CHAPTER 5

2179 Words
"Ladies and gentlemen, welcome to the search for Mr. and Ms. Isla Mercedes 2023. To formally start the program, we would like to request everyone to stand for our invocation and Philippine National Anthem." Ito na iyong araw mismo ng fiesta ng Isla Mercedes. Lahat kami ay nagtipun-tipon sa malawak na covered court ng munisipyo. Matapos naming tumayo ay saka inumpisahan ang panalangin na sinundan nang pagkanta ng Lupang Hinirang. Halos mapuno ang lugar na ito para tunghayan din ang gaganaping contest. May ilang dumalo na bigating tao, mga kaibigan ng Mayor at iba pang kasama sa politika, na sila ring nagsilbing sponsor ng event. First time ko lang makasama sa mga ganitong ganap ng mga probinsya, parang tradition na rin nila. Ibang-iba sa Manila. Ang saya pala at masasabi kong isa ito sa magiging memorable na alaala ko rito sa isla. Siguro kung babalik man ako ng Manila, pupunta at pupunta pa rin ako rito sa tuwing sasapit ang fiesta. Para kahit man lang sa isang taon ay makadalaw ako rito sa pinagpalang lugar na ito. "Live at the center stage, it's the Mr. and Ms. Isla Mercedes 2022. Let's all welcome our hosts for this evening Ms. Bianca Tumbali and Mr. slàsh Cop. Calvin Frias," ani isang boses mula sa background at natawa pa dahil sa huling tinuran nito. Nangunot ang noo ko. Kaagad ding sinalubong ng tingin ang dalawang tao na siyang lumabas galing sa likod ng stage. Awtomatikong tumutok sa kanila ang spotlight. Nakangiti sila para salubungin ang masigabong palakpakan. Nagbaba ako ng tingin sa kamay ng babaeng nagngangalang Bianca Tumbali, nakalingkis iyon sa braso ni Calvin. Maputi at matangkad ang babae, tunay ngang maganda. Hindi maipagkakailang pang-beauty pageant ang kaniyang itsura at tindigan. Lumihis ang mga mata ko kay Calvin. Hindi ko alam kung ngingiti ba ako bilang kasiyahan na malamang dati pala siyang sumali sa ganitong event at nanalo pa bilang Mr. Isla Mercedes, o malulungkot dahil ito pala ang pinagkakaabalahan niya kaya hindi siya nagpapakita sa akin. Akala ko ay busy lang siya sa trabaho at hindi na siya nagagawi rito sa munisipyo. Well, hindi ko naman siya hinahanap. Nagtataka lang din ako— at ito pala. Napanguso ako at kinimkim na lamang kung ano man ang ikinahahabag ng puso ko. "Good evening, everyone! Tonight, witnesses, as twenty dazzling candidates present their very best and vie for the covetous crown right here at this stage," maligayang panimula ni Calvin. "As the night fills with veer excitement, we will soon find out who will be the worthy title holders. I'm Bianca Tumbali," anang Bianca, kumaway ito sa madla at ngumiti nang ubod ng tamis. "And I'm Calvin Frias. And this is—" Si Calvin na saglit tumigil para lang balingan si Bianca, pareho silang tumango sa isa't-isa bilang hudyat na sabay silang magsasalita. "Mr. and Ms. Isla Mercedes 2023!" Muling nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Marami rin ang tumitili at nagsisigawan, kasunod nang masayang tugtugin. Sumasabay ang ingay nila roon, hindi maikukubling masaya ang lahat. Bandang huli nang mapangiti rin ako. Hindi ko na lang pinagtuunan ng pansin kung bakit parang bumigat ang loob ko. Nakisali ako sa palakpakan. Katabi ko sina Ma'am Darlene at iba pang