NANG gabing iyon ay hindi naging madali para kay Daniel ang matulog. Hindi kasi mawala-wala sa isipan niya ang magandang mukha ni Ara. Maging ang paraan kung paano ito nag-blush nang kindatan at ngitian niya ang dalaga. Sa huling naisip ay hindi napigilan ng binata ang mapangiti.
Hindi na niya mahintay ang mag-umaga at pumasok sa eskwela. Gusto niya itong makita at gusto niya itong pormal na makilala sa kahit papaanong paraan na pwede niyang gawin.
Well, alam naman niyang si Jason ang pwedeng maging susi sa problema niya. Pero hindi sila close ng kaklase niyang iyon bukod pa sa first day ng klase kanina at kanina lang din sila nagkita.
Kailangan ba talaga niyang kaibiganin si Jason para lang maging malapit siya kay Ara?
Napailing si Daniel saka mula sa pagkakahiga ay bumangon siya at napailing.
Hindi naman siya dating nagkakaganito sa isang babae pero bakit kay Ara? Ano ba ang nangyayari sa kaniya?
Dahil ba ito sa paniniwala niya na pinaglalapit sila ng pagkakataon? O dahil sa maganda nitong mukha at---
Noon inis na tumayo ang binata saka lumabas ng kanyang kwarto at tinungo ang veranda. At parang nag-iinis ang tadhana nang makalipas ang ilang sandaling pagkakatayo niya roon ay nakita niya ang isang pamilyar na bulto na may pamilyar na kulay ng buhok. Lalong higit at pino at maganda nitong paglakad.
Ara…
Anas niya sa hangin saka maluwang na napangiti. Ngayon ay nagkaroon na ng sagot ang nag-iisang katanungan na naiwan sa kaniya. At dahil doon ay mas nabuhayan at tumibay ang paniniwala niya na kailangan nga talaga niyang gumawa ng paraan para makilala si Ara ng personal.
Sa pagkakataong ito ay kasama ng dalaga ang sa palagay niya at mga magulang nito at isang batang lalaki na nakakapit pa sa kamay ni Ara.
Napangiti doon ang binata.
Mukhang si Ara ay katulad rin ng kaniyang kapatid na si Danica. Mabait at mapagmahal na ate sa bunso nitong kapatid. Lalo tuloy nagtumindi ang pagnanais niya na makilala ito.
Hindi kumilos si Daniel at nanatiling nakamasid lang sa papalayong bulto ng babaeng dahilan kung bakit hindi siya makatulog ngayon.
Gusto niyang mainis sa sarili niya pero hindi niya iyon magawa ng lubusan dahil ang totoo may katwiran naman talaga kung bakit nagkakaganoon siya. Makalipas ang ilang minuto ay bumangon siya para magtimpla at uminom ng gatas. Pabalik na siya ng kaniyang kwarto nang bumukas ang pintuan sa silid ng kaniyang ate na si Danica.
“Hindi ka na naman makatulog?” tanong nito na tumawa pa ng mahina.
Tumango siya. “Pero uminom na ako ng gatas, aantukin na ako niyan mamaya,” aniya pang natawa narin.
“Huwag ka kasing masyadong mag-iisip, hindi ka talaga makakatulog kung busy ang utak mo,” advice pa sa kaniya ni Danica.
Noon nagsalubong ang mga kilay ni Daniel. “Paano mo naman nalaman na busy ang utak ko sa pag-iisip?” aniyang hindi napigilan ang muling matawa.
Nagkibit ng balikat si Danica. “Iyon naman ang kadalasan na dahilan kaya hindi makatulog ang isang tao,” anitong iniwan na siya pagkatapos.
Sinundan lang ng tingin ni Daniel ang ate niya na nagtuloy sa kusina. Pagkatapos ay isinara narin niya ang pintuan ng kaniyang kwarto para matulog.
Totoo naman iyon, busy ang utak niya kaya hindi siya makatulog.
Pero paano ba niya gagawin ang pilitin at utusan ang sarili niyang isipan na huwag mag-isip kung iyon ang gusto nito? At kapag ganoon ang nangyayari ay sumasaya ang puso niya?
Natawa na naman ng mahina si Daniel.
Baliw na yata siya.
Lalaki siya pero nagkakaganito siya.
Nakakaramdam siya ng romantic excitement at hindi talaga niya mapigilan ang ngumiti kapag naiisip niya si Ara.
Makalipas ang ilang buwan mula nang maghiwalay sila ni Lilet, parang ngayon lang ulit nagkaroon ng totoong sigla at kulay ang mundo niya at gusto niya iyon. Gusto niya ang ganitong pakiramdam.
NAKAHIGA na si Ara nang maalala ang lalaking nakita niya kanina sa corridor ng Engineering Department.
Gwapo sana ito kung hindi lang siya kinindatan.
Sa huli niyang naisip ay hindi napigilan ng dalaga ang kiligin kaya parang wala sa sariling katinuan niyang niyakap ang isang unan saka impit na humagikhik.
“Bwisit na lalaki, pero in fairness napaka-gwapo,” bulong pa niya saka muli ay kinikilig na naman na humagikhik ng impit.
Katulad ng sinabi niya kanina, mestiso ang lalaking iyon na hindi niya alam kung ano ang pangalan. Maiitim ang mga mata nitong bilugan na binagayan ng makakapal na pilik at kilay na parang iginuhit. Ganoon rin ang buhok nito na medyo mahaba at parang itim pa damo na gumapang pababa sa batok ng lalaki. Mapupula ang mga labi na kahit sabihin pang pilyo kung ngumiti ay bigla niyang naitanong sa kaniyang sarili kung ano kaya ang pakiramdam nang mahalikan nito? Matangkad rin ito at may magandang pangangatawan. Sa tingin nga niya ay lalampas lang ng kaunti sa balikat ng lalaki ang height niya na five feet and six inches.
Okay na sana kaya lang bigla siya nitong kinindatan at may kasama pang pilyong ngiti kaya biglang napalitan ng matinding inis ang kilig na nararamdaman niya kanina. Naging masyado ba siyang obvious kaya ganoon nalang ang ikinilos nito?
Sa huli niyang naisip ay parang ayaw tanggapin iyon ni Ara sa kaniyang sarili.
Kaloka siya, nahalata yata niya na na-magnet ako ng ka-gwapuhan niya?
Noon naramdaman ni Ara ang mabilis na pamumula ng kaniyang magkabilang pisngi. At higit pang nagtumindi iyon nang maalala niya kung gaano kapilyo at ginawang pagkindat at pagngiti sa kanya ng antipatikong lalaki. Kung paano umangat ang sulok ng labi nito at maging ang pagkislap ng amusement sa magaganda nitong mga mata, kahit kailan ay hindi niya makakalimutan. At iyon ang dahilan kung bakit hindi siya makatulog ngayon.
Bwisit na lalaki, may pagka-mangkukulam yata ang hinayupak. Saksakan pa ng landi, bwisit siya! Ayoko na siyang makita kahit na kailan pa!
Lihim na pinagtawanan ni Ara ang sarili niya sa sinabi niyang iyon.
Alam naman niyang imposible ang sinasabi niya.
Student assistant siya sa library at isa ang library sa madalas na puntahan ng mga estudyante sa university. Nakapagtataka na kahit minsan ay hindi sila magkikita? Lalo at mukhang kaklase pa yata ito ni Jason na kaibigan niya.
Napakagat labi si Ara sa reyalidad na kaniyang napagtanto. Aaminin niya na gusto niyang itanong kay Jason kanina kung ano ang pangalan ng lalaki pero napigil siya ng naramdaman niyang hiya. Ayaw niyang isipin ng kaibigan niya na crush niya ang kaklase nito kahit iyon naman ang totoo.
Oh no!
Ang mabilis na kontra ng isipan niya.
Pero iyon ang totoo, crush niya ang lalaki at hindi man niya aminin, alam niyang sarili lang din niya ang kaniyang lolokohin.
Bwisit! Hindi ko siya crush, mawawala din ito! Ayoko sa mayabang na lalaki! At hindi lang siya mayabang, malandi pa!
Ang malakas na tanggi ng isipan niya kahit ang totoo, nararamdaman niya na iba ang isinisigaw ng puso niya.