Villa Cecillia
Ako si Aryang. Isa akong katulong. At nagtatrabaho ako sa bahay na ito, ang Villa Cecillia.
Isa.
"Aryang!" binitawan ko muna ang walis at pumunta sa kusina kung saan nandoon si Ma'am Cynthia.
"Ma'am, bakit po?" magalang kong tanong sa kanya. Kahit na nagulat ako dahil maaga siyang nakauwi galing sa kanyang trabaho ay hindi na ako nakapagtanong. Wala naman akong lakas ng loob at marami pa akong trabaho na dapat tapusin.
Nakapameywang siya nang makita ko. "Hindi ba't nagsasaing ka?"
"Opo."
"Talaga?"
"Opo."
"Eh anong ginagawa mo? Bakit pagkakita ko sa kanin, sunog na?! Kanina ko pa nakita na ang tagal na ng kanin sa rice cooker!" namilog ang mga mata ko nang marinig iyon. Kaya naman lumapit ako sa rice cooker at binuksan ang loob.
"Ma'am, hindi pa naman po-"
"So sinasabi mong sinungaling ako, ha?" nakita ko ang paglabas ng mga ugat sa leeg ni Ma'am Cynthia. Senyales na nagagalit na siya.
"Ma'am, hindi naman po-" totoo naman kasi na hindi pa tapos maluto ang kanin. Ayaw ko mang isipin ngunit hindi ako sigurado na baka gusto lang akong pagalitan ng amo ko kaya ganun.
"Halika nga dito. Pinapainit mo na naman ang ulo ko eh!" hahakbang na sana ako paatras ngunit huli na dahil nahablot niya ang braso ko at ang dulo ng buhok ko kaya hindi ako nakawala. Patay.
"Ma'am-"
"Ikaw Aryang, lagi mo na lang hindi ginagawa ng maayos ang trabaho mo! Konting-konti na lang at ibabalik na kita sa pinanggalingan mo! Punong-puno na ako sayo, punyeta ka!"
Nagsimulang tumulo ang nga luha ko. Lalong lumakas ang pagmamakaawa ko kay Ma'am na sana huwag niya ng ituloy ang naiisip kong gagawin niya sakin. Pero hindi.
"Ma'am!"
"Ma'am, sorry. Pasensya na po! Hindi ko na po uulitin! Maawa po kayo sakin, Ma'am!" sa bawat salitang binibitiwan ko ay ang mga iyak na hindi ko mapigilan.
"Iyan! Iyan ang dapat sayo!"
"Ma'am-!"
Mabilis niyang hinawakan ang likod ng ulo ko at itinulak ito hanggang sa humalik ang mukha ko sa nilulutong kanin sa rice cooker. Ramdam ko ang init. Ramdam ko. Pero pilitin ko mang itaas ang ulo ko ay hindi ko magawa dahil madiin ang hawak niya sa ulo ko at itinutulak niya ito palapit sa kanin.
"T-tama-n-na-p-po!" pinilit kong makapagsalita para maiparating sa kanya na nahihirapan na ako.
*ring*
Nang tumunog ang cellphone niya mula sa sala ay naramdaman ko ang paggaan ng kamay niya sa ibabaw ng ulo ko. Pero akala ko ay matatapos na ang paghihirap ko noong hapon na iyon, bago umalis ay binatukan niya pa ako at pinagsalitaan.
"Ayusin mo ang trabaho mo ah! Wala ka ng nagagawang tama!" pagkatapos niya akong sigawan ay umalis na siya sa kusina. Naiwan akong umiiyak sa isang tabi habang nagluluto ng makakain niya.
Dalawa.
Sabado ngayon. Araw ng labada. Tuwing sabado talaga, naka-schedule na na maglalaba ako. Ayaw kasi ng amo ko na magpa-laundry. Hindi naman kasi sila sigurado kung mapagkakatiwalaan yung nga tao sa laundry shop dito sa village.
~Shut up and dance with me~
"Aryang!" tumayo ako at nagpunas ng kamay na may sabon pa sa short ko. Sinigurado kong hindi makikita ni Ma'am ang cellphone at ang bago kong biling earphone nang mamalengke ako noong lunes.
"Ma'am, bakit po?" nakita ko siyang nakapameywang sa may sala.
"Nasaan yung damit ko? Yung bago?"
Kumunot ang noo ko. "Yung kulay pula po?"
"Oo! Yung dress na kabibili ko lang!"
"Ah, nasa labahin pa po eh."
"Ano?!" nakita ko ang pagkagulat sa mga mata niya.
"Hindi ba't sinabi ko sayong labhan mo yun kasi kailangan ko yun mamaya?!"
Ginapangan kagad ako ng kaba. "P-pero Ma'am hindi niyo naman po s-sinabi eh."
Totoo iyon. Noong huwebes niya lang binili ang magara niyang damit at nilagay niya lang sa labahan iyon. Kahapon ko lang nakita ang damit at alam niyang nakita ko iyon. Wala naman siyang sinabi na kailangan ko pala yung labhan kaagad.
"Ako pa ang gagawin mong sinungaling ha! Halika nga dito!" nahawakan niya kaagad ang braso ko at ramdam ko ang pagbaon ng mga kuko niya sa aking laman.
Kinuha niya ang tabo at sumalok ng tubig sa timba at ibinuhos sa akin. Sa gulat ko ay huli ko ng naalala ang nakatagong cellphone at earphone sa aking bulsa. Lihim ko yung nilabas at nilagay sa likurang bulsa ng short ko habang patuloy pa rin niya akong binubuhusan ng tubig. Kaso hindi ko inasahan na makikita niya ang cellphone na hawak ko kung kaya kinuha niya ito.
"Ito ba? Ito ba ang dahilan kung bakit hindi mo ginagawa ng maayos ang trabaho mo?"
"M-ma'am, huwag po-"
"Hindi! Ito ang dahilan kung bakit hindi mo ginagawa ng maayos ang trabaho mo! Aba, porket sumasahod ka lang tapos kakalimutan mo na ang trabaho mo? Hoy, para sabihin ko sayo Aryang, hindi kita pinapasahod para sa wala! Ayusin mo ang trabaho mo at kung hindi, sisisantehin kita!"
Hawak ang cellphone ko ay nilublob niya iyon sa tubig at hinagis sa lupa at tinapak-tapakan pa. Habang ginagawa ko iyon ay walang patid ang luha ko sa pag-iyak. Ilang beses akong hindi gumastos tuwing day off ko para lang mabili lang yun dahil pinag-iipunan ko yun para mayawagan ko sina nanay at tatay sa probinsya. Tapos ganoon lang kadaling masisira siya.
"Ayan! E di mas maganda para wala ka ng distraction sa trabaho! O' ano, magtatanda ka na?!"
Tatlo.
"Hoy! Aryang!" hindi pa natatapos ang buntong hininga ko ay naramdaman ko kaagad ang pagsabunot ni Ma'am sa buhok ko.
"Ma'am-"
"Bakit may gusot pa 'tong damit ko? Ha!" pinakita niya sakin ang laylayan ng damit niya. May meeting kasi ang anak niya sa eskwela at dahil iniwan siya ni Sir ay siya na lang ang pupunta, hindi gaya ng dati.
"Ma'am-" dedepensahan ko pa lang ang nagawa ko ay sinabunutan niya na naman ako. Nilapit niya ang mukha ko sa board.
"Magrarason ka na naman? Bwisit ka, dyan ka magaling eh!" ramdam ko ang galit sa pagsabunot sakin ni Ma'am.
*tuuug*
"M-masakit p-po-!" hindi na ako makapagsalita para magmakaawa sa kanya para tigilan niya na ako. Tumama pa ang ulo ko sa board at sa bakal na nagtatayo dito. Halos humiga na ang katawan ko sa sahig tapos kung hindi pa makokontrol ng katawan ko ang ulo ko ay paniguradong tatama ang ulo ko ng ilang beses sa sahig.
"M-ma'am-"
"Magsasalita ka pa! Ha! Wala ka talagang modo! Napakaiyakin mo!" mabilis niyang itinaas ang ulo ko at nagulat ako nang nasa harapan na ng mukha ko ang plantsa.
"Ma'am-!"
Apat.
*buuug*
Nagulat ako sa mabilis na pagbukas ni Ma'am sa kwarto ko. Nagtutupi ako ng mga damit habang nakikinig ng radyo nang halos sirain niya na ang pinto.
"Ma'am, b-bakit p-po?" kita ko ang nanlilisik niyang mata na walang iba kundi sa akin lang nakatutok. Pinatay ko ang radyo para maging tahimik ang paligid. Hindi ko direktang tinignan ang mga mata niyang halos patayin na ako sa galit. Hindi ko kasi kaya.
Nang padaanan niya ng plantsa ang mukha ko noong nakaraang araw, paggising ko na lang ay nahihirapan ng dumilat ang dalawa kong mata. Ang kanan ay naibubukas ko pa ngunit ang kaliwa, pilitin ko man ay hindi na. Namumula pareho ang mga balat na nagpoprotekta dito at kulay violet naman ang noo kong tumama sa bakal. Hindi pa kasama doon ang mga galos na natamo ng braso at kamay ko, kulay violet din sila at mukhang pasa na.
"Sabi ko gupitin mo ang mga sinulid na nasa laylayan ng short ko! Bakit hindi na naman maayos?!"
"P-po?" nanginginig kong tinignan ang short niya na iniharap niya sakin. Sasabihin ko pa lang sana na mukhang nagupit na lahat nang ihampas niya sakin ang short niya.
"Nakikita mo ba 'to, ha? Meron pa! Meron pa! Hindi mo ginagawa ng maayos ang trabaho mo! Punyeta ka talaga, malas!" sa likurang bahagi ng laylayan ng short niya at may nakita akong sinulid na hindi ko pa pala nagugupit. Kalahating pulgada lang ang haba ng naiwang sinulid na hindi ko pa nagugupit.
"Nasaan ang gunting?"
"P-po?"
"Ang gunting, bingi!" tumayo kaagad ako at kinuha ang gunting na nasa ibabaw ng cabinet ko. Binigay ko sa kanya at padabog niya pang kinuha iyon mula sa akin.
"Ginagalit mo talaga ako ha! Ayan! Akin na 'yan!" kinuha niya ang damit ko mula sa mga damit na galing sa labada at itutupi na.
"Humanda ka!" ginupit-gupit niya iyon. Ang manggas, ang laylayan,ang gitnang parte.
"Ma'am, huwag po. Parang a-awa niyo n-na..." pero para akong isang hangin sa kanya. Hindi naririnig. Hindi nararamdaman.
"Hindi! Hanggat hindi ka nagtitino, hindi ako titigil na pahirapan ka!" at hindi lang isang damit ko ang ginupit at sinira niya, marami pa. Halos hindi ko na mabilang.
Ilang beses akong nagmamakaawa sa kanya pero hindi niya ako dinidinig. Tumigil na lang siya ng may mag-doorbell sa labas at kinailangan niyang puntahan iyon. Naiwan akong nag-iisa sa kwarto, nagtitiis, tahimik na umiiyak, at walang magawa.
Lima.
Hindi ko kayang bumili ng bagong damit kahit sa ukay-ukay lang. Nagtitipid ako. Kailangan. Hindi pa kasi nabibigay ni Ma'am ang sahod ko kahit isang linggo na ang nakakalipas ang sahuran. Kaya naman wala akong pagpipilian kundi tahiin ang damit ko, kahit sobrang dami ng gupit ang natamo nito.
Hindi pa rin ako nakakabili ng bagong cellphone. Matatagalan bago ako makabili dahil kailangan ko munang magpadala sa probinsya. Balita ko kasi, bumalik na naman ang dating sakit ng itay.
"Ito na po ang pagkain niyo, Ma'am." nakangiti kong sabi habang inilalahad sa mesa ang ikalimang putahe na niluto ko. Hindi pa kasama sa bilang ang mga desert na ginawa ko.
"Pakiramdam ko, masarap ang inihain ni Aryang dito, Cynthia." sabi ng kaibigan ni Ma'am. Kilala nila ako dahil masarap daw ang luto ko.
Noon pa man, tuwing natitipuhan nilang kumain sa bahay ng amo ko, walang pag-aatubiling ako ang nauutusang magluto.
Tumingin sakin si Ma'am Cynthia, masamang tingin. "We'll see."
Tinitigan ko bawat isa ang mga kaibigan ni Ma'am. Walo silang lahat at halos mapuno na nila ang mahabang mesa na hapag-kainan.
"Masarap, Aryang! Hindi pa rin pala kumukupas ang sarap sa luto niya ah." nginitian ko ang kaibigan ng amo ko na nagsabi no'n. Nginitian lang din siya ni Ma'am.
"Nga pala Aryang, bakit dumadami yata ang pasa mo ngayon. Anong nangyayari sayo?"
Mabilis na nag-isip ang utak ko sa sasabihin. Kailangang maganda ang masasabi ko. Hindi yung sagot na lalong magpapainit sa ulo ng amo ko.
"Last month, we found out na may sakit si Aryang. Yung sakit kaunting bangga lang sa katawan ay nagkakaroon kaagad ng marka, ng pasa. Kaya nga hindi ko muna masyadong pinagtatrabaho si Aryang dahil ayaw ko siyang mapagod. Kaso nga lang, makulit at nagtatrabaho pa rin kahit di ko alam. Eh hindi ko naman mapigilan kaya sa pagtatrabaho ay nagkakaroon siya ng pasa." pagkatapos ay tinignan ako ni Ma'am.
Bumuka ang bibig ko, "sa kwarto lang po muna ako."
Ilang oras akong nanatili sa aking kwarto. Nang tinitigan kasi ako ni Ma'am kanina, hudyat iyon na kailangan ko ng pumasok sa kwarto para hindi na ako mapansin ng mga kaibigan niya. Sa pananatili ko sa loob ay marami akong nagawa, nagsulat ako ng sulat na ipadadala ko kina itay sa day off ko, nagbasa ng libro, nag-ayos ng gamit, at natulog.
"Aryang!"
*tok.tok.tok*
Nagising ako sa malakas na kalabog ng pinto.
"Aryang! Buksan mo 'to, Aryang!" hindi pa man ako nakakatayo ay naramdaman ko na ang panlalambot ng tuhod ko. Ano na naman bang nagawa ko?
"Hayop ka!" pagkabukas ko ay malakas na sampal ang aking natanggap.
"Ma'am-" tinulak niya ako kaya natumba ako sa double deck.
"Sinadya mo 'yon, ano?!"
"Yung a-ano po, M-ma'am?" nanginginig na ako.
"Hindi masarap ang luto mo kanina! Pinahiya mo ako! Gusto mo sigurong makaganti sakin, ano?!"
"Ma'am, hindi po-"
"Huwag ka ng magsinungaling! Alam mo ba, muntik na silang hindi makakain dahil sa tabang ng sinigang mo! Aba, anong gusto mong palabasin? Na mapapahiya mo ako? Walang hiya ka talaga! Halika nga dito!" gaya ng lagi niyang ginagawa ay marahas niyang hinablot ang braso ko.
"Ma'am-"
"Parang awa niyo na p-po-"
"P-please-"
Paulit-ulit akong nagmamakaawa sa kanya ngunit natigil lang ito nang makita ko kung saan niya ako dadalhin. Sa basement ng bahay.
"Ayan, dyan ka!" tinapon niya ako na parang hindi tao.
"Hindi ka makakakain kahit kailan! Mamatay ka sa gutom!" nang makita kong paalis na siya ay nabuhay ang dugo at tumigil sa kaiiyak.
"Ma'am! Ilabas niyo po ako dito parang awa niyo na! Hindi ko na po uulitin!" hinawakan ko ang kamay niyang sinasarado ang kandado ng bakal na pintuan.
"Hindi! Bitawan mo ko!" at tuluyan siyang nawala sa paningin ko.
Iyon ang huling beses nang makita ko ang amo ko-na hindi na ngayon.
Tapos na.
Nagtago ako sa bakuran sa tapat ng bahay nila. Doon ay nahiga ako para makapagpahinga.
Simula kasi nang makalabas ako ay ginawa ko kaagad ang plano ko.
Oo, nakalabas ako.
Kahit gaano pala kahirap ang sitwasyon, mayroon pa ring susi para malagpasan mo ang paghihirap na dinanas mo. At yun ang natutunan ko.
Napapikit ako sa pag-alala sa kung paano ako nakalabas. Isa't kalahating linggo ang inilagi ko sa basement. Hindi ako makatulog. Walang kain. At tanging lamig lang na humahalik sa katawan ang nararamdaman ko, pati ang kalam ng sikmura. Ilang luha ang inilabas ng mata ko. Ilang hagulhol ang pinakawalan ng bibig ko. Pero tila walang naririnig ang tao sa labas sa pagmamakaawa ko.
Pero kahit gaano ka man nahihirapan, gagawa at gagawa pa rin ang Diyos ng paraam para makawala sa sitwasyon mo.
Nakahanap ako ng hair pin para maging susi sa kandado. Ginamit ko rin ang maliit na lagari para masira ang bakal na nagkukulong sakin. At doon ay nakalaya ako.
Sa aking paglabas ay wala na akong naramdaman kundi ang pagkamanhid. Totoo. Saya na nakawala ako. Galit sa kung anong ginawa niya sa akin. Wala.
Lumandas ang mga luha sa aking pisngi nang buksan ko ang aking mga mata. Hindi ko inaasahan na hahantong ako sa ganito.
Tatlong taon akong nanilbihan kay Ma'am Cynthia. Sa una ay mabait sila sa akin. Buo ang pamilya nila na may isang anak. Abogado ang asawa ni Ma'am at siya naman ay may sariling negosyo sa kanyang boutique. Sa unang taon ay lagi nila akong sinasama saan man sila magpunta. Pero nang pangalawang taon na sa pagsapit ng February, doon lahat lumala ang mga pangyayari. Laging gabi umuuwi si Sir. Tapos nabalitaan na nambabae siya dahil may nakakita sa mga kaibigan ni Ma'am. Tuwing gabi pagkauwi ay sinasalubong siya ni Ma'am ng tanong, ng bunganga. Dahil sa dalas ng pangyayari ay narindi si Sir at sa unang pagkakataon ay nakita kong sinaktan niya si Ma'am. Hindi nagtagal ay naghiwalay sila. Nang mag-September na, doon ko unang naramdaman ang pag-init lagi ng ulo sakin ni Ma'am. Sa una ay pingot lang hanggang sa naging sampal sa sabunot sa hampas sa palo hanggang sa hindi ko na alam. Tapos laging delayed ang sweldo ko. Minsan isang linggo, dalawa, tatlo, at ang pinakamatagal ay isa't kalahating buwan.
Hindi ako nakapagsumbong sa awtoridad sa pagmamalupit niya sakin dahil bukod sa wala akong lakas ng loob ay pinagbabantaan niya rin ako. Ayaw ko din kasing malaman ng pamilya ko sa probinsya ang dinadanas ko, mas lalo silang mahihirapan.
Bakit hindi na lang ako lumayas? Wala akong mapapasukang trabaho. Kailangan kong kumayod. Kailangan kong magtrabaho para sa pamilya. At kapag umalis ako ay walang kasiguraduhan na may tatanggap sakin. Iyon ang natutunan ko pagpunta ko dito sa syudad.
Akala ko pagpunta ko sa syudad ay makakaahon na kami sa hirap. Ang syudad kasi para samin ay langit, paraiso, walang katulad. Madalas kaming makarinig ng mga kapatid at pinsan ko ng magagandang balita tungkol sa syudad. Lahat kami ay nangangarap na makatuntong dito at makapag-aral. Pero hindi kinaya ng pera. Dumating ang tiyo at tiya ko galing sa syudad, ang sabi nila ay kukuha sila ng isang karapat-dapat at isasabay sa kanilang pagbalik doon. Dahil takot mawalay sa pamilya ang iba kong pinsan, nagboluntaryo ako. Mas nanaig kasi sakin ang kagustuhang maiangat ang pamilya sa hirap ng buhay.
Sa pagtuntong ko ay sinuong ko ang polusyon, ang dami ng tao, iba't-ibang klase, at ang mga bagay na hindi ko inakala sa syudad. Doon ay nanakawan pa ako, hindi ko namalayan. Tapos nakita ko ang tunay na buhay ng tiyo at tiya ko. Nagkukunwari lang silang may maayos na buhay sa syudad kahit na ang totoo ay hirap na hirap din sila. Ipinakikita lang nila samin na maginhawa ang buhay nila.
Hanggang sa ipinakilala sakin ni tiya ang isa niyang kaibigan na nagbigay sa akin ng trabaho. Siya ang nagpakilala sakin sa pagtatrabahuhan ko, kay Ma'am Cynthia, at sa Villa Cecillia.
Maraming beses na dumapo ang mainit na plantsa sa iba't-ibang parte ng aking katawan. Dahil sa paulit-ulit na pangyayari ay namanhid hindi lamang ang katawan ko ngunit pati na rin ang aking loob. Ibinuhos niya na rin sakin ang mainit na tubig. Kinurot-kurot at hinampas-hampas na animo'y hindi ako nasasaktan. May isang beses na hinampas niya ako ng walis mula sa likod ko nang hindi ko inaasahan. At ilang beses niya akong pinagpapalo ng malalaking tupperware na halos ikasira na ng mga buto ko sa katawan. Pero wala ng mas hihigit pa sa pagtutok niya sakin ng kutsilyo dahil sa kanyang galit. Tatlong pulgada na lang ang layo ng kutsilyo sa aking mukha at isang saksakan lang ay maaabot ko na ang aking kamatayan.
Kinuyom ko ang aking kamao.
Naalala ko ang naging dahilan ko upang lumuwas dito at magtrabaho. Ang aking pamilya. Pero kanina lang, nabalitaan ko na patay na si tatay.
Sobra akong nanghina. Para akong pinatay ng paulit-ulit.
Huminga ako ng malalim. Oras na.
Naglakad ako palapit sa bahay. Inilabas ko ang lighter sa aking bulsa. Nabuhusan ko na ng gas ang buong bahay kaya wala ng makakapigil sa plano ko.
Noong pumasok ako dito, akala ko saya ang maidudulot nito sa akin. Pero taliwas iyon sa tunay na nangyari.
Inihagis ko ang lighter na sinindihan ko na sa loob ng bahay. Nakita ko ang pagkalat ng mumunting apoy hanggang sa kainin na nito ang buong bahay. Narinig ko pa ang boses na madalas akong sinisigawan dati-humihingi siya ng tulong.
Ito ang magiging kabayaran sa p**********p mo sakin. Sa lahat ng luha, galos, sugat, hinanakit, at hinagpis na idinulot mo.
Tumalikod na ako at naglakad palayo kasabay ang mga sigawan at labasan ng mga taong katabi ng bahay na pinaglingkuran ko dati.
Paalam sayo, Villa Cecillia.