Chapter 2

2700 Words
SA kabila ng masasakit at makikirot na mga parte ng kaniyang katawan, isang bagay ang agad rumehistro sa alaala ni Cruzette nang idilat niya ang mga mata sa maaliwalas at maluwang na silid. "Wala akong panty!" sambit niya at napangiwi nang maramdaman ang masakit na kaliwang pigi. Dahan-dahan siyang bumangon. Hindi siya sigurado kung ayos lang siyang magkikilos, pero pakiramdam naman niya ay walang nabaling buto sa kaniya. Kung meron ay may mga benda na sana siya sa katawan. Hinawi niya ang kumot na nakatabing sa binti. Sa ilalim ng hanggang tuhod na pale yellow hospital gown ay nakumpirma niyang mayroon na ulit siyang panties. Kahit naman masasakit ang ilang bahagi ng katawan ay ramdam niya kung may suot siya. Pero bigla siyang natigilan. Saan galing ang panloob niya? Inalala niya ang mga nangyari kagabi bago siya maaksidente. Ang pagtatangka ni Nicko. Ang ubos-lakas na pagsipa niya rito kaya siya nakatakas. Ang pagkakabundol niya. Sa pagkakatanda niya ay nagtatakbo siya. Pagkatapos ay natuod siya nang makita ang isang paparating na kotse. Nakita pa nga niyang sinubukan siyang iwasan ng sasakyan dahil kinabig iyon ng driver. Hindi nga lang naging sapat iyon dahil nadanggil pa rin siya ng tagiliran ng kotse nito. Nauntag siya sa pag-iisip nang bumukas ang pinto ng silid at lumutang mula roon ang isang de-unipormeng lalaki. Lumapit ito sa kaniya. "Gising ka na pala?" bati nito at inilapag ang mga dala sa paanan ng kaniyang kama. "It's time for your antibiotics," anunsiyo nito, pagkuwa'y sinipat ang mahahabang gasgas sa kaniyang braso. Noon lang din niya napansin ang sugat niyang iyon. "Makirot ba ang mga ito?" Wala sa sarili siyang tumango at siya naman ang nagtanong dito. "Nurse, ilang oras na ba akong walang malay? Sino'ng nagdala sa 'kin dito? Nakita mo ba?"  "Hindi, Miss, e. I mean, hindi ko nakita kung sinong nagsugod sa'yo kasi wala rin ako rito kagabi. At kung gaano ka naman katagal na walang malay, hindi mo lang siguro naalala, pero nagising ka kaninang mag-uumaga. Saglit na saglit lang tapos nakatulog ka na ulit," kwento nito at tipid na ngumiti. "Sino'ng naka-assign sa ER kagabi? Pwede ko bang makausap? May itatanong lang ako." Umiling ang nurse at sinimulang pahiran ng gamot ang mga galos niya. "Nakauwi na ang mga nurse na naka-duty sa ER kagabi." "N-nasaan ang damit ko?" Ngumiti ang male nurse. Kinuha nito ang gamot niya at iniabot sa kaniya. “Na-turn over na ng mga ER nurse sa mga kamag-anak mo ang mga gamit na nakuha sa’yo kagabi. Nasa nurse’s station ang isa sa kanila. Inumin mo muna itong mga gamot mo at paglabas ko ay tatawagin ko siya."   "BASED on the X-Ray result, there's no fractured bone in your pelvic area," malumanay na wika ni Dr. Ponce kay Cruzette. Sa loob ng hospital room ay naroon na din at kasama niya ang kaniyang Ninang Lottie at bestfriend/kinakapatid na si Roswell. Nauna ang mga ito nang ilang minuto sa doktor at nauna nang kumustahin ang pakiramdam niya. "There's nothing to be worried about. Mahirap nga lang ang pagkilos dahil sa severe contusions na natamo mo sa iyong balakang. But a cold compress can help reduce the swelling and pain. Maghintay ka lang ng two to three weeks, gagaling din ang pamamaga. May ilan ka ding minor abrasions sa mga binti at braso kaya kailangan ng antibiotics," malumanay na wika ni Dr. Ponce kay Cruzette. "Ibig sabihin, Doktora, pwede na naming iuwi ang inaanak ko?" tanong ng kaniyang Ninang at tumingin sa kaniya. Kanina ay nangingilid ang luha nito nang madatnan siyang gising na. Ngayon naman ay relief na ang nasa mga mata ng babae. "Well, pwede na naman. Pero tumawag kanina lang si Miss Bridgette Solano at nagbilin na huwag ko munang payagang lumabas ang pasyente habang wala pa siya." "Bridgette Solano?" takang tanong niya na tumingin din sa dalawa pang kasama. "Sino siya? Siya 'yung nakabangga sa'kin? Babae? "Hindi, Anak. Siya 'yung kasama mo sa ambulance car nang isugod ka sa emergency. Hindi pa namin alam kung sino ang nakabangga sa'yo." Kumulubot ang mga kilay niya. "Hit-and-run?" Tumikhim ang doktora bago pa man siya makakuha ng sagot. "If you'll excuse me? May ilan pa'kong pasyenteng naghihintay. Mauna na muna 'ko sa inyo." "Sige, po, Doktora. Salamat po," maginoong tugon ni Roswell na sinegundahan din ni Lottie. "Thank you po, Doc," wika niya. Pinanood nilang tatlo ang paglabas ni Dr. Ponce at ng kasama nitong nurse. Pagsara ng pinto ay saka na lang niya inulit ang tanong. "Hit-and-run? As in naglaho na ‘yung nakasagasa sa akin?" Si Roswell ang sumagot. "Parang gano'n." "Paano nangyari?" Lalo naman siyang naguluhan. "Wala bang police report? Walang saksi? Hindi na-identify ang kotse at ang plate number ng kotse?"" "May dalawang kataong nakausap ang mga pulis at nagsalita naman sila. Kaya lang, mukhang sabog pa sa alak ang mga gunggong kagabi. Sabi kasi ng isa, SUV daw ang nakadali sa'yo. 'Yung isa naman, ang sabi, hindi ka daw nabunggo, kundi hinimatay lang." "Ikaw, Anak," sabad ni Lottie at napatingin sila dito. "Hindi mo ba namukhaan ang klase ng sasakyan bago ka nawalan ng malay?" Sandali siyang tumahimik bago nagsalita. "Hindi po masyadong malinaw. Pero… " Tumaas ang kilay ni Roswell sa sinabi niya. "Ano po bang sabi ng mga pulis? Hindi na ba nila aalamin kung sino ang nakabangga sa akin?” "Anak, h'wag mo munang alalahanin ang tungkol d'yan. Ang importante, ligtas ka at hindi ka napinsala nang husto sa aksidente. Nagsabi naman ang mga pulis na iimbestigahan nila ang nangyari. May mga CCTVs naman daw sa lugar kaya hindi magtatagal, matutukoy din nila kung sino ang nakadisgrasya sa'yo." "E, 'yung Bridgette Solano? Kilala kaya niya kung sino ang nakabangga sa akin? Siya ang nagdala sa akin dito sa ospital…" "Hindi ko alam, Cruz, pero marahil ay hindi niya kilala at tinulungan ka lang talaga niya. Kilala ko si Bridgette. Ka-batch ko siya noong high school. Siya ngayon ang assistant ni Don Marciano Rodriguez." Napaawang ang bibig niya. Don Marciano? Ang Lolo ni Clyde! "Pinag-aalala mo kami, Buddy," ani Roswell na tumayo at tinungo ang sofa. "Lalo na 'yang si Mommy. Hindi mapakali kasi hindi ka daw sumasagot sa text niya. Tapos tumawag pa itong si Nicko. Inaalam kung nakauwi ka nang maayos. Hayun, lalo nang hindi napakali!" "A-ano'ng sabi mo, Buddy? Tumawag si Nicko kagabi?" "Oo," tango nito. "Sinabi niyang nagpaalam ka daw na uuwi nang maaga dahil masama daw ang pakiramdam mo. Hindi ka naman daw pumayag na magpahatid sa kaniya, kaya tumawag na lang siya sa amin para i-check kung nakauwi ka na nga nang ligtas." Nagtagis ang mga bagang niya sa narinig, pero pinigilan niya ang sarili na magalit. Gusto sana niyang isigaw sa mukha ng kinakapatid ang ginawang katarantaduhan sa kaniya ni Nicko. "Mabuti pa, Anak, magpahinga ka na muna habang hinihintay natin si Bridgette. Gigisingin kita kapag dumating na siya."   "HINAAN mo ang boses mo!" saway ni Cruzette kay Roswell. "Baka marinig ka ni Ninang!"  Nagpaalam kasi si Lottie na lalabas sandali at iniwan doon si Roswell para samahan siya. Sinamantala naman niya ang pagkakataon at sinabi sa kaibigan ang tungkol sa nangyari sa kaniya. "Buddy, muntik ka nang magahasa!" mariing wika nito na halatang nagpipigil ng galit. "Pa'no sa tingin mo ako kakalma?" Mula sa kinasasandalan ay tanaw niya ang pagtigas ng mga panga ni Roswell. Kanina ay nakaupo ito sa gilid at ipinagbabalat siya ng ponkan. Pero nang isambulat niya rito ang ginawa sa kaniya ni Nicko ay napatayo ang binata at mukha ngayong sasabog. "Kapag bumalik si Ninang at nakahalata na may hindi magandang nangyari, malalagot ka sa'kin!" banta niya. Napailing-iling si Roswell. Sinasapo nito ang noo, inihihilamos ang mga palad sa mukha at palakad-lakad sa tabi ng hospital bed. Maingat niyang ikinilos ang katawan. Kinuha niya ang pinggan ng prutas at inilipat sa side table. "Hayop na lalaking 'yon! Nagpasalamat pa 'ko sa kaniya kagabi nung tumawag siya. Akala ko nagmamalasakit ang gago!" Bumuga siya ng hangin at umirap dito. "Basta, hindi 'to pwedeng malaman ni Ninang, tandaan mo 'yan!" "Ipapaaresto ko ang hayop na lalaking 'yon!" "Hindi pwede ang naiisip mo, Roswell!" kontra niya. "At bakit? Hindi ba dapat magsumbong nga tayo sa mga pulis?" giit nito. “Buddy, pilit mong inaalam kung sino ang nakabangga sa’yo para papanagutin, pero si Nicko, na harap-harapang nagsamantala sa’yo, hahayaan mo na lang?” "Buddy, hindi sa ganoon! Ayoko lang kumilos muna sa ngayon dahil nag-aalala ako kay Ninang. At isa pa, nakalimutan mo bang kaka-appoint lang ng tito ni Nicko bilang bagong hepe ng police? Hindi naman sa wala akong tiwala sa kapulisan, pero mas mabuting pag-isipan muna natin 'to. Sa tingin mo ba, wala pang inihahandang depensa si Nicko. Kung pagkatapos ng nangyari kagabi ay nagawa niya pang tawagan ka para palabasing mabuti siyang kaibigan, sigurado ako, may naisip na siyang paraan para makalusot dito. At ayokong pagkatapos nang hindi magandang karanasan ko sa kamay niya ay ako pa ang kahiyahiya sa mata ng publiko sa bandang-huli." Lalong nalukot ang mga kilay nito. "So ano? Mananahimik ka na lang? Hahayaan mo nga lang?" "Pansamantala lang, Buddy. Dahil alam ko, at naniniwala ako, may araw din ang Nicko na 'yon." Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila bago niya naramdaman ang pag-upo ni Roswell sa dating pwesto. Naroon man ang galit ay nakikisilip pa rin ang pag-aalala sa mga mata ng kaibigan habang tinitingnan siya. "Nahawakan ka ba niya?" mahinahong tanong nito. "Hanggang saan siya umabot, Buddy? Sabihin mo." Saglit siyang natigilan bago umiling at banayad na ngumiti. Hindi lang basta magkaibigan, kundi parang magkapatid ang turingan nila ni Roswell. "Ginawa ko ang lahat, Buddy. Lumaban ako. Ipinaglaban ko ang sarili ko. H'wag kang mag-alala." Dinampot nito ang kamay niya at ikinulong sa dalawang palad. Tumunghay ito sa kaniya at nakita niya ang pag-iigting ng mga muscles nito sa pisngi. "Hindi ko kayang isipin ang nangyari sa'yo, Buddy. Kung pa'no ang reaksiyon mo habang nakikipagbuno kay Nicko, pero tangina lang..." ani Roswell na namumula ang mukha. "Kung sakaling nagtagumpay siyang pagsamantalahan ka, makakapatay talaga 'ko ng tao!"   NASA kalagitnaan pa lng ng pagkain si Cruzette nang may kumatok sa pinto ng hospital suite. Si Lottie ang lumapit at nagbukas ng pinto. Nakita niya agad ang magandang mukha ni Dr. Ponce na pumasok kasunod ang male nurse na nauna na niyang nakita. "Mukhang ready na sa pag-uwi ang aking pasyente? You look fresh and beautiful!" puri nito nang makita ang ayos niya. Naka-summer dress siya na kulay baby yellow at naka-high pony tail. "Makakauwi ka na ngayong araw," nakangiting anunsiyo ng doktora bago inabot ang clip board mula sa nurse. “Magandang balita iyan, Doktora!” sambit ng Ninang Lottie niya. “Hay, salamat naman kung ganoon!” "Carlota Umali?" Lumipad ang tingin niya sa matinis na boses na nagmula sa gilid ng doktor. Maganda, petite at pamilyar ang mukha ng babaeng nasa mid-forties. Hindi man lang niya napansin na may ibang taong nakapasok at tila kilala ang kaniyang Ninang. "Bridgette, ako nga ito! Kumusta ka? Alam kong magkikita tayo ngayon dito," masiglang sagot ng Ninang Lottie niya. Nang marinig ang pangalan ng babae ay naalala niya kaagad na ito ang nagdala sa kaniya sa ospital. Pinagmasdan niya ang bagong dating. Tama. Isa ito sa mga laging kabuntot ni Don Marciano Rodriguez. Nakita niya nga rin ito sa wedding reception at minsan nitong nilapitan si Clyde sa reception na kinantahan.  Bigla siyang kinabahan. Hindi niya alam kung bakit at para saan, pero hindi niya mabalewala ang klase ng kabang iyon. "Buddy, ang pagkain mo!" siko sa kaniya ni Roswell at bahagya siyang napapitlag. Nasa kabilang gawi ito ng kama at nakasiksik ang malapad na likuran sa tagiliran niya. Bumaling siya sa tray at dinampot ang baso ng tubig. Tinatapos na niya doon ang pagkain. "Busog na'ko," aniya at nilingon ang katabi. Tumayo naman ito at kinuha na ang tray sa harapan niya. Matapos magkumustahan ay nilapitan siya ng Ninang niya at ni Bridgette Solano sa hospital bed. "Kumusta na po ang ating pasyente, Doktora?" tanong ni Bridgette habang nananatili ang mga mata sa kaniya. "She’s fine, Miss Solano,” sagot ng doktor. "Kagaya ng sinabi ko ay makakauwi na siya ngayong araw. Kayo nga lang talaga ang hinihintay ko dahil nagbilin daw kayo sa Head Nurse." "That's right, Dr. Ponce. Salamat at pinagbigyan mo ako." "No problem, Miss Solano. Anyway, I'll go ahead. Oh, Cruz, mag-iingat ka na sa susunod, ha?" Ngumiti ito sa kaniya at wala siyang nasabi kundi tumango na lang. "Salamat po nang marami, Doktora!" pahabol ni Lottie bago tuluyang tumalikod ang manggagamot kasunod ang nurse. "What a coincidence, Carlota! Inaanak mo pala ang magandang dalagang ito?" wika ni Bridgette sa kaniyang Ninang bagaman nasa sa kaniya ang mga mata. Pakiwari niya'y may sinusuri sa kaniya ang babae. Nakita ba nito na wala siyang panty kagabi? At ngayon ay iniisip kung ano'ng meron at gayon ang hitsura niya. "Oo, Bridgette," tugon ni Lottie. "Siya si Cruzette Romero, anak ng matalik kong kaibigan na taga- Sta. Catalina," pakilala sa kaniya ng Ninang niya at saka bumaling sa anak. "At s’yempre ang aking unico hijo, si Roswell." Nilingon ng babae si Roswell at magiliw na nagbatian ang dalawa. Pero agad ding bumalik sa kaniya ang tingin ng assistant. Minsan siyang tumikhim upang alisin ang bara sa lalamunan. Hindi niya alam kung bakit napipi siya sa pagdating ng babae. "Hija, I'm glad you're okay, now. Ako pala si Bridgette Solano." Nahihiyang ngiti ang iginawad niya rito. "Salamat po sa pagdala sa akin sa ospital. Hindi ko na po alam kung anong nangyari sa akin kagabi. Salamat po sa pagmamagandang-loob n’yo." Tumango ang babae at tipid na ngumiti. "Don't mention it, Hija. Anyway, nagpunta lang ako dito para tiyakin na okay ka na. Are you really? Baka kailangan mo pang mag-stay ng isa o dalawang araw pa?" "Hindi na po kailangan, Ma'am. Okay na po talaga 'ko!" masiglang wika niya bagaman naroon pa rin ang kakaibang kaba kapag pinagmamasdan siya ng babae. "Naku, Bridgette! Inip na inip na nga ang isang iyan! At saka, okay naman siya. Wala namang natamong pilay kundi ilang sugat lang. Maaalagaan ko na siya sa bahay." Hiyang-hiya, pero abot-abot ang pagpapasalamat niya kay Bridgette bago siya tuluyang makalabas ng ospital. Nalaman kasi niyang na-settle na rin nito ang bill niya.  "Ang dami ko na pong utang sa inyo, Ma’am. Paano ba ako makakabayad?" Nasa malapad at makinis na hallway sila noon at sa likuran nila ay isang de-unipormeng lalaki at si Roswell. "Hindi ka sa akin dapat magpasalamat, Hija, kundi kay Don Marciano.” “Si Don Marciano po?” Sa tuwing naririnig niya ang pangalan ng pilnatropo ay kabuntot na noon sa isip niya ang apo nitong si Clyde. “Siya po ba ang tumulong sa akin?” “Gaya ng alam mo, Hija, ako ang nakakita sa’yo at nagdala rito sa ospital. Pero bilang assistant ni Senyor ay ibinabalita ko sa kaniya ang lahat ng lakad ko. Nang ipaalam ko sa kaniya ang tungkol dito ay ibinilin niya sa akin na huwag kitang pabayaan at ibigay ko ang lahat ng tulong na kailangan mo. Ang totoo ay gusto ka niyang makilala. Kung wala lang celebration ngayon sa mansion kasunod ng kasal ni Cayel kahapon ay malamang na kasama ko siya sa pagbisita sa iyo." Nao-overwhelmed siya sa sinabi ng babae. Kung nagkataon pala ay makakaharap niya ang matandang pilantropo. Ang Lolo ni Clyde! "Hindi ko pagdududahan ang sinabi mong ‘yan, Bridgette tungkol kay Don Marciano," sang-ayon dito ni Lottie. “Alam nang buong San Carlos kung gaano kabuting tao ang iyong amo." "Salamat po ulit nang madami, Ma'am- Miss Bridgette! Ang laki po ng utang na loob ko sa inyo! Salamat po!" "Tama na ang pasasalamat, Hija! Don’t worry about it. I tell you, hindi ito ang magiging huli nating pagkikita." Binundol na naman siya ng kaba. May kakaiba sa sinabi nitong iyon, pero ningitian at pinalampas na lamang niya. Bahagya niyang iniyukod ang ulo senyales ng pagpapaalam dito, subalit sa muli niyang pagtunghay ay naagaw ang kaniyang pansin nang malaking bulto ng lalaki. Nakapamulsa at nakasandal iyon sa dingding ng nagsasaradong elevator sa fourth floor. Puting kamiseta at kupasing pantalon ang nahuli ng mga mata niyang suot niyon, pero sa porma, tindig at tangkad, alam niyang si Clyde ang lalake sa elevator. Kahit sa distansiya ay kita niya ang kumikinang na mestizo features nito. Lalo pang binulabog ng kaba ang kaniyang dibdib. Nakisabay pa roon ang bahagyang pagkirot ng malmog niyang pigi. Anong ginawa ni Clyde sa ospital? May binisita rin ba ito? Kaibigan? Sino? Hindi naman taga-roon si Clyde at pabaka-bakasyon nga lang, sino ang pagkakaabalahan nito sa ospital? "Mauna na ako sa inyo, Carlota…" ani Bridgette na umuntag sa kaniya. Nasalubong niya ang mataman nitong tingin sa kaniya. “I’ll see you, again, Hija.” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD