Nasundan pa ng makailang ulit na pagkawala ng ulirat ni Katarina bagay na lalong kinabahala nina Nanay Estrella at Reden.
"Kailangan na talaga natin siyang ipa-laboratory, inay para malaman na natin ang sakit niya, hindi na normal ito," palatak ni Reden sa kanyang ina.
"Pero anak, saan tayo kukuha ng pera, kapapasok mo pa lang sa trabaho mo. Hindi kasya ang tatlong libo sa pitaka ko," bulalas ang ginang.
"Inay, may problema po ba?" usisa ni Katarina nang maulinigan ang pag-uusap ng ina at ni Reden. "Pasensiya na po kung pinag-alala ko po kayo, huwag po kayong nag-alala dahil hindi na mauulit 'yon," wika ni Katarina.
Kung may isang bagay siyang ayaw makita ay ang makitang naluha o puno ng pag-alala ang kanyang Nanay Estrella.
"Dapat lang anak dahil hindi mo alam kung gaano ang takot ko na mawala ka sa amin kaya magpagaling ka," lambing ni Nanay Estrella kay Katarina.
"Oo naman, nanay, kahit minsan gusto ko nang mamatay dahil sa pangit kong hitsura ay gusto ko pa ring mabuhay basta kasama ko kayo, kayo ni Kuya Redentor," aniya na sa pagkakataong 'yob ay hindi siya naiilang na tawagin itong kuya. Sa pagkakataong 'yon ay mas kailangan niya ng kapatid kaysa kasintahan.
"Huwag na huwag mong sabihing pangit ka anak, maganda ka at may rason ang Diyos bakit ka niya binigyan ng ganyang balat. Hindi mo pa alam kung bakit sa ngayon pero darating ang araw at pasasalamatan mong ganyan ka," hayag ni Nanay Estrella na puno ng pag-asa.
Napansin ni Katarina na panay ang iwas ni Reden sa kanya, ayaw na ayaw nitong tingnan siya pero hinayaan na lamang niya pero maya-maya ay narinig niya itong nagsalita.
"Kumain kang mabuti at inumin mo ang gamot mo, iwasan mo raw ma-stress sabi ng doktor," paalala ni Reden. "Baka sa susunod na linggo ay gagawin ang iba pang laboratory sa 'yo upang matukoy kung bakit sumasakit lagi ang ulo mo at masaklap pa ay nawawalan ka ng malay," dugtong pa ni Reden.
"Pero kuya, wala naman tayong pera para doon," sabad niya rito.
"Huwag mo nang isipin 'yon, gagawan ko ng paraan, mangungutang o mag-a-advance ako sa amo ko, basta relax ka lang muna. Nakausap ko na ang guro mo at sinabi ang sitwasyon mo kaya hindi ka muna papasok ngayon," paliwanag pa ni Reden.
Gusto pa sanang umangal ni Katarina pero kilala niya ang lalaki, kung ano ang sinabi nito ay dapat niyang sundin. "Kumain ka ng gulay, dalaga ka na kaya huwag mapili sa pagkain," sermon pa ni Redentor sa kanya. Napapansin din pala siya nitong hindi masyadong nakain ng gulay.
"Opo, kuya," busangot na turan.
Napapatingin si Reden kay Katarina sa tuwing tinatawag siya nitong kuya, hindi kasi siya sanay dahil noong hindi pa nito alam na may sakit siya ay ayaw na ayaw siya nitong tawaging kuya kahit pinaggigiitan ng kanilang nanay-nanayan.
"Bakit, kuya, may dumi po ba ako sa mukha? I mean may muta ba ako, dati na palang may dumi sa mukha ko," sita ni Katarina sa kanya nang mapansing nakatitig siya rito sabay simpleng lait sa sarili nito.
"Wala akong sinabing pangit ka, masama bang titigan ko ang kapatid ko na may sakit," depensa ni Reden bago pa mahalata ni Katarina na nahulog na ang loob rito.
Nang balingan niya si Nanay Estrella ay nakita ang pagsusumamo sa mga tingin nito kaya mabilis na umiwas si Reden. Alam na ng nanay-nanayan nila ang pagmamahal para kay Katarina
Hindi naman nagtagal ay naghanda na si Reden upang pumasok sa trabaho, sumasabay kasi siya kay Intong sa pauwi at pagpasok sa kanilang baryo kahit pa pwede naman siyang maglagi sa kanilang accomodation. Hindi niya rin kasi matagalang hindi makita ang nanay-nanayan at si Katarina lalo na sa kondisyon nito.
"Sige, anak, mag-iingat ka palagi," habilin ng ina nang busina na si Intong palatandaang kailangan na niyang umalis.
"Mag-iingat kayo rito, nanay, bantayan mong mabuti si Katarina dahil baka mawalan ng malay na hindi natin alam," habilin rito.
"Huwag kang mag-alala, paano nga pala ang pagpa-laboratory natin, magagawan mo ba ng paraan para alam ko kasi plano kung puntahan sa kabilang bayan ang malayong pinsan ko kung mapapahiram niya ako," wika ng kanyang Nanay Estrella.
"Gagawan ko po ng paraan, nanay, huwag mo nang isipin 'yon," ani Reden. Batid niya namang malayo rin ang loob ng Nanay Estrella niya sa mga kamag-anak nito.
***
Pagkaalis ni Redentor ay hindi niya mapigilang ikwento kay Intong ang problema niya.
"Pare, isa lang naman ang solusyon sa problema mo. Patulan mo ang kumadrona na patay na patay sa 'yo, sa lalaki ng ginting lahas noon sa katawan kahit isang singsing lang ay solve na ang pampa-laboratory ni Katarina," palatak nito habang lulan sila ng motorsiklo nito patungo sa trabaho.
Iniisip na nga rin noon ni Reden pero tila tumututol lang ang isipan dahil parang hindi niya kayang mambilog ng matanda para makakuha ng pera.
"Alam mo, hindi na uso ngayon ang disente, lahat ngayon may bahong tinatago," pangungumbinse pa ni Intong.
"Pag-iisipan ko," wika niya.
"Sus! Sabi mo ay kailangang-kailangan na ninyong ipa-test si Katarina. Besides lalaki tayo at walang mawawala, for sure naman ay malilinis ang mayayamang matanda na mga 'yan, free sa mga sakit," bulalas ni Intong.
Parang konting push na lamang ay makukumbinse na si Reden sa galing ni Intong. Nakuwento kasi nito na may isang matandang sinamasahan na niya kaya siya nakabili ng motorsiklo at nakapagpa-renovate ng kanilang bahay. Hindi naman daw gabi-gabi niya sinisipingan ito dahil may asawa't pamilya naman daw ito. Nakikipagkita lang ito kapag nasa ibang bansa ang asawa nitong Intsik.
Pagdating nina Reden at Intong sa trabaho ay agad siyang pinatawag ng boss. Naisip na rin ni Reden na pagkakataon na niya 'yon para magsabi sa boss na mag-a-advance siya, wala naman sigurong masama kung susubukan niya baka pagbigyan siya nito.
"Huwag kang mag-alala mabait 'yan si Sir Jan," bulong ni Intong nang marinig nitong pinapatawag siya ng may-ari ng bar na pinapasukan nila.
Agad na nagtungo sa opisina ng boss at pagpasok roon ay nakitang may kasamang isang matandang babae ang kanyang boss. Parang nakikinikinita na niya ang magiging senaryo.
"Good evening, sir, pinapatawag niyo raw ako," magalang na bati sa amo.
Lalaking-lalaki manamit at hitsura ng boss pero kapag nagsalita ay doon mo malalamang bakla pala ito.
"Yes, Mr. Delgado, maupo ka," ani boss kaya naupo siya sa harap ng matandang matrona kahit ilang na ilang siya sa klase ng tingin nito.
Naghintay si Reden ng sasabihin ng kanyang boss, kapansin-pansin na panay ang pagngiti ng matanda sa kanya bagay na kinailang niya.
"Mr. Delgado, nabanggit nga pala sa 'kin ni Intong na kaya ka pumasok rito ay kailangan mo ng pera," panimula ng boss. Nabigyan ng pag-asa si Reden sa sinabing 'yon ng boss, baka pahihiramin sa nito para mai-deduct na lamang sa kanyang sahod.
"Tama po, sir," tugon niya.
"May sakit daw ang kapatid mo at kailangan niya ng malaking halaga, tama ba?" usisa pa nito.
Napalunok si Reden dahil mukhang alam na niya ang patutunguhan ng usapan nila ng boss.
"Tama po, sir," magalang na tugon.
Ngumiti ito at tumingin sa matandang babae na kasama.
"Siya si Donya Martha Agoncillo, gusto niyang tulungan ka," saad ng boss dahilan upang mabilis na nilingon ang babaeng kaharap.
Ngumiti ito.
"Kung gusto mo ay tutulungan kitang mapagamot ang kapatid mo at makapag-aral ka pero sa isang kondisyon," wika ng matanda.
Napalunok si Reden sa kondisyong hihilingin ng matanda.
"A-Ano po 'yon?" lakas-loob na tanong.
"Gusto kong may boy-toy kita," anito.
Halos bumagsak ang panga ni Reden sa sahig sa narinig na sinabi nito.
Tila umaalingawngaw tuloy sa isipan ang sinabi ni Intong na walang taong walang bahong itinatago.
"Limang daang libo ang initial payments ko, sapat na siguro para sa gamutan ng kapatid mo," palatak nito.
Napatigil si Reden, sa laki ng halagang sinabi ng matanda ay mapupunan na nila ang pangangailangang medical ni Katarina.
"Ano, payag ka ba?" nakangiting usisa ng matrona.
"Ano po bang trabahong gagawin ko?" untag niya rito, gusto niyang maging specific sa kung ano ba ang trabahong gagawin dito.
"Ano pa, magiging boy-toy ka ni Donya Martha, sisipingan mo siya kapag gusto niya, sasayawan mo siya if gusto niya o pwede ka ring ipagamit sa iba niyang kaibigan pero don't worry Mr. Delgado mabait naman 'yang si Donya Martha," singit ng kanyang boss.
Napalunok nang sunod-sunod si Reden at hindi malaman kung tatanggapin ba ang alok ng matanda o hindi.
"Sige na, hijo, galante akong magbigay bukod sa bayad ko sa 'yo ay nagbibigay rin ako ng tips," pag-eengganyo pa ng matanda.
Masyadong nilalamon si Reden ng isipin hinggil sa gamutan ni Katarina kaya tinanggap na niya ang alok ng matrona dahilan upang mapangiti ang boss at ang matanda.
"Naku, Mr. Delgado, hindi ka nagsisi," palatak ng boss sa sobrang galak.
Alam niyang sa ganoong kalakaran ay may commission na naman ang boss kaya ganoon na lamant kalawak ang ngiti nito.
Hindi man alam ni Reden kung ano ang pinasok na deal sa matanda, ang importante sa ngayon ay may pera na siya upang natugunan ang laboratory test para kay Katarina.
Nang iabot ng matanda sa kanya ang sobre na sinasabi nitong paunang bayad ay hindi maiwasang manlamig si Reden dahil sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya makakahawak ng ganoong kalaking halaga ng pera.