapusan ko? Totoo ba ang nangyayari ngayon sa akin? Ilang saglit pa, naramdaman ko sa aking dibdib na parang may dinudukot siya. Hindi ko alam kung ano yun pero sa bawat paghugot niya ay bumubulusok ang dugo sa aking bunganga. "Huwag!!" Sigaw ko pa ng ubod lakas pero parang wala siyang narinig. Matapos akong mapasigaw ay nanghina na ang aking katawan. Nahihirapan na akong huminga at alam kong wala na, mawawala na ang buhay ko. Tama nga si lolo. Kung nakinig lamang ako sa kanya ay hindi ko sana dinadanas ito. Pero huli na. Nandito na ako at nararanasan ko na ang mga naranasan ng mga taong nagbalak na pumasok dito na hindi na nakalabas. "Bitiwan mo siya!" Huling mga salita na aking narinig bago ako tuluyang malagutan ng hininga at kasabay nito ang pagpikit ng aking mga mata. ......... Napadilat ako ng aking mga mata. Agad akong napabangon nang maramdaman ko ang lamig ng hanging tumatama sa aking katawan. Gabi na pala. Napatingin ako sa aking katawan at napansin kong wala akong damit pang-itaas. Nagbalik-tanaw ako sa mga nangyari kanina. Agad akong napahawak sa aking dibdib nang naalala ko ang ginawa ng nilalang sa akin kanina. Napatingin ako dito pero wala akong makita. Kung ano ang katawan ko noong pumasok ako ay ganun din naman ngayon. Wala akong sugat o kahit na galos man lang. Totoo ba ang nangyari kanina o panaginip lang? Pero ang pinagtataka ko, nasaan na ang aking damit? Bakit ako napapunta rito sa labas ng gubat? Napailing na lamang ako at tumayo na mula sa kinalalagyan ko. Kinuha ko ang aking bag at naglakad na pauwi sa amin. ............
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD