Sherra's Pov
Ano ang ginagawa rito ng lalaking ito? Nandito ba siya para patayin ako? nanlalaki ang mga matang tanong ko sa aking isip.
"Kakilala mo ba ang dalawang iyan?" malamig ang boses na tanong sa akin ni Kurt.
"H-Hindi. Hindi ko sila kilala," mabilis kong pagkakaila. Dahil magmula sa oras na ito ay ituturing ko silang hindi ko kilala.
"Kurt Contreras?" bulalas ni Amy na biglang nagningning ang mga mata nang makilala si Kurt. Naniniwala na akong kilala ng halos lahat ng mga kababaihan si Kurt dahil kahit kami ni Amy na hindi mahilig magbasa ng diyaryo ay kilala siya. "Magkakilala kayo ni Sherra? Paano kayo nagkakilala? Ano ang relasyon ninyong dalawa?" magkakasunod-sunod na tanong ni Amy kay Kurt.
"I don't need to answer your questions, lady," malamig ding sagot ni Kurt kay Amy na biglang namula ang mukha sa pagkapahiya. Bigla tuloy akong napaismid. Hindi ko alam na marunong pa rin pala siyang mahiya. Akala ko ay tinakasan na siya ng hiya sa katawan. "Let's go," baling naman ni Kurt sa akin pagkatapos ay hinila ang kamay ko palayo kina Amy at Jared.
Let's go? Tama ba ang narinig ko? At saan naman niya ako dadalhin? Sa loob ng bahay niya para ituloy ang naudlot niyang pag-inom sa dugo ko at pagkain sa atay ko? Inay ko po!
"So kaya pala malakas ang loob mo na makipaghiwalay sa akin dahil nakakita ka ng mas makapal ang bulsa kaysa sa akin," biglang sabi ni Jared sa malakas na boses kaya napahinto ako sa paglalakad. "Sa tingin mo ba ay seryoso siya sa'yo, Sherra? Ganda at katawan mo lang ang gusto niya. Dahil hindi ka magugustuhan ng isang bilyonaryong kagaya niya. Iiwan at ipagpapalit ka rin niya sa ibang babae kapag nakuha na niya sa'yo ang iyong puri," dugtong pa ni Jared.
Pakiramdam ko ay umakyat sa aking batok ang aking dugo nang marinig ko ang kanyang sinabi. Bigla akong kumalas sa pagkakahawak ni Kurt sa aking kamay at nilapitan si Jared pagkatapos ay binigyan ko siya ng malakas na sampal sa pisngi.
"Hindi lahat ng tao at hindi lahat ng lalaki ay katulad mo!" galit na sabi ko sa kanya sa mahina ngunit mariing tono.
Bigla namang nagdilim ang mukha ni Jared nang palapatin ko sa kanyang pisngi ang aking kamay. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay at akmang gagantihan ako ng sampal ngunit mabikis na nakalapit sa amin si Kurt at biglang sinakal si Jared.
"Bitiwan mo si Jared, Kurt! Bakit mo ba siya sinasaktan para lamang sa babaeng iyan na walang kuwenta?!" galit na sigaw ni Amy kay Kurt na madilim ang seryosong mukha at hawak pa rin ng mahigpit ang leeg ni Jared.
Tinapunan ko ng masamang tingin si Amy. Hindi siya nakuntento sa malakas na sampal na ibinigay ko sa kanya kanina kaya binigyan ko siya ng isa pang malakas na sampal. Biglang nanlisik ang mga mata ni Amy at akmang gagantihan niya ako ngunit katulad ni Jared ay nahagip din ni Kurt ang leeg nito at sinakal ng mahigpit.
Hindi ko maiwasang mapalunok habang nakatingin sa dalawang dati kong kaibigan na tila mga isdang nagpapasag. Hindi ko alam ang gagawin ko. Baka kapag sinaway ko si Kurt ay ako naman ang balingan niya at sakalin. Nakakatakot pala siyang magalit. Wala siyang awa. Ngunit kung hindi naman ako makikialam ay baka mapatay niya sina Amy at Jared. I hate the of them but I don't want them to die. Especially in front of me. Baka kapag namatay sila sa harapan ko ay sumunod agad ako sa kanila.
"Tama na, Kurt! Bitiwan mo sila at baka mapatay mo pa sila!" lakas-loob kong saway sa kanya. Naglakas-loobna ako dahil baka nga tuluyang mapatay ni Kurt ang dalawang manlolokong ito ay tiyak na hindi ako patatahimikin ng aking konsensiya. Kahit na pareho nila akong sinaktan at niloko ay hindi ko pa rin gugustuhing mamatay sila. Lalo na sa harapan ko. Hindi naman kasi ako masamang tao na gaya nila.
Nang marinig naman ni Kurt ang sinabi ko ay parang bagay na basta na lamang binitiwan nito ang dalawang leeg na hawak nito. Parehong natumba sa lupa at inihit ng ubo sina Jared at Amy nang bitiwan ni Kurt pagkatapos ay mabilis akong nilapitan ng huli.
"Let's go," muli niya akong hinawakan sa kamay at hinila palayo sa dating bestfriend at dating boyfriend ko na parehong manloloko.
Para namang mabait na tupa na sumunod lamang ako kay Kurt nang walang reklamo. Saka lamang ako tila natauhan nang nasa loob na kami ng bahay niya. Ang bahay na pinasok ko para makatakas sa mga lalaking misteryoso na nakita kong pumatay sa mag-asawang doktor.
"Bakit mo ako dinala rito sa bahay mo? Ano ang binabalak mong gawin sa akin? Ngayon mo na ba itutuloy ang pag-inom sa dugo ko at pagkain sa aking atay?" matapang kong tanong sa kanya kahit ang totoo ay kinakabahan ako. Ewan ko ba naman sa aking sarili. Natatakot na nga ako pero kaya ko pa ring magtanong at magtapang-tapangan.
Tumaas ang kilay ni Kurt at pagkatapos ay bigla akong itinulak sa sofa kaya hindi ko napigilan ang mapatili.
"Kung sasabihin ko sa'yong tama ka sa sinabi mo, may magagawa ka ba para huwag matuloy ang aking binabalak?" tanong ni Kurt habang unti-unting inilalapit sa akin ang kanyang mukha.
"Huwag mong inumin ang dugo ko dahil hindi masarap. Maasim ang aking dugo kaya hindi mo magugustuhan. Hindi rin masarap ang atay ko dahil naninilaw na. Sabi ng doktor ay may sakit ako na Hepatitis B. Gusto mo bang mahawa ka sa aking sakit kapag kinain mo ang atay ko?" nagpapanic na sabi ko sa kanya habang nakapikit ang aking mga mata. Sa sobrang pagpapanic ko ay kung ano-anong walang kuwentang salita ang lumalabas sa aking bibig.
Ilang minuto na akong nakapikit at hinihintay ang pagdaiti ng kanyang matutulis na pangil sa aking leeg ngunit hindi ko pa rin naramdaman ang sakit. Bigla tuloy akong napamulat ng aking mga mata. Nakaramdam ako ng inis nang makita kong nakaupo siya sa katapat kong upuan at tila naaaliw ang hitsura habang nakatingin sa akin.
"Alam mo ba ang hitsura mo ngayon, Sherra? Hindi ka mukhang natatakot kundi para kang naghihintay na mahalikan," nakataas ang kilay na sabi niya sa akin. "Hindi pa kita kakainin ngayon. Kumbaga, i-reserved muna kita ngayon. Saka na kita kakainin kapag hindi na maasim ang dugo mo at kapag gumaling ka na sa sakit mong Hepatitis B."
Nakaramdam ako ng inis sa kanya. Pakiramdam ko ay pinaglalaruan niya. Hindi naman yata niya ako kakainin kundi tinatakot lamang niya ako. Siguro para hindi ko ipagkalat ang kanyang sekreto na aksidente kong natuklasan. Ngunit kahit hindi niya ako takutin ay wala naman talaga akong balak na ipagsabi sa kahit kaninuman ang aking nakita. Sino ba naman kasi ang maniniwala sa akin kapag sinabi ko sa kanila na ang guwapo, pinakabatang bilyonaryo sa bansa at pinapangarap ng halos lahat ng mga kababaihan ay isang werewolf? Tiyak na pagtatawanan nila at iisiping nababaliw na ako or worst ay ipadala pa ako sa mental hospital.
"Excuse me! Hindi ako naghihintay ng halik mo, okay?" nandidilat ang mga matang sabi ko sa kanya. Wala na akong pakialam kahit mukhang masyadong defensive naman yata ang aking tono. "Ano ba talaga ang dahilan at dinala mo ako rito? Bakit iniligtas mo ang isang damsel in distress na kagaya ko?"
Bahagyang natawa si Kurt sa pagiging defensive ko masyado ngunit saglit lang. Dahil muling bumalik sa pagiging seryoso ang mukha nito.
"You're not damsel in distress, Sherra. Walang damsel in distress na matapang na hinarap ang dalawang taong nanloko sa kanya katulad ng ginawa mo," anito na muling tumaas ang kilay. "By the way, kaya kita isinama rito para aluking magtrabaho sa akin. Become my assistant."
"Pasensiya ka na ngunit may trabaho na ako. Kaya sa ibang tao mo na lamang iaalok iyang position na iyan," nakataas ang noo na sagot ko sa kanya pagkatapos ay naglakad ako palabas sa pintuan. Ipinagpasalamat ko hindi niya ako pinigilang umalis.
Pagkalabas ko ng gate ay nagmamadali akong naglakad palapit sa bahay ko. Ngunit biglang nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang dalawang lalaking nakaitim ng damit at nakasuot ng itim na sumbrero ang nasa labas ng aking bahay at tila nagmamanman sa aking bahay.
Oh my God! Huwag sabihin na alam na ng mga taong pumatay sa kapitbahay kong doktor kung nasaan ang bahay ko? Hindi nga ako namatay sa kamay ni Kurt na tila pinaghalong bampira at taong-lobo ngunit manganganib naman ang buhay ko sa dalawang misteryosong taong ito.