CHAPTER 3 "ROOF DECK"

1297 Words
IYON ang unang araw ng klase para sa unang semestre ng school year na iyon. At dahil nga trasferee ay automatic na ang pagiging irregular student ni Daniel sa nilipatan niyang unibersidad na iyon sa Maynila. "Mag-iingat ka sa pagda-drive, good luck on your first day!" ang masayang pahabol sa kaniya ng ate niyang si Danica. Tumawa lang ng mahina si Daniel saka hinalikan sa pisngi ang kapatid niyang nang mga sandaling iyon ay kumakain parin ng almusal. "Sige ate, mag-iingat ka rin sa paglalakad mo ng mga papeles mo. Mas maganda siguro kung isama mo si Manang Salyn, mas maalam siya dito sa Maynila," pagpapaalala pa niya sa kapatid niya. "Okay," ang maikling sagot ni Danica na ngumiti. Pagkatapos noon ay iniwan na niya ito. Hindi naman nahirapan sa biyahe si Daniel kahit sabihing iyon ang unang araw ng pasukan. Siguro dahil maaga siyang umalis ng bahay kaya ganoon. Katulad ng nauna na nga ng kaniyang inasahan, matutuloy na ang paglipad ng kapatid niyang si Danica sa New York. At gaya narin ng inaasahan, maiiwan siyang mag-isa sa malaking bahay na iyon. Noon napabuntong hininga ang binata. Kailangan niyang sanayin na ang kaniyang sarili na ilang buwan mula ngayon ay tanging si Aling Salyn na kasambahay na lamang ang makakasama niya roon. Okay lang naman sa kaniya kasi matanda na siya para bantayan pa. Kailangan rin naman niyang masanay na maging independent at hindi palaging nasa tabi ng kaniyang kapatid. Hindi naman gaanong ma-traffic kaya hindi siya nahuli sa klase. Kung tutuusin ay maaga siya ng isang oras pa kaya naman nagkaroon siya ng chance na magbasa kaya sa library niya naisipang tumuloy. Nasa mataas na library building na siya nang magbago ang isip niya at sa halip ay tahakin ang hagdan paakyat na sa palagay niya ay patungo sa roof deck ng gusali, at hindi nga siya nagkamali. Noon humaplos sa mukha ni Daniel ang malamig na hanging pang-umaga. Basa ang hangin dahil narin sa ilang araw nang pag-ulan at ganoon rin kanina paggising niya. Iginala niya ang paningin sa malawak na quadrangle na kilalang unibersidad na iyon. Kailangan niyang aminin na nami-miss niya ang dating eskwelahan na pinapasukan niya sa Cebu pero hindi na siya bata para mag-sentimyento pa tungkol doon. Siguro nga humaba ng kaunti ang pag-aaral niya ng kaniyang course dahil sa pagiging irregular student niya pero okay lang. Malakas ang pakiramdam niya na magkakaroon siya ng isang magandang dahilan na sa huli ay ipagpapasalamat niya dahil pumayag siyang lumipat dito sa Maynila. Ilang sandaling nanatili si Daniel sa ganoong ayos nang mapagpasyahan niyang igala ang kaniyang paningin. Noon siya biglang natigilan nang sa gawing dulo ng roof deck na iyon hindi malayo ng kaunti mula sa kinatatayuan niya ang nakita niyang nakaupo sa mahabang concrete bench ang isang estudyante. Kalahati lamang ng pigura nito ang nakalitaw dahil nakukublian ito ng concrete wall kung saan ito nakasandal habang nakaupo ng patalikod sa kaniya. Blonde ang buhok ng babae. Basa pa iyon at bahagyang hinahangin ng pang-umagang hangin. Maputi at kahit malayo ay kitang-kitang niya ang magandang hugis ng braso nito. Biglang naalala ni Daniel ang isang babaeng nakita niyang naglalakad na dumaan sa kalsada sa harapan ng malaking bahay nila dalawang buwan narin halos ang nakalilipas. Pagkatapos noon ay saka niya mas piniling walain sa isipan niya ang bagay na iyon at minabuti nang bumaba para tunguhin ang kaniyang unang klase. ***** ISANG oras pa halos ang vacant ni Ara bago ang kaniyang first class kaya minabuti niyang mag-stay muna sa roof deck at doon na lamang magbasa sa halip na sa library. Isang buwan narin ang nakalilipas mula nang mag-start siya sa pagtatrabaho bilang student assistant sa library kaya naman kapag may pagkakataon katulad ngayon ay mas pinipili niya ang mag-stay