"AYOKO sa batang iyan Ate! Salot siya! Salot siya sa buhay ko! Huwag mo siyang ilalapit sa akin!" iyon ang naghihisteryang sigaw ni Alice sa nakatatandang kapatid nitong si Cecille.
Nag-init ang mga mata ni Cecille kasabay ng matinding galit na naramdaman niyang umakyat sa kanyang ulo. "At anong kasalanan ng anak mo sa lahat ng ito? Hindi niya kasalanan na tinakbuhan ka ng lalaking nakabuntis sa'yo!"
Isang linggo mula nang makapanganak ang bunsong kapatid niya ay totoo namang hindi na nito hinawakan ang bata. At masakit iyon para kay Cecille. Pero wala siyang magagawa, hindi niya mapipilit si Alice dahil una sa lahat alam niyang rebelled talaga ang kapatid niya.
"Kahit na! Kung hindi dahil sa kanya nasa Japan na sana ako ngayon! Kumikita na ng malaki. Nabibili ko sana ang gusto ko! Hindi katulad ngayon! Wala akong pera! Problema ko pa nga ang diaper at gatas niya!"
Magkakasunod na nagpakawala ng mabigat na buntong hininga si Cecille saka niyuko ang sanggol na nakahiga sa papag. Hindi niya maintindihan kung bakit may mga taon katulad ng kapatid niya na parang sirang laruan lang kung ayawan ang sariling anak. Kahit pa kung tutuusin, walang kinalaman ang bata sa lahat. Kahit pa kung tutuusin ang bata ang totoong biktima.
"Aalis na ako, ikaw na ang bahala sa batang iyan. Ipaampon mo kung gusto mo? Tama nang binuhay ko siya. Pero hindi pa ako handang magpaka-ina sa kanya" ang sinabing iyon ni Alice ang pumukaw kay Cecille mula sa malalim na pag-iisip.
Lalong nagpuyos ang galit na nararamdaman ni Cecille. Nilingon niya si Alice na noon ay bitbit na ang isang travelling bag na naglalaman ng mga personal nitong gamit.
"Walang problema. Kung iyon ang gusto mo hindi kita pipigilan. Isa lang naman ang gusto" si Cecille na tumulo ang mga luha.
Umangat ang ginuhit na kilay ni Alice. "Ano iyon?"
"Huwag ka nang magpapakita sa akin, kahit na kailan" ang mariin at galit na galit niyang sagot.
Inismiran lang siya ni Alice kasabay ng pagtataas nito ng kilay. "Hindi mo na kailangang sabihin sa akin iyan" iyon lang at tuluyan na nga itong lumabas ng kwarto.
Dinig na dinig ni Cecille ang ingay na nilikha ng malakas na pagkakahagis ni Alice sa pinto. Kasabay niyon ay ang tuluyan na nga niyang paghagulhol. Pagkatapos ay awang-awa niyang kinarga ang napakagandang bata na mahimbing parin ang pagkakatulog.
Hinalikan niya ang pisngi nito saka pagkatapos ay niyakap ng mahigpit. "Simula ngayon, ako na ang nanay mo, Lana, anak" aniyang hinaplos ang maliit at matangos nitong ilong.
Ten Years Later...
"AKO nalang ang pamilya ni Lana, hindi ko siya pwedeng pabayaan. Iniwan na siya ng nanay niya, pati ba naman ako na nag-iisang pamilya niya tatalikuran pa siya?" natigilan sa pagbabasa ng kanyang English textbook si Lana nang marinig ang mataas na tinig na iyon ng kanyang Mama Cecille.
"Bakit kasi hindi mo hanapin ang nanay niya! Siya naman ang may obligasyon sa batang iyan, hindi ikaw!" sagot naman ng kanyang Tito Gary, ang nobyo ng kanyang Mama Cecille.
"Alam mo Gary, kung hindi mo kayang tanggapin pamangkin ko, mas maganda siguro na tapusin nalang natin ito" nasa tono ni Cecille ang pinalidad. At mula sa pagkakasilip sa uwang ng pinto ay kitang-kita ni Lana ang matinding pagkabigla sa mukha ni Tito Gary.
"Iiwan mo ako para sa batang iyan?" ang malamig at hindi makapaniwalang tanong ni Gary nang makabawi sa pagkagulat.
"Mahal ko si Lana na parang sarili kong anak. Dugo at laman ko ang batang iyon, kaya kung hindi mo siya matatanggap, pasensya na" noon kumilos si Cecille na nilapitan at pinto saka iyon binuksan. "makakaalis kana" pagtataboy nito kay Gary.
"Pagsisisihan mo ang ginawa mong ito Cecilia" si Tito Gary na nasa tono ang matinding hinanakit para sa tiyahin niya.
Umiling ang kanyang Mama Cecille. "Kahit kailan hinding-hindi ko pagsisisihang pinili ko ang pamangkin ko" anito sa karaniwan na nitong mahinahong tono.
Nang makalabas si Tito Gary ay mabilis na itinulak pasara ng Mama niya ang pinto. Pagkatapos ay naupo sa sala set na yari sa kawayan at umiyak. Sa umpisa nag-alangan si Lana na lumabas para lapitan ang tiyahin niya. Pero hindi rin siya nakatiis.
"M-Mama," aniyang hinawakan ang balikat nito.
Mula sa pagkakasubsob nito sa sariling mga palad ay mabilis na pinahid ni Cecille ang mga luha saka nakangiting hinarap siya. "Ano iyon, anak?"
Hindi na nagsalita si Lana. Niyakap nalang niya ang taong mula pagkabata ay nakamulatan na niya bilang kanyang ina. Kahit pa sabihing aware siya sa totoong kwento ng buhay niya.
"Promise po Mama mag-aaral akong mabuti para hindi na kayo mahihirapan sa pananahi. Magpapakabait po ako at tutulungan ko kayo sa mga gawaing bahay" aniyang hinaplos ang buhok ng ngayon ay umiiyak na naman niyang tiyahin.
Ilang sandali pagkatapos ay tiningala siya ng Mama niya saka siya pinaupo sa kandungan nito. "Alam ko nag-aalala ka. Hindi kita iiwan, kahit anong mangyari. Sa puso ko, anak kita at ako ang nanay mo. At hindi iniiwan ng isang ina ang kanyang anak" pangako nito sa kanya.
Hindi na nagsalita si Lana. Naniniwala siya sa sinabing iyon ng Mama Cecille niya. At sa puso niya, totoo ang pangakong binitiwan niya. Darating ang panahon, bibigyan niya ito ng maganda at masaganang buhay. Hindi sila habang buhay na magiging mahirap.
Eleven Years Later...
"OH, nariyan kana pala. Nagluto ako ng meryenda nasa mesa, kumain ka nalang" ang bungad sa kanya ng tiyahin na abala sa tinatahi nitong uniporme.
Nakangiting pinagmasdan ni Lana ang tiyahin niyang siyang nagtaguyod sa kanya. Isang linggo mahigit palang kasi siyang naipapanganak ay iniwan na siya ng kanyang ina. At hindi na binalikan pa.
"May good news ako sa'yo Mama" aniyang tumayo saka nagtuloy sa kusina. Pagkatapos ay nagbalik dala ang isang bowl ng ginataang kamoteng kahoy.
Mula sa pagkakayuko sa tinatahi ay hinarap siya ng kinikilala niyang ina. "Ano naman iyon?" ang walang muwang nitong tanong.
Matamis ang ngiting pumunit sa mga labi ni Lana. "May trabaho na ako!" ang masaya niyang balita.
Umaliwalas ang mukha ni Cecille sa sinabi niyang iyon. "Oh edi maganda. Saan naman?" anitong binalikan ang tinatahi kaya gumawa muli ng ingay ang gamit nitong makina.
"Mercedes Estate, malaking company iyon ng mga bahay at condo" sagot niya. "kaya huwag ka nang masyadong tatanggap ng order kasi hindi mo na kailangang magpakapagod, ako naman ang kakayod para sa ating dalawa ngayon" dugtong pa niya na ngiting-ngiti.
Tinawanan muna siya ni Cecille bago ito nagsalita. "At ano naman ang gusto mong gawin ko? Tumunganga? Mahirap iyon, malulumpo ako kung hindi ako kikilos. Ang magandang gawin mo sa pera mo, mag-ipon ka. Saka ka mag-asawa."
Sa huling sinabi ng tiyahin niya ay hindi napigilan ni Lana ang matawa. "Asawa agad? Boyfriend nga wala eh" sagot niyang inubos ang pagkain sa hawak na bowl.
Nagkibit ng balikat ang Mama Cecille niya. "Matagal na si Richard, hindi mo parin ba nakakalimutan?"
Sa narinig na pangalan ay mabilis na naramdaman ni Lana ang kirot na gumuhit sa kanyang dibdib. "First love ko kasi siya, Mama" ang halos pabulong niyang sagot.
Noon hinubad ni Cecille ang suot na salamin sa mata. "Lana, eighteen ka lang noon. Twenty one kana ngayon at magtatrabaho na. Hindi mo parin ba siya nakakalimutan?"
Hindi sumagot si Lana kaya nagpatuloy ang tiyahin niya kasabay ng pagpapatuloy rin nito sa pananahi. "First love ko rin si Gary, pero kasi itinuon ko ang atensyon at pagmamahal ko sa'yo, hindi ako nahirapang kalimutan siya" anitong sinulyapan pa siya pagkatapos.
"Sasabihin ko naman sa'yo kung crush ko si Karen eh. Kaso hindi ko nga siya crush, kaya tumigil kana sa paghihinala mo!"
Nang maalala ang sinabing iyon sa kanya ni Richard ay mapait na napangiti si Lana. Iyon ay nang komprontahin niya ito gawa nang napapabalitang may nakakita raw rito at kay Karen na magkasamang pumasok sa sinehan noong isang araw.
Isang buwan matapos ang pagtatalo nilang iyon ni Richard ay hiniwalayan narin siya ng lalaki at inamin sa kanya na totoong lahat at hinala niya. Na matagal nang literal na may nangyayari rito at sa babaeng iyon na matagal na niyang pinagseselosan.
"Minahal ko siya ng sobra Mama, tapos pinagpalit lang ako sa iba" ang malungkot niyang sabi.
"Alam ko, iyan naman ang lagi mong sinasabi" sagot ng tiyahin niya saka nagbuntong-hininga. "umamin ka nga sa akin anak, may nangyari ba sa inyo ni Richard?"
Nagulat si Lana sa deretsahang tanong na iyon ng tiyahin niya. "Naku wala ho Mama! Wala!" aniya kasabay ang magkakasunod na pag-iling. "tingin ko nga iyon ang dahilan kaya hindi siya nakuntento sa akin. Kasi hindi ako pumapayag na may mangyari samin" ang malungkot niyang sagot.
Tumango-tango ang tiyahin niya. "Mas mainam na iyon, sa panahon kasi ngayon marami sa mga lalaki ang naghahanap ng ganyan. Hindi katulad noong panahon namin na importante ang virginity."
"Ayoko kasing matulad kay nanay, iyon po ang talagang iniiwasan ko" pagsasabi niya ng totoo saka tumayo para buksan ang TV. "baka nakalimutan na ninyo iyon inabangan ninyong series sa hapon.Hayan, sakto" aniyang napangiti nang masilayan sa screen ang isang perpektong mukha. "ang gwapo talaga ni Andrew Scott ano Mama? Kinikilig talaga ako sa kanya" mabilis na mabilis na nagbago ang mood ni Lana pagkakita sa hinahangaang actor.
"Gwapo naman talaga ang batang iyan, magaling pang umarte. Kaya lang duda ako sa p*********i niyan. Matagal narin siyang sikat pero bakit walang napapabalitang nobya?" ang makahulugang winika ng tiyahin niya na halatang inaasar siya.
Agad na nanulis ang nguso ni Lana sa narinig. "Uy Mama hindi bading si Andrew, talagang wala lang siguro siyang nagugustuhan sa mga nakakatrabaho niya o baka naman kasi, hindi pa kami nagkikita kaya hindi siya nai-in love!" sa huling sinabi ay hindi napigilan ni Lana ang kiligin.
Tumawa ng mahina si Mama Cecille sa sinabi niya. "Iyan ang nakikita kong dahilan kaya hindi ka nagkakagusto sa maraming manliligaw mo. Humaling na humaling ka sa artistang iyan" anitong sinundan pa ang sinabi ng isang aliw na aliw na tawa.
Lalong nagtumindi ang kilig na nararamdaman ni Lana sa sinabing iyon ng tiyahin niya. "Naku naman Mama, malakas ang pakiramdam ko na meant to be talaga kami. Sa totoo lang kahit hindi ko pa siya nakikita ng personal nararamdaman ko na darating ang araw magkikita kami sa pinaka-romantic na paraan!"
"Kunsabagay, gwapo siya at maganda ka. Bagay kayo, at kung kayo ang magkakatuluyan, aba gwapo o aya naman eh tiyak na maganda ang magiging apo ko!"
Malakas at magkasabay silang natawa sa sinabing iyon ng Mama niya. "Kahit kailan talaga suportado mo ako Mama, kaya mahal na mahal kita" totoo iyon sa loob niya.
Hindi sumagot ang tiyahin niyang nakangiti lang siyang pinakatitigan. Habang sa isip ni Lana, siguro nga totoo ang sinasabi ng Mama Cecille niya. Hindi niya nabibigyan ng atensyon ang mga manliligaw niya gawa ng pagkahumaling niya kay Andrew Scott.
Mahilig kasi sa mga drama at teleserye ang Mama Cecille niya. At doon nga niya unang nasilayan ang kagwapuhan ni Andrew sa telebisyon. Nang mga panahong iyon ay papausbong pa lamang ito. Pero dahil nga gwapo at magaling umarte, naging mabilis ang pagsikat ng binata. At isa na siya sa maraming sumubaybay sa career ng lalaki. Hindi lang talaga siya regular na nakakapanood ng mga pelikula nito gawa nang hirap sila sa buhay. Pero ngayong magkaka-trabaho na siya, alam niya magagawa na niya iyon, kasama ang tiyahin niya.
Si Andrew Scott ay half-British at half-Filipino. Sa London sa United Kingdom ito lumaki at nagpasyang umuwi ng Pilipinas kasama ang kapatid nitong si Samantha na sa pagkakaalam niya'y nag-aaral ngayon ng Culinary sa isang malaking eskwelahan sa Maynila.
Kilalang artista ang Lola ni Andrew noong kabataan nito. At iyon ang naging daan kaya marami ang nagkaroon ng interes sa binata. Well, ang lahat naman ng iyon ay nabasa at napanood niya. At ang ilan ay galing mismo sa mga interviews ng binata.
Well atleast sa mundo ng pagiging fan girl niya, walang rejections, walang heartaches. Puro kilig, puro love. Kahit sa panaginip lang niya ito nayayakap at nahahalikan, masaya na siya doon.