Sabado ng gabi ay niyaya ako ni Kira sa bahay nila. Kaya umaga pa lang ng linggo ay nasa bahay na nila ako. Bukas ay magsisimula na akong magtrabaho sa foundation nila kaya sasamahan ko s’ya ngayon dahil alam kong kapag nagyayaya s’ya ay kinakain na naman s’ya ng lungkot dahil sa kinahinatnan ng walong taon na relasyon nila ng ex-boyfriend n’yang si Arkin. Hindi ko maintindihan kung ano ang nakain ng lalaking ‘yon at nagawa n’ya pang lokohin ang isang kagaya ni Kira!
Maganda, mabait, mayaman at higit sa lahat ay hindi kaladkaring babae! Hindi ako makapaniwalang sa tagal nila ng boyfriend n’ya ay walang namagitan sa kanila maliban sa halik at yakap! Hindi naman na kataka-taka ‘yon dahil sa porma ni Kira, halatang halata na maingat s’ya sa katawan. S’ya iyong tipo na kapag nakita mo, alam mo na kaagad na hindi nag sesettle sa kung ano lang. At nang ikwento nga n’ya sa akin ang nangyari sa kanila ng ex-boyfriend n’ya, parang hindi rin s’ya makapaniwala na magagawa pang magloko ng ex n’ya. Masyado kasing maganda si Kira. Kahit babae ako ay nagagandahan ako sa kanya at hindi ako nagsasawang titigan ang mukha n’ya. Wala sigurong lalaki ang hindi makakapansin sa kanya sa unang tingin pa lang. Kaya nga hindi na ako nagrereklamo noon sa tuwing yayayain ko s’yang manood ng basketball pagkatapos ay sasabihin n’yang hindi s’ya pwede dahil magagalit ang boyfriend n’ya. Kung ako din ang boyfriend n’ya ay ipagdadamot ko talaga ang gano’n kaganda!
Sa gate pa lang ako ng bahay nila ay nakita ko na kaagad na palabas na s’ya para salubungin ako. Malakas ang loob ko na pumunta dito dahil alam kong wala na ang Kuya n’ya. Noong isang araw pa s’ya nag-chat sa akin na pabalik na s’ya ng England at kahit takang-taka ako ay hinahayaan ko na lang na magchat s’ya kung gusto n’ya! Kahit hindi ko alam kung bakit n’ya ako pinag-aaksayahan ng oras na i-chat ay nagpapasalamat pa rin ako. Kasi baka naawa lang s’ya sa akin dahil sa ginawa kong paggamit sa pangalan at picture n’ya sa harapan ng mga barkada ko. Siguro inisip n’ya na dahil kaibigan ako na matalik ng kapatid n’ya ay responsibilidad n’ya rin akong tulungan.
“Kira!” tawag ko at itinaas ang kamay ko dahil may kataasan ang gate nila. Nag-angat s’ya ng tingin at saka agad na tumakbo palapit sa gawi ko. Hindi ko maiwasang pagmasdan ang kabuuan n’ya. Bakit pa nga ba ako magtataka kung bakit ang gwapo at ang puti ng Kuya n’ya samantalang si Kira ay parang Diyosa sa sobrang ganda!
Kahit na halatang kagigising lang n’ya ngayon ay parang mas fresh pa s’yang tingnan sa akin!
“Mitz!” tawag n’ya sa akin at agad na sumalubong ng yakap. Alam ko na ang pinagdadaanan na naman n’ya kaya marahang tinapik ko ang likod n’ya at binigyan s’ya ng ngiti nang makita kong parang maiiyak na kaagad s’ya. Tumango ako at sinulyapan ang gawi ng guard nila para ipaalam sa kanya na mamaya na s’ya umiyak kasi may makakakita. Agad na tumango s’ya at hinila na ang kamay ko papasok sa bahay nila.
At katulad sa mga araw na niyayaya n’ya ako doon ay umiyak na naman s’ya ng umiyak. Mukhang nahihirapan talaga s’yang makalimot dahil pakiramdam n’ya ay kasalanan n’ya kung bakit nagloko ang walang kwenta n’yang ex! Sino ba namang matinong lalaki ang busy lang ang girlfriend sa pagrereview sa board exam ay makikipagchat at makikipagkilala na kaagad sa iba? Ang babaw na dahilan naman no’n! Lalo na kung matagal na sila at kulang na lang ay itali nila ang sarili sa isa’t-isa!
Bandang tanghali at natapos na kaming mag lunch ay niyaya ko na lang s’ya sa pool para mahimasmasan s’ya. Wala naman pareho ang parents n’ya doon dahil parehong busy sa trabaho. Nagulat nga ako noong makilala ko si Kira na wala s’yang ka-close na mga kaibigan. Karamihan daw kasi sa mga nakikilala n’ya at nakikipaglapit sa kanya ay palaging may kapalit kung makikipaglapit. Maimpluwensya kasi ang pamilya nila at mayaman talaga kaya hindi na iyon bago. Kahit ang ilang sikat na artista ay kilala s’ya at nakakadaupang palad n’ya. Katulad na lang ng mayayamang businessman na sina Triton Aldana at Vaughan Montecarlo. Naalala ko pa kung paano kami unang nagkakilala ni Kira dahil doon.
Nahihiya akong kumuha ng pictures sa kanilang dalawa kaya nang dumaan sila sa harapan ko ay pasimpleng kinuhanan ko sila. Kaya lang ay sa sobrang pagmamadali ni Kira, nabunggo n’ya ako kaya blurd ang naging kuha. Nagsorry s’ya ng nagsorry sa akin kahit sinabi kong okay lang. Nagulat ako nang hablutin n’ya ang camera ko sa akin at saka tinawag sila Triton at Vaughan para kuhanan ng pictures. Isa iyon sa pinaka hindi ko makakalimutang nangyari sa buhay fangirl ko! Pinalapit pa ako ni Kira sa kanilang dalawa at pumagitna habang s’ya ay kinuhanan kami ng pictures. Hindi lang ‘yon! Pinakilala pa n’ya ako sa kanilang dalawa! Parang ayaw ko na ngang maligo noong araw na ‘yon dahil nakita ko sa malapitan ang ngiti ni Vaughan Montecarlo! Nakakabaliw! Kaya pala ang daming babaeng nagkakandarapa sa lalaking ‘yon! Si Triton naman ay hindi ngumiti pero kahit na gano’n, saksakan pa rin ng gwapo! Sadya siguro talagang may mga lalaking kahit nagsusuplado ay gwapo pa rin!
Ipinilig ko ang ulo ko nang biglang lumitaw sa isip ko ang mukha ni Gelo. Napalublob tuloy ako sa tubig ng wala sa oras dahil doon.
Bakit ko ba bigla na namang naisip ang lalaking ‘yon? Dahil ba walang araw na hindi s’ya nagmemessage at nagsesend ng pictures n’ya sa messenger ko kahit na hindi naman ako humihingi? Ah basta! Ewan!
“Okay ka lang ba, Mitz?” narinig kong tanong ni Kira kaya agad na napatingin ako sa kanya.
“Ha? Oo… may naalala lang ako,” nakangising sagot ko habang tinititigan s’yang nilalaro ang mga paa sa tubig. Tumagilid ang ulo n’ya at saka tumango.
“Si Kuya nga pala bumalik na sa England noong isang araw,” sabi n’ya kaya tumango ako.
“Alam ko…” wala sa sariling sagot ko.
“Alam mo?” kunot ang noong tanong n’ya kaya umawang ang bibig ko nang maalala ang sinabi ko. Napalunok ako nang tumitig s’ya sa akin. “How come? Did you stalk him?” nakangisi at ngiting-ngiting panunukso n’ya sa akin. Kahit na alam kong nang-aasar lang s’ya ay nag-init pa rin ng todo ang mga pisngi ko. Pinili ko na lang na hindi magsalita at tinawanan na lang s’ya dahil gano’n din naman ang iniisip n’ya, na crush ko ang Kuya n’ya. Ilang sandali pa ay nagtatawanan na kami at nag-aasaran sa pool. Mukhang kahit papaano ay magaan na ang loob n’ya kaya napangiti ako.
Sa ilang taon na naging magkaibigan kami ni Kira ay puro kabutihan ang ginawa n’ya sa akin. Kahit sa pag-aaral ko ay tumutulong din s’ya sa tuwing may mga projects kami. Mahirap mag-maintain ng grades sa pagiging scholar kaya kahit na hirap na hirap ako dahil hindi naman ako likas na matalino ay pinagbuti ko ang pag-aaral dahil nahihiya ako kay Kira. S’ya ang tumulong sa akin na makapasa sa entrance exams sa school na hawak ng foundation nila. Naalala ko pa na kahit sa mga free time n’ya at tinutulungan n’ya akong magreview habang busy din s’ya sa sarili n’yang exams para sa pangarap n’yang school na pasukan. At kahit ngayon na naka graduate na ako ay inalok pa rin n’ya akong magtrabaho na lang sa foundation nila para hindi na ako mahirapang humanap ng trabaho. Balak ko sana na ‘wag na lang magtrabaho sa kanila dahil nahihiya na talaga ako dahil parang pati pa ‘yon ay poproblemahin pa nila. Malaki na ang utang na loob ko sa pamilya n’ya dahil nakatapos ako sa pag-aaral ng walang gaanong pinoproblema na tuition. Sobrang laking bagay na ‘yon sa akin. Pagkatapos pati sa trabaho ay sa foundation pa rin nila ako aasa. Pero sadyang mabait ang pamilya n’ya dahil ang Daddy pa mismo ni Kira ang pumunta sa school namin at sinabihan kaming mga scholars nila na doon sa foundation magtrabaho kung gusto namin. At nalaman ko nga kay Kira na priority ng foundation na kuhanin ang mga scholars nila para maging empleyado doon kaya naisip ko na doon na lang magtrabaho para naman kahit papaano ay makapagsilbi sa kanila. At pinangako ko sa sariling aayusin ang trabaho doon para naman hindi masayang ang ginawa nilang pagpapaaral sa akin.
“Kainis naman ‘tong chat ng chat na ‘to! Di na nga pinapansin, kaya sana makaramdam naman!” narinig kong reklamo ni Kira habang nakatingin sa phone n’ya.
“Wow! May ka-chat ka nang bago? Bigyan mo kaya ng chance kahit chat lang para naman malibang ka,” suhestiyon ko. Sumimangot s’ya at umiling.
“Ayaw ko. Baka aasa lang sila kaya ‘wag na. Besides, wala naman akong balak na mag-boyfriend ulit,” sabi n’ya at nagkibit balikat. Ngumuso ako at agad na na-curious sa mga nagchachat sa kanya. Katulad din kaya ng Kuya n’ya kung magchat ang mga ‘yon?
“Paano bang makipagchat ‘yang mga lalaki sa’yo?” curious na tanong ko. Tumingin s’ya sa akin at nagkibit balikat ulit.
“Just normal conversations. Kamustahan and then they were asking what I am up to or if kumain na ako, gano’n…” sagot n’ya. Tumango-tango ako.
“Eh sa gabi? Paano kang i-chat ng mga ‘yan?” tanong ko habang nagkakamot sa pisngi. Kumunot ang noo n’ya pero sumagot pa rin. Ngsesend din kaya ng pictures ang mga ka-chat n’ya?
“Nothing. I don’t usually go online at night, so…” sagot n’ya at ngumuso. Tumango ako at nagtanong pa baka sakaling mayroon na s’yang nakachat dati na gano’n.
“May naka-chat ka na bang nagsesend ng pictures kahit hindi ka nanghihingi?” tanong ko at umahon na sa tubig para tabihan s’ya sa gilid ng pool.
“Nagsesend ng pictures? Sa gabi? What do you mean ba?” sunod-sunod na tanong n’ya kaya napakamot ako sa kilay.
“Oo… ano kasi. Ahm, parang nag-uupdate sa ginagawa. Gano’n… kung saan nagpupunta at kung anong ginagawa, nagsesend ng mga pictures. Bakit ginagawa ‘yon? Gano’n na ba talaga kapag may ka-chat? Dapat palaging may isesend na pictures?” sunod-sunod na tanong ko. Nagulat ako ng tumawa s’ya kaya napatingin ako sa kanya. “Bakit? Anong nakakatawa?” tanong ko.
“May boyfriend ka na ba?” nakangising tanong n’ya imbes na sagutin ang tanong ko. Nanlaki ang mga mata ko habang umiiling ng sunod-sunod.
“A-anong boyfriend? Wala ah! Wala akong panahon d’yan ano!” natatawang sabi ko. Bakit naman kaya biglang napunta sa lovelife ko ang usapan?
“No one’s gonna do that unless he’s your boyfriend!” natatawang sabi n’ya kaya napamaang ako. “Kung hindi mo man boyfriend, may gusto ‘yon sa’yo!” dagdag n’ya pa at nanunuksong sinabuyan ako ng tubig sa mukha. Agad na umiling ako. Kapag nalaman n’yang gano’n ang ginagawa ng Kuya n’ya ay hindi na s’ya manunukso.
“Hindi mo naiintindihan, Kira. Hindi ko nga boyfriend ang gumagawa-”
Napatigil ako sa pagsasalita nang tumunog ang phone n’ya na nakalapag sa tabi ko. Namilog ang mga mata ko at napasinghap nang makitang ang Kuya n’ya ang tumatawag sa messenger n’ya!