CHAPTER 1
Bagaman nagmamadali ay nagawa pa ring isingit ni Calynn ang pagsilip sa Lux Fine Jewelry. Sa araw-araw ng kanyang buhay, hindi niya talaga kayang hindi masulyapan ang kanyang engagement ring kahit saglit lang.
“Diyan ka lang aking singsing. Huwag kang mag-alala dahil balang araw ay maisusuot ka rin sa aking ring finger. Tiwala lang tayo na parating na ang lalaking magsusuot sa iyo sa akin,” kinikilig niyang turan. Kulang na lang ay mag-twinkle twinkle na naman ang mga itim na bilog ng kanyang mga mata. Ini-stretch pa niya ang palad niya at in-imagine na nakasuot na ang noon pa niya pinapangarap na singsing.
“Ay naku, Calynn, bilhin mo na kasi iyan,” as usual ay sita na naman sa kaniya ni Belle na sales associate ng Lux Fine Jewelry. Ang salarin kung bakit nagmumukha siyang lukaret at obsess sa isang singsing.
Pitong buwan na, kung hindi nagkakamali si Calynn, pitong buwan na nga siyang parang baliw na inaasam ang diamond ring simula idinisplay ni Belle ang singsing, na hindi sinasadya ay kaniya namang nakita. Mula noon ay pinangarap na niya tuloy ang singsing.
“Hayaan mo muna riyan para hindi maluma,” nakatawang biro niya sa kapwa dalaga.
“Gageh ka talaga.” Natawa nga si Belle.
“Wala pa naman siguro bibili niyan, ano? Ang mahal mahal, eh.”
Napanguso si Belle. “Hindi natin sure. Alam mo ba last week may bumili na ng kasabayan ng singsing na ‘yan? At konti lang ang deperensya ng presyo nila.”
“Talaga ba?”
“Oo, nabentahan ni Anasia.” Ang tinukoy ni Belle ay ang kasamahang sales associate nito.
Bigla ay nalungkot si Calynn. Nag-alala. Paano na kung mapupunta sa iba ang singsing? Parang hindi niya kakayanin.
“Grabe ka, singsing lang ‘yan pero parang heartbroken ka na,” natawang tukso tuloy sa kaniya ni Belle.
Napanguso siya. “Ewan ko ba. Parang feeling ko kasi talaga para sa akin ang singsing na ‘yan, eh. Siguro pag-aari ko siya sa past life ko.”
“Ang dami mong alam talaga.” Mas tinawanan pa siya ni Belle. “Teka nga. Ano pa ba’ng ginagawa mo rito pala? Hindi mo pa ba duty sa Golden Pawn?”
Animo’y nagbalik ang nawawalang espiritu ni Calynn sa kaniyang katawan nang marinig niya iyon. Bigla siyang natauhan.
“Aisst!” at ungol niya nang sinulyapan niya ang kaniyang mumurahing wristwatch. Ten minutes na lang pala ay magbubukas na ang pawnshop na pinapasukan niya. Isa kasi siyang pawnshop clerk sa Golden Pawn. At nasa third floor iyon ng Uptown Mall na kinaroroonan.
“Sige, alis na ako, Besh. Bantayan mong maigi ang singsing ko, ah?” may kalakip na birong paalam na nga niya sa kaibigan.
“Ingat ka,” sabi rin ni Belle.
“Ay!” Subalit ganoon na lamang ang gulat ni Calynn nang sa kaniyang pagtalikod ay may nabangga siyang matatag na balikat. Balikat ng isang lalaki at nasubsob ang mukha niya roon.
“Sorry po, Sir,” hawak ang ilong na paghingi niya nang paumanhin. Sa pagkasubsob niya sa mabangong balikat ng lalaki ay napuruhan ang kaniyang medyo matangos na ilong. Masakit.
Hindi siya pinansin ng lalaking naka-formal suit. Ni hindi nakalas ang pagkakapamulsa ng mga kamay nito sa harapang bulsa ng trousers nito. Animo’y wala sa sarili na diretso pa rin ito ng lakad sa display cabinet kung saan naroon naka-display ang mga mamahaling paninda ng Lux Fine Jewelry.
“Suplado!” sa isip-isip ni Calynn. Iningusan niya ang likod ng lalaki nang lingunin at sundan niyo ng tingin. Mga mayayaman talaga, ang yayabang. Feeling yata ay mga pader sila na hindi matitibag ng ordinaryong tao lamang.
“Tse!” pagsusuplada pa nga ni Calynn bago lumakad ulit. Kailangan na niyang pumasok kung hindi babalaan na naman siya ng masungit niyang manager na tatanggalin siya sa trabaho dahil lagi siyang late.
Ang hindi niya maintindihan ay nang bigla siyang nag-pause sa paglalakad at animo’y may sariling buhay ang kaniyang ulo na lumingon pa sa Lux Fine Jewelry. Doon ay nakita niyang naroon ang lalaki sa harapan ng kaniyang singsing.
Oh, no! hiyaw ng kaniyang isipan.
“Bibilhin na yata,” Belle mouthed at her. Nasa mukha nito ang panunukso sa kaniya na mawawala na ang kaniyang singsing.
Walang pagdadalawang-isip na napabalik siya. No, hindi siya papayag na mabebenta ang kaniyang engagement ring. Magkamatayan na! Charot!
Nakatalikod ang lalaking may suot ng business suit kaya hindi sila nakikita ni Belle na nagsusulyapan at nagsisenyasan. Tumitingin-tingin nga talaga ito ng mga singsing sa display counter.
“Ma-su-ngit,” walang boses na buka ng bibig ni Belle. “Pero mukhang mayaman kaya bibilhin na ang singsing mo.”
“Huwag mong ibenta. Sabihin mo naka-reserve na,” aniya na wala ring boses na pinagsalikop pa ang mga kamay sa dibdib. Ipinakita niyang nakikiusap siya rito nang sobra.
Ayos lang naman kahit hindi mabenta ang singsing. Parehas nilang alam ni Belle na hindi ikakalugi ng Lux Fine Jewelry kahit na ilang taon na hindi mabebenta ang singsing. Sobrang yaman kaya ng Lux Fine. Isang sikat na singer na si Eyrna Arquino at bilyonaryong si Kabhy Ziegler ba naman ang may-ari.
Ia-assist na dapat ni Belle ang customer, pero dahil nababaliw na siya ay inunahan niya ito. Hindi niya alam kung ano’ng nakain niya’t bigla siyang nagpanggap na sales associate rin ng Lux Fine Jewerly. Nanlaki tuloy ang mga mata ni Bell.
“Good morning, Sir. Welcome to Lux Fine Jewelry. Anything we can do for you?” nakangiting bati niya sa lalaking customer. Tuwid na tuwid ang kaniyang pagkakatayo at magkasalikop ang kaniyang mga kamay sa kaniyang bandang tiyan. Animo’y mayordoma siya sa isang palasyo. Ginaya niya si Belle. Inagaw niya pansamantala ang trabaho nito na noon pa niya kinaiinggitan.
Noon pa man ay gusto nang makapasok sa Lux Fine Jewelry katulad ng kaibigang si Belle. Pero dahil hindi naman siya graduate sa kolehiyo na istriktong requirements ng Lux Fine ay hindi siya qualified.
“Yes, I'm interested in finding an engagement rin,” sagot naman ng lalaki.
Subalit ay biglang natigilan si Calynn nang masilayan niya ang mukha ng lalaki at nagsalubong ang kanilang tingin. Paano’y para ba’y nasa harapan na niya ang isang Korean actor na kaniyang hinahangaan sa mga Korean drama na kanyang napanood.
Kamuntikan na niyang maitanong ang, “Lee Dong-wook is that you?”
Matangkad, maskulado, matangos ang ilong, napakaputi ang mukha, malalim ang mga mata, mapupula ang mga labi at medyo alon-alon ang buhok. In short, ubod ng guwapo ang lalaki.
Kinilig ang kaniyang puso.
“Is there anything frightening or alarming on my face?” nga lang ay pasupladong untag sa kaniya nito. May ugali nga.
“Ah, eh...” Natameme siya sa pagkakapahiya. Ito ang napapala ng nagmamagaling at mang-aagaw ng trabaho.
Napangiwi siya pati nang makita niya sa ekspresyon ng mukha ng lalaki na naghihintay ng kasagutan. Nakaramdam siya ng pamumula ng pisngi at pag-iinit ng katawan sa kahihiyan.
“Calynn, ako na,” singit dapat ni Belle pero hindi niya hinayaan.
“My apologize, Sir,” senserong paghingi niya ng paumanhin sabay magalang na pagyuko. Alangang sabihin niya na na-starstruck siya sa kaguwapuhan nito? Mas nakakahiya iyon.
Walang naging tugon ang lalaki. Nakita niya na lang sa mga paa nito habang nakayuko siya na humakbang ito patungong ibang display corner ng jewelry shop. Naka-display roon ang mga makabagong disenyo ng singsing.
“Ano’ng ginagawa mong bruha ka? Mapapagalitan ako sa ‘yo, eh!” siko at bulong sa kaniya ni Belle nang tumabi sa kaniya ito.
“Hayaan mo na ako. Kailangang protektahan ko ang aking engagement ring hangga’t hindi pa dumadating ang ‘The One’ ko,” sagot niya na pabulong din.
“Nababaliw ka na talaga!”
“Magbubulungan na lang ba kayo riyan? Aren't you going to assist me?” pasupladong agaw-pansin sa kanila ng customer.
“Sorry, Sir. Pinag-uusapan lang po namin kung ano’ng maganda na isa-suggest po sa inyo,” madaling palusot ni Calynn at nag-behave na siya. Kahit gusto niyang kilatisin at kabisaduhin ang bawat detalye ng guwapong mukha ng lalaki ay hindi na niya tinangka. Ayaw niyang masupladuhan ulit.
Ewan ba niya. Sa mga K-drama na kaniyang napanood ay talaga namang nakakakilig ang mga supladong mayaman na lalaki na bida. But in reality, nakakatakot naman pala.
Si Belle ay nagtungo naman na sa counter. Hinayaan na nga siya sa baliw-baliwan niya.
Maingat na kinuha ni Calynn ang isang royal princess cut diamond sa glass-covered cabinet at ipinakita sa customer. Syempre nilampasan niya ang kaniyang singsing na kanina pa halatang binabalik-balikan ng tingin ng customer. Ipinaliwanag niya kung gaano iyon kaganda na siguradong magugustuhan ng pagbibigyan nitong nobya.
“Perfect na perfect po ito sa kanya, Sir,” pagtatapos niya.
“No. I think Avy prefers a simple ring,” subalit ay pagtanggi nito.
At halos mabasag ang puso ni Calynn nang damputin ng customer ang kaniyang singsing, ang kaniyang solitaire diamond ring.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi at napadasal na sana hindi nito iyon magugustuhan.
“This one. This is what I want. I will buy this,” subalit ay pambabali ng customer sa kaniyang sana.
Muntik nang manghina ang mga tuhod ni Calynn at mapabulagta sa marmol na sahig ng jewelry shop. Wala na! Wala na ang kaniyang singsing! Woah!
“Sige po, Sir. Process ko na po,” mabilis na paniningit ni Belle nang makita ang reaksyon niya.
Ilang sandali pa’y namalayan na lamang ni Calynn na inihahatid na niya ng tanaw ang lalaking customer nang palabas na ito sa shop bitbit ang black and gold paper bag na kinalalagyan ng binili nitong diamond ring.
“Kapag nadapa si Sir Reedz, kasalanan mo,” tukso sa kaniya ni Belle. Nakalapit ito sa kaniya nang hindi niya namamalayan.
“Sir Reedz?” Nagtakang nilinga niya ang kapwa dalaga.
Itinuro ni Belle ang laptop monitor ng kanilang daily sales report. “Iyon ang pangalan ng customer. Reedz Rovales. Oh, ‘di ba pati pangalan ang guwapo.”
“Gano’n ba,” wari ba’y may pagkain sa bunganga niya na hindi malasahan na komento. Nawawala na talaga siya sa sarili niya. Pakiramdam niya ay inagawan siya ng boyfriend.
“Hoy, ayos ka lang?!” kalabit sa kaniya ni Belle.
“Hindi ako ayos at kasalanan ito ng aking ‘The One’. Bakit kasi ang tagal niyang dumating? Tuloy naunahan siya sa engagement ring na gusto ko,” maktol niya.
Napabulanghit ng tawa si Belle. Tinawanan ang kaniyang inaasal at hitsura.
“Heh! Tatawa-tawa ka pa riyan!” natatawa na ring sayaw naman niya rito.
“Heh, ka rin! Ambisyosa pa! Sino bang babae kasi ang maghahagad na ng engagement ring na wala namang boyfriend?” Tinawanan pa rin siya ng kaibigan.
“Oo na ako na ang baliw. Ako na ang ambisyosa,” kunwa’y napangawa naman niyang pag-amin. Aminado naman siya kasi na para siyang takas sa mental dahil lang sa engagement ring na iyon. Na ngayon ay wala na. Na ngayon ay pag-aari na ng iba. Napakasaklap talaga ang walang jowa.