Chapter 8

5000 Words
JENELYN: PARA akong pinagsakluban ng langit at lupa na iba ang inaasahan kong madadatnan pag-uwi ko sa amin. Akala ko ay makakatahimik ako dito at makakapag simulang muli kasama ang pamilya ko pero. . . nagkamali ako. "Mama, makinig naman po kayo sa akin. Ako ang niloko niya kaya umuwi ako," humahagulhol kong pakiusap kay Mama. Pagak itong natawa na dalawang magkasunod na sampal ang iginagawad sa aking ikinamanhid ng magkabilaang pisngi ko. Kita ang kakaibang galit sa kanyang mga mata na namumula na rin ang mga iyon. "Pinalaki kita ng maayos, Jen! Mula pagkabata mo ay dinidisiplina na kita! Paulit-ulit kong itinatak sa isipan mo na sa isang lalake mo lang dapat ipaubaya ang katawan mo at 'yon ang asawa mo! Pero ano, ha!? Inuna mo pa ang kalandian mo! Nakakahiya ka! Kinahihiya kita! Sana. . . sana hindi na lang kita naging anak!" nanggagalaiting bulyaw nito na ikinanigas kong umagos ang masaganang luha sa mga mata ko. "M-mama. . . h-hwag naman po kayong magsalita ng ganyan." "Tama na, Jennifer. Hwag mo naman sabihin ng ganyan ang anak natin." Pag-awat ni Papa na hawak sa braso si Mama. "Mama, si Lander po ang nagloko. Sila ni Lucy po. Niloko nila ako. Maniwala naman po kayo sa akin, Mama." Humihikbing pakiusap ko na ikinailing nito. "Gusto mong maniwala kami sa'yo?" "Opo!" Ngumisi ito na humalukipkip na pinasadaan ako ng tingin mula ulo hanggang paa sabay iling na kitang dismayado sa akin. "Magpa-check-up tayo, Jen. Patunayan mong. . . birhen ka pa. Saka ako. . .maniniwala sa'yo." Panghahamon nito. Namutla ako sa narinig na hindi makaapuhap ng maisasagot dito. "Ang sabi ni Lander, iniingatan ka niya lalo na ang dangal mo. Nangako siya sa amin na saka ka lang niya gagalawin kapag kasal na kayo. Hindi ka pa raw ginagalaw ni Lander. Kaya kung nagsasabi ka ng totoo, tara. . . magpa-check-up tayo, Jen. Patunayan mong. . . malinis ka pang babae," madiing saad nito na ikinayuko kong napahagulhol. "Urghh! Mama! Tama na po!" hiyaw ko na muli ako nitong hinila sa buhok na ikinasalampak ko sa lupa. "Sinasabi ko na nga ba! Kita mo na!? Hindi ka makasagot dahil alam mong nakipagtalik ka sa ibang lalake kaya ka tinanggihan ni Lander na pakasalan! Napakalandi mo! Nakakahiya kang maging anak! Umalis ka dito! Lumayas ka!" pagsisisigaw nito na hila-hila ako sa buhok na kinakaladkad palabas ng bakuran namin! "Jennifer, tama na. Anak pa rin natin si Jen!" pag-awat ni Papa dito. Napakadungis na ng damit ko na puro lupa na. Idagdag pang sabog-sabog na rin ang buhok kong kanina niya pa sinasabunutan. Maski labi ko ay pumutok na rin at umagos ang dugo sa lakas ng pagsampal nito sa akin ng ilang beses. Puro kalmot na rin ang mga braso, leeg pati mukha ko mula rito. Pero kahit nabugbog na niya ako ay galit na galit pa rin ito. "Makakaahon na sana tayo sa hirap, kung hindi ka naglanding bata ka! Milyonaryo na 'yong mapapangasawa mo! Ilang araw na lang ikakasal na kayo! Kung hindi mo na napigilan ang kakatihan mo, 'di sana kay Lander ka nagpakamot hindi sa ibang lalake! Wala ka talagang kwentang anak! Parehong-pareho lang kayo ng Kuya Noah mong walang kwentang anak!" nanggagalaiting bulyaw nito na dinuduro-duro akong nakasalampak dito sa lupa at hinang-hina. Nag-igting ang panga ko na naikuyom ang kamao. Kahit nangangatog ang mga tuhod ko ay pinilit kong tumayo na pinatapang ang itsura. "Hwag mong idamay ang Kuya Owah ko dito!" 'di ko napigilang bulyaw na ikinangisi nito. "Bakit? Masakit ba? Masakit ba na kinalimutan ka na ng Kuya mo? Nasaan na nga ba siya ngayon, ha? Oh. . . ang tanong. . . buhay pa kaya siya? Higit dalawang dekada na siyang hindi nagpapakita sa'yo. Kung talagang mahal ka ng Kuya mo, dapat bumalik na siya. Hindi naman tayo lumipat ng tirahan para maligaw sana siyang maghanap sa'yo, hindi ba?" pang-uuyam pa nito na ikinalarawan ng sakit sa mga mata kong naluluha. "Eh ikaw, Mama. Anong klase kang ina, ha? Bakit hindi mo hinanap ang Kuya noong naglayas siya?" balik tanong ko na pinatatag ang tono. "Gusto mo si Lander para sa akin? Nanghihinayang kang hindi na tuloy ang kasal namin dahil milyonaryo siya?" Natigilan ito na hindi nakaimik kaagad. Napailing akong nagpahid ng luha at dugong umagos sa labi ko. Mapait akong napangiting malamlam ang mga matang tinitigan ito. "Kung nanghihinayang kang hindi na matutuloy ang kasal ko sa hayop na 'yon? Pwes kabaliktaran sa akin, Mama. Dahil nagdidiwang akong. . .hindi natuloy ang kasal ko sa kanya. Umuwi ako dito dahil durog na durog ako sa syudad. Umuwi ako dito dahil nandito ang pamilya at tahanan ko. Akala ko makakabangon ako dito. Akala ko lang pala. Mas pinapaburan niyo ang Lander na 'yon kaysa sa akin na anak niyo? Pwes. . . magsama-sama kayo." Matatag kong saad na ikinapipi ng mga ito. Umayos ako ng tayo na pinahid ang luha. Taas noong nakipagtitigan sa kanila na ngumiti. "Salamat na lang po sa pagsilang at pagpapaaral niyo sa akin. Hayaan niyo. Aalis na itong nakakahiya niyong anak. At katulad ni Kuya Owah? Hinding-hindi na ako babalik sa lugar na ito. Ituturing niyong patay na ang mga anak niyo?" palabang pang-uuyam ko na nakatitig sa kanilang mga mata. "Pwes, magmula ngayon ay. . . ituturing ko na ring ulila na ako sa ina at ama. Kayo ang nagtulak sa akin. . .para lumayo sa inyo. Sana hwag niyong pagsisihang. . . mas nakinig kayo sa ibang tao kaysa sa akin na anak niyo." Mga katagang kusang lumabas sa bibig ko bago tinalikuran ang mga itong nakatulala. Mabigat man sa akin pero. . . wala na akong mukhang ihaharap pa sa kanilang lahat. Kalat dito sa barangay namin na ikakasal na ako kay Lander na isang milyonaryo. Kaya tiyak na mabababad lang din ako ng kahihiyan at pangungutya ng mga tao dito kapag ipipilit ko pa ang sarili ko. Mismong mga magulang ko na rin ang nagpalayas sa akin. Dahil kinakahiya nilang. . . naging anak nila ako. "Kuya, pasakay po!" pagpara ko sa dumaang motor sa dito sa harapan ng bakod namin. Huminto naman ito na ikinahikbi kong napatakbo palapit dito at basta na lamang umangkas kahit hindi ko pa siya nakikilala at may suot na helmet. "Kumapit ka," saad nito na ikinatigil kong napasilip sa mukha nito dahil pamilyar ang boses niya. "Kuya Haden!?" bulalas ko na mahinang ikinatawa nitong tumango. "Yakap, Angel. Baka mahulog ka. Wala pa naman dito ang kapatid ko para saluhin ka," natatawang saad nitong ikinangiti kong napayakap sa baywang niya. "Salamat, Kuya! Salamat at napadaan ka. Para kang anghel na pinadala ng langit sa akin para may karamay ako ngayon," bulalas ko na mas yumakap ditong pinaharurot na ang motor. Napasandal ako sa likod nito na hinayaang umagos ang masaganang luha sa mga mata ko. Kahit paano ay naibsan ang bigat na dala-dala ko sa pagdating nito. Para akong nagkaroon ng karamay sa mga sandaling ito. Hindi ko na alam kung anong dapat kong maramdaman. Durog na durog na ako at hindi makaisip ng tama. Paano ako magsisimula? Saan na ako pupulutin nito? Saan ako pupunta? Babalik ba ako sa syudad? Ang daming katanungan sa isipan ko na hindi ko na malaman kung anong uunahin. Gulong-gulo na rin ang isipan ko sa dami ng problema at stressed na dala-dala ko. Gusto ko na lamang lumayo sa lahat. Sa lugar kung saan walang nakakakilala sa akin. Malayo sa lugar na ito. Malayo sa mga taong dumurog sa akin. Pero wala naman akong sapat na pera na magagamit para sa pagbangon ko. Sapat lang ang laman ng atm ko. Nanghihinayang tuloy akong iniwan ko ang black card na bigay ni Noah. Ayaw ko naman ng lumapit pa sa kanya dahil. . .ikakasal na siya. TAHIMIK kami ni Kuya na nagpapakiramdaman. Pagkababa namin ng bayan ay lumipat kami sa isang speedboat na naghihintay lang sa amin sa pampang. Hindi na lamang ako nagtanong at basta nagpatianod dito. Inakay ako nito sa loob ng speedboat na pinaupo ng sofa. "Stay here. I'll just get something," saad nito na ikinatango ko. Napapayuko ako na hindi maiwasang makadama ng hiya sa kanya. Ang dungis-dungis ko kasi at halatang nabugbog ako. Kahit hindi niya ako tanungin ay mahihinulaan na niyang. . . mga magulang ko ang may kagagawan dito. Pumasok ito ng silid na napakalungkot din ng itsura. Ibang-iba sa makulit at palangiting Haden na nakilala ko kahapon. Umayos ako ng upo na lumabas itong may dalang towel, sando at kargo pants. "Pasensiya ka na, ha? Walang pambabae sa mga damit ko. Here, you can use this para makaligo ka at mas komportable ka," saad nito na iniabot ang damit sa akin. "May banyo sa silid. Doon ka na lang maligo. Pagkatapos mong maligo, bumalik ka dito. Gagamutin ko 'yang mga sugat mo," maalumanay nitong saad na ikinatango kong napapayuko. "Salamat po, Kuya. Nakakahiya sa'yo," aniko na hindi na napigilang mapahagulhol. Kaagad naman ako nitong niyakap na hinahagod-hagod sa likuran ko. Kahit napakadungis ko ay hindi ito nandidiring marumian ang suot basta maalo lang ako. "Shh. . . tahan na, Jen. Ang mahalaga ay nakaalis ka na doon. Kung hindi ka nila kayang mahalin? Hwag mong ipilit. 'Yon ang natutunan ko sa buhay. Na. . . may tamang panahon para sa pagmamahal at pagtanggap sa'yo ng mga tao sa paligid mo. Basta. . . hwag kang magtatanim ng galit at sama ng loob sa kanila. Dahil kahit pagbalik-baliktarin mo man ang mundo? Mga magulang mo pa rin sila, okay?" pagpapayo nito na hinaplos ako sa ulo. Nagpahid ako ng luha na pilit ngumiting tiningala ito. "Nakita niyo pa ang nangyari?" "Nagkataon lang na napadaan ako." Sagot nito na ikinatango-tango ko. "Salamat, Kuya. Napakalaking bagay na napadaan ka doon. Sa oras kung kailan. . . kailangang kailangan ko ng tulong. Ang sakit lang na. . . sa ibang tao ko pa nakuha iyon. Dahil 'yong mismong mga magulang ko? Ay nagawa nila akong saktan ng gan'to. Naging mabuting anak naman ako eh. Isang beses lang ako nagkamali pero. . . naglahong parang bula ang mga mabubuting nagawa at naidulot ko sa pamilya namin. Alam mo 'yon. 'Yong minsan ka lang magkamali pero. . . huhusgaan ka na ng lahat. Pagtatawanan at ipagtatabuyan. Na hindi na mahalaga ang mga kabutihang nagawa mo." Mapait kong turan. "Ganyan talaga ang buhay, Jen. Mapanghusga ang mundo. Kaya kung pinapakita mong mahina ka? Lalo ka nilang tatapakan. Matuto kang lumaban. Matuto kang maging matapang. Para sa sarili mo. Alam mo. . .? The best revenge that you can do is. . .no revenge. Just improve yourself and show them, na kaya mong magpatuloy at umangat. . . kahit wala sila. Ipakita mo sa kanilang mali sila. Na kaya mong maging successful by your own. Doon pa lang, Jen. Nakaganti ka na sa kanila. Hindi mo sila kailangang saktan emotionally at physically. Hayaan mong. . . karma ang magbalik sa kanila ng mga ginagawa nila." Pagpapayo nito na tinapik-tapik ako sa balikat. "Alam mo, mahirap ito para sa isang naapi pero. . . makabubuting hayaan mo na lamang sila. Ilayo mo ang sarili mo sa kanila at bumangon ka. Pagbalik mo at makita nilang ibang-iba ka na? Naisakatuparan mo na ang pinakamagandang paghihiganti. 'Yon ay ang naibangon mo ang sarili mo. . . at nalagpasan mo pa sila. Ipagsa-Diyos mo ang lahat, Jen. Put God at the center of your life. Sinasabi ko sa'yo. . . panalo ka sa anumang laban kapag. . . kabutihan ang naghari sa puso mo. Maybe the best thing that you can do for now is. . . lumayo ka na muna sa lahat. Mas madali kasing magsimula kapag malayo ka. Mas magiging matatag ka at pursigido sa buhay. And in that case? Matutulungan kita," nakangiting saad nito na napapisil pa sa baba ko. "T-tutulungan mo ako?" "Aha. Sabi ko naman sa'yo, Jen. Especial ka sa akin." Sagot nito na ikinainit ng mukha ko. "Sige na, maligo ka na doon." Yumuko ito na napangising sininghot pa akong napangiwi dito. "Amoy lupa ka na. Dapat lagi kang mabango at maganda. Paano kung makita ka ng kapatid ko, hmm?" tudyo nito na napahagikhik pang pinamulaan ako ng pisngi! "Maloko din po pala kayo," natatawang ingos kong ikinahalakhak nito. "Atlis napatawa kita, 'di ba?" "Sige po, maliligo na ako." "Go ahead. Take your time," nakangiting saad nitong inilahad pa ang kamay na pinapapasok na ako ng silid. Nangingiti akong pumasok ng silid na tumuloy sa banyo. Para tuloy akong nasa unit lang sa gara ng speedboat niya. Ni hindi ko maramdaman na nasa laot kami. Mapait akong napangiti na mapasadaan ang sarili ko sa full length mirror dito sa banyo. Puro kalmot ang leeg, mukha at braso ko. Namumula din ang magkabilaang pisngi ko mula sa pagsampal sa akin ni Mama ng ilang beses. May bahid din ng natuyong dugong umagos sa ibabang labi ko na pumutok. Idagdag pa ang buhok kong nagkasabog-sabog sa pananabunot sa akin ni Mama. Napalapat ako ng labi na nagpipigil mapahikbi. Hindi ko lang lubos akalaing. . . si Mama pa ang gagawa nito sa akin. Ni minsan ay hindi ako napatikim ng palo sa kanila noon. Kaya sobrang sakit na kung kailan kailangan ko sila ay. . . sila pa ang magtutulak at tatapak sa akin. "Tahan na, Jen. Kaya mo 'to. Kaya mo," pagpapatatag ko sa sarili na nagpahid ng luha. Napapangiwi akong naligo na madama ang hapdi sa balat ko na nabasa at sinabunan ko ito. Malalalim at mahahaba kasi ang mga kalmot sa akin ni Mama. Masyadong mahaba ang mga kuko niyang bumaon sa balat ko. Matapos kong makaligo at bihis ay inayos ko na muna ang sarili. Mabuti na kang may belt na kasama ang pinahiram ni Kuya Haden. Maluwag kasi ang black sando at khaki cargo pants nito na ini-tuck-in ko para magkasya sa akin. Nang maayos ko na ang sarili ay saka ako lumabas ng silid. Napalingon naman ito na may kausap sa cellphone na sinenyasan akong maupo ng sofa. "Yeah, I will. Don't worry about her. I'll take care of her. Uhm, pakisilip naman ang mag-ina ko, dude. Bilhan mo sila ng pasalubong, ha?" dinig kong pamamaalam na nito sa kausap. Matapos nitong ibaba ang linya ay lumapit na itong naupo sa tabi ko. Napahinga pa ito ng malalim na binuksan ang first aid kit box na nasa mesa. "It will hurt you, huh?" maalumanay nitong saad na naglagay ng ointment sa bulak. Napapangiwi akong napapikit habang marahan nitong ginagamot ang mga kalmot ko. "Aww, masakit po," mahinang daing ko na kaagad nitong hinihipan ang sugat ko. "Sorry, sorry. Grabe naman 'yong mga kalmot mo. Parang kalmot ng tigre sa lalim at haba ah," anito na hinihipan ang kalmot kong pinahiran nito ng ointment. "Nakakahiya nga po sa inyo eh." Mahinang saad kong ikinangiti lang nitong nagpatuloy sa paggamot sa mga kalmot ko. "Hwag kang mailang sa akin, Jen. Tingin ko sa'yo? Para kang nawawalang kuting na kailangan ng mag-aaruga at tutuluyan. Hayaan mo, handa akong maging tigre mo para i-adopt at alagaan ang nawawalang kuting na 'yan hanggang makaya na niyang tumayong mag-isa." Saad nito na ikinangiti ko. "Ang sarap naman pong maging kuting niyo," sagot ko na mahinang ikinatawa nito. "Oo naman, sweetie. Kapag naging ganap ng pussycat ang kuting na 'yan. Ireregalo ko na siya sa kapatid ko," kindat nitong ikinahagikhik kong napailing. Natatawa din naman itong patuloy sa paggamot sa akin. "Anong plano mo ngayon niya'n, Jen?" tanong nito matapos gamutin ang mga kalmot pati pasa ko. Pilit akong ngumiti na inabot ang orange juice na kinuha nito. "Hindi ko pa alam, Kuya. Hindi ko nga alam kung saan na ako pupunta ngayon eh. Umalis ako ng syudad para iwanan ang mapait kong ala-ala doon. Akala ko makakapag simula ako dito eh. Pero mas malala pa pala ang aabutin ko dito dahil. . .mga magulang ko pa ang nagtakwil sa akin. Hindi nila ako pinakinggan. Alam mo 'yong ikaw na nga ang nabiktima pero. . . ikaw pa 'yong lumalabas na masama. Lahat ng mahal ko iniwan na ako. Ang fiance at bestfriend ko, pinagtaksilan ako. Matagal na pala nila akong niloloko. Ang mga magulang ko na inaasahan kong magiging sandalan ko ay. . . ipinagtabuyan na ako. Kasi nakakahiya daw ako. Ikinahihiya nila akong maging anak nila. Ang syudad at dito sa probinsya namin lang ang lugar na pamilyar ako. Wala na akong ibang alam na lugar na mapupuntahan ko. Pero. . . paano ako babalik ng syudad kung nandoon ang ex fiance at ahas kong kaibigan?" mapait kong turan na nagpipigil maluha. Napayuko ako na hindi ko na mapigilan ang pagtulo ng luha ko. Umakbay naman itong hinahagod-hagod ako sa likuran na pinasandal sa kanyang balikat. "Let me help you then. Ilalayo kita sa lugar na ito. Kapag fully healed ka na ay saka ka babalik. Ipakita mo sa kanilang. . .nagkamali silang sinaktan ka." Saad nito na ikinatuwid ko ng upo na nilingon. "Bakit niyo po ito ginagawa?" Ngumiti itong pinahid ang luha ko. "Dahil kailangan mo ng tulong. Soon. . . magiging malinaw din sa'yo kung bakit kita tinutulungan. Sa ngayon, isipin mo na lang na ako. . . ang knight in shining armor mo," kindat nito na nakangiti. "Tutulungan kitang makapag simulang muli, kapalit ng pag-alaga mo sa sarili mo. Mangako kang magiging matapang ka, at lahat ng ganap mo sa buhay ay sabihin mo sa akin. Nang sa gano'n? Alam ko kung paano kita pangalagaan. Para hindi ka mailang sa akin? Ituring mo akong Kuya mo. Isang Kuya na maaasahan mo at poprotekta sa'yo," maalumanay nitong saad na bakas sa mga mata ang sensiridad. Kusa akong napatango na hindi ko namalayan. Napangiti naman itong niyakap ako at hinagod-hagod sa likuran. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko dahil kahit bagong magkakilala pa lang kami ni Kuya Haden ay. . . napakagaan na ng loob ko sa kanya. Damang-dama ko kasing. . . mabuti siyang tao. "Tara sa cabin? Maganda ang mga isla niyo dito eh. Sulitin na muna natin ang quick vacation na 'to," saad nito na inakbayan akong iginiya palabas ng speedboat. Nagtungo kami ng cabin na napahawak sa railings. May ngiti sa mga labing pinagsasawa ang mga mata sa napakagandang kapaligiran. Hindi naman sa pagmamayabang pero. . . magaganda ang mga isla namin dito sa Romblon. Asul na asul ang malinaw na dagat. Luntian ang paligid ng isla at napakalamig ng sariwang hangin. Sagana kami dito sa yamang dagat. Kaya karamihan ay pangingisda ang hanap buhay ng mga tao dito. "Ang ganda ng probinsya niyo, Jen. Mas maganda pa dito kaysa sa ibang beach resort na napuntahan ko na abroad." Napangiti ako sa sinaad nito na napapalinga sa mga nadaraanan namin. "Nagta-travel din po kayo abroad?" "Yup, paminsan-minsan. Kung minsan ang mga magulang at kapatid ko ang kasama ko. Minsan naman ang mag-iina ko lang. Pero madalas kaming buong pamilya. Kahit maingay, magulo at siksikan na kami sa dami namin ay walang katumbas na saya ang hatid ng isang malaki at masayahing pamilya, Jen. At kung gugustuhin mong mapabilang sa pamilya namin ay malugod ka naming iwe-welcome." Nakangiting saad nitong ikinangiti ko. "Salamat, Kuya. Ang damayan mo ako ngayong hinang-hina at walang-wala ako ay napakalaking bagay na nito sa akin. Hindi ko alam kung anong nagawa ko para maging karapat dapat sa mga tulong mo. Alam kong thank you word is not enough para masuklian kita sa mga kabutihan mo." Maluha-luhang saad ko na kinuha ang kamay nitong nangingiting nakatunghay sa akin. "Ipagdarasal ko po kayo palagi. Ikaw at ang buong pamilya mo na protektahan kayo at i-blessed pa ang pamilya niyo. Dahil sa ngayon. . . 'yon lang muna ang kaya kong isukli sa kabutihan mo sa akin, Kuya Haden. Napakaswerte ko nga po na. . . nakilala ko po kayo. Tamang-tama ang pagdating niyo sa buhay ko. Dahil kung wala lang kayo ngayon dito sa tabi ko? Hindi ko na po alam kung kakayanin ko pang magpatuloy sa buhay." Pinahid naman nito ang tumulong luha ko na magaan akong niyakap. Napasubsob ako sa dibdib niya na hindi na namang mapigilang mapahagulhol. Kahit nagpapakatatag kasi ako ay hindi ko pa rin mapigilang manghina at madurog. Para na ngang. . . namamanhid na ang puso ko sa mga nangyayari sa akin. Kung sana ay gano'n lang kadali na kalimutan ang lahat-lahat. Bakit hindi? KINAGABIHAN ay bumalik na kami ni Kuya Haden ng syudad. Sakay ng private chopper nito ay sumama ako sa kanya paluwas. Tumuloy kami sa airport nila para sa flight kong pinaayos niya sa mga tauhan niya. Nahihiya nga ako dahil napakalaki kong abala sa kanya pero. . . kailangan ko ring kapalan ang mukha ko dahil sa kanya na lang ako umaasa. Napagdesisyunan kong magtungo na muna ng Istanbul Turkey. Doon niya kasi ni-recommend na magpunta ako para magliwaliw at magsimulang muli. May bahay kasi sila doon ng asawa niya na maaari ko raw tirhan hangga't gusto ko. May dalawang katulong daw sila doon na siyang nag-aalaga sa bahay nila. Tinawagan niya na rin ang mga iyon para alam ang pagdating ko. Kahit nga pocket money ko ay siya pa ang nagbigay. Ayoko sanang tanggapin pero ipinilit na nito para daw may magamit akong panimula ko doon. May clothing store daw ang asawa niya sa Istanbul na pwede kong pasukan para hindi ako mabagot sa bahay. Kaya kahit nag-aalangan pa ako noong una ay tinanggap ko na ang tulong niya. Ramdam at kita ko namang mabuti siyang tao kaya hindi na ako nagdalawang isip na tanggapin ang offer niya. Parang answered prayer ko na nga ang pagdating ni Kuya Haden. Siya ang naging sagot sa mga dasal ko.. Kung kanina ay walang patutunguhan ang buhay ko? Nagkaroon bigla ng pag-asa at kulay sa pagdating niya. NANGUNOTNOO ako na maramdaman ang marahang pagyugyog sa akin ng kung sino. "Excuse me, Ma'am. We're already arrived," saad ng malambing na boses. Unti-unti akong nagdilat ng mga mata ko at bumungad sa nanlalabo kong paningin ang pigura ng isang babaeng stewardess. Napatuwid ako ng upo na napahilamos ng palad sa mukha. Saka ko lang napansin na nakalapag na pala ang private plane na sinakyan ko patungo dito sa Istanbul! "Wow! Nandito na ako?" bulalas ko na nakamata sa labas ng bintana. Namamangha ang mga mata ko na nakamata sa paligid kung saan tanaw ang mga naggagandahang mosque dito sa Istanbul. "Let's go, Ma'am. Follow me this way," ani ng stewardess na ikinatango kong nagtanggal ng seatbelt at dinampot ang backpack ko na siyang tanging dala ko. Wala nga akong maski isang damit na dala. Ang sabi naman ni Kuya Haden ay maraming extra na damit sa bahay nila na hindi na ginagamit ng asawa niya. Pwede ko raw gamitin ang mga gamit ni Ma'am Sofi basta ingatan ko. Yakap ang bag ko ay nakasunod ako sa stewardess na bumaba ng plain. Napangiti ako na pagkababa namin ay yumakap ang kakaibang lamig ng klima dito. "Ma'am Jen?" Napadilat ako ng mga mata ko na may tumawag sa akin. Naipilig ko pa ang ulo ko na malingunan ang isang mama na nakangiti sa akin. Naka-uniform ito ng formal na bahagya pang yumuko sa akin. "Uhm, yes?" sagot ko na ngumiti dito. "Hello, Ma'am Jen. Ako ang personal driver ng pamilya Montereal dito. Inutusan ako ni Sir Haden na salubungin kayo dito sa airport. 'Yan lang po ba ang dala niyo?" magalang saad nito na ikinasinghap kong tumango-tango dito. "Gano'n po ba? Salamat po, Kuya. Ito lang po ang dala ko eh. Tara na po?" Tumango ito na inakay na ako sa sasakyan nito. Namilog naman ang mga mata ko na napakurap-kurap nang ang nilapitan namin ay isang white limousine! "Sakay na po, Ma'am." Magalang saad nito na inakay ako papasok ng limo! Para akong nalulutang sa mga sandaling ito na nakasakay ako sa gan'tong uri ng sasakyan! Napapanood ko lang ito sa mga drama pero. . . heto at naranasan kong sakyan ito! Natawa naman ang driver na malingunan akong nakatulala pa rin habang nasa kahabaan na kami ng byahe. "First time po ba, Ma'am?" "Uhm, opo, Kuya. Nakakahiya." Mahinang sagot kong ikinailing nitong ngumiti. "Naku, Ma'am. Okay lang po 'yan. Ganyan din naman kami noong una. Nakakalula po talaga ang karangyaan ng mga Montereal." Saad nitong ikinatango-tango ko. "Uhm, Kuya. Mabait din ba 'yong asawa ni Kuya Haden?" tanong ko na ikinatango nitong napangiti. "Naku, Ma'am! Sobrang bait ni Ma'am Sofi. Kaya ang swerte naming mga tauhan nila kasi mababait silang amo. At galante din sila sa amin. Imagine mo, ha? Family driver lang nila ako dito pero nasa one hundred thousand ang sahod ko monthly. Kahit wala sila dito para ipagmaneho ko? Sumasahod pa rin ako. Gano'n din sa mga katulong sa bahay. Kahit wala ang mga amo namin na pinagsisilbihan namin? Sumasahod pa rin kami ng naaayon sa kontrata namin. Kaya nga. . . ang sarap manilbihan sa kanila. Hindi sila matapobre. Sa family side man ni Sir Haden, o sa family side ni Ma'am Sofi." Pagkukwento nitong ikinangiti kong napatango-tango. "Kayo po, Ma'am? Sino sa mga kapatid ni Sir Haden ang kasintahan niyo?" usisa nito na ikinakurap-kurap kong napatitig dito. Napakamot naman ito sa ulo na napapangiwi ang ngiti. "Eh. . . hipag daw kasi kayo ni Sir Haden kaya inihabilin niya kayo sa amin, Ma'am. Nag-iisa lang naman ang kapatid ni Ma'am Sofi na si Sir Kieanne at matagal ng may pamilya si Sir Kieanne." Saad nito na alanganing ngumiti. "Ah, wala po, Kuya. Ahem. . . nagbibiro lang 'yon." Sagot ko. Naalala ko naman ang nakababatang kapatid ni Kuya Haden na nirereto nito. Si Mr No. "Ahem! Siya nga pala, Kuya. Nakita mo na ba ang mga kapatid ni Kuya Haden?" pasimpleng tanong ko. Tumango-tango naman itong sinulyapan ako sa rear view mirror. "Opo, Ma'am! Dumadalaw din naman ang mga kapatid ni Sir Haden dito. Alam niyo po, mababait din 'yong mga kapatid no'n. Maloko at magulo sila pero. . . ang babait nilang mga amo." Masiglang sagot nitong ikinangiti ko. "Uhm. . . gwapo din ba sila katulad ni Kuya Haden?" usisa ko pang ikinatawa nito. "Naku, Ma'am! Ang gugwapo at gaganda ng mga kapatid ni Sir Haden." "Really? Ano bang pangalan ng mga kapatid niya? Baka pwede kong silipin sa social media account nila. Naiintriga na kasi ako eh. May nirereto kasi si Kuya Haden sa mga kapatid niya. Gusto ko lang makita ang itsura nila," saad kong ikinatango-tango naman nito. "Eh. . . Kuya daw ba niya, Ma'am? O nakababatang kapatid?" tanong nito. "Kasi kung Kuya niya ang nirereto niya? Si Sir Drake at Darren lang naman ang binata pa sa mga Kuya niya. Kung nakababata? Tiyak na si Sir Noah ang tinutukoy no'n," saad nitong ikinanigas ko na marinig ang huling pangalang sinambit nito! Para akong nalulutang sa kaulapan sa mga sandaling ito! Paulit-ulit na nagri-replay sa utak ko ang mga kaganapan sa amin ni Kuya Haden! Mula sa pagtabi niya sa akin sa barko, ang malaking pagkakahawig nila ni Noah Madrigal at ang pagtulong nito sa akin. Ang pagsabi niya na hipag niya ako at especial ako sa kanya. Ang biglang pagsulpot niya sa amin kung kailan kailangan ko ng matatakbuhan. Ang pagtulong niya sa akin na walang kapalit patungo dito sa Istanbul. At ang. . . ang pagbibigay niya ng cell number ng nakababatang kapatid niya sa akin na kaboses ni Noah! Napasapo ako sa ulo na parang nahihilo sa mga naglalarong possibilities sa isipan ko! "H-hindi. . . si Noah kaya ang kapatid ni Kuya Haden?" usal ko na kinuha ang cellphone ko sa bag. Mabilis kong hinanap sa internet ang social media account ni Noah at hinalungkat ang mga larawan na nakapost sa account nito! Parang lulukso ang puso ko palabas ng ribcage ko habang nagi-scroll ako sa mga post niya. Para akong maiihi na nangangatal ang kamay! Sunod-sunod akong napalunok na nanigas sa kinauupuan nang marating ko ang post niya kung saan kasama nito ang mga kapatid niya. Isa-isa kong pinakatitigan ang mga lalakeng katabi nito at para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig na makita doon ang pamilyar na mukha! "Oh my God! What a small world!" bulalas ko na namimilog ang mga matang makumpirmang. . . kapatid ni Sir Haden si Noah! "Ma'am, okay lang ba kayo? Nandito na po tayo." Napabalik ang ulirat ko sa pag-untag sa akin ng driver. Napakurap-kurap pa ako na ilang minuto din palang natulala sa natuklasan ko. Para akong tinatangay sa alapaap sa mga sandaling ito. Hindi mag-sink-in sa utak ko ang nalaman kong. . .kapatid ni Noah si Kuya Haden. Nakagat ko ang ibabang labi na namuo ang luha sa mga mata ko. "Kung gano'n. . . hindi nagkataon ang lahat. Sinusundan talaga ako ni Kuya Haden mula sa barko. Kaya naman pala napakagaan ng loob ko sa kanya at walang pag-aalinlangan itong tinutulungan ako. Ibig bang sabihin. . .inutusan siya ni Noah na sundan ako?" piping usal ko na tumulo ang luha. "Mahal niya nga kaya ako kaya ginagawa niya ang lahat ng ito? Pero. . . ikakasal na siya. Ano bang plano ng lalakeng 'yon?" usal ko na parang hinahaplos ang puso kong sawi sa mga napagtagpi-tagpi ko. Napahaplos ako sa solo picture nito na napangiti. Kararating ko pa nga lang dito sa Istanbul pero. . . parang nangungulila na sa kanya ang puso ko. Napalapat ako ng labi na nagpahid ng luha. "Ikakasal na siya, Jen. Marahil bumabawi lang siya na nakuha niya ang virginity mo. Mayaman sila at barya lang ang perang itinulong sa'yo." Usal ko na pilit pinapatay ang pag-asa sa puso kong. . . mahal nga niya ako. Mapait akong napangiti na napahaplos sa picture nito. Pero para naman itong nananadya na biglang nag-ring ang cellphone ko at nag-appear ang pangalan nito sa screen ko! Parang may sariling pag-iisip ang kamay ko na sinagot ang tawag nito at dinala sa tainga ang cellphone ko. Halos hindi ako humihinga na pinapakiramdaman ito sa kabilang linya. "H-hello?" "Thanks God you answered me. How are you there. . . sweetheart."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD