"NAKITA KO NA ang designs. Pambuong entourage pala ang ginawa mo. They're beautiful, Cassandra."
Pinilit ni Cassandra na ngumiti pagkatapos ay naupo na uli sa tapat ni Dana. Buong panghihinayang na napatitig siya sa folder na nasa mesa. Hanggang maaari ay ayaw sana niyang ipakita iyon sa iba. Paputol-putol na tinapos niya ang mga designs na naroon habang nagtatrabaho siya sa ibang bansa. Sa pagbabalik niya ay isa sana iyon sa gusto niyang ipakita kay Jethro. Gusto niyang matawa sa naisip.
Buong gabing pinilit ni Cassandra na magdisenyo ng iba pero hindi siya makapag-isip ng maayos. Sa buhol-buhol na takbo ng kanyang isip ay wala siyang natatapos gawin. Dahil kalimutan man niya ay paulit-ulit na bumabalik sa kanyang isip ang mga salitang binitiwan ni Jethro sa opisina nito. Gusto man niyang bigyan ang sarili ng ilang araw pa para makapagdisenyo ay gahol na siya sa oras. Dahil nag-aalala siyang magbago pa ang isip ni Dana.
"Masaya akong nagustuhan mo," sinabi niya makalipas ang mahabang sandali.
Nagkibit-balikat si Dana. "Gusto ko sanang gamitin ang buong designs mo para sa kasal. Pero nag-aalala ako. Ilang buwan na lang ang natitira. Tatahiin pa ang lahat ng iyon. Aabot kaya?"
Tumango si Cassandra. Napag-isipan niya na ang bagay na iyon. "Gagamitin ko ang staff ko sa boutique sa France. I'll send them the design. At kung sakaling magkulang pa rin sa manpower, manghihiram ako sa staff ni Gertrude. She's a dear friend and a fashion designer as well."
Muling ngumiti si Dana pagkatapos ay nakipagkamay sa kanya. "It's a deal then." Tumango na lang si Cassandra. Inayos niya na ang mga gamit at mayamaya ay tumayo at naghanda na sa pag-alis.
"Hindi ka ba kakain na muna?"
"No. Busog pa ako," maagap na sagot niya sa takot na ibuko pa siya ng boses at emosyon kapag nanatili pa siya roon. "I'll go ahead, Dana. Tatawagan na lang kita kung sakaling magkaaberya," aniya at tumalikod na.
"Tumawag nga pala si Throne sa phone mo kanina." Natigilan si Cassandra. "Akala ko, emergency kaya sinagot ko na muna pero hindi pala. Nangungumusta lang siya." Mayamaya ay narinig niya ang pagtikhim ni Dana. "Nice wallpaper you have in there, Cassandra."
Sa ikalawang pagkakataon ay nanlambot uli ang mga tuhod ni Cassandra, dahilan para bumalik siya sa mesa at muling naupo. Nang humarap siya kay Dana ay pormal na ang anyo nito. "Do you think I'm enjoying this, Dana?" She smiled bitterly. "Hiyang-hiya na rin ako sa sarili ko. Ayoko rin namang manira ng relasyon, alam ko namang bawal na 'yong ginagawa ko. Pero mahal ko siya... sobra."
Inabot niya at hinawakan ang mga kamay ni Dana na nakapatong sa mesa. "Hayaan mo na muna ako, please. Kahit ilang araw lang na matanggap sa sarili kong wala na talaga. Kasi, sa ngayon, kung sasabihin mong lubayan ko na siya, hindi ko pa talaga kaya." Pumiyok na ang boses niya. "You can hate me and its fine to me because right now, I'm starting to hate myself, too."
Sinubukan ni Cassandra na ilibot ang mga mata sa kabuuan ng restaurant para pigilan ang pamamasa ng kanyang mga mata. Pero wala ring saysay. Bigong napayuko na lang siya. "Apat na taon, Dana. Apat na taon ko siyang na-miss. Give me at least a moment with him before I go missing him for the rest of my life."
"Is thirty days... enough?" halos pabulong na tanong ni Dana.
Napuno ng pag-asang muling nag-angat ng tingin si Cassandra. "Dana?"
Sa pagkakataong iyon ay si Dana naman ang humawak sa kanyang mga kamay, mas mahigpit. "I've loved Jethro all my life, Cassandra. Bata pa lang kami ay itinuring ko nang Prince Charming ang kinakapatid kong 'yon. So when you came along one day, I was hurt. And when you left, I was crushed because I saw him break for the first time." humugot ng malalim na hininga si Dana. "Apat na taon ko siyang nakasama. Halos dalawang taon naman ang meron kayo. And seriously, I don't know why you left. All I know is Jet's side of the story."
Umiling ang babae. "That's why all these years, I hated you. Pero hindi na kita bibigyan ng chance na magpaliwanag ngayon. Dahil nakikita ko namang mahal mo pa rin talaga siya. Right now, all I want to give you is some fair battle before he and I get married. This time around, let's play it... fair."
Mayamaya ay para bang pilit na ngumiti si Dana. "After all, what's thirty days compared to the years I've had with him? Pagkatapos niyon, ikakasal naman na kami... hopefully."
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang bumalik si Cassandra sa bansa ay lumitaw ang totoong ngiti sa kanyang mga labi. "Maraming salamat."
"I'LL BE GONE for a couple of weeks, Jet. Gusto ko sanang makasama na muna ang parents ko sa Cebu bago man lang tayo ikasal."
Napahinto si Jethro sa tangkang pagbubukas ng pinto ng kanyang kotse nang marinig ang sinabi ni Dana. Wala sanang problema sa kanya ang gustong gawin ng fiancée kahit pa sabihing biglaan nitong ipinaalam sa kanya ang bagay na iyon. May wedding planner naman silang kinuha para mag-asikaso sa kasal.
Sa kabila ng tambak na mga trabaho ni Jethro sa opisina ay ihahatid niya pa si Dana kung gusto nito. Tutal naman ay matagal-tagal na rin mula nang huli niyang makita ang mga magulang nito na pinili nang manirahan sa Cebu matapos mag-retire sa pagtatrabaho bilang mga arkitekto sa Manila.
Pero sa pagharap ni Jethro kay Dana ay bigla itong nag-iba ng tingin. Kumunot ang noo niya. They were friends before they took a risk on each other and jumped into the next level. Sa tagal niya na itong kilala ay alam na niya kung kailan ito nagsisinungaling o hindi. Hinawakan niya si Dana sa baba at malambing na iniharap sa kanya ang mukha nito. "What's wrong, babe?"
Hinawakan ni Dana ang kamay ni Jethro. "Wala naman. Gusto ko lang talagang magbakasyon na muna. Tutal ay wala naman na akong poproblemahin sa kasal dahil nakahanap na ako ng designer." Ngumiti ang dalaga. "She's skilled, babe. I instantly fell in love with her sketches. Kahit sikat siya ay binigyan niya ng priority ang kasal natin."
"Talaga?" Nagsalubong ang mga kilay ni Jethro. "Kailan ko ba siya makikilala para masukatan niya na rin ako?"
Umiling si Dana. "No need. Nakita ka na niya kaya alam niya na ang sukat mo. She's that good. Saka itinawag ko na rin sa kanya ang sukat ng parents ko. 'Yong ibang hindi ko naman sigurado, pinapunta ko na lang sa kanya."
"That's nice. Ano ba'ng pangalan niya?"
"Saka na natin pag-usapan." Lumipat ang mga kamay ng fiancée sa kanyang pisngi at hinaplos iyon. "While I'm gone, Cassandra can come-"
Dumilim ang anyo ni Jethro, pagkatapos ay dumistansya. Sinasabi na nga ba niya. "So it all comes down to that brat. Kinausap ka ba niya? Ano na namang mga sinabi niya?"
"Jet-"
"Damn it, Dana! Dapat tinawagan mo ako noong nag-usap kayo para dalawa sana tayong humarap. Hindi 'yong-"
"Jet, look at me." Muling hinawakan ni Dana ang mga pisngi niya. Tinitigan siya nito nang deretso sa mga mata. "Hindi naman tayo dapat mag-alala, 'di ba? Mahal mo naman ako, 'di ba?"
His expression softened. "Of course."
Muling ngumiti si Dana pagkatapos ay dinampian siya ng halik sa mga labi. "Then, I'll go. At sa pagbabalik ko, ikakasal na tayo."
Tumango na lang siya. Bago pa siya makababa ay mabilis nang binuksan ni Dana ang pinto sa gawi nito. Narinig pa niya ang pigil na pag-iyak ng dalaga nang tumalikod sa kanya.
Nagtagis ang mga bagang ni Jethro nang makapasok na si Dana sa gate ng tinitirahan. What did you do this time, Cassandra? Gustuhin man niyang pigilan at kausapin ang fiancée ay alam niyang hindi naman ito aamin. Sasarilinin nito ang mga bagay hanggang kaya nito. Ganoong klase ng tao si Dana. Palaging nakahandang tanggapin ang mga nangyayari sa paligid katulad ng palagi rin itong handang umalalay sa mga taong mahalaga rito. Kagaya ng kung paano siya nito inalalayan sa nakalipas na mga taon; she never left him, not even for a moment.
Kay Dana naipakita ni Jethro ang kahinaang hindi niya nagawang ilabas sa sariling kapatid. Nang magbuntis si Christmas at tumigil pansamantala sa pagbabanda ay palagi na siya sa bar. And during those times, Dana was there for him.
"Jet, tama na! Ano ka ba? Hindi ka ganito." Mabilis na inagaw ni Dana mula kay Jethro ang hawak niyang bote ng alak nang tutunggain niya sana iyon uli. Binato siya ni Dana ng throw pillow na nakitang nakakalat sa sahig ng kwarto niya. "Ang sabi mo, kasama niya si Chad sa mga sandaling 'to. Ang sabi mo, masaya na siya ngayon. Maybe you're right. Maybe she's having the time of her life right now. At dahil doon, nakakaawa ka. Because all these time, you've been rotting in here."
Naihilamos ni Jethro ang mga kamay sa kanyang mukha. "Ang dami kong tanong, alam mo ba 'yon? Bakit ang dali para sa kanyang iwan ako? Ano'ng meron sa gagong Chad na 'yon para mahalin niya pa rin? Damn it! Sinaktan lang siya ng lalaking 'yon! Tanga ba siya?" Parang mawawala sa sariling tiningnan niya si Dana bago biglang tumayo. "Never mind, I'll go get the answers myself."
Bahagya pang nahihilo na lumapit si Jethro sa cabinet at naghalungkat sa mga drawers niyon. "Nasaan ba ang passport ko?" Frustrated na pinaghahagis niya ang mga laman ng drawers nang hindi nakita ang passport. "Dana, tulungan mo nga ako. Hanapin natin 'yong passport ko. Pupuntahan ko si Cassandra. Dapat kasi, noon pa lang pinuntahan ko na siya. Damn pride! Pero babawiin ko na siya ngayon, Dana."
Nang lingunin ni Jethro ang kinakapatid ay parang naaawa lang na nakatitig ito sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin. "Kung ayaw mo 'kong tulungan, then get the hell out of here! I don't need you anyway." Nagpatuloy siya uli sa paghahanap, mayamaya ay natawa siya. "What the heck! May-ari pala ako ng airline company. I can pull some strings!"
Sa naisip ay ang cell phone naman ang sunod na hinanap ni Jethro. Lumapit siya sa kama. Nang hindi makita sa ibabaw niyon ang cell phone ay yumuko naman siya at sumilip sa ilalim. Napangiti siya na agad ring nabura nang mahawakan ang cell phone. Mayamaya ay nag-aalalang napaharap siya sa naroon pa ring si Dana. "Paano pala kung sinubukan niya akong tawagan sa dating number ko?" His expression darkened upon the thought. "Gagong snatcher 'yon. Sana, isinauli niya man lang sa akin ang SIM card!"
Nagulat si Jethro nang bigla siyang yakapin ni Dana. Naglaho ang kahuli-hulihang bakas ng kalasingan niya nang maramdaman ang mga luha ni Dana na pumatak sa kanyang leeg.
"Araw-araw ka na lang ganyan. It's been two years, Jet. She could have found a way to contact you if she really cared. Or... she should never have left at all. Saka nandyan si Throne. Sana, may ipinasabi man lang siya, pero wala. Mahal kita, Jet. I know I shouldn't be saying it to you but it breaks my heart to see you like this. Tama na, please? Mag-move on ka na, sasamahan kita." Dana's voice broke. "Kung 'di mo alam kung saan magsisimula, tutulungan kita. Nandito naman ako. Hindi kita iiwan."
Namamanghang inilayo ni Jethro si Dana sa kanya. "M-mahal mo ako?"
Tumango ang dalaga. "Oo, noon pa. Mga bata pa lang tayo." Muling pumatak ang mga luha nito. "Kaya naiinis ako kapag ikinokompara mo ang sarili mo sa Chad na 'yon, pagkatapos, tatanungin mo ako kung ano'ng wala sa 'yo. Kasi Jet, nasa 'yo na ang lahat." Hinaplos nito ang mga pisngi niya. "But look at yourself now. Hindi na ikaw 'yan."
Matagal na napatitig si Jethro sa kinakapatid, pagkatapos ay inilibot ang paningin sa kabuuan ng kwarto. Everything in his room reflected his soul... his life. Dahil magulo at basag ang mga gamit doon, katulad niya mismo sa mga sandaling iyon. At sa kauna-unahang pagkakataon, pagkaraan ng dalawang taon sa buhay niya ay... natauhan siya.
Dana's love made him recover. Mapagbigay ang pagmamahal ni Dana at hindi naghihintay ng kapalit. Until one day, he found himself caring and then, returning the same feeling.
Napahinto sa pagbabalik-tanaw si Jethro nang tumunog ang kanyang cell phone. Nagsalubong ang mga kilay niya nang isang hindi pamilyar na numero ang bumungad sa screen. Dumiin ang pagkakahawak niya sa cell phone nang marinig ang boses ng nasa kabilang linya.
"Jet, it's me. Pwede ba tayong magkita bukas?"
Nagtitimping pinutol niya na ang tawag, pagkatapos ay mabilis na pinaandar ang kotse. "Bakit kailangang ipagpabukas pa kung pwede namang ngayon na mismo?"