“Ano na naman itong ginawa mo, apo?” Ilang beses pang tumingin ang matandang babae na naka-upo sa gitna ng maliit na kubo. Lalong nagkunot ang kanyang mukha sa sakit ng ulo. Maliit lamang ang matandang babae na nasa edad walumpung taong gulang na. Sakit ng ulo talaga niya ang nag-iisang apo na si Nia Olivia.
“Sila `tong nag-ayang magkipagbuno. Pinatulan ko lang po.” Nakayuko si Nia Olivia na nakaupo sa harap ng kanyang lola habang ang limang bugbog-saradong mga kalalakihan ay nasa likuran niya. Hinawi pa niya ang pula at mahabang buhok nang sinamaan nang tingin ang mga nakaaway. Agad na naglihis ng tingin ang mga lalaki sa nakakanginig laman na tingin ni Nia.
“Parang hindi ka babae kung umasal. Sino nalang ang makakainteres na pakasalan ka? Masyado kang brusko!” Kita na ang ugat sa noo ng matanda. Nasa hustong gulang na si Nia na edad labing-walo at maaari ng magpakasal. Ngunit wala ni isa sa bayan ng Ilmis ang naglalakas loob na pakitunguhan siya.
“Isang malaking patunay lang na wala ni isa sa bayan na `to ang karapatdapat na pakasalan ko. Hindi man lang nila mapantayan ang galing ko.” Pagmamayabang pa niya na lalong ikinagalit ng lola niya.
“Aba talagang!” Tumayo ang maliit na matanda. “Magsi-uwi na kayo. Bukas ng umaga si Nia ang gagawa sa mga trabaho ninyo.”
Alam ng mga kalalakihan na tututol si Nia kaya naman mabilis silang tumayo at lumabas ng kubo.
“Lola naman! Hindi ko naman kasalanan na mahina sila.” Tumayo si Nia para sundan ang lola na papasok na sa kanyang kuwarto.
“Hindi ka nagtatanda. Matagal ko ng sinasabi sa `yo na gamitin mo lang `yang kakayahan mo sa mabuti.”
Hindi na nagsalita pa si Nia dahil sinaraduhan na rin siya ng pinto ng matanda. May taglay na lakas si Nia na hindi karaniwan sa mga kababaihan sa bayan ng Ilmis na pawang mga gawaing pambahay ang pinagkakaabalahan. Tanging si Nia Olivia lamang ang gumagawa ng mga trabahong karaniwang panlalaki lamang.
Walang pakialam si Nia sa kahit na anong sabihin ng iba. Handa siyang tulungan ang kahit na sino basta kailanganin ang lakas niya. Ngunit nagiging iba ang pagtingin sa kanya ng iba dahil dito.
Lumabas si Nia sa maliit nilang kubo upang pagmasdan ang liwanag ng buwan. Payapa ang maliit na pamayanan ng Ilmis. Iilang pamilya lamang ang kabilang sa kanilang komunidad. Marami ng umalis sa kanilang lugar dahil sa limitado ang oportunidad. Malayo ang Ilmis sa kapitolyo. Limitado ang pinagkukuhanan nila ng pagkain at tubig. Wala ring masyadong pinaglilibangan ang mga tao. Kaya hindi na nakakapagtakang maraming umaalis sa kanilang bayan.
Kuntento si Nia sa buhay niya. Masaya siyang kapiling ang nag-iisang kapamilya sa payapang lugar. Ngunit sa tuwing pagmamasdan niya ang malawak na lupain sa paligid ng Ilmis ay may pagnanais itong lakbayin iyon. Ang inaalala lang niya ay ang lola na kailangan siya lalo na sa edad niya.
Sa may ilog sa hindi kalayuan ay nakita niya ang dalawang tao na nagliligawan. Sa edad niyang labing-walo ay nahuhuli na siya sa mga ka-edad na nakapag-asawa na. May iilan pa ngang mas bata pa sa kanya pero may asawa na. Napapangiwi siya sa tuwing iisiping mag-aasawa siya. Wala sa isip niya iyon. Gugustuhin niyang maging dalaga nalang habambuhay kaysa magkaroon ng kalambingan. Buong buhay niya ay lola lamang niya ang nag-alaga’t nagpalaki sa kanya. At kahit noon pa man ay hindi sila umaasa lalo na sa mga kalalakihan.
“Pinag-iisapan mo ba ang ginawa mo?” Sumulpot ang lola niya na nagmula sa loob ng kubo. Sandaling bumaling ng tingin si Nia sa lola bago muling tumingin sa buwan.
“Ayoko lang tumanda kang mag-isa. Umasta kang babae dahil kakailanganin mo `yon simula bukas.” Inilabas ng matanda ang suot na kwintas. “Ayoko pang pakawalan ka, apo pero dumating na ang araw na kailangan ko ng sabihin sa iyo ang lahat.” Tinanggal ng matanda ang kwintas sa kanyang leeg at ipinasuot iyon kay Nia.
Nagtataka man ay hindi makapagsalita si Nia na napupukaw ang atensyon sa makinang na palawit ng kwintas na hugis araw na may mukha.
“Bukas na darating ang sundo mo papuntang Palasyo ng Imperyal. Ikaw lang ang maaring tumanggap ng banal na pagsalin para sa katungkulan ng prinsesa.”
Napaurong si Nia sa mga narinig. Bahagya siyang tumawa sa pag-aakalang nagbibiro lang ang kanyang lola. “Ikaw ang susunod na prinsesa ng bansang Daestre, Nia.” Sandaling natigilan si Nia at napaurong pa.
“A-ano po? P-paano nangyaring ako? Ordinaryong mamamayan lamang tayo, `di ba?” Umiling ang matanda.
“Nananalaytay sa mga ugat natin ang dugong bughaw, apo. Maghanda ka para bukas. Alam kong naguguluhan ka ngayon. Lahat ng kailangan mong malaman ay ipapaliwanag sa iyo ng prinsesa.”
“Ang ganda mo, apo!” Lumabas mula sa kuwarto si Nia suot ang tradisyonal na kasuotang ipinadala ng palasyo. Makukulay ang patong-patong na telang nakasuot sa magandang hubog ng katawan ni Nia. Halos hindi na makita ang mga daliri niya sa kamay at paa sa haba nito ngunit sa ayos ng pagkakadesenyo ay kaakit-akit iyong tignan. Makinang ang mga palamuting idinikit sa kanyang mahabang buhok na ipinusod sa magkabilang gilid ng kanyang ulo.
“Kailangan po bang ganito ang isuot ko? Hindi ako kumportable.” Lumukot ang mukha ni Nia.
“Ayusin mo nga `yang mukha mo. Sagradong pagtitipon ang dadaluhan mo. Huwag mo akong ipahiya roon, apo.”
Tumango na lamang si Nia na tinanggap ang nangyayari. Tinignan na lamang niya iyon na isang magandang oportunidad upang makita niya ang iba pang lugar na tinatanaw lamang niya noon.
Sa hindi kalayuan ay naririnig na ang yapak ng mga kabayo at karitelang susundo kay Nia. Lahat ng mamamayan ng Ilmis ay nasa labas upang saksihan ang pangyayari. Maging sila ay hindi makapaniwala na matagal na nilang kasama ang susunod na prinsesa.
Sa paglabas ni Nia sa kanilang kubo ay siyang pagluhod nilang lahat sa buhangin at iniyuko pa ang mga ulo. Nasa sampung kawal ang sumundo kay Nia at lahat sila ay may hawak na espada. Handa sila sa kung sakaling mayroong mga kalabang pipigil sa kanilang lakad.
Yumuko ang isang kawal matapos itong bumaba sa kanyang kabayo. “Ipinapabatid ng kasalukuyang prinsesa ang kanyang kagalakan sa pag-aalaga ninyo sa susunod na prinsesa.”
Ibinaba ng iba pang kawal ay kahon-kahong karne at prutas na inilagay sa harap ng kubo. “Tanggapin ninyo ang regalo ng prinsesa bilang pasasalamat.”
Mangiyak-iyak ang mga tao sa galak sa nakitang masaganang regalong alay sa kanilang bayan. May kirot man sa puso ni Nia ang pag-alis ay may galak pa rin sa nakikitang saya sa mga kababayan niya.
Sandali siyang tumingin sa lola na naluluha habang pinagmamasdan siyang sumakay sa karitela. Ngumiti si Nia kahit pa may kumakawalang luha sa kanyang mga mata. Muling pinagmasdan ni Nia ang mga kababayan niyang nakasama sa kanyang paglaki. Yumuko ito sa kanila bilang pasasalamat sa pagtitimpi at pag-aalaga nila sa kanya.
Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Nia nang lumakad na ang kabayo sa karitelang sinasakyan niya. Handa na siya sa kung ano man ang hatid ng pagbabagong kakaharapin sa palasyo.