Chapter 1
NAKAHARAP siya sa malaking salamin sa loob ng kanyang silid. Kinunot-kunot niya ang kanyang noo at pinalaki ang butas ng kanyang ilong. Nagduling-dulingan din siya. Sinubukan niya ring guluhin ang kanyang buhok, at nilagyan ng uling ang kanyang mukha pero maganda pa rin siya. Naiinis na siya.
Maaaninag pa rin ang maamo niyang mukha. Medyo singkit ang kanyang mga mata at manipis na mapupulang labi.
"Kainis! Paano ba maging panget para magmukhang katakot-takot?" tanong niya sa sarili. Napatingin siya sa hawak niyang isang piraso ng uling.
"Hmm. Gawin ko kayang lipstick?" aniya at sinimulang kulayan ang kanyang mga labi gamit ang uling. Hindi niya alintana ang lasa ng uling sa kanyang labi. Trip niya kasing paglaruan ang kanyang mukha. Naiinis din siya sa salamin dahil palagi nitong pinapamukha sa kanya na dyosa siya. Hindi niya rin naman ito puwedeng itapon. Tiyak papagalitan siya ng mommy niya.
Pagkatapos kulayan ang kanyang labi ay hindi pa siya nakuntento. Kinulayan niya rin ang natitirang bahagi ng kanyang mukha na hindi pa nakukulayan. Napangiti siya pagkatapos niyang kulayan ng itim na kolorete ang kanyang mukha.
"Hi-hi-hi." Napahagikhik siya dahil tanging mga mata at ngipin na lang ang natitirang maputi sa kanyang mukha. Agad niyang kinuha ang kanyang iPhone at nag-selfie. Nilagyan niya ito ng caption na Raaawr! 'tsaka ipinost sa f*******:.
Ngunit wala pang sampung segundo ay may nag-pop out sa kanyang notification.
Nisyel Love Mijares reacted to your photo.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang "angry face." Tiyak sesermonan na naman siya. At hindi nga siya nagkamali, dahil ilang saglit pa'y bumukas ang pinto ng kanyang kuwarto.
"Aaaaah!/Aaaaah!" sabay nilang tili ng kanyang mommy.
"What the hell is happening?" Pumasok din ang kanyang daddy na puno ng pag-aalala ang kanyang mukha. Pumikit siya at nagbilang sa kanyang isip. One, two, three--
"ANONG GINAWA MO SA MUKHA MO, BABY PINKY?! MAY BALAK KA BANG SUMALI SA ATI-ATIHAN FESTIVAL?!" Diosmio! Bigla siyang napatakip ng kanyang tenga sa lakas ng bulyaw ng kanyang ina. Patay! Yumuko siya at kinagat ang ibabang labi niya. Ngunit nakalimutan niya yatang may uling ang kanyang labi kaya bigla siyang dumura nang malasahan niya ito. Patay na naman! Pati ang dila niya may uling na.
"Aaaaah! Tingnan mo anak mo, Dee! Sa'yo talaga nagmana 'yan! Kasintino ng mongoloid mag-isip!" wika ng mommy niya.
"Princess," tawag ng daddy niya sa kanya. Umangat naman siya ng tingin.
"Daddy."
"Bakit ginawa mong coloring book ang mukha mo?"
"Sorry po, Daddy. Naubos na po kasi ang coloring book na binili ni Tita Gold para sa'kin," sagot niya at yumuko. Mahilig kasi siyang maglaro ng iba't ibang kulay sa coloring book. Iyon ang hobby niya. Nagulat naman siya nang bigla siyang hinigit at niyakap ng kanyang mommy.
"Waah! Sorry, Baby Pinky! Hindi mo naman kasi sinabi agad. Nasigawan pa tuloy kita. Huwag kang mag-alala bibili tayo ulit ng coloring book." Napangiti siya. Ang sweet talaga ng mommy niya. Kasi siya ang tipo ng taong marunong makinig.
"Sorry din po, Mommy."
"Baby Pinky naman! Ilang beses ko bang dapat sabihin sa'yo na huwag mo akong tawaging Mommy? Inang Reyna dapat. INANG REYNA. Naiintindihan mo ba?" Tumango naman siya.
"Opo, Inang Reyna."
"Good."
Ilang saglit pa'y narinig nila ang malutong na tawa ng kanyang daddy.
"Pft! Hahahaha!" Nagkatinginan sila ni Inang Reyna niya at parehong kumunot ang kanilang noo.
"Sabi sa'yo baby eh. May sayad sa utak ang daddy mo," bulong ng Inang Reyna sa kanya. Malungkot naman siyang tumango. Matagal na nilang tanggap na may kakaiba sa daddy niya. Bigla-bigla na lang kasi itong ngumingiti at tumatawang mag-isa. Wala naman sigurong masama doon. Ang mahalaga masaya ang kanilang pamilya.
Masuwerte siya dahil binigyan siya ng Diyos ng mapagmahal na pamilya. Her mom is sweet and caring. Magkasundong-magkasundo nga sila. Palagi silang napagkakamalang magkapatid sa tuwing magkasama sila. Siyempre, kanino ba naman siya magmamana? Her dad is strict and protective over her. Pero sweet din naman ito pati ang dalawang kuya niyang kambal.
Dark Blue and Dark Red are twins. Amazed na amazed nga siya sa mga pangalan nila. Nakaugalian na tuloy ng mga taong tawagin silang crayon babies.
MAAGA siyang gumising tulad ng nakagawian. Pumikit siya at nag-usal ng maikling dasal bilang pasasalamat sa panibagong araw na ipinahiram ng Diyos.
Agad siyang nagligpit ng kama at pumasok ng banyo para gawin ang daily rituals niya. Panibagong araw na naman. Kailangan niyang pumasok para makatulong sa ekonomiya ng Pilipinas pagkagraduate niya.
Nag-aaral siya sa Montejo Institute of Technology, isang private school na pagmamay-ari ng isa mga business partner ng daddy niya. Third year college na siya sa kursong Information System.
Pagkababa niya ay nakahain na ang pagkain sa lamesa. The best talaga ang Inang Reyna niya.
"Baby, kumain ka na. 'Tsaka damihan mo para lalo kang gumanda. Tandaan mong nakakapanget ang gutom," paalala sa kanya ng reyna. Agad naman siyang umupo. Tatlo na lang sila sa bahay nila kasi ang dalawang kuya niya may kanya-kanya nang condo unit. Matatanda na kasi.
"Thank you, Inang Reyna!" Ngumiti naman ang mommy niya at saka pinanood siyang kumain. Araw-araw ganyan ang kanilang eksena.
PAGKABABA pa lang niya ng sasakyan sa parking lot ng eskwelahan ay parang magnet na napatuon sa kanya ang mga mata ng lahat. Hinahatid kasi siya ng daddy niya tuwing umaga.
"Thank you, Daddy. Ingat po!"
"You too, Princess. Ingat ka. Magpakabait ka."
Tumango siya at nagsimulang maglakad ngunit tumigil muna siya at inilibot ang kanyang paningin.
"Good morning!" nakangiting bati niya sa lahat. Sabay-sabay namang ngumiti ang mga nakarinig sa kanya. Nakakahawa kasi ang kanyang ngiti.
Pumasok siya sa classroom na nakangiti at binati niya rin ang mga blockmates niya. Hindi kasi uso sa kanya ang sumimangot. Nakakabawas daw iyon ng ganda, sabi ng inang reyna niya.
Maya-maya pa'y dumating na ang kanilang professor sa Biology. Actually back subject niya ito. Hindi kasi niya ito naipasa noong nakaraang semester. Kaya ang kinalabasan, irregular student siya. Minor subject nga lang 'yon bagsak pa. Ang saklap.
"Good morning," bati ni Professor Fenis na walang kangiti-ngiti. Bumati na rin sila pabalik.
Hindi talaga marunong mag-appreciate ng bagong umaga itong kalbong 'to, bulong ng isip niya. Sa pinakalikod kasi siya umuupo dahil ayaw niyang matalsikan ng laway sa tuwing nagle-lecture ito. Ayaw niya rin sa gitna kasi wala siyang close. Though marami siyang kaibigan, wala talaga siyang close dito dahil ibang kurso ito.
"Come forward as I call your names. Ibibigay ko na ang class cards ninyo." Oh shoot! Naalala niyang ngayon nga pala ibibigay ang grades nila noong midterm exam. Biglang kinabahan si Pinky. Sana pumasa na siya. Ayaw na niyang ulitin ang subject na 'to. Noong nakaraang semester kasi flat 5.0 ang grades niya sa midterm at finals.
"Andres, Anjelyn."
"Atega, Daniela"
Diyos ko po! Sana pasado ako! Dalangin niya sa isip. Buti pa ang mga natawag na, ngumingiti pagkakita nila ng grade nila. Yung sa kanya kaya?
"Casamorin, Maika"
"Belmonte, Richard."
Malapit na malapit nang tawagin ang pangalan niya kaya napapikit siya.
"Marasigan, Rodel."
"Mijares, Light Pink." Ayan na! Dahan-dahan siyang tumayo at lumapit sa gitna.
"S-Sir..."
"Miss Mijares, eto na pala ang test paper mo." Inabot niya mula dito ang kanyang test paper at class card.
Hindi muna niya tiningnan pagkatanggap niya nito. Bumalik siya sa kanyang upuan at unang binuksan ang kanyang test paper sa midterm exam. Napanganga siya nang makitang 31 out of 50 ang score niya.
"Atleast lumagpas kalahati," aniya. Paano kasi hindi niya naubos sagutan ang enumeration.
Test V. Enumeration
a. Give atleast two endangered species of animals.
May sagot nga pala siya kaso mali. Dyahe kasi iyon ang last topic nila bago magmidterm exam pero absent siya dahil sa dysminorrhea. Wala pa naman siyang stored knowledge pagdating d'yan.
a. Give atleast two endangered species of animals:
1. Nisyel Love Mijares
2. Light Pink Mijares
Iyon ang isinagot niya dahil wala na siyang maisip. Endangered species din naman sila ng inang reyna niya.
Bakit mali? kunot-noong tanong niya sa isip ngunit naalala niyang hindi nga pala sila hayop dahil dyosa sila. Napatingin siya sa hawak niyang class card.
"Bubuksan ko ba o titingnan?" Pigil hininga niya itong binuksan at napasinghap siya nang makita ang kanyang grade.
"YES! YES! YES!" Tumalon siya sa tuwa. Napatingin tuloy sa kanya ang lahat ng mga kaklase niya.
"Miss Mijares! Where are you going?" Hindi niya pinansin ang tawag ng professor niya. Mabilis siyang lumabas ng classroom bitbit ang kanyang backpack na bunny.
"Kailangan malaman 'to nina Inang Reyna at Daddy!" wika niya habang tumatakbo. Mabilis ang bawat hakbang niya habang pababa ng hagdan. Pagkarating niya ng groundfloor ay tumakbo siya nang mabilis. Hindi niya namalayang may naapakan pala siya. Kung anuman 'yon, wala siyang pakialam. Hindi niya namalayan ang matatalim na tingin na ipinukol sa kanya.
Agad siyang nag-abang ng taxi at pagkarating ng bahay nila...
"Inang Reyna! Daddy!"
"Oh? Bakit umuwi ka agad baby Pinky? Wala ba kayong pasok?" Umiling siya at ngumiti nang pagkalapad-lapad saka inabot sa inang reyna ang kanyang class card.
"Syete! Otso! Diyes! Dee, kailangan nating magcelebrate! Pumasa na ang baby Pinky natin!"
Tiningnan naman ng daddy niya ang kanyang class card. Parang nalaglag ang panga nito nang makita ang grade niya...
3.0!
Pumasa nga!
♕GreatFairy♕