PROLOGUE
"YOU ARE DISGRACE TO THIS FAMILY! You ruined the traditional method of our ancestors!" sigaw ng matandang Police Lieutenant General Vincent Parker sa kanyang anak na lalaki.
Ang asawa naman nito ay nakaalalay sa kanya at hindi rin siya nito maawat mula sa pagwawala.
Kasalukuyan silang nasa living room ng kanilang mansion kasama ang dalawang babaeng may kanya-kanyang karga na sanggol.
Kapwa umiiyak ang dalawang babae. Ang isa ay nagmamakaawang panagutan sila ng kanyang anak habang ang isa naman ay tahimik na umiiyak at ni isang salita ay walang lumabas mula sa kanyang bibig. Nanatili lang itong nakatitig sa kanyang kargang sanggol.
Hindi nakasagot si Liandrake na nag-iisang anak ni Lieutenant General. Nanatili lang ding nakayuko ang ulo niya habang nahihirapang mamili sa dalawang babaeng magkasabay na dumating sa kanyang buhay at sabay niya ring minahal.
Nahihirapan siyang magdesisyon, lalo na at pareho din siyang nagkaanak sa dalawang babaeng ito.
"You need to decide immediately! Isa lang ang kailangan mong piliin! I will not allow you to defile our family like this! You have to choose one only!" sigaw muli ng Heneral na sobra ang galit sa kanyang anak.
Siya pa lamang kasi ang natatanging sumuway sa tradisyon ng kanilang ninuno na tanging sa iisang babae lang maaaring magkaanak at isang babae lang ang maaaring pakasalan sa buong buhay nito.
Ito ay nagpasalin-salin hanggang sa makabagong henerasyon. Hanggang sa dumating na ang panahong ito, na meron ng sumuway nito. Walang iba kundi si Liandrake Parker.
Biglang tumayo ang babaeng kanina pa walang imik.
"Hindi na po niya kailangang mamili pa, mahal na Heneral. Kami na lang po ang aalis upang hindi na mahirapan pa si Liandrake. Patawad po sa kaguluhang ibinigay namin ng aming anak. Makakaasa po kayong hindi niyo na po kami makikita pa kahit na kailan. Patawad po, aalis na po kami," lumuluhang pahayag ng babae.
Nakakailang hakbang pa lamang siya palabas ng mansion nang tawagin siya ni Liandrake, "T-tracey."
Huminto naman ang babae at humarap sa kanya. Ngumiti ito sa kanya habang may luhang bumabagsak sa kanyang mga pisngi.
"Paalam," mahina nitong ani at tuluyan nang tumalikod karga ang kanyang sanggol.
"Dad," tawag ni Liandrake sa kanyang ama na tila humihingi ng saklolo.
"Tomorrow, we will announce to the public your upcoming wedding with that woman. And that is final!" malakas na saad ng Heneral bago ito tumalikod at umakyat sa ikalawang palapag ng mansion.
Naiwan siyang tulala kasama ang isa pang babaeng naiwan, si Cecil. Ang mommy naman niya ay nailing na lang at sinundan ang asawa nito.
"O-okay lang kahit para lang sa bata kung pakakasalan mo 'ko. H-hindi na ako maghahangad pa ng higit pa doon," naiiyak na saad ni Cecil habang karga ang isa pang sanggol. Pilit pinipigilan ang kanyang paghikbi.
Lumapit naman sa kanya si Liandrake at kinarga ang kanilang anak na lalaki.
"Anong gusto mong ipangalan natin sa kanya?" tanong niya kay Cecil habang ang paningin ay nakatuon lang sa kanilang sanggol. Kaagad naman itong nangiti sa tanong ni Liandrake.
"Ikaw na ang bahala," sagot niya habang nagpupunas ng kaniyang mga luha sa pisngi. Masaya siya dahil mukhang tanggap siya ni Liandrake bilang kanyang pakakasalan.
"Cedric, Ce from Cecil....and the half is from my name," saad niya at hindi niya mapigilang halik-halikan ang kanilang anak.
***
SAMANTALA...
Bumiyahe na ang mag-ina patungo sa malayong probinsya. Katulad ng ipinangako niya sa Heneral, magpapakalayo-layo silang mag-ina at hindi na magpapakita pa kahit na kailan upang hindi masira ang reputasyon nila.
Sakay sila ngayon ng bus patungo sa hindi nila alam kung saan. Bahala na kung saan sila mapadpad. Basta sa pinakamalayong lugar.
Hindi maampat-ampat ang kanyang mga luha lalo na sa tuwing tititigan niya ang mukha ng kanyang anak. Lalo na at kamukhang-kamukha ito ng kanyang ama.
"Patawad, mahal ko...k-kung wala kang kalalakihang ama. Pero gagawin ko ang lahat-lahat para maging karapat-dapat na ama at ina para sa'yo, anak. Ako lang, baby ko. Mamahalin kita ng sobra-sobra. Hindi natin sila kailangan. Makakaya nating mabuhay na tayong dalawa lang. Pangako ko 'yan sayo, mahal ko." Hinalik-halikan niya ang buong mukha ng sanggol na mahimbing na natutulog sa kanyang kandungan.
***
Inabot ng tatlong araw ang kanilang biyahe. Sumakay sila ng malaking barko at sa tingin niya ay inabot na niya ang kadulo-duluhan ng Pilipinas.
Nakarating sila sa bundok. May nakilala silang matandang mag-asawang nakatira sa isang kubo sa gitna ng bukirin. Wala silang supling kaya kaagad nilang inampon ang mag-ina. Tinuring nilang anak at apo ang sanggol.
Tanging palayan at bukid ang kanilang ikinabubuhay doon. May maliit na lupain ang mag-asawang umampon sa kanila.
"Nakakatuwa talaga ang batang ito. Maliit pa lang ay magaling nang manuntok at manipa. Aba, eh baka lalaking karatista ito?!" bulalas ng matandang lalaki habang nilalaro ang sanggol.
"Nag-eensayo na 'yan dahil paglaki niyan ay ikaw ang uumbagin niyan kapag hindi ka pa tumigil sa kaiinom na matanda ka!" sigaw naman ng matandang babae sa asawa nito.
"Aba naman, Esme...makapagsalita ka eh akala mo eh bata ka pang matanda ka rin. Samantalang matanda man ako sa iyong paningin.. aba'y humahataw pa rin," banat naman ng matandang lalaki.
"Humahataw kang damuho ka?! Kanino ka humahataw?! Parang wala akong matandaang humahataw kang damuho ka!" galit na sigaw ng matandang babae.
Si Tracey ay natatawa na lamang sa mga naririnig niyang sagutan ng dalawang matanda. Nilalaro-laro nila ito sa ginawang kuna ni Tatay Enying na yari sa kawayan.
Sinapinan ng mga katsa na hiningi pa sa bakery sa malayong bayan. Nilabhan na mabuti at inalmirol pa ng matandang babae upang masarap daw itong higaan ng sanggol.
Abala siya sa pagtatahip ng bigas sa bilao upang matanggal ang mga tira-tirang palay at pinong bigas na pinagiling ni Tatay Enying kahapon.
Tuwang-tuwa ang mga alaga nilang manok at tandang habang nag-aagawan sa mga itinatapon niyang palay at pinong bigas.
Sampong buwan na ang nakalilipas simula nang mapadpad sila dito sa malayong probinsya. At nalalapit na rin ang pag-iisang taon ng kanyang mahal na sanggol.
Lingid sa kanyang kaalaman ay pinasundan siya ng Heneral sa kanyang mga tauhan at ngayon ay binabantayan silang mag-ina dahil sa planong binubuo nito para sa hinaharap.