KABANATA 3

3613 Words
SAKTONG PAGLAPAG NAMIN ng mga pagkain sa mahabang lamesa ay siyang pasok nila Atreo Ripler. Hinawakan ako sa braso ni Aling Consuelo at sinenyasan na tila kailangan na naming umalis muna roon. “General, tumawag na lang ho kayo kapag may kailangan pa kayo. Doon lang ho kami sa kusina.” Mga pawisan sila pero ang bango pa rin ni Atreo nang dumaan siya sa harap ko. Ang pawis niya sa braso ay mas lalong nakakapanghina. Hinatak na ako ni Aling Consuelo kaya inalis ko na ang pahabol kong tingin kay Atreo. Sumandal ako sa pintuan at tinanaw na lang ng tingin ang mga ito. “Aling Consuelo, ano po bang favorite food ni Atreo?” “Bakit mo natanong? Tsaka pansin ko na tila bukambibig mo na si General buong araw. At pansin ko rin na sa pangalan mo lang siya tinatawag.” Napalingon ako kay Aling Consuelo na may hawak ng tuyong basahan habang pinupunasan ang kitchen bar. “Syempre po, gusto ko siyang makilala para naman po makapagpasalamat ako sa palaging pagligtas niya sa buhay ko. Hindi ko naman po alam ang itatawag sa kanya. Baka mamaya ay ma-offend ko pa po siya.” “Akala ko ay may gusto ka na sa General . . . ’Wag kang masyadong magpadala sa bugso ng damdamin mo, hija, bata ka pa. At hindi naman sa sinisiraan ko si General, pero ang katulad niyang army ay madalas habulin ng babae lalo pa’t may kakisigang taglay si General at mayaman.” Napatango ako kay Aling Consuelo kahit na medyo napanghinaan ako ng loob dahil sa sinabi nya. “Aling Consuelo!” Napahinto si Aling Consuelo sa pagpupunas nang tawagin siya ni Atreo. “Saglit lang at pupuntahan ko lang si General. Dito ka muna.” Tumango ako rito at sinundan na lang siya ng tingin. Napahinga ako nang malalim at lumapit sa kitchen bar upang ipagpatuloy ang naiwang trabaho ni Aling Consuelo. Hindi pa ako nangangalahati sa pagpupunas nang pumasok muli si Aling Consuelo na bitbit na ang serving plate. “Bakit po kayo pinatawag, Aling Consuelo?” “Ah, naubos kasi ang adobong manok. Nagpapakuha ulit si General.” Napahinto ako sa pagpupunas at iniwan ko ito para lumapit kay Aling Consuelo. Nilagay ko sa likod ko ang mga kamay ko bago ako tumabi kay Aling Consuelo na kumukuha ng manok para ilagay sa serving plate. “Aling Consuelo, kung gusto n’yo po ay ako na ang magdala nya’n sa kanila.” Napatingin siya sa akin na nagtataka pero ibinalik din naman niya ang tingin sa sinasandok niyang manok. “Oh, sige, nang matapos ko na ang paglilinis ko rito at nang makauwi na tayo.” Napangiti naman ako at hinintay siya na matapos magsandok. Nang tapos na siya ay inabot niya sa akin ang plato kaya agad ko iyong hinawakan. “Tanungin mo rin sila kung ano pa ang nais nila.” Tumango ako sa kanya at tumalikod na. Naglakad ako palapit sa pinto ng kusina pero nilapag ko muna ang plato sa isang lamesa. Inayos ko ang buhok ko at damit bago ako napapangiti na kinuha muli ang serving plate. Nang makalabas ako ng kusina ay rinig ko na agad ang kaluskos ng mga nagtutunugang kurbyertos at tawanan nila. Huminga ako nang malalim bago naglakad patungo sa kanila. “Oh, oh . . .” Agad na napatingin sa akin ang ilan nang mapansin akong palapit. Hanggang sa mahinto na nga ang tawanan at napatingin na sa akin ang lahat, maging si Atreo. “Magandang gabi po. Heto na ’yong chicken adobo.” Ngumiti ako nang malawak sa kanila at inilahad ang serving plate. Nataranta naman ang isa na natapatan ko, tumayo ito bago kunin ang hawak kong serving plate na may lamang adobong manok. “Salamat, miss,” sabi nito kaya ngumiti ako at tumango. “Sabi ni Aling Consuelo, sabihin n’yo raw sa akin kung may nais pa kayo.” Nagkatinginan pa ang mga ito kaya tumingin muna ako kay Atreo na umiinom ng tubig habang nakatingin lamang sa kawalan. Lihim na napasimangot ako dahil hindi niya ako napapansin. “Ang ganda mo namang bata. Tiyak na marami ang manliligaw sa ’yo.” Napatingin ako sa may mohawk style na buhok at may tattoo sa leeg. Mukha naman siyang friendly. “Siguro nga marami.” Pamimilosopo lang sana iyon pero tila pinaniwalaan nila. Napapalakpak naman sila kaya napangiti ako. Nabilang ko sa aking mga tingin na dose silang lahat maliban kay Atreo. May tattoo silang lahat ng ahas. Kaya siguro Vipers ang tawag sa kanila ni Atreo. “Kung may manliligaw sa ’yo na isa sa amin, sino ang pipiliin mo?” curious na tanong ng isa na sa tingin ko ay mas bata sa kanila. “Wala, dahil wala pa naman sa isip ko iyan, lalo’t wala naman akong maalala.” “Sabagay, pero sayang ang ganda mo, dapat ay gwapo at ka-level mo ang maging boyfriend mo.” “Maupo ka muna rito, Miss, magkwentuhan tayo,” aya ng isa kaya malugod akong sumunod at naupo sa gitna. “Ano ba ang tipo mo?” nakangiting tanong nung naka-mohawk. Pasimpleng tumingin ako kay Atreo na patuloy sa pagsubo sa pagkain niya. “Hmmm. Siguro ’yong medyo matanda sa akin.” Napaubo sila kaya napangiti ako. Tumingin ako kay Atreo na napahinto sa pagkain pero nagpatuloy pa rin. “Ano pa?” “Ahm . . . ’yong serious type at medyo suplado.” “Bakit naman gano’n ang type mo? Ayaw mo ba sa sweet at romantiko?” “Ayoko, masyadong boring. Gusto ko ’yong maginoo pero—” “Pero bastos,” sabi ng pinakabata sa kanila na hindi pa ako pinatapos sa sinasabi ko at siya na ang humirit, pero umiling ako rito kaya hinampas siya sa ulo ng sumbrero ng katabi niya. “Gusto ko yung maginoo at misteryoso.” Habang sinasabi ko iyon ay nakatingin ako kay Atreo. Pumangalumbaba ako at nakangiti na tiningnan siya. “Ako, maginoo ako.” May umakbay sa akin kaya tumingin ako rito. Aalisin ko na sana ang pagkakaakbay nito, pero napatingin kami kay Atreo nang malakas niyang ibinagsak ang kurbyertos sa lamesa. “This is not a playground, kiddo.” Tumayo siya at kinuha ang sumbrero niya na nakalapag sa lamesa, “Vipers, 4 o’clock.” Iyon lang ang sinabi niya na kinatayo ng mga tauhan niya at sumaludo. Tiningnan ko siya na naglakad palayo at tila patungo na sa kwarto niya. Medyo na-hurt ako sa sinabi nya. Kiddo raw? Tsk. Masyado ba akong mukhang bata? “Haris, Vipers, back to camp. Maaga pa tayo bukas.” Tumayo ang maputing lalake na katabi kanina ni Atreo kumain. Mukha ring suplado dahil tahimik din ito nang magkatuwaan kami kanina. “Ang sungit talaga ni Sebastian. Mabuti na lang at kanang-kamay siya ni General,” sabi ng mukhang bata sa kanila. “Oo nga pala, Miss, ako si Sonny,” pakilala ng isang palangiti sa kanila. Tinanguan koi to at maging iba na nagpakilala rin sa akin. Sa kasamaang palad ay hindi ko na natandaan ang pangalan ng karamihan sa kanila. “Sige, una na kami. Maaga pa kami bukas.” Tumango na lang ulit ako sa kanila nang magtayuan na sila sa kanila-kanilang upuan. Nang maiwan na lang akong mag-isa ay napasimangot ako nang maalala ko na naman ang sinabi ni Atreo. Why he’s so hard to me? Napabuntonghininga ako at nagulat nang mapatingin ako sa tabi ko. Hindi ko namalayan na narito pa pala ang isa sa mga tauhan ni Atreo. “Anong ginagawa mo pa po d’yan?” Nakapangalumbaba siya nang tinitignan niya ako at napapailing siya na sumandal sa upuan. “May gusto ka kay General.” Hindi iyon tanong, dahil halata naman na alam niya ang ikinikilos ko. “Tigilan mo na ’yan. Tama si General, bata ka pa. Wala ka ring mapapala kung ipagpapatuloy mo ’yan, kiddo,” nakangisi niyang sabi at tumayo na. Napakuyom ako ng kamay dahil sa inis. “Sino ka ba para magsabi n’yan? Wala akong gusto sa kanya, okay? Kayo ata ang bata, e.” Umiling-iling lang siya na umalis na. Naiinis na napapukpok ako sa lamesa. “Hija, anong problema at narinig ko ang galit mong boses?” Napatigil naman ako sa pagpukpok nang biglang sumulpot si Aling Consuelo. “Wala po. Kasi sila, iniwan na lang ang pagkain.” Napangiti naman siya at lumapit sa lamesa. “Ganyan talaga. Mabuti nga at meron pa silang natitira, meron tayong makakain.” Nawala naman ang pagkakakunot ng noo ko at pinagmasdan ko si Aling Consuelo na nililigpit ang mga plato. “’Yong mga natitira po ba nilang pagkain ang kinakain n’yo?” “Hindi naman madalas. Dahil minsan ay gulay ang niluluto namin ni Feliciano. Pero minsan ay ’yong huli sa dagat na mga isda. Pero kapag ganitong may natitira ay ngayon na lang muli kami makakakain ng karne.” Napatango naman ako at tumayo na para tulungan si Aling Consuelo. Isa-isa lang ang buhat ko sa mga pinaglagyan ng ulam na meron pa, baka kasi malaglag ko. “Hija, pagkatapos mo d’yan ay pwede bang makisuyo na dalhin mo ito sa kubo. Mauna ka na at tiyak akong nandoon na ang asawa ko.” “Sige po,” tugon ko agad at nilapag ang huling pinggan sa kitchen bar. Kinuha ko ang platong naglalaman ng natirang adobo at gulay. Maingat na naglakad ako palabas ng kusina bitbit ang dalawang plato. Nang nasa sala na ako ay siyang labas naman ni Atreo mula sa isang kwarto. Napahinto ako at maging siya, pero nauna siyang umiwas at naglakad palabas ng bahay habang bitbit ang isang tuwalya. Agad akong sumunod sa kanya. Paglabas ko ay nakita ko siyang lumiko. Susunod sana ako kaso nang mapatingin ako sa dala kong mga plato ay napabuntonghininga ako. Dinala ko na lang ito sa kubo. At pagpasok ko sa loob ng bahay ni Aling Consuelo ay nakita ko ang maedad na ring lalake na nakaupo sa harap ng lamesa habang may isang baso ng tubig sa harap nito. Si Mang Feliciano. “Ikaw pala, hija!” gulat na bulalas nito kaya napangiti ako at excited na lumapit sa kanya. “May natira po sa pagkain doon sa kabilang bahay. Ulam daw po natin ito ngayon.” Napatango naman siya at tumayo ngunit pinigilan ko. “Naku, ako na po, Mang Feliciano. Mukhang pagod kayo galing sa trabaho n’yo.” Umalis ako sa harap ng lamesa at lumapit sa plate stand. Kumuha ako ng tatlong plato at nilapag ko ang isa malapit kay Mang Feliciano habang ang dalawa ay sa tabi niya at sa kabila. Kumuha naman ako ng spoon and fork. Maayos ko iyong nilagay sa kanyang plato. “Naku, hija, ayos na sa akin ang magkamay,” aniya. “Ho? Kamay? Bakit po kayo magkakamay? ’Di ba po marumi ang kamay n’yo? Baka magka-bacteria pa kayo?” Natawa siya sa reaksyon ko at sinabi ko. Para bang hindi siya makapaniwala. “Mukhang ang dati mong pamumuhay ay hindi ka sanay sa pangkaraniwang buhay, hija. Pero sa katulad naming mga probinsyano ay masarap lalong kumain kung magkakamay ka. Hindi naman maruming kamay ang gagamitin mo kapag kakain ka. Dahil maghuhugas din naman nang mabuti ng kamay. Tingnan mo.” Tumayo siya at lumapit sa gripo, kaya lumapit ako at pinanood ko siya. Napatango naman ako dahil tama. Maghugas at sabunin ang kamay. Nang mahugasan niya nang mabuti ang kamay ay mahinang pinagpag niya iyon bago siya bumalik sa lamesa. “Ganito. ’Yong kanin at ulam, paghaluin mo tapos iipit mo sa dulo ng mga daliri mo. Ganito . . .” Pinanood ko siya at pati ang pagsubo niya. Napamaang ako kaya nagpunta ako sa gripo at naghugas ng kamay. Pagkatapos ay naupo na ako sa harap ng lamesa at sinubukan din ang ginagawa niya. Kumuha ako ng kanin at ulam at medyo nahihirapan ako kaya kaunti lang ang nasubo ko, ang ilan ay nalalaglag ang butil ng kanin. “Mas masarap namnamin ang pagkain kapag ganyan, ’di ba?” natatawa niyang sabi habang pinapanood ako. “Opo. Tipid pa sa paghuhugas.” Pareho kaming natawa at nagpatuloy sa pagkain. Hindi naman kasi namin nakakasabay kumain ni Mang Feliciano, dahil minsan ay wala ito at nasa dagat, nangingisda. At minsan naman ay nagkukutsara ito kapag iba ang ulam. “Aba! Aba! Tila may pinagkakatuwaan kayo d’yan?” Napalingon kami sa pintuan nang magsalita si Aling Consuelo, pero halos mabulunan ako nang makita ko si Atreo na nasa likod ni Aling Consuelo na nakatingin din sa amin. Agad akong humarap sa pagkain habang tila nag-init ang pisngi ko dahil sa kahihiyan. “Tinuturuan ko lang itong si Grace. Nakakatuwa at mabilis siyang matutong magkamay,” natutuwang sabi ni Aling Feliciano. “Oh General, nariyan pala kayo.” Napatayo pa si Mang Feliciano nang mapansin si Atreo. Pinahid ko naman ang labi ko dahil baka may mumo pa ako. “Pasensya na ho sa istorbo, Mang Feliciano. Narito lang ako ngayon dahil tatanungin ko sana kung gagamitin n’yo ang bangka bukas?” “Hindi naman, General. Magpapahinga muna ako bukas. Maaari n’yong gamitin.” “Sige ho . . . Mauna na ako.” Iyon lang ang sinabi niya kaya lihim na napabuntonghininga ako. “Naturuan mo ba nang mabuti si Grace, Feliciano?” Lumapit sa amin si Aling Consuelo kaya lumingon ako sa pinto at wala na nga si Atreo. God. This is so embarrassing. Ano kaya itsura ko kanina? “Oo naman. Mabilis siyang matuto. Matalinong bata, maganda pa.” Napangiti naman ako sa sinabi nito. “Salamat po. Halika na po, Aling Consuelo, sabay-sabay na po tayong magkamay.” Nagtawanan kami sa sinabi ko. Ang sarap sa pakiramdam na maging ganito. Simple lang. Pero iniisip ko pa rin kung ano kaya ang itsura ko nang makita ni Atreo. Para magpababa ng kinain ay naisipan kong maglakad-lakad sa dalampasigan. Naparami ang kinain ko. Grabe, baka tumaba ako. Hinamas ko ang tiyan ko dahil ramdam ko ang kabusugan ko. Di bale na, mabilis namang mawawala ito. At least nasubukan kong kumain nang maayos. Nakakabawi ang katawan ko mula sa coma. Naupo ako sa isang sun-lounger at dinama ang hangin galing sa dagat. Parang ang sarap mag-swimming ngayon. Kaso baka magalit na naman si Atreo? Pero bahala na, ang importante ay maginhawaan ako. Tumayo ako at hinubad ang bestidang suot ko. Nilapag ko ito sa inuupuan ko bago ko hinubad ang tsinelas at lumakad patungo sa dagat. Napangiti ako nang maramdaman ko ang maligamgam at medyo malamig na tubig sa paa ko. Agad akong sumisid nang makarating sa medyo malalim. Umahon ako at hinagod ang buhok ko para maalis ang tubig. Napatingala ako at napapikit dahil ang sarap sa pakiramdam. Nag-back stroke din ako at nakita ko ang maliwanag na buwan. Muli akong sumisid sa ilalim at nang mauubusan na ako ng hangin ay umahon na ako. “Refreshing!” hiyaw ko pa at natawa. Umahon na ako nang matagal-tagal kong ibinabad sa tubig ang katawan ko. Pinilipit ko rin ang buhok ko nang makarating ako sa pampang. Inayos ko ang suot kong bikini bra habang lumalapit sa sun-lounger, pero napatigil ako nang makitang wala roon ang bestida ko. Tumingin pa ako sa paligid ngunit wala talaga. Napakamot ako ng pisngi at napamaywang habang iniisip kung saan ko nga ba iyon nilapag. Alam kong dito lang sa sun-lounger. Napahinga ako nang malalim at isinuot ang tsinelas bago lumakad pabalik sa bahay nina Aling Consuelo. Sana lang ay hindi ako pagalitan kapag sinabi kong nawawala ang bagong bili niyang bestida . Ewan ko, pero parang sanay naman akong lumakad nang naka-bikini lang at wala naman akong nararamdaman na hiya sa katawan dahil maganda naman ito. Tsaka nasa beach din naman ako, kaya wala akong pakialam kung may makakita man sa akin ng ganitong itsura ko. Tumingin ako sa bahay ni Atreo, at hindi ko alam kung namamalik-mata lang ba ako o ano, pero parang nakita ko na may nakatayo sa bandang sliding door sa may veranda. Nagkibit-balikat na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad. “Aling Consuelo!” “Oh, hija . . . Jusko! Bakit ka nakaganyan na lang? Nasaan ang bestida na suot mo?” histerikal niya kaya napangiti ako. “Nag-swimming lang ho ako sa dagat at nilapag ko po sa sun-lounger ang bestida, pero nang balikan ko ho ay wala na.” “Halika nga rito. Jusko! Hihimatayin yata ako sa ayos mo,” aniya kaya natawa ako. Masyado palang conservative si Aling Consuelo. Kinuha ko ang bagong laba niyang damit ko at pati underwear, at tinungo ko na ang banyo. Pagkatapos kong maligo at magpalit ng damit ay lumabas na ako ng banyo. Bulaklakin iyon pero maikli na bestida. Ayos na ito, I love it. Mukhang nauuso ngayon. Kita rin ang shoulder ko at fit na fit sa akin. “Aling Consuelo, bakit parang maliit na ho ito? Sa inyo po ba talaga ito?” tanong ko at lumapit ako sa kanya na nagtutupi ng mga damit. ’Yong mga damit kasi na ibang isinusuot ko ay pinaglumaan niya. “Pinaglumaan ko na iyan, hija. Mabuti at kasya sa ’yo. Hindi na malaki katulad kanina. Meron pa akong mga pinaglumaang damit, ibibigay ko sa ’yo para may pamalit ka at hindi paulit-ulit ang isusuot mo.” “Naku, salamat po talaga. Pero saan po kayo bumibili ng mga damit n’yo at underwear?” “Kapag nagpupunta si Feliciano sa kabilang isla ay doon siya nakakabili ng mga damit. Hayaan mo at bukas ay ibibili kita ng panloob mo, para hindi ko na rin labhan paulit-ulit ang underwear mong suot.” “Salamat po talaga. Hayaan n’yo po, balang-araw ay makakabawi rin po ako sa inyo.” “Walang anuman, hija. Ang mahalaga ay nakatulong kaming mag-asawa sa ’yo kahit papaano. Oh siya, siya. Matulog ka na at pupunta na ako sa sa kabilang kwarto.” “Okay po. Good night, Aling Consuelo,” sabi ko habang kumakaway. Napangiti siya at napailing habang buhat-buhat palabas ang tinupi niyang mga damit. Pinatuyo ko muna ang buhok ko gamit ang tuwalya. Pagkatapos ay nahiga na ako sa matigas na higaan na may saping manipis. Medyo masakit sa likod, pero yakang-yaka lang. Nang magising kasi ako ay dito ako natutulog kaya siguro nakasanayan na ito ng katawan ko. KINABUKASAN AY MAAGA akong nagising. At nang maalala ko ang training nila Atreo ay agad akong lumapit sa bintana na may pawid. Tinaas ko ito at tinukod ang kahoy na tukuran. Tumingin ako sa labas pero katahimikan ang sumalubong sa akin. Napanguso ako at umalis sa harap ng bintana. “Aling Consuelo, nasaan ho ang mga tao sa rest house?” tanong ko rito na kasalukuyang nagluluto ng agahan. Lumingon naman siya sa akin saglit at binalik muli ang tingin sa niluluto niya. “Wala d’yan ang General at mga tauhan niya. Meron silang operation sa kabilang isla kaya baka gabihin sila ng uwi.” Nanlumo naman ako dahil maghapon ko palang hindi makikita si Atreo. “’Di ba po pupunta kayo sa kabilang isla? Pwede po bang sumama?” “Si Mang Feliciano mo na lang ang pinalakad ko, hija. Wala kasing maiiwan sa resort kung lahat tayo ay aalis.” Lalo akong nanlumo dahil wala talagang paraan para masilayan ko ngayong umaga si Atreo. Kaysa tumunganga ako sa maghapon ay tinulungan ko na lang si Aling Consuelo sa ginagawa niya. Nang matapos kami sa tanghalian ay tinuruan naman niya ako na gumawa ng mga palamuti na gawa sa sea shell at beads. “Hilig ko na kasi mula no’ng bata ako ang gumawa ng ganito. Mula nang maging mag-asawa kami ni Feliciano at tumira rito ay heto ang ginagawa kong libangan,” kwento niya sa paggawa ng palamuti. “Kaya po pala ang daming palamuti sa bahay n’yo. At ang ganda pa ng pagkakagawa,” sabi ko naman habang tutok na tutok ang mata ko sa pag-shoot ng mga beads sa nylon. “Kaya nga kapag natuto ka nito ay baka hindi ka na maburyo rito habang wala kang ginagawa.” Napatigil naman ako sa paggawa ng palamuti at tumingin kay Aling Consuelo. “Kapag nabalik na po ang alaala ko at kapag nahanap ko po kung sino ang pamilya ko, ipagmamalaki ko po itong gawa n’yo balang araw. Pangako po iyan.” “Talaga?” “Opo,” nakangiti kong sabi na ikinangiti rin niya. “Alam mo, iniisip ko na hanggang dito na lang ang paggawa ko ng ganito. Akala ko ay wala nang makakapansin. Salamat sa ’yo, hija.” Ngumiti ako sa kanya at inipit ko ang buhok ko sa tainga bago ako tumingin muli sa ginagawa ko. Nagpatuloy kami sa paggawa hanggang sa inabot na ako ng hapon ay hindi ko na tinigilan ito. Nakarating na nga ako rito sa sun-lounger dahil dito malamig at maginhawa gumawa ng mga palamuti sa bahay at katawan. Isang anklet ang ginagawa ko. Maganda kasi ang mga beads sa paa at may pagbibigyan din kasi ako nito. Nang matapos ako ay napangiti ako na tinaas ito upang pagmasdan. Hindi ko akalain na makakagawa ako ng ganito. Mahirap ito para sa baguhan, pero nadadaan naman sa patiyagaan. Napatingin ako sa karagatan nang makarinig ng paparating. At malayo pa lang ay nakita ko na ang grupo nila Atreo na mga nakasuot ng pang sundalo. Napangiti ako at niligpit ang gamit ng mga palamuti. Inayos ko ang buhok ko at damit ko bago ko hinintay ang pagdaong nila. Nang makasampa sa pampang ang bangka na sinasakyan nila ay isa-isa silang bumaba sa pangunguna ni Atreo. Kaya nang maglakad siya paalis ng dalampasigan ay naglakad na ako palapit sa kanya. Napahinto siya nang makita ako kaya napahinto rin ang grupo niya. “Hello sa inyo,” bati ko. “Hello din, little kid,” bati ng naka-mohawk na hindi ko maalala ang pangalan. Sinimangutan ko ito bago ako tumingin kay Atreo na walang mabakas na ano mang emosyon sa mukha habang nakatingin sa akin. Nilahad ko ang gawa kong anklet na kinatingin niya roon. “For you.” Napatikhim ang mga tauhan niya at sumisipol-sipol pa. Nangangawit naman na ako dahil ayaw pang kunin iyon ni Atreo. “Tsk. It’s so childish,” aniya at nakapamulsa na nilagpasan ako. Napamaang naman ako sa sinabi niya. Tiningnan ko ang anklet na sinasabi niya na pambata. “Ang arte naman,” sabi ko at tumingin ako sa pinakabata sa kanila. Ang cute niya kasi. Ngumiti ako rito at kinuha ko ang kamay niya. “Sa ’yo na lang. Cutie-cutie,” sabi ko at bahagya ko pang tinapik ang ulo niya bago ako tumalikod sa mga ito. Tumingin ako kay Atreo na napahinto kaya inismiran ko ito bago ako lumapit sa lalagyan ng mga palamuti. Nang makuha ko ang dala kong gamit sa palamuti ay naglakad na ako at inirapan ko si Atreo nang madaanan ko siya. Nang tumingin siya sa akin ay nag-flip pa ako ng buhok at naunang maglakad sa kanya. “Tsss, ang arte naman niya. Gagawa na naman ako ng iba.” Nanlalata na naupo ako sa upuan sa sala nila Aling Consuelo. Ang sakit ng likod ko sa pagyuko dahil sa paggawa ng anklet, pero hindi naman niya kinuha. Inunat ko ang mga paa ko sa upuan habang nakapatong ang likod ko sa unan. Nais ko munang umidlip at tsaka ko na lang ulit ipagpapatuloy ang paggawa ng anklet. Baka kasi maliit sa kanya kaya sinabi niya na pambata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD