NAGMAMADALING bumaba si Alexis mula sa kanyang kotse. Kumakabog ang dibdib na tumakbo siya patungo sa simbahan. Agad na naagaw niya ang atensiyon ng ilan sa mga naroon. Bumakas ang recognition sa mga mata ng mga ito pero sinikap niya iyong balewalain.
Tumutok ang mga mata ni Alexis sa altar. Napahugot siya ng malalim na hininga para kahit paano ay maibsan ang tumitinding hapdi sa kanyang puso nang makita roon si Diana, ang kanyang si Diana. She was his best friend, his world, his heart and soul all rolled into one. Pero hayun ang mundo niya, naghihintay na lang ng basbas ng pari para maging ganap na pagmamay-ari na ni Jake, ang lalaking sa araw at gabi ay hinihiling niya na sana ay naging siya na lang.
"Into this holy estate, these two persons present now come to be joined. If any person can show just why they may not be joined together, let them speak now or forever hold their peace."
Kumuyom ang mga kamay ni Alexis. It was now or never. Sunod-sunod na mararahas na paghinga ang pinakawalan niya bago niya sa wakas ipinaramdam ang kanyang presensiya. Nahuli na siya ng dating. Wala nang oras para magtapat pa sa personal. Ang natitira na lang na mga sandali ay para sa paggawa ng milagro.
"Itigil ang kasal!" Umalingawngaw ang boses ni Alexis sa buong simbahan. Narinig niya ang pagsinghap ng karamihan sa mga bisita roon kasabay ng pagbaling ng atensiyon ng lahat sa kanya. Pilit na sinalubong niya ang namimilog na mga mata ni Diana nang humarap sa kanya. Muling umarangkada ang sakit sa kanyang buong sistema.
Napakaganda ni Diana nang mga sandaling iyon. Ganoong-ganoon ang pumasok sa isipan niyang imahen ng dalaga sa araw ng kasal nito. Alam niya na ang kasalukuyang nangyayari bago pa man siya dumating at nakialam ay katuparan ng mga pangarap ng dalaga. At nasasaktan siyang isipin na siya mismo na lalaking pinagkakatiwalaan nito ang siyang sisira sa lahat ng iyon.
"Axis?" Nabiglang sinabi ni Diana.
"You can't marry him, Diana. You can't do that especially now that you're pregnant with my child."
Higit na lumakas ang bulungan ng mga tao sa paligid. Naglihis si Alexis ng tingin nang hindi makayanan ang pagkabiglang rumehistro sa mga mata ni Diana. Sa loob ng ilang sandali ay nagkagulo sa loob ng simbahan.
I'm sorry, Diana. I can't just sit in one corner and wait for my entire world to collapse. Halos madurog na ako nang tumigil ang mundo ko sa pagdating ni Jake sa buhay mo. Pero para magunaw pa iyon, Diana, hindi ko na kaya. Hindi na kaya ng puso ko 'yon. I'm sorry for hurting you and I'm sorry for falling in love with my best friend, nagsisikip ang dibdib na naisaloob ni Alexis pero wala siyang ginawa para bawiin ang kasinungalingang sinabi.
Isinugal niya na ang lahat nang oras din na iyon. Bigla ay pumasok sa isip niya ang lahat ng mga alaala na magkasamang binuo nila ni Diana. Iyon ang tanging mga magagandang alaala na mayroon siya.
Sa pagtatapos ng araw na iyon, malaki ang posibilidad na ang mga alaala na lang na iyon ang matitira sa kanya...
Chapter One
"YOU better not waste this chance again, Alexis. Kung hindi lang nakiusap sa akin ang Mama mo, hindi na kita pag-aaralin pa. You are such a disgrace to our family! Mabuti na lang talaga at hindi mo dala ang apelyido ko kundi-"
"Kundi ano?" Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Alexis sa narinig mula sa kanyang ama. Nawawalan ng ganang itinulak niya na ang kanyang plato palayo sa kanya. Hindi pa siya nakakapagsimulang kumain nang bigla na lang pumasok sa kusina ang kanyang mga magulang. Ni hindi niya alam na dumating na pala ang mga ito. Sana pala ay maaga na lang siyang umalis ng kanilang bahay kaysa ang magtiyaga sa ganoong sitwasyon.
Buong buhay ni Alexis ay nagsilbing ulan ang kanyang mga magulang. Dumarating nang hindi inaasahan. Nawawala pero bumabalik rin kalaunan. Minsan ay nagtatagal pero mas madalas na hindi. Lalo na sa bahagi ng kanyang ama na ingat na ingat tuwing nagpupunta sa bahay na ibinigay nito para sa kanila ng kanyang ina. Dahil sila ang pinakatagu-tagong lihim nito. Sila ang mantsa sa walang bahid na pagkakakilala rito ng mga tao na sa malas ay isang tinitingalang senador ng bansa.
His mother was the high and mighty mistress of Senator Alexander Guevarra. Si Alexis ang naging bunga ng pagkakasala ng mga ito. At dahil isa siyang bastardo, ang apelyido ng kanyang ina ang ipinagamit sa kanya para walang makahalata sa koneksiyon nila. Ganoon kalupit ang kanyang ama. Gagawa-gawa ng kabuktutan pagkatapos ay matatakot na maikabit sa kasalanang iyon ang pangalan nito.
Si Alexis ang ikatlo at bunsong anak ng kanyang ama... sa pagkakaalam niya. Iyon ay kung wala na itong ibang babae bukod sa kanyang ina. Dalawang lalaki ang anak nito sa una at legal nitong asawa. Mabuti na lang at wala itong naging anak na babae. Kawawa iyon kapag nagkataon. Baka iyon pa ang malasin na umani ng karma mula sa mga pinaggagawa ng kanyang ama.
Sa tuwing wala ang kanyang ama sa kanilang bahay ay subsob sa casino ang kanyang ina. Kaya lumaki siya na parang nag-iisa sa buhay. Tanging ang kanilang mayordoma lang na si Manang Renata ang kahit paano ay naging malapit sa kanya sa bahay na iyon.
"'Wag kang mag-alala, Senator. Hindi ko rin gugustuhing dalhin ang apelyido mo kung sakali." Tumayo na si Alexis. "Come to think of it. Pareho lang tayo rito kung tutuusin. Kung ayaw mong maiugnay sa akin, lalo naman ako." Pumalatak pa siya. "Akalain nyo 'yon, Senator? May pagkakapareho pala tayo ng ugali? At least ngayon, kahit paano, may nakikita na akong tanda ng pagiging mag-ama natin."
"Asshole! Wala ka talagang kwentang anak!" Namula sa galit ang mukha ni Alexander. Kahit kailan ay hindi niya ito nakasanayang tawagin ng kung paano tinatawag ng isang anak ang ama nito. Dahil ni minsan, hindi niya naramdaman na naging ama ito sa kanya.
Nagkibit-balikat si Alexis. Hindi siya natatakot sa kanyang ama. Sa dami ng naranasan niya sa buhay, wala na siyang kinatatakutan pa. Pero may bahagi ng pagkatao niya ang nasaling sa mga sinabi nito. "Don't worry, quits lang tayo, Senator. Dumarami na ang natutuklasan kong mga pagkakatulad natin. We should talk like this often, you know. Para nagkakakilala pa tayo nang husto. Now, I can finally share something about my Dad. Alam ko na ang sasabihin ko sa oras na may magkamaling magtanong uli. My Dad and I... well, we're both assholes."
Aalis na sana siya ng kusina nang mabilis siyang mahagip ng ama sa balikat. Pagharap niya, agad siya nitong sinuntok sa mukha. Napasigaw ang kanyang ina sa pagkabigla.
Kahit ang p*******t ng ama, nakasanayan na ni Alexis. Parati talaga silang nagkakainitan nito tuwing nagkikita sila. Pinahid niya ang dugo na naramdaman niyang umagos sa kanyang mga labi. Mapakla siyang napangiti. "I really wish that your punch was stronger, Senator, stronger than the pain you've been giving me ever since."
Kumawala si Alexis mula sa pagkakahawak ng ama sa kanyang balikat bago tuluyang umalis ng kusina. Dere-deretso siyang nagtungo sa garahe at sumakay sa kanyang kotse. Imaniobra niya na iyon palabas ng gate saka pinaharurot papunta sa panibagong unibersidad kung saan siya in-enroll ng ina.
Ilang beses nagbulakbol sa pag-aaral si Alexis at ilang beses na rin siyang na-kick out sa mga University na pinasukan. Tama ang senador. Isa nga siyang malaking kahihiyan. Pero hindi na tumatalab ang anumang kahihiyan sa nagrerebeldeng puso niya.
Napahawak si Alexis sa kumikirot na mga labi. Mukhang papasok siya nang nagdurugo ang mga iyon. Napailing siya. "Damn you, Senator."
"HE CAUGHT everyone's attention the very moment he entered the campus. Walang mga mata lalo mula sa mga kapwa natin Eba ang hindi nakatutok sa kanya. His body is to die for, Diana. Higit pa siya sa ulam dahil hindi mo na kakailanganin ng kanin o tubig para mabusog. Titigan mo pa lang siya, sapat na. And his face, goodness, my friend. He's a god."
Amused na napangiti si Diana sa animated na pagkukuwento ng kaibigang si Laurice. Kaibigan niya na ito mula pa sekondarya hanggang ngayon na nasa huling taon na sila ng kolehiyo sa iisang kurso-Business Management.
Floral Design talaga ang gustong kunin ni Diana dahil pag-aayos ng mga bulaklak ang hilig niya noon pa man. Pero nakiusap ang kanyang ama na business course muna ang kunin niya dahil umaasa ito na magbabago pa ang isip niya at isang araw ay magustuhan niya ring pamahalaan ang Ferrel Summit Holdings, Incorporated. It was one of the largest conglomerates in the Philippines with business interests in all transportation, banking, food manufacturing, hotels, power generation, real estate to property development and telecommunications.
Ang Ferrel Summit Holdings, Incorporated ay magkakasamang itinatag ng kanyang ama at ng mga kapatid nito. Nag-iisa siyang anak kaya umaasa ang kanyang ama na magagawa niya ring pasukin ang mundo ng pagnenegosyo. Pero wala siyang balak na gawin iyon. Pinagbigyan niya na lang ang ama dahil buo na ang pasya niya.
Sa oras na makatapos si Diana sa kursong pinakuha ng ama ay ang pag-aaral ng Floral Design ang isusunod niya tutal ay makakaya niya namang tapusin iyon sa loob ng isang taon. Pagkatapos ay saka siya magtatayo ng sarili niyang flower shop. Ipapaubaya niya na sa kanyang mga tiyuhin at pinsan ang kanilang negosyo tutal ay iyon naman talaga ang hilig ng mga ito.
Nahinto sa paglalakbay ang isip ni Diana nang malakas na pumitik sa harap niya si Laurice. Mula pa kaninang dumating ito sa classroom hanggang ngayong natapos na ang kanilang klase, wala itong ibang bukambibig kundi ang bagong lipat umano na lalaki sa Saint Gabriel Academy kung saan sila pumapasok. Iyon rin ang sentro ng usapan ng mga kababaihang kaklase nila mula pa kahapon.
"Basta talaga gwapo, naka-heightened alert ang senses mo, Laurice," napapailing na sinabi ni Diana habang inaayos ang kanyang mga gamit.
Sumimangot si Laurice. "Hindi mo ba ako narinig? Alexis Serrano is not just gorgeous, my friend. Hindi siya katulad ng mga nakikita nating mga feeling gwapo na pakalat-kalat sa paligid. He's hot." Mayamaya ay bumalik ang kislap sa mga mata nito. "You should see him. Nasa kabilang building lang siya. Architecture ang course. Katulad natin ay graduating na rin siya. Mas matanda siya sa atin ng tatlong taon. He's turning twenty-three. Ayon sa balita, ilang beses siyang na-kick out sa mga dating University na pinasukan niya. Bulakbol daw kasi. Pero malay mo, baka tumino siya rito? Mukha naman siyang matalino," bigla ay parang defensive na dagdag ni Laurice. "Siguro may pinagdaraanan lang siya kaya gano'n."
Gulat na napatitig si Diana sa kaibigan. "Nalaman mo lahat 'yan agad? Pero ang sabi mo, kahapon mo lang siya nakita?"
Nagmamalaking itinaas ni Laurice ang baba nito. "Ako pa ba? I have my ways, my friend." Kinindatan siya nito.
Kunsabagay, hindi niya na pagdududahan ang pagiging resourceful ni Laurice. Major shareholder ang ama nito sa Saint Gabriel Academy. Walang imposible rito.
Naaaliw pa ring itinaas na lang ni Diana ang mga palad tanda ng pagsuko. "Wala na 'kong sinabi." Tumayo na siya at isinukbit na ang bag sa kanyang balikat. "Bukas mo na i-resume 'yang pagkukwento mo. O kaya sa iba ka na lang magkuwento. Iyong gaya mo na makaka-relate sa mga ganyang topic. 'Wag lang sa boyfriend mo." Kinindatan niya ang kaibigan. Nasa katabing building lang din ang pinapasukan ng boyfriend ni Laurice na Engineering ang kurso. "Baka magselos na 'yon."
"Hindi ko naman ipagpapalit si Nathan, my love." Tumayo na rin si Laurice at inakbayan si Diana. "Ewan ko ba sa 'yo, Diana. Maganda ka, matalino pero pagdating sa usaping ganito, ang slow mo. Kaya ako nagkukwento ay para sa 'yo. Siyempre, gusto ko na ring madagdagan ang mga inspirasyon mo sa buhay. Malay mo, si Alexis na pala 'yon? Kasi sa totoo lang, nang makita ko siya kahapon, isa lang ang pumasok sa henyong isipan ko. Bagay kayo. You're the campus sweetheart, the reigning Miss Saint Gabriel. Of course, you deserve-"
"Do you know what I truly deserve, Laurice? Your silence." Natawa si Diana nang muling sumimangot ang kaibigan. Nang makalabas na ng classroom ay nagkanya-kanya na sila ng daan na pinuntahan. Sa gym dederetso si Laurice dahil may laro ang boyfriend nito na nagkataong varsity player sa campus. Habang siya naman ay nagtungo sa open field na patatayuan ng panibagong gusali sa mga susunod na buwan. Sa likod lang iyon ng school building nila. Iyon ang nagsisilbing tambayan niya.
Kasalukuyang nasa Europe ang kanyang mga magulang at nagbabakasyon. Kaya kaysa umuwi, doon siya nagpupunta at nagpapalipas ng oras bago o pagkatapos ng klase. Bukod pa roon, doon lang tahimik. Hindi gaya ng ibang lugar sa campus na puno parati ng mga estudyante.
Nang makarating sa open field, inilabas ni Diana ang lagi niyang baon na tuwalya sa kanyang bag pagkatapos ay inilatag iyon sa Bermuda grass, saka siya nahiga. Marahan siyang pumikit. Sa hindi na mabilang na pagkakataon, sumagi sa isip niya ang mukha ni Yves, ang dati niyang boyfriend. Ito ang kasa-kasama niya noon. Sa mga susunod na araw, death anniversary na nito. Muli ay nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib.
Magdadalawang taon na rin mula nang mawala si Yves. Hindi gaya ng kanyang pamilya, simple lang ang pinagmulan nito. Dahil likas na matalino ay nakakuha ito ng full scholarship grant sa Saint Gabriel Academy. Kaklase nila ito noon ni Laurice. Unang kita niya pa lang niya kay Yves, nakuha na nito ang atensiyon niya. Kaya naman nang magpakita ito ng interes sa kanya noon at ligawan siya ay agad niya itong sinagot. Sa umpisa, tumutol ang kanyang mga magulang dahil bata pa daw siya pero hindi nagtagal, nakuha rin ni Yves ang pagtanggap ng mga ito sa kanilang relasyon.
Maayos ang naging takbo ng relasyon nila ng binata. Mabait at mapagmahal si Yves. Hindi rin siya nagkaroon ng problema sa mga magulang nito. Apat na buwan na lang sana ang bibilangin at magdiriwang na sila ng second year anniversary nila kundi lang sa hindi inaasahang pangyayari.
Maraming kalaban ang kanyang pamilya sa negosyo. Noon pa man, hindi na kaila sa kanila ang bagay na iyon. Madalas makatanggap ang kanyang ama o mga tiyuhin ng death threats. Iyon ang dahilan kung bakit mula noon hanggang ngayon ay mahigpit sa kanya ang mga magulang. Dahil malaki ang posibilidad na madamay raw siya sa galit ng mga kalaban nito sa negosyo na siyang nagkatotoo.
Nang araw na ihatid siya ni Yves sa kanilang mansyon ay pinagbabaril sila sa gate ng isang lalaki na sakay ng motor. Itinakip ng binata ang katawan nito sa kanya. Ito ang sumalo ng mga bala na dapat ay para sa kanya na siyang ikinasawi nito.
Mula noon ay hindi na natahimik pa ang puso ni Diana. Lalo na at hanggang ngayon ay alam niyang hindi pa rin siya napapatawad ng pamilya ni Yves. Sila ng kanyang pamilya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng panganay nitong anak at hindi niya naman ito masisisi. Nag-alok na ng tulong-pinansyal ang kanyang mga magulang para sa pamilya ni Yves pero matigas sa pagtanggi ang mga ito. Hanggang ngayon, hindi sila tumitigil sa pagdalaw sa mga ito at sa paghingi ng tawad.
Natunton rin kalaunan at nakulong ang lalaking nagtangka sa buhay ni Diana. Kasalukuyang kasama na rin nito roon ang mastermind sa nangyari na kumpirmadong kalaban ng kanyang ama sa negosyo. Mula noon, lalong naghigpit ang mga magulang sa kanya. Naging dalawa ang kanyang bodyguards. Ang mga ito ang kasa-kasama niya sa pagpasok araw-araw sakay ng isang bullet-proof na sasakyan.
Napahugot siya ng malalim na hininga. Hindi na siya pumasok pa sa isang relasyon matapos ng mga nangyari kahit na hindi siya nawawalan ng manliligaw. Hanggang ngayon ay baon niya pa rin ang sugat sa puso niya. May mga pagkakataon na hindi niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili. Siguro kung hindi niya sinagot si Yves ay buhay pa ito ngayon. Hindi bale ng hindi naging sila... basta buhay lang ito.
Since Yves died, she tried to live her life the way he would have wanted her to do. Pinaghuhusayan niya ang pag-aaral para rito. Sumasama at nakikisaya siya sa mga pagtitipon sa loob at labas ng University. Pero nananatiling hungkag ang puso niya. Alam ni Yves na isa sa mga pangarap niya ang makasali sa contest at isang araw ay makoronahan bilang Miss Saint Gabriel. Sinuportahan siya nito noong nabubuhay ito at tinupad niya ang pagsali sa contest noong nakaraang taon. Sinuwerte siyang maiuwi ang korona na inialay niya sa puntod nito. Wala na ang dating excitement at saya sa puso niya para sa koronang iyon.
Yves... I've missed you so, sweetheart.
Napahinto sa pagre-reminisce si Diana nang makarinig ng kung anong mga mahihinang daing at ungol. Alertong nagmulat siya ng mga mata. Napasinghap siya nang hindi kalayuan sa kanya ay nakita niya ang isang lalaki at isang babae na naghahalikan. Hindi niya gaanong makita ang mukha ng mga ito. Gaya niya, nakahiga rin ang mga ito sa damuhan. Napabangon siya nang ma-realize na mula sa babae nagmumula ang mga ungol na naririnig lalo na nang ibaba ng lalaking nakadagan dito ang palda na suot nito. Naglakbay ang mga kamay nito patungo sa...
Diyos ko po! Naipilig ni Diana ang ulo. Hindi lingid sa kanya na may mga kaedad siya na talagang gumagawa ng mga ganoong bagay, pero ngayon niya pa lang iyon nakita nang aktuwal. Sa gitna ng pagkabigla sa nasaksihan, nakaramdam siya ng lungkot. May iba na palang nakakaalam ng sanctuary niya.
Nagmamadaling tumayo na lang siya at inayos ang kanyang mga gamit.
"Gosh!" Narinig ni Diana na sinabi ng babae. Hindi niya maiwasang muling lingunin ang mga ito. Nakagat niya ang ibabang labi nang matuklasang sa kanya na pala nakatutok ang atensiyon ng mga ito. Nagmamadaling itinulak ng babae ang lalaki. Tumayo ito. Ibinaba ang blouse at itinaas ang maikling palda bago humarap sa lalaki.
Wala silang uniform kaya malaya ang lahat ng estudyante na magsuot ng anumang gusto ng mga ito. Iyon ang dahilan kaya karamihan sa mga kababaihan sa campus nila ay parang parating nagmomodelo tuwing pumapasok habang ang ilan naman ay para bang parating kinakapos sa tela base sa ikli ng suot ng mga ito.
"I... I'm sorry, Alexis. N-next time na lang."
Kumaripas na ng takbo ang babae. Nang mawala na ito, saka niya lang naalalang pamilyar ang babae sa kanya. Isa iyon sa mga anak ng kasosyo sa negosyo ng kanyang ama. Si Margie. Tumayo na rin ang lalaki mula sa damuhan at animo balewalang inayos ang suot na jacket habang hindi inaalis ang mga mata sa kanya. Mayamaya, kumabog ang dibdib niya nang dahan-dahan itong humakbang palapit sa kanya.
Ano bang ginagawa niya? Dapat ay kumaripas na rin siya ng takbo palayo sa lugar na iyon gaya ni Margie. Pero hayun siya at hindi makakilos nang makita ang anyo ng lalaki. Ito na yata ang pinakamagandang lalaki na nakita niya sa buong buhay niya.
The man had the most beautiful jade eyes she had ever seen. Matiim ang mga matang iyon kung tumitig. Kulay kape ang alon-alon nitong buhok na hanggang balikat nito ang haba na lalong nagpalakas ng dating nito. Mestizo rin ito na lalong nagpadagdag sa hindi maitatangging banyagang dugo nito. Matangos ang ilong nito at makipot ang para bang natural na mapupulang mga labi. Kung tama ang hula ni Diana, nasa anim na talampakan ang taas ng estranghero. Maganda rin ang pangangatawan nito. Hindi maikakaila ang malalapad nitong dibdib sa suot nitong leather jacket.
Huminto ang lalaki sa paghakbang nang halos isang dangkal na lang ang pagitan nila mula sa isa't isa. Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. Pinaglandas nito ang mga daliri sa kanyang kaliwang pisngi. Napalunok siya.
"If you don't wanna be that girl's replacement, I suggest you run away," bahagyang namamaos na sinabi ng estranghero. "Run now... because if I ever catch you, I swear I will never let you go. Lalo na ngayon at bitin na bitin pa man din ako."
Muling napasinghap si Diana nang maintindihan ang implikasyon ng mga sinabi ng lalaki. Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. Walang makikitang pagbibiro sa anyo nito. Puno rin ng babala ang boses nito.
Umangat ang sulok ng mga labi ng estranghero. "So, you're not really going to run, huh?" Nagkibit-balikat ito kasabay niyon ay bumaba ang kamay nito sa zipper ng pantalon at akmang ibababa iyon nang mapasigaw si Diana.
"Bastos!" Nagmamadaling isinukbit niya ang bag sa kanyang balikat pagkatapos ay tumakbo palayo. Nang makarating sa labas ng gate ay saka lang unti-unting bumalik sa normal ang paghinga niya. Ngayon na lang siya muling naapektuhan ng isang lalaki at sa malas ay mukhang may pagkamanyakis pa yata ang lalaking iyon. Ngayon niya pa lang ito nakita kaya nasisiguro niyang bago lang ito sa Saint Gabriel.
Mayamaya ay nanlaki ang mga mata ni Diana nang maalala ang itinawag rito ni Margie. Alexis. Kapangalan iyon ng lalaking bukambibig ng kanyang mga kaklase. Hindi kaya... ang lalaking iyon ay si Alexis Serrano? Kung ganoon ay tama ang mga usap-usapan.
He's a god, indeed. But a p*****t one. Bago pa lang ang lalaki sa Saint Gabriel Academy pero nakahanap na kaagad ito ng babaeng maloloko. Ang mga gaya nito ang mga lalaking dapat na iniiwasan.