Molen's POV
Tirik na ang araw pero gising pa rin ako. Nakaharap pa rin ako sa harap ng computer ko habang naglalaro ng games. Ganito ako kapag walang pasok. Sinusulit ko ang paglalaro dahil inaabangan din ng mga tagasunod ko sa social media account ko ang mga live streaming ko.
At dahil umaga na at paunti na ng paunti ang mga nanunuod sa akin ay naisipan ko nang magpaalam na sa kanila. Konting-konti na lang kasi ay babagsak na ang mata ko.
"So, paano, guys? Diyan na kayo. Umaga na rin. Sabay-sabay na tayong matulog at magpahinga. Abangan niyo na lang ulit ang aking live streaming sa susunod na sabado. Maraming salamat sa mga nag-send ng stars, nagtiyagang manuod at sumama sa pagpupuyat ko. Mahal ko kayo. Bye!" Agad kong pinatay ang aking live streaming. Pagkatapos niyon ay hinayaan ko na lang bukas ang computer ko at saka ako nahiga sa kama ko.
Bandang hapon na nang magising ako. Paglabas ko pa lang sa kuwarto ko ay sinalubong na agad ako ng mama ko nang nakakunot ang noo.
"Nagpuyat ka na naman! Napakatigas talaga ng ulo mo, Molen!" Sigaw nito sa akin. Sanay na ako sa kanya. Hinahayaan ko na lang siyang magalit dahil alam kong kalusugan ko lang naman ang inaalala niya. Tumatahimik na lang ako at hinahayaan siyang magsalita. Hindi naman ako palasagot sa magulang. Sobra ko siyang ginagalang. Siya na lang kasi ang mayroon ako. Wala na si papa. Kamamatay lang nito noong nakaraang taon dahil sa heart attack. Simula nang mawala si papa ay pinangako ko sa sarili ko na ako ang mag-aalaga kay mama. Mamahalin ko siya hanggang sa huling hininga ko.
Ang ginawa ko na lang para matigil ang pagbubunga ni mama ay tinatadtad ko siya nang yakap at sorry. Dahil doon ay kusa na lang siyang titigil. Aalis siya at papasok na lang sa kuwarto niya.
Ganoon pa man ay alam na alam ni mama kung paano ako paparusahan. Sa anong paraan? Simple lang naman. Hindi niya ako titiran ng ulam. Hahayaan niya akong magutom o magluto ng ulam para sa sarili ko. Kilala niya kasi ako na kahit anong lutong ulam ay hindi ko alam gawin. Magpirito nga lang ng itlog ay nasusunog ko pa e. Pero dahil sanay na ako sa ganoong gawain niya ay lumalabas na lang ako. Sa restaurant na lang ako kakain. Para saan pa ang kinikita ko sa live streaming kung magtitiis ako nang gutom.
Sa isang mamahaling restaurant ako kumain para makabawi manlang ang katawan ko sa puyat. Dadaanin ko na lang sa kain ang puyat ko para manumbalik ang lakas ko. Naglakad lang ako papunta sa makakainan ko. Kasama rin kasi sa parusa ko ang pagtago ni mama ng susi ng kotse ko. Ilang minuto akong naglakad bago ako nakarating sa restaurant na pagmamay-ari ng pamilyang De leon.
"Excuse me?!" tawag ko sa isang crew doon pag-upo ko sa isang lamesa doon. Mabilisang tingin kasi ang ginawa ko sa menu nila dahil nagugutom na ako.
Lumapit naman agad sa akin ang isang babae na todo ang ngiti sa akin. "Yes po, Mr. Molen?" Nabigla ako dahil kilala niya ako. Ganoon pa man ay nginitian ko na siya dahil alam kong isa siya sa mga followers ko sa pagiging live streamer ko.
"P-paano mo ako nakilala?" tanong ko pa rin sa kanya kahit alam ko naman ang sagot. Ngumiti siya na para bang kinikilig pa sa akin.
"Follower niyo po kasi ako sa social media niyo. Ang totoo nga niyan ay puyat ako dahil nanuod ako ng live niyo hanggang umaga. Ganoon ako ka-support sa iyo. Kahit may work ako ay nanunuod ako sa iyo," sabi niya kaya natuwa naman ako. Pero sinubukan ko pa rin kung nagsasabi siya ng totoo. Madalas ko kasing sabihin sa live ko ang palaging parusa sa akin ni mama kapag nagpupuyat ako. Titignan ko kung masasagot niya ako. Ako kasi iyong tao na madalang mamansin ng tao, lalo na kung hindi ko naman fans. Yes, medyo may pagkasuplado ako. Gusto ko minsan ay ako ang unang binabati ng tao.
"Kung totoo kitang tagasunod, anong ginagawa ko rito?" tanong ko sa kanya na agad naman niyang kinangiti.
"Alam na alam ko iyan. Ito ay dahil kagigising mo lang at wala kang nadatnang ulam sa bahay niyo. Naparusahan ka na naman ng mama mo dahil nagpuyat ka kagabi," sagot niya kaya napahanga na niya ako. Pinalakpakan ko siya dahil doon. Ang weird noh? May pagkasuplado ako pero kapag natuwa naman ako sa isang tao ay mabilis akong mapapatawa. Tulad ngayon, natuwa ako sa babaeng ito dahil totoo nga ang sinasabi niya.
"Legit. Isa ka ngang tagasunod ko. Solid ka. Salamat sa support. Napatuwa mo ako. Dahil diyan ay isa-shout out kita sa next live ko. Ibigay mo sa akin sa papel ang buong pangalan mo at isa-shout out kita," sabi ko sa kanya kaya tuwang-tuwa naman siya.
Nagpalitan kami ng papel. Ibinigay ko sa kanya ang papel na nakalagay ang mga order ko at ibinigay naman niya sa akin ang papel na nakasulat ang buong pangalan niya. Pagkatapos niyon ay masaya siyang pumunta sa kitchen nila para ihanda na ang pagkain ko.
Isinilid ko sa bulsa ko ang papel niya para hindi iyon mawala.
Habang naghihintay ako sa pagkain ko ay nag-cellphone na muna ako. Bumungad sa timeline ko ang isang viral na video ngayong araw. Pinindot ko ang play niyon. CCTV footage iyon sa isang bahay na malapit sa tulay ng matictic ibayo. Napailing ako nang mapanuod ko roon ang isang lalaki na nagja-jogging na nahagip ng isang malaking truck. Kitang-kita sa video ang paglipad nito nang malakas kaya napunta ang lalaking iyon sa ilog. Doon pa lang ay alam ko nang hindi siya mabubuhay. Bitin nga lang at hanggang doon lang ang video. Nakulangan ako. Gusto kong alamin ang nangyari sa kanya sa dulo. Namatay kaya ito o nabuhay?
Para malaman ko ang sagot ay nagbasa ako ng mga comments. Nanlaki ang mata ko nang mabasa ko ang pangalan ni Czedric Libao. Kilala rin ang isang iyon. Sikat ito na basketball player sa school namin. Matunog din ang pangalan niya sa social media. Napanganga na lang ako nang mabasa ko sa mga comment doon na ayos pa raw ito at naitakbo na sa hospital. Inaasahan kong bali-bali ang buto o comatose siya pero hindi. Mali ako. Ang bali-balita pa sa comment section ay tulog lang daw ito at walang problema sa kahit na anong parte ng katawan niya. Kahit sugat nga raw ay wala rin e.
Himala. Oo, himala ang nangyari sa kanya. Napapailing na lang tuloy ako.
Nang dumating na ang mga pagkain ko ay binilisan ko ang pagkain ng mga iyon dahil may mga project pa akong gagawin pag-uwi. Pagkatapos kong kumain ay naisip kong dumaan sa isang school supplies dahil kailangan ko ng watercolor para sa isang project ko. Dumaan ako kay Aling Bebe para bumili niyon.
Palabas na ako sa school supplies ni Aling Bebe nang marinig kong may sumabog na kuryente sa itaas nang tinatayuan ko. Saktong pagtingala ko ay may isang kable ng kuryente na naputol na biglang tumama sa akin. Animoy para ahas iyon na pumulupot sa leeg ko.
Isang malakas na bultahe ng kuryente ang naramdaman kong pumasok sa katawan ko. Dinig na dinig ko ang sigawan ng mga tao. Dahil sa pangingisay ko ay nabitawan ko na lang kusa ang supot na hawak ko na may laman na water color.
Naisip ko na agad na hindi na ako mabubuhay dahil sobrang lakas ng bultahe ng kuryente sa katawan ko. Pakiramdam ko nga ay naluluto na ang mga organ ko sa katawan. Unti-unti na ring lumalabas sa bibig ko ang dugo na parang galing sa lungs ko. Naninikip na rin ang dibdib ko. Iba na ang paningin ko. Tulala na ako. Nagpa-ubaya na lang ako sa kuryente dahil wala na rin naman akong magagawa. Wala ring maitulong ang mga tao sa akin dahil takot din silang makuryente.
Iyak. Naiyak na lang ako. Gusto ko sanang makita manlang ang mama ko bago ako bawian ng buhay pero wala siya roon. Imposibleng mapunta siya roon dahil madalang siyang pumunta sa palengke. Kadalasan kasi ay ang mga kasambahay namin ang namimili sa palengke ng mga kailangan namin sa bahay.
"Kilala ko iyan, si Molen iyan na sikat na live streamer."
"Hala, kawawa naman."
"Tulungan niyo siya!"
"Ang bata pa niya. Hindi na iyan mabubuhay!"
"Wala na iyang ligtas. Kawawa naman!"
Iyan ang mga huling salitang na nadinig ko bago ako malagutan nang hininga. Pumikit na lang ako nang kusa dahil pagod na ako. Luto na ang buong leeg at ulo ko sa lakas ng bultahe ng kuryente. Nang sa wakas ay kusa nang natanggal sa leeg ko ang kable ng kuryente ay bumuwal na lang ako kusa sa kalsada. Kitang-kita nang lahat ang pagkamatay ko.
Idinilat ko ang mata ko noon dahil gusto ko sanang makita ulit ang mundo bago ako mamaalam. Imbis na ang mga tao ang mapansin ko na nakatingin sa akin ay bigla akong nakakita ng isang maliwang na bato na nakalutang sa hangin na ang kulay ay berde.
Kahit hinang-hina na ako ay sigurado ako sa nakikita ko. Nang una ay naka-steady lang iyon sa hangin. Pero nang ipipikit ko na ang mata ko para mamahinga na ay nakita kong bumulusok pababa ang batong iyon na kitang-kita ko at ramdam na ramdam ko na lumusot sa katawan ko. Dahil doon ay muling napadilat ang mata ko.
Naramdaman kong may kung anong lakas na pumasok sa katawan ko. Kasing bilis ng kidlat ang biglaang pagbalik nang lakas sa katawan ko.
Dahil doon ay nakaya ko nang tumayo. Nagulat ako dahil hindi ko inaasahang mabubuhay pa ako. Kahit ang mga taong naroon ay nanlalaki rin ang mata at bibig dahil nagulat din sila na nagawa ko pang tumayo pagkatapos akong makuryente nang matindi.
Inikutan ko nang tingin ang mga tao. Himala. Himala ang nangyari sa akin. Naisip ko tuloy si Czedric. Mukhang gaya niya ay sinuwerte rin ako. Pero malakas ang kutob ko na dahil sa batong kulay berde na pumasok sa katawan ko kaya ako nakaligtas. May hiwagang dala ang batong iyon. Sigurado ako roon.
"Anak, Molen?!" tawag sa akin ni mama na dala-dala ang mukha niyang nag-aalala sa akin. Dumating siya. Sobra akong natuwa. Naiyak ako at saka tumakbo palapit sa kanya.
Sakto naman nang yakapin ko siya ay biglang nagdilim ang paningin ko. Sa balikat na niya ako tuluyang nawalan ng malay-tao.