CHAPTER 15 “DEAR DIARY”

1344 Words
MAAGANG nagising kinabukasan si Ara para pumasok sa eskwela. Ganoon naman talaga ang araw-araw niyang ginagawa dahil bago ang first subject ay kailangan muna nilang mag-report sa library para mag-time in. Pero kailangan niyang aminin na may something na kakaiba sa nararamdaman niya nang umagang iyon at alam niya kung ano. Dahil excited siya makita at makasama si Daniel na katulad niya ay sa library rin unang pupunta para mag-time in. Parang wala sa sariling kusang pumunit ang matamis at kinikilig na ngiti sa mga labi ng dalaga habang abala siya sa ginagawang pag-aayos sa harapan ng salamin sa loob ng kaniyang kwarto. Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon siya ng crush pero ito ang unang pagkakataon na kinilig siya ng ganito. O mas tamang sabihin na mas feel niya ang nararamdaman niya para kay Daniel. “Alis na po ako,” paalis na siya at inabutan niya sa sala ang nanay niya na abala sa pagpupunas ng mga muwebles doon. Nilapitan niya ito saka hinalikan sa pisngi. “Mag-iingat ka, magtraysikel ka at magpahatid hanggang dito sa bahay mamaya para makaiwas ka sa mga lasenggo kagaya ng nangyari sayo kagabi,” si Susan na nakita niyang dumukot sa bulsa ng suot nitong daster. Noon magkakasunod na umiling si Ara. “Hindi na po, may pera pa naman ako,” aniya nang mahulaan kung ano ang dapat sana ay gagawin ng kaniyang ina. Tumango ang nanay niya saka ngumiti. “Sige, mag-iingat ka. Kung magkakaroon ng problema tumawag ka o kaya mag-text,” bilin pa nito bago siya tuluyang nakalabas ng kabahayan. Hindi traffic kaya mas maaga kaysa inaasahan niya ay nakarating si Ara sa university. At dahil nga maaga pa naman ay naisipan muna niyang dumaan sa university bookstore na nasa loob mismo ng kanilang campus. Ballpen talaga ang plano niyang bilhin dahil naalala niyang paubos na nga pala ang ballpen niya. Pero nang magawi siya sa estante ng mga notebooks ay mabilis na naagaw ng isang kulay berde na kwaderno ang atensyon ng dalaga. Makapal iyon at hard cover, parang planner type. Nang buklatin niya iyon ay nakita niya ang maganda ang papel niyon. Bigla niyang naisip si Daniel saka siya makahulugan na napangiti. Tanging iyon lang at hindi na siya nagdalawang isip na bilhin narin ang naturang kwaderno. ***** “GOOD morning!” ang masayang bati ni Jason sa kaniya nang mabungaran niya ang kaibigan niya na naka-duty sa baggage counter ng library. “Bakit ikaw ang nandyan?” ang takang tanong niya. “Nakipagpalit si Daniel. Siya nalang daw ang magma-mop,” si Jason na tumawa ng mahina. Lihim na nakaramdaman ng kilig at pasasalamat si Ara sa narinig na iyon. Kung ganoon pala ay si Daniel ulit ang makakasama niya sa loob. “Ganoon ba? Eh bakit daw?” tanong niyang pinagsikapan na itago ang kilig sa kaniyang tono at nagtagumpay naman doon si Ara. Kibit-balikat lamang ang isinagot doon ni Jason kaya sa huli ay pumasok na si Ara sa loob ng aklatan. Sa loob ay bigo si Ara na makita doon si Daniel kaya inisip niya na baka nasa loob ito ng opisina at hindi nga siya nagkamali. “Hello,” ang halos magkapanabay na bati nila ni Daniel sa isa’t-isa na sa huli ay pareho nilang ikinatawa. “Kumusta?” ang binata na sandaling itinigil ang ginagawang pagma-mop ng sahig saka siya pinakatitigan. “Okay naman, ikaw? Hindi ba dapat dun ka sa baggage counter ngayon?” tanong niya saka ibinaba ang gamit sa bakanteng silya na nasa harapan ng isang bakanteng working table kung saan siya palaging nag-e-encode. “Ayoko dun eh, mas gusto ko dito,” sagot ni Daniel habang makahulugan na nakangiti. Mabilis na namula ang mukha ni Ara sa ginawing iyon ni Daniel, pati narin sa sinabi nito kaya minabuti niyang umiwas nalang ng tingin sa binata. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na nagtama ang paningin nila o mas tamang sabihing tinitigan siya ng ganoon ni Daniel. Dahil kung tutuusin nahalikan na nga siya nito. Pero pagkatapos ng nangyari kagabi, parang bigla ay may nagbago. At iyon ang hindi niya magawang ipaliwanag sa ngayon. “M-May kukunin lang ako,” ang sabi niya sa kagustuhan niyang iwasan ang kakaibang klase ng tensyon na nasa pagitan nilang dalawa ni Daniel nang mga oras na iyon. “Okay,” ang maikling sagot ng binata saka na nito ipinagpatuloy ang ginagawa. Makalipas ang isang oras ay nagpaalam narin si Ara sa kanilang librarian na si Ma’am Shiela na papasok na sa kaniyang first subject. Doon ay nakasabay niya sa paglabas ng library building sina Daniel at Jason na nang mga sandaling iyon ay patungo narin sa first subject ng mga ito. “Sabay ka sa amin mamayang lunch?” si Jason iyon. Alam ni Ara na nang mga sandaling iyon ay sa kaniya nakatuon ang paningin ni Daniel. Hindi na niya ito kailangang sulyapan pa dahil ramdam niya ang nakakapasong titig sa kanya ng binata at hindi niya maintindihan, pero talagang hindi siya makakuha ng sapat na lakas ng loob para tingnan man lang ito kahit sandali. “O-Okay, kaya lang hindi ko pa sure. I-text nalang kita,” aniya kay Jason. “Oo nga pala Ara, wala pa akong cell phone number mo,” si Daniel iyon. “H-Ha?” ang nauutal pa niyang sambit. Narinig niya ang mahinang tawa na pinakawalan ni Daniel. “Hingin ko nalang kay Jason?” nasa tono ni Daniel ang amusement na dahilan kaya lalong nagtumindi ang discomfort na nararamdaman niya. “Ah, hindi na. Give me your phone,” nang tila matauhan ay sagot niya saka inabot ang cellphone mula kay Daniel. “Mauuna na ako, sabihan ko nalang kayo kung makakasabay ako kasi may kasama rin ako eh, yung friend ko,” si Jenny ang tinutukoy niya. “Ganoon ba, edi mas maganda siguro kung isama mo nalang siya?” si Daniel iyon na naging dahilan kaya napalingon siya sa binata. Sa pagtatamang iyon ng kanilang mga mata ay biglang naramdaman ni Ara na tila ba nawala na naman siya sa kaniyang sarili, dahilan kaya kusa na lamang siyang napatango at sinasang-ayunan ang gustong mangyari ni Daniel. “Okay, see you later,” ang naisatinig ni Ara saka matamis na nginitian ang binata. “mauuna na ako sa inyo,” dugtong pa niya. ***** KATULAD ng gustong mangyari ni Daniel, kasama niya si Jenny sa pagsabay sa mga ito sa pagkain ng lunch. At tama nga ang sinabi ng binata kanina, mas nag-enjoy sila sa pagkain ng pananghalian dahil mas marami sila. “Ano sa tingin mo, sabay na tayong umuwi mamaya? Hatid kita?” si Daniel nang magkasabay na silang naglalakad pabalik ng eskwelahan habang sina Jason at Jenny naman ang magkasama at nasa kanilang likuran. “Okay lang ba iyon? Hindi ka ba maaabala?” tanong-sagot niya kay Daniel. Tumawa muna ng mahina ang binata bago nagsalita. “Ako nga ang nag-offer sa’yo di ba? Ano sa tingin mo?” Tumango ng magkakasunod si Ara saka matamis na ngumiti kasabay ng isang simpleng kibit-balikat. “Okay, kung iyon ang gusto mo,” sagot niya saka pinagsikapang huwag ihalo ang kilig na kaniyang nararamdaman sa tono ng kaniyang boses. ***** MAGANDA ang ngiti na hinaplos ni Ara ang unang pahina ng magandang notebook na binili niya kanina sa bookstore ng kanilang university. Binuklat niya iyon saka iniwan na blanko ang first page saka sinulatan ang ikalawang pahina ng mga salitang... PERSONAL PROPERTY BY ARABELLA MADRIGAL Sa sumunod na pahina ay ang date sa araw na iyon ang isinulat niya sa upper right ng pahina. Saka niya sinimulan ang pagkukwento sa pamamagitan ng pagsusulat ng dalawang salita. Ang Dear Diary... Maganda ang ngiti na sinimulan ni Ara na isulat ang lahat ng masasayang nangyari sa kaniya sa araw na iyon. Dahil kung noon pinipilit niyang itanggi ang feelings niya para kay Daniel, ngayon hindi na. Tanggap na niya ang lahat at willing siyang yakapin ang buong katotohanan na espesyal si Daniel sa puso niya at ito ang dahilan at magiging bida sa diary niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD