Dumating na ang pinakaiintay na araw ng bawat mamamayan sa emporyo ng Suzdal. Dahil ngayon araw ay nanganganak ang kanilang empress na si Empress Maxima sa anak nila ni Emperor Hadrian. Ito ang magiging unang anak nilang mag-asawa pagkatapos ng mahigit limang taon na pag-iintay na mabiyayaan ng anak.
Halos na mawalan na nga silang dalawa ng pag-asa na magkaanak pa. Kaya ganoon na lang ang pagnanais ng ilang opisyales na humanap ng pangalawang asawa ang kanilang emperor para ipagpatuloy ang kanyang lahi.
Kaya labis ang naging saya ng karamihan nang madiskubre na nagdadalang tao na ang kanilang empress. Habang mga nabigo naman ang mga ganid na opisyales na nagnanais ipakasal ang anak nila bilang pangalawang asawa ng kanilang emperor.
"Uwaaaa! Uwaaaa!"
Umalingawngaw ang malakas na pag-iyak ng isang sanggol sa loob ng palasyo ng empress. Dahil doon ay masasayang nagtalunan ang mga tagasilbi ng palasyo para sa matagumpay na pagdating ng panibagong royal.
Tinuturing na isang biyaya para sa lahat ang pagdating ng araw na ito kaya ang bawat isa ay hindi na makapag-intay na makita ang unang anak ng kanilang emperor.
"Babae po ang anak niyo, Empress," seryosong seryoso na sambit naman ng matandang komadrona na nagpaanak kay Empress Maxima.
Dahil sa kakaibang tono sa boses ng matandang komadrona ay nanghihina napamulat ng mga mata ang empress. Tinignan niya ang ekspresyon ng matanda habang nakatingin sa sanggol na buhat niya at patuloy na umiiyak. Titig na titig ito sa bata na tila ba may problema sa kanyang prinsesa.
"M-Malusog po ba ang prinsesa ko?" nag-aalalang tanong ni Empress Maxima dahil sa kakaibang reaksyon na iyon ng komadrona, "W-Wala naman po ba problema sa kanya?"
Ngunit hindi umimik ang komadronang iyon. Sa kakaibang akto na iyon ng matanda ay sinubukan iangat ni Empress Maxima ang kanyang sarili para silipin ang kanyang anak pero agarang pinigilan siya ng ilang katulong ng komadrona sa pagpapaanak sa kanya.
"Huwag po muna kayo bumangon, Empress. Makakasama po ito sa inyong lagay!" payo pa ng mga ito sa kanya, "Kailangan po muna namin mapigilan ang patuloy na pagdurugo niyo."
Walang nagawa si Empress Maxima kundi magpatuloy na lang nakahiga sa kanyang kinahihigaan.
Hinabol na lamang niya ng tingin matandang komadrona dahil maingat na buhat nito ang kanyang prinsesa patungo sa isang nakahandang palanggana na may maligamgam na tubig. Marahil iyon ay para linisin ang mga dugo pa sa katawan ng prinsesa.
Ngunit nang ipasa ng komadrona ang prinsesa sa mga nakaabang nitong kasamahan ay biglang malalakas na napasinghap ang mga ito at nagtataka na napatingin sa gawi ng empress. Lalo tuloy nakaramdam ng pangamba si Empress Maxima sa mga reaksyon na iyon ng mga tagasilbi. Inisip niya na baka may problema sa itsura ng kanyang prinsesa kaya ganoon na lang ang mga naging reaksyon nila.
"M-May problema ba sa aking anak?" muling nag-aalalang pagtatanong niya sa mga ito.
Ngunit kaysa sagutin siya ng mga ito ay dali dali na lang nila pinagpatuloy ang kanilang mga gawain. Buong ingat na nilinis nila ang katawan ng prinsesa kahit may pagtataka sa kanilang isipan.
Dahil naman sa labis na panghihina ay nakatulog si Empress Maxima na walang nakuhang sagot sa mga tanong niya. At hindi man lang niya nagawang makita ang itsura ng kanyang anak.
Habang nasa kahimbingan ng tulog ang empress ay doon nagsimula na magbulungan ang mga tagasilbi sa kanyang palasyo. Dahil lahat sila ay hindi makapaniwala na napatitig sa itsura ng prinsesa. At lahat sila ay nagkaroon ng pare-parehong suspetya sa katauhan na iyon ng kinikilala nilang prinsesa.
Kapansin pansin kasi na may kulay rosas itong buhok kahit kulay pilak ang buhok ang kanilang emperor habang kulay kape naman ang kulay ng buhok ng empress. Nang bahagyang nagmulat ng mata pa ang sanggol ay nakita nila na kulay berde ang mata nito katulad ng kulay ng mata ng empress.
Ibig sabihin walang anumang tinaglay na pisikal na katangian ang prinsesa sa mga naunang royal ng Suzdal na siyang kapamilya ng kanilang emperor. Lahat kasi sila ay kilala sa pagtataglay ng kulay pilak na buhok at kulay bughaw na mga mata.
Kaya ganoon na lang ang gulat nila na makita ang sanggol na ipinanganak ng empress. Lalo na ang matandang komadrona na tatlong henerasyon na naninilbihan sa maharlikang pamilya. Ilang prinsipe at prinsesa na ang nasaksihan niyang ipinanganak sa maharlikang pamilya ng Suzdal at ito ang unang beses sa kasaysayan ng emporyo na may ipinanganak na ganitong royal.
"Bakit ganyan ang itsura ng prinsesa?"
"Ako nga rin ay nabigla kanina eh!"
"Isa lang ang naiisip ko."
"Tingin ko ay pareho tayo ng naiisip."
"Hindi anak ng ating emperor ang batang ito!"
"Mukhang masyadong naging desperada ang ating empress na magkaanak. Lalo na maraming opisyales ang nagpipilit na ilagay ang mga anak nilang dalaga sa palasyo!"
"Ibig sabihin ba nito ay nagpabuntis siya sa iba para lang mapigil iyon?"
"Ang problema ay nakalimutan yata ng empress na may pisikal na katangian ang mga royal."
"Kung totoo iyon, ano na ang mangyayari sa batang ito?"
"Marahil kikilalanin pa rin siyang royal dahil pinanganak siya bilang anak ng emperor."
"Eh? Pwede ba iyon? Bibigyan pa rin siya na titulo na isang prinsesa kahit hindi naman siya kadugo ng ating emperor?"
"Wala eh! Ipinanganak siya bilang isang royal! Hindi na nila kayang bawiin iyon!"
"Teka may iba bang lalaki na kinikita ang ating empress sa palasyo?"
"Puro mga retainer lang ng emperor ang naalala ko na bumibisita sa kanya bukod sa emperor."
"Ibig sabihin ba nito ay isa sa mga retainer ng emperor ang totoong ama ng batang ito?"
"Malamang!"
"Pero malay niyo palihim pala may kinikita ang empress sa labas ng palasyo."
"Imposible iyon dahil laging may bantay siyang knight tuwing lalabas. Iyon ang mahigpit na kautusan ng emperor."
"Teka kulay rosas ang buhok ng bata! May naalala ako na isang knight ang ating empress na may parehong kulay na buhok."
"Ah oo nga 'no?! Si Sir Leo?"
"Siya ang ama?!"
"Naku! Malaking gulo ito!"
Natigilan silang lahat sa kanilang usapan nang biglang may malakas na anunsiyo ang umalingawngaw. Iyon ay dahil sa pagdating sa palasyo ng empress ni Emperor Hadrian. Kaya agarang nataranta sila para salabungin ang emperor sa harapan ng palasyo.
Nang makababa naman ito sa karwahe ay mabibilis ang naging mga hakbang niya. Halatang hindi na ito makapaghintay na makita ang kanyang anak.
"Saan naroroon ang aking prinsesa?" hindi makapag-intay na tanong pa ng emperor sa mga tagasilbi ng palasyo ng empress.
Nanginig naman ang mga ito at hindi malaman ang isasagot sa kanya. Pero sa huli ay pinili nila na gabayan ang emperor sa kinaroroonan ngayon ng sanggol.
Nang makarating sa pintuan ng kwarto ay nagpalitan muna ng makahulugan na tingin ang mga tagasilbi bago pigil hiningang pinagbuksan nila ng pinto ang emperor.
Doon ay tuluyan na nakapasok sa loob ng kwarto si Emperor Hadrian na sabik na sabik na makarga ang kanyang anak. Dali dali na lumapit siya sa crib na nasa sentro ng kwarto. Inakma pa niya ang mga kamay para ihanda na buhatin mula roon ang kanyang prinsesa.
Ngunit nang makita niya ang itsura ng bata na nasa crib ay biglang natigil sa ere ang mga kamay ni Emperor Hadrian. Gulat na gulat na napatitig siya sa itsura ng sanggol lalo na sa kulay rosas na buhok nito. Dahil hindi ito ang inaasahan niya na itsura ng kanyang magiging anak. Walang royal na ipinanganak sa lahi nila na hindi kulay pilak ang kulay ng buhok.
"Sigurado ba kayo na ito ang batang ipinanganak ng aking asawa?" paniniguro pa niya sa mga tagasilbi na nagbabantay sa sanggol, "Hindi kaya napuslitan kayo kanina ay napalitan ito ng ibang bata?"
Wala makasagot sa mga tagasilbi sa takot sa emperor. Kaya ang matandang komadrona na lang ang naglakas loob na sumagot sa tanong na iyon.
Magalang na iniyuko pa ng matandang komadrona ang kanyang ulo sa harapan ni Emperor Hadrian. "Biglang tapat na naninilbihan sa inyong pamilya ay sinisiguro ko po na ang batang ito ang ipinanganak ni Empress Maxima," pagkumpirma niya, "Dahil ako po mismo ang nagpaanak sa kanya kanina."
Malakas na napahugot ng hininga si Emperor Hadrian nang marinig iyon mula sa bibig ng matandang komadrona. Ang kaninang masayang ekspresyon ng emperor ay biglang napalitan ng pagkamuhi. Kitang kita ngayon sa mata niya ang sakit ng pagtraydor sa kanya ng kanyang asawa.
Sobrang higpit na napakuyom siya ng kamay at mabilis na inilibot ang tingin na tila may hinahanap. "Nasaan si Empress Maxima?!" dumagundong sa buong palasyo ang boses niya na punung puno ng pagkapoot at galit sa kanyang empress, "Nais ko marinig ang anumang ipapaliwanag niya sa akin tungkol sa batang ito."