sa lugar na iyon mula nang madiskubre niya. Hindi katulad ng ibang working student na kadalasan ay nagiging irregular ang schedule, siya at ang iba pang student assistants ay normal parin ang pasok. Sa madaling salita ay regular student parin siya. Ang ipinagkaiba nga lang ay mas maaga ang oras ng pasok niya dahil kailangan nasa eskwelahan na siya bago pa man magbukas ang library para mag-assist sa mga estudyante o di kaya naman ay maglinis ng aklatan kasama ang iba pa niyang SA’s. “Ara!” mula sa kaniyang likuran ay bahagya pang napakislot ang dalaga nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon. “Ano ka ba naman Jason, papatayin mo ba ako sa nerbiyos?” aniyang bahagya pang natawa sabay hawak sa kaniyang dibdib. Natatawang lumapit sa kinaroroonan niya ang binata. Katulad niya ay S.A rin ito, mas matanda ito sa kanya at third year na sa kursong Civil Engineering. Gwapo si Jason, matalino at mabait. Kaya naman kahit hindi pa gaanong mahaba ang panahon na pinagsamahan nila ay pansin na niya ang maraming babaeng nahuhumaling dito. At dahil nga sa katotohanan na kaibigan niya ito ay hindi niya mapigilan ang maging proud. “Halika na, ihahatid na kita sa classroom mo,” anito sa kanya. Napangiti si Ara sa sinabing iyon ng kaibigan niya. “Ano ka ba, hindi na kailangan iyon kasi kaya ko naman,” ang tumatawa niyang sabi. Umiling ang binata. “I insist,” anito sa tono na alam niyang hindi na niya mababago pa. Nagkibit nalang ng balikat niya si Ara saka tumayo dala ang mga gamit niya. “Ikaw ang bahala, pero medyo malayo ang department building ninyo sa amin. Mapapagod kang maglakad,” aniya pa nang sabayan na siya ni Jason sa paglakad. “Okay lang,” ang muli ay maikling tugon sa kaniya ng binata. Hindi na muling nagsalita pa si Ara dahil doon. Alam naman kasi niya na kahit ano pa ang gawin niya ay hindi niya mapipilit si Jason na huwag na siyang ihatid. Well, ganoon naman talaga siya. Hindi siya mahilig magpumilit sa mga bagay na alam niyang hindi ibibigay sa kaniya ng taong kausap niya. At isa pa wala namang masama sa gusto nitong mangyari, although hindi isang beses niyang napansin ang pagtitinginan ng mga babaeng estudyante na nakakasalubong nilang dalawa ni Jason mula pa man nang magsimulang umusbong ang pagkakaibigan nilang dalawa. ***** MULA sa pagkakatayo sa corridor sa labas ng kanilang classroom ay agad na natigilan si Daniel nang matanawan ang isang babaeng estudyante na blonde ang buhok. Malayo man ay abot parin ng tanaw niya ang pamilyar at pinong paglakad nito. May kasabay itong matangkad at moreno na lalaki na marahil ay nobyo nito. Sa huling naisip ay parang may bahagi ng isipan ni Daniel ang ayaw pumayag. Alam niya na dapat ay hindi iyon big deal sa kaniya dahil una sa lahat, hindi naman niya kilala ang babae. At kahit sabihin pang ang babaeng nakita niyang naglalakad noon sa tapat ng bahay nila, at ang nakita niya kanina sa roof deck at ang babaeng ito ngayon ay iisa, so what? Hindi iyon dapat na big deal kaya mabilis niyang inialis sa kaniyang isipan. ******** “MAMAYA sabay tayong mag-lunch ha?” si Jason nang maihatid siya sa kanilang classroom. Tumango si Ara. “Okay,” aniya. Mula kasi nang magkakilala sila ay palagi na silang sabay kung kumain ng lunch. Sa katunayan aside sa katotohanan na pareho silang S.A sa library ay isa ang lunch sa naging tulay ng pagkakaibigan nilang dalawa. “May alam akong masarap na kainan, ililibre kita,” anito pa. “Palagi mo namang libre eh, nakakahiya na nga sa iyo na palagi mong s**o tang lunch ko,” pabulong na sagot ni Ara bagaman nakangiti. Narinig niyang nangalatak ang binata pagkatapos ay kinindatan siya. “Ikaw pa ba? Malakas ka sa akin eh,” anitong bahagya pang kinurot ang kaniyang pisngi. “mauuna na ako,” anito pagkatapos. “Okay, see you,” aniya rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD