Chapter 10- Premonition

1398 Words
Bernadette's Pov: Nakaramdam ako ng pangangalay ng aking likod. Naitakip ko din ang braso ko nang masilaw ako sa liwanag ng araw. Teka, liwanag? Naalimpungatan ako at tiningnan ko ang paligid. May araw na nga at mukhang kasisikat lamang niyon. Nagtataasang puno ang nasa paligid ko, maging ang mga halamang may malalaking dahon ay natanaw ko. Saka pa lang nag sink-in sa akin na nasa gubat pa din ako ng eskwelahan. Kumilos ako para tumayo nang marinig kong may nagsalita. "Mabuti naman at gising ka na." Nakita ko si Queven, ilang hakbang mula sa akin. Nakasandal s'ya sa punong paharap sa akin. Nakatupi na din hanggang siko ang pang-ilalim n'yang kulay puting polo at bahagya pang nakabukas ang ilang butones ng suot n'ya doon, wala na din s'yang suot na trouser. "Anong ginagawa mo dito?" Nalilitong tanong ko sa kanya at tumayo. Kasabay ng pagtayo ko ay ang pagkakahulog ng isang blazer na di ko namalayang nakatakip sa balikat ko. Pinulot ko iyon at nakita ko ang isang trouser na nakalatag naman sa katawan ng punong sinandalan ko. "Basta ka na lang tumakbo papunta dito kagabi, remember? Sinundan kita pero hindi ko naman akalaing dito ka mag-o-overnight so wala akong nagawa kundi ang bantayan ka habang nakikiisa ka sa kagubatan," pagsusuplado n'ya at tuluyang lumapit sa akin. Matangkad si Queven kaya parang nakatingala na ako sa kanya. Pero agad din akong nag-iwas ng tingin nang makalapit s'ya, may hindi pamilyar na pakiramdam na ginigising s'ya sa akin tuwing malapit s'ya. Kinuha n'ya ang blazer sa kamay ko at pinulot ang trouser n'ya. "Halika na, kailangan na nating bumalik sa dorm," dagdag pa n'ya at inilahad ang kanyang kamay sa harap ko. Aabutin ko na sana iyon nang maalala ko ang mga nakita ko kagabi. Agad na binawi ko ang aking kamay at wala sa sariling naikuyom ko iyon sa tapat ng aking dibdib. Hindi ko alam pero natatakot ako sa maaaring mangyari kapag mas naging malapit kami sa isa't-isa. Alam kong kalokohan kung magpapadala ako sa mga napanaginipan ko dahil lahat ng iyon ay panaginip lamang at hindi ko alam kung para saan, pero sa oras na makipaglapit ako kay Queven ay parang ako na din ang gumawa ng paraan para mangyari ang mga nakita ko. "Mauna ka na," sabi ko at nag-iwas ng tingin. Akala ko ay aalis na s'ya pero nagtaka ako nang humakbang pa s'ya at tumigil sa tapat ko mismo. "Hindi kita pwedeng iwan dito," sabi n'ya at inabot ang kamay ko pero muli ko iyong iniiwas sa kanya. Nakita ko ang pagguhit ng pagtataka sa mukha n'ya pero hindi ko s'ya pinansin. "Huwag kang mag-alala, kaya ko ang sarili ko. Bumalik ka na sa dorm," nakatungong sabi ko at tumalikod na pero agad n'yang nahawakan ang isang braso ko at pilit na iniharap sa kanya. "Anong nakita mo?" Maikling tanong n'ya pero nagdulot iyon ng malakas na pagkabog ng dibdib ko. Agad akong umiling at umatras, pero habang umaatras ako ay humahakbang naman s'ya pa-abante hanggang sa maramdaman ko sa aking likod ang matigas na katawan ng puno. Wala akong nagawa kundi mapasandal doon. "Anong nakita mo?" ulit na tanong ni Queven at itinuon n'ya ang magkabilang braso n'ya sa katawan ng puno na nagkulong sa akin. Mas lumakas ang kabog ng dibdib ko dahil sa sobrang lapit namin sa isat-isa. Pinilit kong tingnan s'ya sa mga mata pero sa tuwing gagawin ko iyon ay duguang larawan n'ya ang nakikita ko na nagpapabigat ng kalooban ko kaya minabuti kong tingnan na lang ang sapatos ko. "Wala akong nakita." I said as if I'm trying to convince myself. Dahil hanggang ngayon ay ayokong tanggapin ang parteng iyon ng bangungot ko. "Look at me Bernadette," seryosong sabi n'ya pero hindi ko ginawa. Naramdaman ko na lang na hinawakan n'ya ang baba ko at pilit na iniharap sa kanya. Kitang-kita ko ang intensidad ng mga mata n'ya. Saglit niyong nagawang tanggalin sa isip ko ang mga nakita ko. Para akong nilunod ng mga mata n'ya. "Stop fooling yourself Bernadette. Alam kong may nakita ka. Isa iyan sa mga kakayahang meron ka." Sabi n'ya na nakapagpakurap sa akin. "Kakayahan? Ako?" naguguluhang tanong ko at kunot-noong pinakatitigan s'ya. Bahagya namang natigilan si Queven at kitang-kita ko nang matensyon ang katawan n'ya pagkatapos ay nag-iwas sa akin ng tingin at bahagyang lumayo. Na parang pati s'ya ay naguguluhan. Muli s'yang lumapit sa punong sinasandalan n'ya kanina at tahimik na tiningnan ako. "Hindi na namin pwedeng ilihim sa 'yo ang katotohanang may malaking responsibilidad ka sa mundong ito, iyon ang tadhanang meron ka." Maya-maya pa ay sabi n'ya. "Tadhana?" Nanlamig ako nang tila nag-echo ang sinabi sa akin ng nilalang na napanaginipan ko. Paulit ulit iyon sa isip ko. "Alam kong alam mo na may mga kakaibang nangyayari sa'yo, Bernadette. At hindi ka na namin mahihintay na kusa mong matuklasan ang pagkataong meron ka. Dahil kung maghihintay kami, maaaring mahuli na ang lahat." Diretso ang pagkakatingin n'yang sabi sa akin. Huminga muna s'ya ng malalim bago nagpatuloy. "Maaaring naguguluhan ka at handa kaming ipaliwanag sa'yo ang lahat but you need to accept it first. Dahil hangga't nilalabanan mo ang bawat nararanasan mo, hindi ka magiging handa sa bigat ng responsibilidad mo," dagdag pa n'ya na lalong nagpagulo sa akin. Wala sa sariling napahakbang ako palapit sa kanya at hinawakan ang laylayan ng damit n'ya. "Anong alam mo? Paanong..." Naguguluhang tanong ko pa. Madami pa akong tanong pero hindi ko magawang itanong. No, dahil alam kong ayokong itanong. Natatakot ako sa maaaring isagot n'ya. "Premonition Bernadette," sabi n'ya maya-maya. "Premonition?" Mahinang ulit ko sa sinabi n'ya. Tumango s'ya. "Unlike others, hindi lang hunch ang kaya mong maramdaman. Nakikita mo mismo ang nangyayari at mangyayari pa. It's like a vision pero dahil..." napatigil s'ya at sandaling tumingin sa akin bago nagpatuloy. "Dahil hindi ka kasing ordinaryo tulad ng iba, ang ordinaryong vision para sa iba ay nagiging makatotohanan pagdating sa'yo. Maaari mong makita ang mga nangyari sa nakaraan o mangyayari sa hinaharap. Hindi lang iyon, nagiging salamin iyon ng reyalidad. At malaki ang papel na gagampanan mo para maiwasan o kaya ay maisakatuparan ang mga bagay na nakita mo..." Hindi ko na pinakinggan ang iba pa n'yang sinasabi. Isa lang ang tumatak sa akin. Iyon ay ang posibleng magkatotoo lahat ng nakita o makikita ko. Napatingin ako kay Queven. "Maaari ding magkatotoo ang nakita ko tungkol sa kanya?" Agad akong napailing sa naisip ko. Maging ang puso ko ay tila nakiisa sa akin sa pagtanggi sa maaaring resulta ng mga nakita ko. "May problema ba?" Napakurap-kurap ako at umiling. "Bumalik na tayo," tanging sabi ko at naunang maglakad palabas ng gubat. Ramdam ko ang presensya n'ya sa likuran ko. Hindi s'ya sumabay sa paglalakad ko bagkus ay nanatili s'ya sa likuran ko. Tahimik lang ang paligid at ngayon ko lang narealize ang layo ng itinakbo ko. Gusto kong batukan ang sarili ko dahil sa biglaang pagtakbo ko sa gubat, nahihirapan tuloy akong maglakad ngayon. Maya-maya pa ay nakita ko na ang tarangkahan. Lumiko ako doon at dire-diretsong nilakad ang hallway. Nanatili namang nasa likod ko lang si Queven, mula pa kanina pagkalabas namin ng gubat ay hindi na s'ya nagsalita. Minsan nga ay pasimple ko s'yang titingnan at miminsan ko ding nasisilip ang paghawak n'ya sa bandang dibdib n'ya. Pero ganoon pa man, nanatili ang seryosong ekpresyon sa mukha n'ya. Agad akong tumigil sa wing ng dorm namin. Hinarap ko si Queven at itinuro ang bahaging iyon ng dorm. "Dito na ako salamat." Tumango lang s'ya kaya tumalikod na ako pero narinig ko din ang pagpigil nya sa akin. "Bernadette." "Hm?" nilingon ko s'ya at bago pa ako makapag-react ay nakalapit na s'ya at hinalikan ako sa noo. "Pag-isipan mo ang mga sinabi ko. Sana lang ay huwag masyadong matagal," walang anumang sabi n'ya at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita kong ngumiti s'ya. Iyon lang at agad na tumalikod s'ya at tinungo ang wing para sa dorm ng mga lalaki. Ilang segundo siguro akong tulala bago ko nagawang bumalik sa huwisyo. "Aray," nahawakan ko ang pisngi ko nang maramdaman ang sakit na dala ng pagkakasampal ko sa sarili. Nakangiting tinungo ko ang silid ko. Ramdam na ramdam ko ang tuwa ng puso ko sa di ko malamang dahilan. ❤
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD