“KUMUSTA?” si Daniel isang araw habang busy siyang nag-e-encode ng mga bagong dating na titles ng libro sa harapan ng computer.
“Kung magsalita ka parang ang tagal na nating hindi nagkikita ah,” aniyang tumawa pa ng mahina saka sinulyapan si Daniel na noon ay nakaupo sa silyang nasa harapan ng working table. At katulad ng dati ay nakatitig parin ito sa kaniya.
Tumawa ng mahina si Daniel habang nanatiling nakatitig sa kaniyang mukha. Hindi lang niya masabi pero sa tuwing gagawin iyon ni Daniel ay para siyang nababalisa na hindi niya maipaliwanag.
“Kumain ka na?” tanong ni Daniel sa kaniya makalipas ang ilang sandali.
Umiling si Ara. “Ikaw ba?” tanong-sagot niya sa binata.
“Hindi pa, hinihintay kasi kita,” ang derestahan nitong sagot.
“Ano?” agad na dumamba ang kaba sa dibdib ng dalaga dahil sa sinabing iyon ni Daniel.
Tumawa ng mahina si Daniel. “Wala akong kasabay, mamaya pa daw ang break ni Jason,” sagot nito.
Tumango-tango si Ara pagkatapos ay ibinalik ang pansin sa ginagawa. Hindi lang niya magawang aminin kay Daniel pero ang totoo ay gusto rin niya ang idea na palagi itong nakakasabay sa pagkain.
Sa totoo lang hindi lang tuwing kakain kundi sa lahat ng oras.
Noong isang araw lang nangyari ang isang nakakakilig na pangyayari sa buhay niya dahil kay Daniel at hindi pa siya lubusang nakaka-move on doon. Ngayon, heto na naman ang binata at patuloy siyang binibigyan ng dahilan para kiligin at hangarin na makasama ito araw-araw.
“Sigurado ka? Mga thirty minutes nalang naman ang hihintayin mo,” si Ara na hindi mapigilan ang matawa ng mahina dahil sa nararamdamang kilig.
Noon tumayo si Daniel saka amuse na umangat ang sulok ng labi. Pagkatapos ay kumilos ang kamay nito saka tinawid ang maliit na distansya sa pagitan nilang dalawa.
Pakiramdam ni Ara ay parang tumigil sa pag-ikot ang kaniyang mundo nang maramdaman niya ang ginawang banayad na pagpisil ni Daniel sa kanan niyang pisngi.
Kung tutuusin ano ba naman iyon kumpara sa halik na iginawad nito sa kaniya noon?
Pero iba ang naramdaman niya at parang may kalakip iyong kakaibang klase ng kuryente na mabilis na nanulay sa bawat himaymay ng kaniyang katawan. Nanatiling nakatitig sa kaniya si Daniel kaya alam niyang malaya nitong nakita kung paanong dahil dito ay namula na naman ang kaniyang mukha.
“T-Tapos na ang time of duty mo?”
Sa kagustuhang hawiin ang kakaibang klase ng atmosphere sa pagitan nilang dalawa ay iyon ang naisipag itanong ni Ara. Pero hindi parin niya nagawang itago na apektado siya sa ginawa ni Daniel dahil sa naging panginginig ng kaniyang tinig.
Another thing, kabisado niya ang schedule ni Daniel para sa buong linggo. Sa katunayan ay isinusulat niya iyon sa kaniyang diary.
“Kung magtanong ka parang hindi mo kabisado ang schedule ko,” si Daniel na makahulugan pa siyang nginitian pagkatapos.
Nagulat si Ara sa sinabing iyon ng binata. Ganoon ba talaga siya ka-transparent para pati ang alam ng isipan niya ay magawang hulaan o tukuyin ng binata?
Nagbuka siya ng bibig para magsalita pero napigil ang gusto niyang sabihin dahil muling nagsalita si Daniel.
“Hintayin nalang kita sa may baggage counter,” anitong kumindat pa sa kanya baka tuluyang lumabas ng silid.
Natitigilan na naiwan doon si Ara.
Ano bang nangyayari sa akin? Mukhang may idea na si Daniel sa feeling ko para sa kanya?
Noon unti-unting nakaramdam ng pagkabahala si Ara.
Kung ibang lalaki si Daniel baka hindi big deal sa kaniya na malaman nitong crush niya ang binata. Kasi kung tutuusin hindi naman something serious ang salitang iyon para sa kanya. Pero dahil nga sa katotohanan na nahalikan na siya nito ay parang hindi niya kakayanin ang mabuking tungkol sa totoo niyang feeling para sa lalaki.
Noon napaisip ng malalim si Ara.
Paano kung kaya siya nagkakaganito ay dahil hindi na simpleng crush lang ang nararamdaman niya para kay Daniel?
Paano kung nahuhulog na siya dito? Sa madaling salita, in love na siya sa binata?
Walang ibang nagawa si Ara sa tanong na iyon kundi sagutin ng isang mabigat na buntong hininga. Dapat sana aware na siya na aabot sa ganito ang lahat. Ayaw lang niyang aminin pero noon pa naman talaga hindi lang simpleng crush ang nararamdaman niya, pinilit lang niyang takpan ang lahat ng inis na nararamdaman niya para sa binata.
Pero ngayon, natatakot siya. Natatakot siyang baka ma-in love siya ng husto tapos kaibigan lang pala ang tingin sa kaniya ni Daniel.
Paano ba magkontrol ng nararamdaman? Iwasan kaya niya ito?
Sa huling naisip ay sarili na niya mismo ang ayaw sumang-ayon.
Alam niyang hindi niya kayang iwasan si Daniel. Malulungkot siya kapag ginawa niya iyon.
Muling napabuntong hininga nalang si Ara saka sinulyapan ang wall clock sa dingding.
Bahala na kung mai-in love siya ng husto kay Daniel. Basta ang alam niya hindi niya ito kayang iwasan. Alam niya kapag ginawa niya iyon ay pahihirapan lang niya ng husto ang sarili niya.
Masaya siya kapag kasama niya ang binata. Hindi sila nauubusan ng pwedeng pag-usapan. Pero may mga pagkakataon rin naman na pareho nilang nagagawang I-enjoy ang katahimikan ng paligid kapag magkasama sila.
*****
“LIKA na?” si Ara nang malabasan niya sa may baggage si Daniel kausap si Jason.
“Ang daya niyo naman, kayo nalang lagi ang nagkakasabay sa pagkain,” si Jason na noon ang siyang naka-duty sa baggage counter.
Tumawa ng mahina si Ara. “Sisihin mo yung gumagawa ng schedule natin,” aniyang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Tumango lang si Jason saka nagpakawala ng mahinang tawa. “Sige na, ite-text ko nalang si Jenny, kaming dalawa nalang ang magsasabay,” anito.
Noon nagpalitan ng makahulugang tingin sina Ara at Daniel. At nang hindi makatiis ay muling nagsalita si Ara.
“Are you guys dating?” tanong niya na may halong panunukso.
“Hindi ah! Ano ka ba naman?” ang mabilis na sagot ni Jason.
Umangat ang magagandang kilay ni Ara sa isinagot na iyon sa kaniya ng matalik na kaibigan.
“Pareho ko kayong bestfriend kaya huwag mong paglalaruan ang kaibigan ko kasi lagot ka sakin,” aniya pa saka ipinakita kay Jason ang kaniyang kamao.
Natawa lang si Jason sa ginawi niyang iyon. “Kaibigan ko si Jenny kaya hindi ko magagawa sa kanya ang kagaya ng sinasabi mo,” paniniyak pa nito.
“Mabuti kung ganoon. Pero kung sakaling gusto mo siyang ligawan kailangan alam mo na siya ang tipo na sineseryoso. Maganda, mabait at sobrang talino, aba naman wala ka nang hahanapin pa!”
Totoo naman iyon at hindi niya sinasabi ang lahat ng iyon para lang I-built up si Jenny kay Jason dahil sa nalaman niyang feeling ni Jenny para rito. Kundi dahil iyon ang totoo.
“Tumigil ka nga, bata pa si Jenny. Kung may nararamdaman man ako para sa kanya eh pagtingin iyon ng isang kuya sa bunsong kapatid na babae. Solong anak nga ako di ba?” paliwanag ni Jason.
“Oh really?”
“Dude alisin mo na nga ang babaeng iyan ang lakas mang-asar,” sa huli ay si Daniel na ang hinarap ni Jason.
Natawa lang si Daniel sa sinabing iyon ni Jason. “Halika na,” anito sa kaniya.
“Sige,” sagot niya. “bye!” ang makahulugan pa niyang paalam kay Jason.
“Sige na, babaeng bully!” anito habang tumatawa.
“Tsk, basta iyong sinabi ko, bestfriend ko iyon!” ang pang-finale pa niyang tukso bago tuluyang tinalikuran si Jason.
*****
“ANONG ginagawa mo?” ang amuse na tanong ni Daniel sa kaniya habang naglalakad sila papunta sa university canteen.
Noon humagikhik si Ara saka tiningala si Daniel. “Bagay naman sila hindi ba?”
“Si Jason kay Jenny? Iyon ba ang ibig mong sabihin?” tanong nito sa kaniya habang kunot ang noo.
“Sino pa nga ba? Alam mo gusto ko silang magkatuluyan?” totoo iyon sa loob niya. At masaya siya na may isang Daniel na pwede niyang pagsabihan ng tungkol doon.
“So ano match maker ka naman ngayon?” biro nito sa kanya.
Umikot ang mga mata ni Ara. “Hindi ko kasi pwedeng sabihin sa’yo ang alam ko,” aniya.
“Bakit naman hindi? Hindi naman ako madaldal,” tanong-sagot ni Daniel.
Malalim na nag-isip si Ara. “Promise ah? Wala kang pagsasabihan?”
Tumango si Daniel. “Oo naman, sa lahat ng tao sa mundo ang tiwala mo ang pinaka-importante sa akin kaya hindi ko sisirain iyon,” paniniyak pa ng binata.
Parang gustong bigyan ni Ara ng ibang kahulugan ang sinabing iyon ni Daniel. Pero dahil nga ayaw niyang makakita ng kahit anong dahilan para tuluyang umasa na pareho sila ng nararamdaman ng binata ay mabilis niya iyong iwinala sa kaniyang isipan.
“Ano?” untag sa kaniya ni Daniel nang manatili siyang tahimik.
“Ano kaya kung magpatulong ako sa’yo?” bigla ay may idea na nabuo sa isipan niya.
“Paano kita matutulungan kung hindi ko naman alam kung ano ang sinasabi mo?”
Nakagat ni Ara ang kaniyang lower lip dahil sa isinagot na tanong sa kaniya ni Daniel. Mukha ngang wala siyang choice. Anyway may tiwala naman siya sa binata kaya sa tingin niya hindi ito magsasalita.
“I can trust you?” tanong pa niya pagkalipas ng ilang sandali.
“Kahit buhay mo pa pwede mong ipagkatiwala sa akin,” paniniyak ni Daniel.
Noon huminto sa paglakad si Ara kaya ganoon rin ang ginawa ng binata. “Halika ibubulong ko sa’yo,” aniyang sinenyasan pa si Daniel.
Dahil doon ay niyuko siya ni Daniel saka inilapit sa kaniya ang tainga nito.
“Ano sa tingin mo?” ang ngiting-ngiti niyang tanong.
Nagkibit ng balikat niya si Daniel. “Susubukan ko.”
“Eh ano kayang magandang gawin?”
Umangat ang sulok ng labi ni Daniel saka siya pinakatitigan. May kakaibang kislap sa mga mata nito na naging dahilan ng ngayon ay unti-unting pagbilis ng t***k ng kaniyang puso.
“Mamaya sasabihin ko sa’yo,” ang natatawa nitong sabi saka bahagyang kinurot ang kaniyang baba. “For now, kumain muna tayo,” anitong inakbayan siya saka na iginiya sa direksyon patungo ng canteen.
Mabilis ang naging epekto kay Ara ng simpleng gesture na iyon. Hindi niya maintindihan pero pirming ganito ang nararamdaman niya sa tuwing magdidikit sila ng binata. Bagay na alam naman niya kung bakit pero dahil nga ayaw niyang umasa ay pilit niyang iniignora.