katrabaho mula sa harapan kung kaya ay hindi ako pwedeng mawala sa focus. Sina Bianca at Calvin ang nagsilbing host sa gabing ito. Isa-isang ipinakilala ang mga kandidata sa harapan, nagpakilala at nagpagalingan sa kani-kanilang talent. Mayroon ding swimwear portion, sports attire. Panghuli ay ang formal attire. Sa ilang oras na nagdaan ay marami ang nangyari at naganap sa entablado ngunit hindi ko halos iyon masundan. Sa sobrang kalutangan ko ay hindi ako makapagsabi kung sino ang napupusuan ko sa mga kandidatang naroon. Totoong nawala ako sa huwisyo. Pinipilit ko na lang ang sarili na mag-focus sa harapan, para na akong bingi na kahit nagsasalita sila ay walang pumapasok sa tainga ko. Pakiramdam ko pa ay biglang naging tahimik ang mundo ko. Isang beses nang malingunan ko si Calvin. Siya ang host pero ni minsan ay hindi ko siya tiningnan. Sa takot kong baka lalong magwala ang sistema ko ay pigil-pigil ko rin ang sarili na tingnan siya. Ngayon lang at naabutan ko pa ang mga mata niyang nakamasid sa akin. Tila ba kanina pa siya nakatitig sa akin at hinuhuli ang tingin ko. Ngayon na nagtagpo ang mga mata namin ay parang ayaw niya nang bumitaw. Kahit noong magsalita siya ay na sa akin pa rin ang atensyon nito. Hindi ko alam kung agaw-pansin ba iyon at nililingon na ako nina Ma'am Darlene. Kaya yumuko ako at nag-iwas na lamang ng tingin. "There you have it, ladies and gentlemen. Our twenty candidates are now down to ten. Congratulations, candidates. You are now one step closer to winning the crown of Mr. and Ms. Isla Mercedes 2023. A round of applause for them!" ani Bianca. "And without much ado, let us now start the most exciting and the most awaited part of any beauty pageant; the question and answer portion." "Of course, the question and answer portion will only prove that the candidates from Isla Mercedes are not just physically alluring, but they are also, most especially, intelligent," dagdag naman ni Calvin. Ito na ang pinakahihintay ng lahat. Pinaghalong kaba at galak ang mararamdaman sa paligid. Ganoon din yata ang nararamdaman ko na hindi ko makayanan— nahihilo ako. Bumuntong hininga ako bago nagpasyang magpaalam kina Ma'am Darlene na gagamit lang ako ng CR. Alanganin man sila dahil naroon na kami sa exciting part, pero pumayag din naman sila kalaunan. Halos mapuno ng tao ang paligid. Nahirapan pa akong makadaan patungo sa loob ng munisipyo. Saglit akong umihi roon, pagkatapos ay hindi na ako bumalik pa sa pwesto kanina. Deretso akong lumabas ng covered court at hinanap ang motor. Nakasuot lamang ako ng pormal na damit, blouse at trouser kaya naman ay madali lang sa akin na makapagmaneho ng motor. Madilim na ang paligid dahil anong oras na rin naman na, pasado alas otso na. Imbes din na umuwi ay nagliwaliw ako sa kalsada. Sa sobrang dami ng tao kanina ay hindi ako makahinga kung kaya ay tinahak ko ang daan papunta sa Isla Mercedes Bridge. Medyo malayo iyon ngunit na-enjoy ko naman ang lamig ng hangin na siyang tumatama sa mukha ko. Hindi nagtagal nang ihinto ko ang motor sa tabi ng kalsada. Pinatay ko ang ignition at saka tuluyang bumaba. Tinungo ko ang gilid ng railings, kapagkuwan ay dinungaw ang bandang ibaba ng tulay. Mula sa maliwanag at bilog na bilog na buwan ay nagniningning sa paningin ko ang ibabaw ng karagatan ng Isla Mercedes. Malakas ang alon na siyang tumatama sa mga naglalakihang bato sa paligid nito. Dinig ko rin ang huni ng mga ibon sa itaas, animo'y inaawitan ako at hinihele. Kahit pala sa gabi ay talagang maa-appreciate mo iyong ganda ng isla. Isa sa bukod tanging pinagpalang lugar dito sa Pilipinas. Kahit mag-isa ako roon ay hindi ako kinapitan ng takot. Mas nanaig pa rin iyong kagustuhan kong mapag-isa sa mga oras na iyon. May ilan din namang dumaraang mga sasakyan, madalang nga lang. Matagal akong tumambay doon. Hindi ko na namalayan ang oras at mas lalong lumalim ang gabi. Malamang na hinahanap na ako nina Ma'am Darlene, malas lang nila na hindi ko nadala ang cellphone ko. Sandali akong natawa sa reyalisasyong iyon. Kung siguro si Elsa ang iniwan ko sa court na iyon, baka nagpatawag na iyon ng mga barangay sa paghahanap sa akin. Madalas pa naman ay grabe iyon mag-react. Wala sa sarili nang mapanguso ako. Imbes din na umalala pa ng mga bagay-bagay sa nakaraan ay pinilig ko ang ulo ko. Bumuntong hininga rin ako. Saktong tumalikod ako para lapitan ang motor, balak ng umuwi nang may biglang humintong kotse sa harapan ko. Natigilan ako at inakala ko pang ito iyong eksena na napapanood ko sa mga balita kung saan ay sapilitang ipapasok ang babae sa kotse, kikidnapin at saka ipagbibili ang mga lamang-loob, kung hindi naman ay ibebenta sa mga parokyano. Kung hindi ko lang din namukhaan ang itsura ng kotse ay baka kanina pa ako tumakbo palayo. Napasinghap ako nang lumabas mula sa driver's seat si Calvin na kasing dilim ng langit ang kaniyang mukha. "Verra!" Nanlaki ang mga mata ko at kaagad na napaatras nang walang anu-ano'y huminto siya sa harapan ko. Halos manuot sa akin ang panglalaking amoy niya, masyadong nakakaadik at nakababaliw. Umatras pa ulit ako upang bigyan ng espasyo ang gitna namin, para rin tingalain siya. "Calvin," bulalas ko sa mahinang boses. "Paano mo nalaman na nandito ako?" "Bakit ka umalis?" agap niyang tanong na hindi man lang inabalang sagutin ang kaninang tanong ko. "May nanalo na ba? Sinong nanalo?" "Verra..." "Tapos na ba ang event? Baka hanapin ka roon," angil ko at muling umatras. Kaagad nga lang akong natigil nang mabilis niyang hinawakan ang braso ko. Ang kaninang nanlalamig kong katawan ay madaling nag-init sa simpleng paghawak lamang niya sa akin. "Mas nag-alala ka pa sa mga maiiwan ko roon, pero hindi ka nag-alala sa mangyayari sa 'yo at bumiyahe ka ng mag-isa, ng ganitong oras," palatak niya, sa tumataas niyang boses ay natanto kong galit siya. "Wala namang nangyari sa akin. Okay naman ako." Iminwestra ko ang katawan ko rito para bigyang diin ang sinabi ko na ayos lang ako. Dagli pa akong natawa habang maang siyang tinitingnan. Napansin kong wala na iyong coat niya, natira na lang ang white polo nito. Ang kwelyo ay wala na sa ayos, tanggal na rin ang unang mga butones nito. "Hindi mo sinabi na dati ka na palang sumali bilang Mr. Isla Mercedes... at nanalo ka pa," pahayag ko, tila nang-uuyam. Kumurap-kurap si Calvin. "Hindi ko na nabanggit dahil akala kong hindi naman iyon mahalaga sa 'yo." Nagkibit ako ng balikat. "Pero infairness, bagay kayo no'ng Bianca. Bagay na bagay," segunda ko. Umigting ang panga ni Calvin. Isang beses siyang nag-iwas ng tingin at nagpakawala ng buntong hininga. Mayamaya nang muli niyang ibalik sa akin ang atensyon. "Iyan ba ang dahilan kung bakit ka umalis?" usisa niya na naging mitsa para mangunot ang noo ko. "Huh? Tingin mo ay nagseselos ako?" Malakas akong humalakhak. "Hindi, 'no! Ano ka ba! Gusto ko lang talagang magpahangin." Kumibot ang labi ni Calvin habang mariin pa rin akong tinititigan. Iniisip siguro niyang nahihibang na ako, na sa dami ng pwede kong puntahan ay bakit dito pa? Pwede naman akong magpahangin sa labas ng covered court, hindi ba? Naramdaman ko ang paghigpit ng kamay ni Calvin sa braso ko. Nagbaba ako ng tingin doon bago muling tumingala sa kaniya. Nagpilantikan ang mga kilay ko at hindi ko alam kung bakit unti-unti na akong naiinis, unti-unting naungkat iyong mga naramdaman ko kanina. "Nagseselos ka," untag ni Calvin na wala man lang preno ang bibig. Tinulak ko siya sa kaniyang dibdib. "Maghunos dili ka, Calvin. Bakit ako magseselos? Sino ka ba sa inaakala mo?" "Saan ka nagagalit?" Nag-iba ang emosyon sa mukha niya, ang kaninang galit ay naglaho at napalitan ng pag-aalala. Naninimbang ang mga mata niyang nakadungaw sa akin. Isang hakbang palapit sa akin ang ginawa niya, rason para saglit kong pigilin ang paghinga ko. "Kung nagagalit ka dahil hindi ko nasabi sa 'yo, then I'm sorry. Yes, napasali lang ako sa contest last year noong magbakasyon ako rito. Wala naman iyon sa plano ko, pero napagkatuwaan at wala rin naman akong nagawa," mahabang paliwanag niya. "Kung nagagalit ka rin dahil hindi ako nagpakita sa 'yo ng ilang araw, I'm sorry. May trinabaho lang ako. At the same time ay nagpa-practice sa pagiging emcee. At kung nagagalit ka naman dahil bagay kami ni Bianca Tumbali, again, I'm sorry, Verra. Pero hindi ko naman siya gusto, hindi siya 'yung tipo ko. Wala lang din akong choice. Kailangan kong maging sweet at clingy sa kaniya para maging effective ang event." Sa lahat ng sinabi niya ay wala akong naisagot kung 'di ang pag-awang ng bibig ko. Bumagsak ang panga ko sa kalsada. Hindi ako makapaniwala. Para akong sinampal ng katotohanang madali lang niyang natutunan ang nararamdaman ko. Napakurap-kurap ako at hindi na malaman kung saan pa titingin. Ngayon ay hawak na ni Calvin ang magkabilaan kong braso, pilit niyang kinukuha ang atensyon ko ngunit hindi ko lang siya magawang tingnan pa. Lalo ngayon na para na akong sasabog sa sobrang bilis nang pagkabog ng puso ko. Kulang na lang ay kumawala ito sa dibdib ko. Masyado na rin akong kinakapos ng hininga at kung titingnan ko pa si Calvin ay parang namatay na rin ako. "Now, look at me, Verra," utos ni Calvin, sa pagkakataong ito ay gamit niya ang malambing niyang himig. "Huwag mo nang ulitin na aalis ka na lang bigla. Baka hindi ako makapagpigil ay mapakasalan kita para lang hindi ka na makawala." Napasinghap ako. Sa narinig mula rito ay awtomatikong bumalik ang tingin ko sa kaniya. Halatang nagwagi ito nang tunay ngang makuha niya ang atensyon ko. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. "Subukan mo ako, Verra," malamyos niyang sambit at saka pa ako hinalikan sa labi na siyang ikinagulat ko. What the hell??
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD