ANGELA
NAKARATING na kami sa eskwelahan na walang nag-iimikan. Gusto ko sanang magpasalamat sa kanya dahil at least, kahit papaano ay mayroon siyang pagsunod sa kanyang mga magulang na ihatid ako ngunit dahil hindi siya pumapansin ay wala akong lakas ng loob na mag-initiate ng usapan.
Pagkababa ko ay tumalikod na ako sa kanya at saka humakbang paakyat sa twenty step stairs ng gate ng San Lorenzo University.
"Hoy," tawag niya sa akin.
Napalingon ako at saka ako tumingin sa kanya.
"Anong oras ka masusundo?" Tanong niya saka tumingin sa aking mga mata.
Nakasumbrero siya ng itim na baliktad ang pagkakasuot. Simpleng shorts at t-shirt lang ang kanyang damit at bumagay naman sa kanya iyon.
"Alas dos ng hapon, tapos na ang klase ko," sagot ko saka ako tumingin ng diretso sa kanyang mga mata.
Nailang siyang tumingin kaya naman umiwas siya saka nagpaandar ulit ng motor.
"Als dos, impunto, kapag wala ka pa dito, aalis na ako."
"Okay, salamat pala."
Hindi na siya sumagot pa at umirap na umalis. Halatang napipilitan lang sa kanyang ginagawang paghahatid sa akin kaya naman ngayon ay ganito na lang siya kung umasta sa akin.
Eksakto namang paakyat ng hagdan si Elise, ang b st friend ko mula pa noong ako ay first year college pa lang sa kursong Med.Tech.
"Mayroon ka na bang makukuhanan ng specimen?" Tanong niya sa akin na sumabay na rin sa pag-akyat sa hagdanan.
"Wala pa nga eh. Namomroblema nga ako kung kanino ako hihingi," sagot ko.
"Kung okay lang kay kuya na dalawa ang hihingin ko ay sasabihin ko sa kanya. Pero kasi, nakakahiya na talaga," wika ni Elise na ngayon ay kumakain na naman ng sandwich.
"Hindi ka nag-almusal ano?" Tanong ko saka ko siya itinuro.
"Oo, na-late ako ng gising sa pagrereview. Paano ba naman kasi, Lunes na Lunes magpapa-quiz si Sir Banatao sa subject natin. Nakaka-stress. Ang boring niyang ka-bonding." Umirap pa siya saka muling kumagat ng sandwich.
"Ako rin naman, katatapos ko lang magreview kaninang madaling araw. Paano ba naman kasi, istorbo ang anak ng amo ko," sagot ko.
"Si Andrei?" ang anak ni Sir Ismael ang tinutukoy niya, ang apo ng mag-asawang Sebastian at Ruby.
"Hindi. Dumating na kasi kahapon yung Junior nina ma'am at sir, tapos sobrang sungit at ang lakas mantrip. Naiinis nga ako dahil sa sobrang bully niya eh."
"Gwapo?" Bigla niya akong hinawakan sa aking braso at pinaharap sa kanya.
"Gwapo sana kung hindi bully. Pero hindi ko type ha!" Depensa ko saka naglakad muli.
"Naku, Gelai, tigilan mo nga ako sa hindi-ko-type na linyahan mo riyan. Kilala kita. Patingin ng cellphone, kilalang kilala kitang babae ka. Siguro ay kinunan mo na rin ng litrato ano?" Hinabol niya ako saka kinapkap ang bulsa ko.
"Ano ba, tigilan mo nga ako. Wala akong kuha sa kanya at baka masira pa ang kaisa-isa kong cellphone na bigay ni nanay kapag kinunan ko ng litrato ang damuhong iyon ano," wika ko saka naiinis na inayos ang sarili ko.
Nasa tapat na kami ng aming building, ang College of Allied Health and Sciences kung saan naghihintay ang kaibigan naming si Grace.
"Kanina ko pa kayo hinihintay. Tara na, at baka mahuli tayo sa quiz," nagmamadaling wika ni Grace.
Sa aming tatlo, siya ang pinaka-nerd at pinakalaging attentive. Kung sa notes sana ay siya ang mayroong pinaka-kumpleto sa aming tatlo.
"For sure, hindi na naman tayo magkakatabi sa quiz ngayon. Alam na ni Sir Banatao na friends tayo," ani Elise.
"As if namang nagkokopyahan tayong tatlo ano. Sadyang magagaling lang tayo sa klase. Aminin na nilang mas marami tayong tatalunin na third year students. Huwag nga siya," ani Grace.
Sa edad kong 25 ay ako na nga yata ang pinakamatanda sa aming klase. Huminto kasi ako ng pag-aaral dahil sa kakapusan ng pera kaya naman inabot ako ng ganitong edad para sa akinv pag-aaral.
Mabuti na lang talaga at kilala ni Ma'am Ruby ang aking mga magulang na nagtatrabaho sa kanilang mansion kaya't kinuha niya ako mula doon at pinag-aral kapalit ng pag-aalaga ko sa kanilang cute na apo na si Andrei.
Sabay sabay na kaming pumasok sa loob ng classroom at tulad ng inaasahan ay tahimik ang klase dahil kanya kanyang nagrereview sa kani-kanilang pwesto.
Matindi ang screening sa aming kurso dahil laging top 1 sa school performance ang San Lorenzo University dahil sa rating sa board examination ng mga graduates nito. Nagpo-produce din kasi ang SLU ng mga national at regional top notchers kaya't best performing talaga ang eskwelahan na ito.
Kaya naman napakaseryoso ng mga teachers at mga staff sa college namin kung grado at performance ang pag-uusapan.
NAPAKABILIS lang ng araw, alas dos na naman at ito na ang last period namin sa araw ng Lunes.
Kanya kanya na kaming alis at dahil mayroon akong sundo ay kailangan kong magmadali sa paglalakad.
"Gusto lang namin siyang makita," pangungulit ni Grace.
"Madi-disappoint lang kayo at baka i-bully lang niya ako sa harapan ninyo." Sabi ko pa saka mas lalong nagmadali sa paglalakad.
"Gusto lang naman naming makita ang kinukwento mo sa amin, ang arte mo Gelai ha?" Ani Elise na kumapit pa sa kamay ko.
Nakwento ko rin kasi ito sa kanila kanina nang mag-lunch kami kaya't ayan tuloy, naging mas interesado sila na makita o makilala si Baste.
"Bahala nga kayo," sabi ko na naglalakad pa rin.
Nakarating na kami sa gate ngunit wala pa rin si Baste.
Tumingin ako sa orasan at lagpas limang minuto lang makalipas ang alas dos ng hapon.
Alas dos impunto ang usapan ngunit heto ay late ako ng five minutes.
"Hala, baka umalis na." Sabi ko saka tumingin sa kanan at kaliwa upang tingnan kung nandito pa ba siya.
"Umalis? Five minutes lang naman ang lumipas ah, ang oa naman niyon," ani Elise.
Tumingin ako sa paligid at wala talaga siya.
"Sorry guys, siguro ay hindi talaga time para makita niyo siya. At wala naman kayong makikitang mabuti doon. Matabil ang bibig at bully. Baka pati kayo ay madamay," sabi ko pa.
"Ano ba iyan? So, paano magcocommute ka?" tanong ni Grace.
"Ganoon na lang siguro ah," sagot ko.
Ngunit biglang mayroong huminto na motor sa harapan naming tatlo.
"Late ka ng halos sampung minuto. Pasalamat ka, mabait ako ngayong araw na ito," maangas na wika ni Baste.
Nagulat kami sa kanyang presensya, or sabihin na lang nating ako lang ang nagulat dahil ang dalawang kaibigan ko ay mukhang nahumaling pa sa kanya.
Nakasuot siya ng pulang jersey sando at puting shorts. Kita rin ang mabuhok niyang hita dahil doon.
Nangingintab ang namamawis niyang braso dahil sa init ng panahon. Nakasumbrero pa rin siya ng itim na baliktad ang pagkakasuot.
Malakas ang dating niya sa babae lalo pa at makapal ang kilay niya, bilugan ang mga mata, matangos ang ilong, mapula ang labi at perpektong kumbinasyon ng kulay ng kanyang ama at ina.
"Sorry, eksaktong alas dos kasi ang out namin, syempre naglakad pa ako," sagot ko.
"Sasagot ka pa. Sumakay ka na at nagmamadali ako, kailangan ko pang makipaglaro ng basketball sa mga kababata ko." Sagot ko naman saka tumingin sa mga kaibigan ko.
"H-hi, kuya," bati ni Elise.
"Hello," sagot niya ngunit hindi nakangiti.
"Hello kuya," ani Grace.
Ngumiti na lang siya ngunit pilit na pilit na talaga. Halatang halata iyon sa mabilisan niyang pagbawi niyon kaya't sumakay na ako sa motor.
"Bukas na lang ulit guys, ingat kayo," paalam ko.
"Kumapit ka sis," mapang-asar na wika ni Grace.
Umirap lang ako at kitang kita ko ang kilig sa kanilang mga mata.
"Kumapit ka raw, parang ayaw mo naman." Naiinis niyang hinawakan ang kanan kong kamay at ipinulupot sa kanyang bewang.
Heto na naman iyong pakiramdam na nararamdaman ko kanina pa nang ihatid niya ako. Nakukuryente ako sa init na hatid ng pagdidikit ng aming mga balat. Hindi ako sanay sa ganito, naninibago ako sa kanya.
Pag-alis namin ay wala na kaming imikan. Alas dos y media ng hapon ay nakarating na kami sa Calle Adonis, ang barangay na kinabibilangan namin.
Ngunit nasa unang kanto pa lang kami ay pumasok na doon ang motor.
"Anong gagawin natin dito? Sa ikatlong kanto pa tayo ah," sita ko sa kanya.
Halos dalawang kilometro pa ang layo niyon kaya't nagtataka ako kung bakit kami pumasok sa lugar na ito.
"Huli na ako sa laro namin," aniya.
"Huwag mong sabihin na hindi mo ako ihahatid pauwi?" wika ko.
"Late na nga ako diba, hinihintay na ako nila Leo, Macky, Amir at Nathan. Umuwi ka na lang kung gusto mo, malapit lang naman."
"Baste, ang usapan kanina ay..."
"Wala akong pakialam kung isumbong mo ako. Basta't sinundo na kita. Masyado ka nang spoiled. Maglakad ka kung gusto mo," aniya.
Huminto kami sa isang basketball court at doon ay nakita ko ang mga lalaking tinutukoy niya. Ito ang mga anak ng mga kaibigan nina Sir Sebastian at Ma'am Ruby.
"Tol, ang tagal mo, magsisimula na. Mukhang uulan pa oh," wika ng isa.
"Nagsundo pa kasi ako, pasensya na. Tara na," aniya.
Sa inis ko ay naglakad na ako paalis. Hindi na ako lumingon pa sa kanila.
"Hala, umalis na."
Narinig kong wika ng isa sa kanyang mga kaibigan.
"Hayaan niyo siya," wika ni Baste.
Umuusok na ang ilong ko sa sobrang inis sa kanya. Isusumbong ko na talaga siya sa kanyang mga magulang. Sumosobra na talaga siya. One week pa man din wala ang mag-asawa at maging ang kanilang apo. Tanging si Aling Krising, ako at si Baste lang ang maiiwan sa bahay.
Ilang araw pa ang titiisin ko. Mas okay kasi kung personal kong isumbong ang kanilang anak sa kanila.
Nakalayo na ako nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
"Shocks, ano ba iyan!" Tumakbo akong bitbit ang bag ko.
Mabuti na lang at leather iyon, hindi basta bastang mababasa ang loob.
"Saan ba ako sisilong? Nakakainis naman iyon!"
Siya talaga ang sinisisi ko sa lahat ng ito.
Hanggang sa wala na akong mahanap na masilungan man lang sa lugar na ito.
Sa aking pagkadismaya ay naglakad na lang ako at hinayaan na lang na mabasa ako ng tuluyan.
Para akong basang sisiw na naglalakad na lang sa kahabaan ng kalsada.
Hanggang sa mayroong motor na huminto sa tabi ko.
"Sakay!" Sigaw niya.
Malakas ang ulan kaya naman malakas din ang boses niya. Tumingin ako sa kanya, nakahubad siya at tanging shorts lang suot, nakasabit sa balikat ang kanyang jersey at ngayon ay basang basa na ang buong katawan niya.
"Huwag na. Mauna ka na!" Umirap ako at nagpatuloy sa paglalakad.
Sumunod ang motor saka humintong muli sa tapat ko.
"Sasakay ka o kakaladkarin na lang kita?" striktong wika niya.
"Wala na, basa na ako. Kung sana ay kanina mo pa ako hinatid, hindi ba?"
"Ang dami mong arte, kung ayaw mo e di huwag." Pinaharurot niya ang motor at saka umalis.
Mas lalo pang lumakas ng ulan hanggang sa halos wala na akong makita. Wala na akong masisilungan.
Ngunit mayroong motor na bumalik at saka huminto sa harapan ko.
"Sakay na kasi, basa ka na oh," aniya.
"Kanina pa, obvious ba?" Umirap ako sa kanya at naglakad ulit.
Wala na akong pakialam kung mababasa na ang lahat ng gamit ko.
"Huwag ngang matigas ang ulo mo, Gelai. Sakay!"
Kumislap ang kanyang mga mata sa galit. Kinabahan ako dahil sa kanyang ekspresyon.
Bumaba siya sa motor matapos niyang ilagay ang stand niyon saka ako agad binuhat.
"Ano ba?" Sigaw ko.
Hanggang sa makarating kami sa isang waiting shed na hindi ko nakita kanina.
"Dito ka lang, babalik ako." Aniya saka umalis.
Narinig ko na lang na paharurot na umalis ang motor.
"Saan siya pupunta?" Tanong ko sa sarili ko saka naupo sa bench sa waiting shed.
Binisita ko ang laman ng bag ko at salamat naman at hindi nabasa ang loob niyon.
Ilang sandali pa ay bumalik siya na mayroong dalang malaking payong.
"Sakay na!" aniya.
Sumakay na ako at walang kibong humawak sa bewang niya.
"Wala tayong kasama, umuwi si Aling Krising. Anong gusto mong ulam, ipagluluto kita," wika niya.
Anong nakain niya? Bakit siya biglang ganito?
Nakakapanibago.