Ilang araw pa lang ako sa school na 'to, apat na multo na agad ang nakita ko. Sabagay, sanay na naman akong hindi namamansin ng multo.
Oo. Sanay na akong makakita ng tulad nila, pero hindi pa rin naaalis ang takot ko kapag nakikita ko sila. Na-overcome ko lang na ipakita ang fear ko dahil din sa takot na baka malaman ng mga multong 'to na nakikita ko sila at mas lalo pa nila akong guluhin.
I can still remember my childhood. Mula nang magkaisip ako ay palagi na lang akong nagtatago sa sulok. Kahit saan kasi ako magpunta ay may sumusunod sa aking multo. Nagre-react ako, syempre bata, natural na matakot.
I was 7 years old nang tinawag akong freak at baliw ng sarili kong pinsan na mas matanda sa akin ng tatlong taon, anak ng kapatid ni Mama. Naglalaro kami sa playground ng subdivision namin that time. Nakita ko ang lalaking parang tustado ang buong katawan, luwa ang mata at naaagnas ang mukha na nakaupo sa swing habang nakatingin sa akin. Nagtititili ako noon at itinuturo ang multo. Nilapitan ako ng pinsan kong si ate Sandra saka ako inalog-alog.
Flashback...
"Hoy, ano ba? Ang ingay-ingay mo! Bakit ka ba tili nang tili? Sino ba ang tinuturo mo d'yan?" Nilingon nito ang swing na tinuturo ko.
"Multo! Mamang nakakatakot! Sunog ang mukha! Labas ang mata! Eeeeeeehhh!" Nagtakip ako ng mukha.
"Ano ka ba? Nananakot ka lang ba? Wala akong nakikitang sunog na mamang nakakatakot! Hoy! Ano ba?"
Umiyak na ako ng umiyak.
"Nababaliw ka na ba? Nakakahiya kang kasama. Nananakot ka pa. Pinagtitinginan na tayo. Ayaw na kitang kasama. Multo multo ka d'yan. Freak!" Saka ako iniwan nang mag-isa ni ate Sandra.
Lalo akong nagsisisigaw. Nilapitan ako ng guard ng subdivision para ihatid pabalik sa bahay namin. Iyak pa rin ako nang iyak habang naglalakad. Kasunod kasi namin ang mamang sunog habang pauwi kami.
Nag-door bell ang guard sa bahay.
Pinagbuksan kami ni kuya Drei. Yumakap agad ako sa kanya saka nagtago sa likod niya. Sumilip ako sa mamang sunog na nakatayo sa likod ng guard. Nakatingin pa rin siya sa akin.
"Eeeeeeeehhhh! Nandyan pa rin 'yong mamang sunog! Huhuhuhu! Kuya Drei tago mo ko!"
"Inihatid ko na ang kapatid mo, hijo, nagiiiyak sa playground. May multo raw. Iniwan no'ng kasama niya."
"Ah! Sige po, salamat." Hinatak na ko ni Kuya Drei papasok ng bahay. Nasa sala si Mama. Tumakbo ako saka yumakap sa kanya.
"Mama, si Arlene nakakita raw ng mamang sunog sa playground. Iniwan siya ni ate Sandra sa playground."
"Anak, sabi ko sa 'yo, di ba? Kapag nakakita ka ng multo, huwag mong pansinin. Hindi 'yan mananakit. Magpapakita lang sa 'yo dahil may kailangan sa 'yo. Kapag pinansin mo at tinulungan mo kahit isa sa kanila, hindi ka na nila titigilan. Lagi na silang lalapit sa 'yo. Gusto mo ba 'yon?"
"Ayaw ko po, Mama."
"Gano'n naman pala e. Kaya sanayin mo ang sarili mo na hindi sila pinapansin. Kunwari, wala sila d'yan, o kaya ordinaryong tao lang sila na strangers. 'Di ba ang sabi ko, do not talk to strangers? Gano'n 'yon."
"Sige po, Mama." Pinunasan ko ang uhog na tumulo sa ilong ko gamit ang laylayan ng palda ko. Tawa naman ng tawa si Kuya Drei sa akin.
"Ang dusing ng mukha mo, Arlene. Maligo ka na nga. Batang uhigin!" Nginusuan ko si Kuya Drei.
Noon ko lang din nalaman na si Papa pala ay nakakakita rin ng multo. Sa kanya ko namana ang 'gift' na 'to. Kaya pala may nakikita akong nakadikit na papel na 'di ko maintindihan ang mga nakasulat sa paligid ng bahay. Mula din no'n ay nilayuan na ako ni Ate Sandra.
Natigil ang pagmumuni-muni ko nang tumunog ang bell. Nagmuni-muni pala ako sa buong discussion at wala akong naintindihan sa lessons.
Siniko ako ni Daisy. "Nakinig ka ba? Wala kang ginawa kundi mag-sketch." Ininguso nito ang ginagawa ko.
Nag-sketch ako sa likod ng notebook ko ng anime. Babaeng naka-school uniform na may laslas sa leeg. Bigla kong isinara ang notebook ko. Baka makita pa 'to ng estudyanteng multo na may laslas sa leeg.
"Ah, nakinig naman. Hilig ko lang mag-drawing talaga ng anime."
"Halika na. Sa room 2B tayo. Sa baba, kabilang dulo." Aya ni Emma sa amin.
Palabas na kami ng classroom nang may humabol sa akin. Hinawakan ako sa braso.
"Monique! Monique, nagbalik ka!" Saka ako niyakap ng lalake. Napadilat ang mga mata ko. Nakatingin sa amin ang mga estudyanteng nakiki-usyoso. Na-shock din sina Daisy at Emma.
"A-ah, eh, teka sandali." Itinulak ko si Gio. Nagpumilit akong kumawala sa pagkakayakap niya. "H-hindi ako si Monique."
Lumuwang ang pagkakayakap niya sa akin. Inalis ang mga braso niyang nakapaikot sa baywang ko saka umatras nang dalawang hakbang.
"I'm not Monique. My name's Arlene."
Nakatitig sa akin si Gio. Ngumiti ako para ipakita na may dimples ako. Itinuro ko pa.
"S-sorry. Akala ko ikaw siya. M-magkamukhang magkamukha kayo." Maluha-luha ang mga mata nito. Tinitigan niya ako. Nagre-reminisce siguro ng moments nila ng girlfriend niya habang nakatitig siya sa mukha ko. Naawa ako. Yumuko si Gio saka tumalikod. Lumakad palayo habang nakapamulsa.
Napabuntong hininga ako. Mahal na mahal niya si Monique. Gumawa ng eksena sa harap ng maraming tao dahil akala niya ay ako siya.
"Girl, kamukha mo talaga 'yong girlfriend niya kasi. Para kayong kambal kasi eh. Magpasalamat ka d'yan sa dimples mo. Pati na rin sa bubelya mo!" Ang lakas ng tawa ni Daisy. Iyong kayamanan ko na naman ang napag-initan.
"Hay naku, halika na nga. Baka ma-late pa tayo." Hinatak ko na silang dalawa ni Emma.
-----
"Kuya Drei, si Emma saka si Daisy," pakilala ko sa kanila habang nasa Canteen ng school. 2nd year college din si Kuya pero 3rd year na dapat siya kaya badtrip din siya sa paglipat namin dito. Nag-shift kasi siya ng course paglipat namin dito from Criminology to Political Science. Wala kasing criminology course sa school na 'to kaya napilitang mag-shift. May mga subject pa siyang hindi na-credit, kaya irregular siya.
"Hello." Nakipagkamay siya sa dalawang magandang kasama ko. Ang luwang ng ngiti! Playboy talaga 'tong si Kuya.
"Emma," tawag ng lalaking parating. Kamukhang kamukha ito ni Emma.
"Oh, Kuya Emman. Kamusta ang first day?"
"Okay naman. Masaya." Lumingon ito sa amin ni Kuya Drey. "Pakilala mo naman ako sa kanila."
"Kuya, si Arlene saka si Drei, magkapatid sila. Guys, si Kuya Emman. Kambal ko. Matanda sa akin ng 5 minutes."
"Ah. Kaya pala magkamukhang magkamukha kayo." Nakipag-kamay kami ni Kuya Drei sa kanya.
Nagbalik na kami sa pagkain at nagpatuloy sa kwentuhan nang may nahimatay na babaeng estudyante sa gitna ng canteen. Sa tabi nito ay nakatayo ang isang nakakatakot na multo ng estudyante. Naaagnas na halos ang kalahati ng mukha nito. Galit ang itsura at nakatingin sa nahimatay na estudyante. Ano'ng nangyari? Sinapian siya? Sinaktan siya ng multo? Napakunot ang noo ko. Tumingin sa gawi namin ang multo. Iniiwas ko ang tingin ko dito para kunwari hindi ko siya nakita.