AGAD na nakatawag ng pansin sa ibang estudyante na naroroon ang ginawang iyon ni Ara kaya naman huli na nang mapagtanto niya ang kaniyang ginawa.
“S-Sorry, ikaw naman kasi---,” hindi na nagawang ituloy pa ng dalaga ang iba pa niyang gustong sabihin dahil walang anumang salitang biglang sinaklit ni Daniel ang kaniyang baywang.
Napatili siya kasabay ng lalong pagtutumindi ng tahip ng kaniyang dibdib. “Alam mo bang ikaw pa lang ang nakagawa sa akin ng ganoon?” si Daniel sa ngayon ay seryoso na nitong tono.
Lalong kinabahan si Ara sa nakita niyang reaksyon sa mga mata ng lalaki, lalo na nang suyurin nito ng tingin ang kaniyang mukha na bumaba sa kaniyang mga labi.
“A-Anong binabalak mo? Bitiwan mo ako! Walang hiya ka!” nang makita niyang umangat ang sulok ng labi ni Daniel ay nagkaroon na ng ideya si Ara kung ano ang posibleng naglalaro sa isipan nito.
Nakahinga ng maluwag si Ara nang pakawalan siya ni Daniel. Kasunod noon ang muli na naman pagkabuhay ng matinding inis na nararamdaman niya para sa lalaki. Lalo na nang mapansin niyang pinagtitinginan sila ng mga estudyanteng nandoon.
“Ibibigay ko lang ito sa’yo,” ngayon ay balik na sa normal ang boses ni Daniel.
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Ara nang makilala ang cellphone na hawak ng lalaki. Noon galit na galit niya iyong hinablot mula sa kamay ni Daniel saka kinompronta ang binata.
“Paano napunta sa iyo itong cellphone ko? Kinuha mo ito sa gamit ko ano?” mababa ang tono pero mariin niyang tanong.
Sa pagkakataon na iyon, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakitang lumarawan ni Ara sa mukha ni Daniel ang pagkapikon. At dahil nga sa matinding kahihiyan na naramdaman niya dahil sa ginawa nito kanina ay noon nakasilip ng chance ang dalaga para makaganti sa lalaki.
“Magnanakaw ka! Ire-report kita sa guidance!” banta niya rito.
“Hindi ko ninakaw iyan. At bakit ko naman gagawin iyon?” salubong ang kilay at halatang inis na tanong ni Daniel.
Noon tumawa ng nakakaloko si Ara dahil nakakasilip na siya ng pagkapanalo sa pagitan nilang dalawa.
“Really? Or maybe, kinuha mo ito sa gamit ko para pansinin kita? Hindi ba, tama ako?” ang sarkastiko niyang tanong para lang pagsisihan iyon dahil sa narinig niyang naging sagot ng binata.
“Excuse me,” si Daniel na balik sa nang-iinis na nitong tono saka siya sinuyod ng tingin mula ulo hanggang paa. “You’re not my type! Nagmamalasakit lang ako, ako pa ang napagbintangan mo ng kung anu-ano?” anitong nang-iinis siyang kinindatan sa paraan na alam niyang siya lang ang nakakita.
Sa pagkakataong iyon ay lubusan na ngang nasagad ang pasensya ni Ara. Lalo nang maramdaman niya ang matinding pamumula ng kaniyang mukha dahil sa matinding init niyon. Not to mention ang hagikhikan ng mga estudyanteng halatang nasisiyahan sa panonood sa kanila.
“Mas lalo namang hindi kita type! Mayabang! Magnanakaw!” ang huli niyang sinabi ang naisip niyang pwedeng ipambawi sa tindi ng galit na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon kay Daniel. Pero pinagsisihan lang din niya iyon.
“Anong? Ako magnanakaw?” anitong hinawakan siyang muli sa kaniyang braso kaya napigil ang dapat sana ay plano na niyang pag-iwan sa lalaki.
Muli ay nagpumiglas si Ara para bawiin ang sariling braso mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Daniel pero lalo lamang pinalala ng ginawa niyang iyon ang sitwasyon.
Dahil sa pagpupumiglas niya ay muli siyang hinapit ng binata sa kaniyang baywang. Pero sa pagkakataong ito ay mas matindi ang ginawa sa kaniya ng lalaki.
Kinabig nito ng husto ang baywang niya saka inilapat ng husto sa katawan nito. “Sinong tinatawag mong magnanakaw?” tanong nito sa kanya at pagkatapos ay muli niyang nakita ang makamandag na ngiti na pumunit sa mapupula nitong mga labi.
“Ikaw, at hindi ka lang magnanakaw, bakla ka rin kasi pumapatol ka sa babae!” ang malakas niyang sambit na naging dahilan kaya nagkaroon ng ingay sa paligid.
Huli na para bawiin ang sinabi niyang iyon. Dahil kasunod ng huli niyang paratang ay ang nakita niyang pagguhit ng tagumpay sa maiitim na mata ng lalaki. Habang nasa mga labi nito ang pilyong ngiti na totoong kinaiinisan niya mula pa noong una silang nagkita.
“Ah bakla pala ah,” anito. “so, bakla ako?” paglilinaw pa nito.
Alam ni Ara na talo na siya. Pero wala sa plano niya ang ibaba ang kaniyang pride kaya sa kabila ng matinding kabog na ng kaniyang dibdib ay sinagot parin niya ang naghahamon na tanong sa kaniya ni Daniel.
“Oo! Bakla ka! Bakla! Bakla! Bak---,” hindi na niya naituloy ang gusto pa niyang sabihin nang sa isang iglap ay biglang inangkin ni Daniel ang kaniyang mga labi.
Mabilis na nag-init ang sulok ng mga labi ni Ara lalo na nang marinig niyang nagsisigawan ang lahat ng estudyanteng nandoon at nanonood sa lahat ng kaganapan.
Pinilit niyang pakawalan ang sarili mula sa lalaki pero masyadong mahigpit ang pagkakayakap ng isa nitong kamay sa katawan niya habang ang isang naman ay sa mukha niya.
Sinimulan niyang pagsusuntukin ang dibdib ni Daniel sa kagustuhan niyang pakawalan ang sarili mula rito pero parang sinagot lang ulit ng binata ng ginawa niya. Lalong lumalim ang paraan ng paghalik nito sa kaniya na naging dahilan ng tuluyan na nga tila pagkaparalisa ng buong katawan niya.
Saka nalang niya napagtanto na napapikit pala siya nang halik na iyon nang pakawalan na ng binata ang kaniyang mga labi. At nang idilat nga niya ang kaniyang mga mata ay noon bumati sa kaniya ang matinding amusement sa mukha at ngiti ng binata. Dahilan kaya pakiramdam niya mula sa isang magandang panaginip ay nagising siya at nagbalik na sa kasalukuyan.
“First kiss?” nangingislap ang maiitim na mga mata ni Daniel nang tanungin siya nito.
Nang pakawalan siya ng binata ay noon sinubukan ni Ara na muling sampalin ang lalaki, pero mabilis nitong nahawakan ang kamay niya kasabay ang mga katagang muling nagpagising sa tila ba nananaginip parin niyang diwa.
“Gusto mo ng isa pa?” tanong pa nito kaya muling naghiyawan ang mga matang kanina pa nanonood sa kanila.
Kung pwede lang sana na lamunin nalang siya ng lupa nang mga sandaling iyon, mas mabuti pa. Dahil sa labis na kahihiyan na nararamdaman niya. Kaya naman sa huli ay minabuti nalang niyang bawiin ang sariling kamay mula kay Daniel saka malalaki ang mga hakbang na iniwan ang lalaki.