December 5, 2015
“Uy, Haze! Thanks talaga! The best ka! Ako na bahala sa assignment mo!” ngiting-ngiti ako habang tinitingnan ang passes para makapanood sa laro ng mga dating varsity players ng Wesley University, ang school na pinagpala sa lahat! Paano ba namang hindi pagpapalain ang mga estudyante doon? Halos kalahati sa population ng school ay puro lalaki. At hindi lang basta mga lalaki—mga gwapo at hot na hot na mga lalaki!
At dito pa sa school na 'to gumraduate ang karamihan sa mga artista na crush na crush ko!
“Sus! Kung aasa ako sa gawa mo, baka sabay pa tayong maging repeater next year!” pambabara n'ya sa akin. Agad na umigkas ang braso ko at lilipad na sana sa batok n'ya pero nakita ko agad na nginuso n'ya ang hawak kong passes kaya mabilis na itinago ko na sa bulsa.
Aba, mahirap na! Baka magbago pa ang isip at bawiin ito sa akin. Saka ko na lang siguro s'ya babatukan kapag tapos na ang game! Pasalamat s'ya at maglalaro si Triton Aldana ngayon! At hindi lang 'yon! Kasama n'ya pa ang pinsan n'yang si Vaughan Montecarlo na isa pang hot na hot at oozing with s*x appeal na businessman! Ang kaso nga lang, masyadong babaero kaya dito ako kay Triton na single na single at walang kasabit sabit!
“Sige, Mitz. Uuwi na ako. Kapag tinanong ka ng guard kung saang school ka, sabihin mo na lang taga Wesley ka din! Di naman alam ni Kuya na pinuslit ko yang isang passes!” bilin pa n'ya bago tuluyang umalis. Classmate at kababata ko si Hazel. Ang Kuya n'ya ay nagtatrabaho bilang security guard sa Wesley University. Mahigpit kasi ang security sa school na 'yon dahil puro mayayaman ang nag-aaral. Doon nga rin nag-aral si Sir Dave, iyong anak ng dating amo ni Mama. At panigurado na pati mga anak n'ya ay doon din nag-aral.
Hinalikan ko pa ang passes at tumalon-talon bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay. Sabado ngayon at walang pasok kaya libre akong gumala at manood ng laro!
“At saan ka naman pupunta at mukhang bihis na bihis ka?” salubong ni Mama sa akin pagkababa ko. Ibubuka ko pa lang sana ang bibig ko para magsalita pero may nauna nang sumagot para sa akin.
“Manonood ka na naman ng basketball?” singit ng Ate Mira ko. Hindi ko alam kung bakit nandito s'ya ngayon pero panigurado ay nagkatampuhan na naman sila ng asawa n'ya dahil hindi s'ya marunong magluto! Tsk! Mabuti na lang ay nagsariling sikap ako na matutong magluto. Kung ibabalik ako ng mapapangasawa ko dahil lang hindi ako marunong magluto— aba teka. Bakit ba napunta sa pag-aasawa ang laman ng isip ko? Eh wala naman akong balak mag-asawa ‘di ba?! “Naku, Mama! ‘Yang si Mitz may balak pa yatang makapangasawa ng basketball player! Punong-puno ng pictures ng matatangkad na lalaki iyong kwarto! Kuuuu! Sa liit mong ‘yan, mag-aasawa ka ng matangkad? Maawa ka sa katawan mo—aray! Mama naman! Bakit ho ba kayo nambabato?” reklamo n'ya at agad na natigil sa litanya nang lumipad sa ulo n'ya ang tsinelas ni Mama.
“Kung makapagsalita ka, akala mo maliit ang asawa mo!” sita ni Mama sa kanya.
“Kaya nga ho sinasabihan ko itong si Mitz na mahirap makapag-asawa ng matangkad—”
Isang tsinelas pa ang lumipad ulit sa kanya kaya agad na tumakbo na s’ya papasok sa kusina. Napailing-iling ako at lumabas na ng bahay.
Ngiting-ngiti ako dahil masisilayan ko na naman ang mga crush ko!
***
Halos hindi ko na maibaba ang camera na dala ko dahil sa dalas ng pagkuha ko ng mga pictures sa tuwing mahahawakan ni Triton Aldana ang bola. Mayroon ding mga kuha si Vaughan Montecarlo at ilang sikat na artista pero kanina pa ako nagtataka kung sino iyong number 12 ng team nila. Hindi kasi ako pamilyar sa mukha n'ya at sigurado akong ngayon ko pa lang s'ya nakita.
Magaling s'yang maglaro! Sa katunayan ay s'ya ang nagdadala ng game nila.
Kumunot ang noo ko nang ipasa na naman ni Triton ang bola sa kanya at agad naman n'yang na-shoot ‘yon. Ngumiti s'ya kay Triton. Napalunok ako nang makita ang ngiti n'ya.
Hindi madalas ngumiti si Triton Aldana. Sa katunayan, sobrang dalang ko lang s'yang makitang ngumiti kahit sa mga interviews n'ya sa TV. Pero mayroon pa palang isang katulad n'ya, at iyon nga ay ang lalaking nakasuot ng jersey na number 12.
“Lopez…” sambit ko apilyido na nasa likod ng jersey n'ya. Ilang beses ko nang iniisip kung sino ang lalaking ‘yon. Gwapo rin s'ya at matangkad. Hindi nagkakalayo ang height nila ni Vaughan Montecarlo. Napatutop ako agad sa bibig nang may maisip.
“Hindi kaya artista rin ang isang ‘yan?” namimilog ang mga matang bulalas ko habang nakatingin sa lalaking ‘yon. Agad na kinuhanan ko s’ya ng pictures. Hanggang sa s’ya na lang yata ang nakukuhanan ko dahil puro s’ya naman ang nakakashoot!
Nang matapos ang game ay agad na nagsibabaan ang mga nanonood kaya bumaba na rin ako para makipag picture sa mga players. Una kong nilapitan si Triton. At dahil kilala na n'ya ako dahil kay Kira ay walang kahirap hirap na nakakuha ako ng pictures n'ya! Si Vaughan ay agad na tumakbo palabas ng gym kaya hindi ako nakakuha ng picture sa kanya. Pero okay lang! Ang mahalaga, meron akong pictures kay Triton Aldana!
“You never failed to amuse me, Captain,” narinig kong sambit ni Triton sa lalaking palapit sa gawi namin. Nang tingnan ko ang lalaking tinawag n’yang Captain ay napasinghap ako nang makita ang lalaking nakasuot ng number 12 na jersey.
Matangkad s’ya at bagsak na bagsak ang itim na itim na buhok. Maputi s’ya at tisoy na tisoy ang dating! Namumula rin ang gilid ng leeg n’ya at nangingintab sa pawis! Habang papalapit s’ya kay Triton ay gumagalaw ang buhok n'ya. Hindi ko maimagine kung gaano kagaan at kakintab iyon dahil sa konting galaw n'ya ay sumusunod sa galaw n'ya at nililipad ng hangin.
“Ang pogi…” wala sa sariling sambit ko habang natutulala sa mukha n'ya. “Partida, hindi pa ‘yan nakangiti ah…” patuloy na bulong ko habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa mukha n'ya. Parang ngayon lang ako nakakita ng lalaking maputi pero lalaking-lalaki pa rin ang dating.
Nang nakalapit s’ya ng tuluyan kay Triton ay agad na itinaas ko ang camera at kinuhanan s’ya para magkaroon ako ng picture n’ya na malapit ang kuha. Gulat na gulat ako nang makitang tumama ang flash sa mukha n’ya kaya napapikit s’ya at kunot ang noong napatingin sa gawi ko.
Kung hindi lang nakasuot ang lace ng camera sa leeg ko ay nabitawan ko na sana iyon dahil sa titig n'ya!
“Sh!t na malagkit… tingin pa lang, nakakatunaw na!” bulong ko habang nakikipagtitigan sa kanya. Nakita kong itinuro n'ya ako kay Triton kaya agad na nanlaki ang mga mata ko at mabilis na tumalikod at mabibilis ang mga hakbang na humalo sa karamihan ng mga babaeng nakikihingi rin ng pictures sa mga players!
Hawak-hawak ko ang dibdib ko habang palabas sa covered court ng Wesley University. Muntik na ‘yon!
Humanda ka talaga sa akin Lopez #12! Hahanapin kita sa f*******: at i-iistalk! Idadagdag na kita sa mga crushes ko!