MARIEL
Walang pagsidlan ang aking kaligayahan habang nakasakay kami ni Nanay Lani sa pampasaherong jeep. Katatapos lang ng aking graduation ceremony sa sekondarya at ako ang nakakuha ng pinakamataas na karangalan. Kaya naman tinupad ni Nanay ang pangako niya na dadalhin niya ako sa aking ama na hindi ko pa nakikilala sa tanang buhay ko. Sa batang edad na labing dalawa ay nauunawaan ko na ang sitwasyon. Anak ako sa pagkadalaga at ang tatay ko ay may sarili ng pamilya ngayon. Ayon sa kwento ni Nanay, dati siyang katulong sa mansiyon ng mga Salcedo. Nagkaroon sila ng relasyon ng panganay na anak na si Benjamin—tatay ko, pero dahil sa mahirap lang si Nanay ay hindi sumang-ayon ang mga magulang ng aking ama sa relasyon nila. Ipinagbubuntis na ako ni Nanay nang palayasin siya sa mansiyon. Hindi na tinangka pa ng aking ina na sabihin kay Benjamin ang tungkol sa dinadala niya dahil nagpakasal na ito sa babaeng pinili ng mgamagulang nito—si Sandra at mayroon na rin silang isang anak na babae, si Alexa.
Mula nang magka-isip ay puro tungkol na sa aking ama ang laging bukang-bibig ni Nanay. Lagi itong kasali sa aming usapan at puro magagandang salita ang naririnig ko tungkol dito kaya naman kahit hindi ko pa nakikita ang ama ay minahal ko na ito sa aking puso. Ayaw ni Nanay na guluhin pa ang tahimik na pamilya ng aking ama kaya hindi na niya tinangka pang sabihin sa lalaki ang tungkol sa akin. Kaya nga nagtaka ako noong sabihin nito na pupuntahan daw namin si Tatay bilang regalo sa aking pagtatapos. Syempre ay tuwang-tuwa ako dahil sa wakas ay makikilala ko na rin ang ama. Noon pa man ay lihim na akong nangangarap na makasama ito bagamat iginagalang ko ang pasya ng ina. Kaya ngayon ay hindi ako makapaniwala na ito ang pupuntahan namin. Ano man ang dahilan ng pagbabago ng isip ni Nanay ay lubos ko itong ikinasisiya.
“D-dito po nakatira ang tatay ko? Sigurado kayo, ‘Nay?” tanong ko habang nakatingala sa maganda at mataas na bahay. Halos lahat naman ng nakita kong bahay sa subdivision na iyon ay magaganda pero bukod tangi ang sa aking ama.
“Oo, Mariel. Halika kumatok tayo.”
Nag-door bell si Nanay at isang gwardya ang nagbukas ng gate. Magalang na sinabi ng aking ina ang sadya at muling pumasok sa loob ang lalaki. Buong pananabik akong naghintay sa pag-aakala na tatay ko na ang sunod na bubungad doon subalit isang babae ang lumabas. Nanlisik agad ang mga mata nito pagkakita sa amin. Bahagya akong natakot at nagkubli sa likod ng ina.
“At ano ang ginagawa n’yo rito, Lani?” pagalit ang boses na tanong ng ginang sa aking ina.
“Si Benjamin ang sadya ko, Sandra, hindi ikaw.”
Siya pala ang asawa ni Tatay, Hindi ko alam na magkakilala silang dalawa ni Nanay.
“Ano naman ang kailangan mo sa asawa ko?”
“Alam mo kung ano ang ipinunta ko rito. Siya si Mariel, anak namin ni Benjamin at alam niya na ngayon kami tutungo rito.” sagot ni Nanay.
Sukat sa narinig ay lalong nanlisik ang mga mata ng babae. Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa saka marahas na umiling.
“Ang kapal ng mukha mo na dalhin dito ang bastarda mong anak! Kailan man ay hindi ko matatanggap ang batang iyan!” anito.
“Wala akong balak na manggulo. Ang gusto ko lang ay makilala nila ang isat-isa. Sana naman ay huwag mo iyong ipagkait sa anak ko. Ilang taon akong nanahimik dahil ayokong masira ang pamilya n’yo.”
“Wala akong pakialam! Basta lumayas kayo rito kung hindi ay tatawag ako ng Pulis!” banta pa ng babae na ikina-buntong hininga ni Nanay. Laylay ang balikat na inaya akong umalis sa lugar na iyon. Bago tumalikod ay namataan ko ang isang batang babae na nakasilip sa bungad ng pinto. Iyon marahil si Sandra, naisip ko. Halos kasing edad ko lang pala ang kapatid sa ama.
PAGKARATING sa aming bahay ay malungkot kaming pareho ni Nanay. Napatingin na lang ako sa medalya na nakasuot pa sa aking leeg. Balak ko sana iyon na iregalo sa ama kanina, kaya lang ay hindi natuloy ang aming pagkikita.
“Hayaan mo, anak, sa susunod na araw ay babalik tayo roon. Tiyak na nando’ n na ang tatay mo,” nakangiting wika sa akin ni Nanay. Napansin siguro nito ang pananamlay ko.
“Nay, siguro po huwag na lang tayong pumunta sa bahay ni Tatay, nakakatakot po kasi ang asawa niya, eh. Saka nagbanta pa na ipapa-pulis tayo,” nasabi ko.
Ngumiti naman ang ina at hinaplos ang aking buhok. “Huwag kang matakot sa kaniya. Gaya ng sabi ko ay napag-usapan na namin ni Benjamin sa telepono ang tungkol sa iyo at pumayag siya na magtungo tayo roon.”
“T-totoo po?” nagagalak kong reaksyon.
Tumango si Nanay. “Oo naman. Mabait ang iyong ama kaya wala kang dapat ikatakot. Isa kang Salcedo, Mariel, at karapatan mo na dalhin ang apelyedo na iyon.”
Muli akong napuno ng pag-asa dahil sa sinabi ng ina. Muli akong umasam na makakasama ko rin ang ama.
SUBALIT sa ilang beses namin na pagpunta roon ay hindi pa rin namin nakaharap ang aking tatay. Si Ma’am Sandra ang laging naroon at kung hindi panlilibak ay pantataboy ang laging ginagawa ng ginang sa amin. Gusto ko na nga sana na sumuko ngunit buo ang loob ni Nanay na ipakilala ako sa lalaki. Pakiramdam ko pa nga ay nagmamadali siya. May nakapagsabi sa amin na nasa isang business trip pala ang aking ama kaya pansamantala muna kaming huminto sa pagtungo roon. Nang malaman ni Nanay na nakabalik na ito ay saka niya ako muling inakit na pumunta sa mansiyon.
“Ang kulit n’yo rin! Ilang beses ko pa ba kayong ipagtatabuyan? Hindi tatanggapin ni Benjamin ang batang iyan kaya umalis na kayo!” nanggagalaiting sabi ni Ma’am Sandra na siyang muling humarap sa amin sa labas ng gate.
Tulad ng dati ay bigo kong inakit pauwi ang ina matapos kaming pagsarhan ng babae.
“Tayo na, ‘Nay. Next time na lang ulit tayo pumunta, baka nandito na si tatay,” aya ko rito.
“Pero may nagsabi sa akin na nakauwi na ang tatay mo. Kailangan niyang malaman na narito tayo. Teka—” Nagsimula ito na tawagin ang pangalan ni Tatay.
“Pinalayas na kayo ng mommy ko, ‘di ba? Bakit nandito pa rin kayo?” mataray na tanong ni Alexa na siyang sumunod na lumabas ng bahay. Nakapamaywang ang dalagita at nakataas ang isang kilay sa amin.
“Hi, Alexa. Ito nga pala si Mariel, anak ko. Itatanong ko lang sana kung nariyan ang daddy mo?” wika rito ni Nanay.
“Wala rito si daddy kaya umalis na kayo!”
“Nanay, alis na tayo,” untag ko sa ina.
“Dito lang tayo, Mariel. Uuwi rin ang tatay mo at makikita niya tayo rito,” mariing pasya ni Nanay. Napatango na lang ako bilang pagsang-ayon sa ina. Doon kami naupo sa labas ngunit sumunod sa amin si Alexa.
“Ayaw n’yo talagang umalis, huh?” inis na saad ng kapatid ko. Bigla itong nawala at pagbalik ay hawak na nito ang dulo ng tali ng malaking aso.
“Nay,” takot kong sambit.
“Bruno, habulin mo ang mga iyan!” utos ni Alexa saka pinakawalan ang aso. Nanlaki ang aking mga mata nang sumugod ang aso sa direksyon naming mag-ina. Hindi namin inaasahan na ganoon ang gagawin ng dalagita. Namalayan ko na lang na hila na ako ni Nanay sa pagtakbo.
“Mariel, dalian mo, anak!” sigaw nito habang akay ako sa isang kamay.
Napakabilis ng mga pangyayari. Pagliko namin sa kalsada ay isang pick up ang nakita ko na mabilis na paparating sa aming gawi. Bigla akong itinulak ng ina at napasubsob ako sa tabi ng daan. Nakarinig ako ng malakas na pagsalpok at nang lumingon ako ay nakita ko na nakahandusay na si Nanay sa kalsada. Si Alexa naman ay bakas ang pagka-gimbal habang nakatanaw sa gate.
“N-nay . . .” sambit ko saka paika-ikang tumayo at lumapit patungo rito. Paluhod kong hinawakan ang duguang mukha ng ina. “Tulong! Tulungan n’yo kami!” sigaw ko nang makabawi sa kabiglaanan.
Umiiyak na iginala ko ang paningin, wala akong makitang tao maliban kay Alexa at sa Guard nila na noon ay hawak na sa kamay ang tali ng aso. Humingi ako ng tulong sa lalaki ngunit narinig ko na tinawag ito ng Mommy ni Alexa na bakas ang pagkagimbal sa mukha nang makita ang sitwasyon.
“Ipasok mo ang aso, dali!” utos nito sa gwardya. Agad namang sumunod ang lalaki kay Ma’am Sandra.
Patalikod na ang ginang nang makiusap ako sa kanya. “Tulong! Tulungan niyo po ang nanay ko! Parang awa niyo na po!” humahagulgol kong wika kay Ma’am Sandra
“Napakakulit niyo kasi kaya ayan ang nangyari sa nanay mo!” anang ginang.
“Parang awa n’yo na po!” ulit ko. Subalit naging tila hangin ang aking pakiusap. Tinalikuran ako ng ginang matapos bumuntong hininga. Ilang beses kong inulit ang pagmamakaawa ngunit wala iyong naging saysay. Isinarado pa ng mga ito ang gate at hindi man lang kami kinaawaan. Hindi ko akalain na may ganoong uri ng tao sa mundo. Iyong kayang panoorin ang paghihirap ng iba katulad ni Ma’am Sandra.
Hindi ko alam kung paano nadala sa ospital ang aking ina. Ang natatandaan ko ay may dumaang kotse at tinulungan kami. Halos gumuho ang mundo ko nang sabihin ng doktor na kailangang ma-operahan si nanay. Hindi ko alam kung saan hihingi ng tulong lalo na at wala kaming ibang kamag-anak. Mabuti na lang at dumating sa ospital ang kapitbahay namin na si Aling Minda. Dinamayan niya ako sa kinakaharap na problema.
“Anong gagawin natin? Wala naman tayong pera, tinakasan pa kayo ng naka-bundol sa nanay mo, tsk. kailangang ma-operahan agad ang nanay mo,” wika ni aling Minda.
“Hindi po pwedeng mawala ang nanay ko,” ang takot at umiiyak kong saad.
“Kung bakit naman kasi naroon kayo sa subdivision na iyon? Mayayaman ang nakatira doon,‘di ba? Anong ginagawa ninyo roon?”
“M-may kakausapin lang po sana kami.”
“Paano ngayon iyan? Saan ka kukuha ng pera? Mayroon ka bang alam na pwedeng tumulong sa inyo?”
Sa narinig ay bigla kong naalala ang ama. Agad akong nagpaalam sa kapitbahay para puntahang muli ang bahay nito. Ito lang ang taong makakatulong sa amin.
Pagdating doon ay sarado pa rin ang buong bahay. Hindi ako nawalan ng pag-asa. Matiyaga akong naghintay na may lumabas doon. Kahit umulan ay nanatili ako sa tapat niyon habang hinihintay ang aking ama. Papadilim na nang may lumabas na kasambahay sa katabing mansyon. Kunot noo akong nilapitan ng babae.
“Sinong hinihintay mo diyan, ineng? Basang-basa ka, ah,” patanong nitong saad sa akin.
“Si Benjamin Salcedo po ang hinihintay ko. May kailangan lang po ako sa kanya.”
“Wala ng tao sa bahay na iyan. Balita ko ay lumipat na sa ibang lugar kanina. Biglaan nga kaya nagtataka kami.”
Natigilan ako sa narinig. Hula ko ay may kinalaman ang nangyari kay nanay sa biglaan nilang paglipat.
“Alam n’yo po ba kung saan sila lumipat?” tanong ko. Umiling ito kaya ako nanlambot.
“Hindi ko alam kung saan sila lumipat, pero subukan mong pumunta sa SBC, doon nagta-trabaho si Sir Benjamin,” anito.
“SBC?”
“Oo, doon sa malaking kompanya.”
AGAD akong nagtungo sa sinabi ng babae. Hindi ko alam kung saan ang SBC, basta ko na lang sinabi sa driver ng jeep at doon mismo niya ako ibinaba. Halos malula ako sa lawak at taas ng building. Doon pala nagtatrabaho ang tatay ko. Agad akong nagtangkang pumasok ngunit hinarang ako ng bantay sa entrance. Bawal daw ang bata roon kaya sinabi ko na lang ang pakay.
“Ano naman ang kailangan mo sa isa sa mga boss ng SBC?” takang tanong ng lalaki.
“May sasabihin lang po ako sa kanya,” sagot ko.
“Ganoon ba? Kaya lang bawal ang bata sa loob, eh. Kung gusto mo ay dito mo na lang siya hintayin sa labas. Mamaya lamang ay pauwi na iyon.”
“Maari n’yo po bang ituro sa akin mamaya kung sino si Benjamin Salcedo?”
“Hindi mo pa ba siya nakikita?” kunot-noo nitong reaksyon. Nahihiya naman akong tumango. “Eh, bakit mo hinahanap kung hindi mo pa naman pala nakikita?”
“Mahabang kwento, Manong. Please po pakisabi naman sa akin mamaya kapag lumabas na siya. Importanteng-importante po ang sadya ko sa kanya, eh.”
“S-sige.”
Nakahinga ako nang maluwag saka sinunod ang payo ng gwardya na sa labas maghintay. Sa kabila ng gutom, pagod, at pangangatal ng katawan ay matiyaga akong naghintay sa labas. Buo ang pag-asa na makakausap ko ang ama na tangi kong lakas ng mga sandaling iyon. Madilim na nang mamataan ko ang paglabas ng ilang naka-business suit mula sa loob. Sinenyasan ako ni Manong Guard kaya lumapit ako. Saka niya itinuro sa akin ang taong pakay.
Para akong nabato-balani nang sa wakas ay nasilayan ang aking ama. Para akong maiiyak sa magkahalong saya at pangamba. Pasakay na ito sa kotse nang lapitan ko.
“T-tatay . . .” mahina at puno ng antisipasyon na tawag ko sa lalaki.
Paglingon niya ay nakita ko ang kanyang pagkatigagal. “Sino ka?” paiwas nitong tanong sabay tingin sa paligid.
“Ako po ito, si Mariel. Anak ni Lailani Montefar na dati n’yo pong katulong at naging kasintahan. Ilang beses po kaming pumunta sa bahay ninyo pero wala kayo roon,” mabilis kong paliwanag. Hindi naman ito makatingin ng tuwid sa akin.
“H-hindi ko kilala ang taong sinasabi mo kaya paano kitang magiging anak?”
Natigilan ako sa narinig. Saglit akong naguluhan at inisip na baka ibang tao ito pero nakita ko ang suot niyang ID kaya natiyak ko na ito nga si Benjamin Salcedo. Pero bakit nito itinatanggi ang aking ina?
Sa kabila ng sinabi nito ay hindi ako nawalan ng pag-asa. “Nasa ospital po si Nanay at kailangang ma-operahan. Nabangga siya ng sasakyan dahil kay Alexa—”
“I said hindi ko kayo kilala, so please excuse me!” putol nito sa aking sinasabi.
Natigilan na naman ako sa narinig. Hindi ganito ang inaasahan ko na mangyayari sa una naming pagkikita ng ama. Sobrang sakit sa akin ang itanggi nito pero isinantabi ko muna ang pagdaramdam. Mas mahalaga ang buhay ni Nanay kaya iyon ang uunahin ko. Halos lumuhod ako sa harapan ng lalaki habang pigil ang isa nitong braso.
“Tatay—M-mr. Salcedo, parang awa niyo na. Tulungan mo ang nanay ko!”
Pero wala man lang akong nabakas na kahit anong emosyon sa kanyang mukha. Sa halip ay inis nitong inalis ang aking kamay sa braso niya saka tinawag ang gwardya. Inawat naman ako ni Manong.
“Sir?”
“Sa susunod ay huwag mong hayaan na makalapit ang babaeng ito sa akin, naiintidihan mo?”
“O-opo.”
“Sandali lang naman po! Tatay, kailangan ka ni nanay. Makinig po kayo sa akin!” umiiyak ko pa ring pakiusap. Pero bingi ang ama, tuluyan itong sumakay ng sasakyan at hindi na ako sinulyapan pang muli bago iyon pinaharurot palayo. Wala akong nagawa kun’di mapalugmok sa simento habang humahagulgol.
Pagbalik sa ospital ay sinalubong ako ni Aling Minda kasama ng Doktor. Sinabi ng mga ito ang masamang balita. Wala na ang aking ina. Hindi na niya ako nahintay. Bukod sa head injury at internal hemorrhage na natamo sa aksidente ay nalaman na may cancer din pala ito. Iyon marahil ang dahilan ni Nanay kaya niya ako nais ipakilalala kay Benjamin, para hindi ako maulila. tila akong pinagsakluban ng langit at lupa habang humahagulgol sa morgue. Ganoon lang kabilis nawala si Nanay at dahil iyon kay Alexa. At madurugtungan pa sana ang buhay nito kung tinulungan kami ni Benjamin Salcedo.
Nabalot ng lamig ang aking puso. Ang dating pagmamahal ay napalitan ng poot at pagkasuklam. Sa gitna ng pagdadalamhati ay sumabay roon ang isang sumpa.
“Isinusumpa ko, magbabayad kayong lahat sa ginawa n’yo sa amin ni nanay! Lalo kana Alexa!”