"Congrats Gemma!" masaya na bati ni Gilroy mula sa gilid ko at nagtataka napatingin ako sa kanya.
"Congrats? Para naman saan?" nagtataka na tanong ko sa kanya at ngumiti siya.
Kapapasok ko pa lang ng cafeteria para mag-lunch ng sabayan ako ni Gilroy. Absent si Maggie ngayon dahil masama ang pakiramdam niya kaya wala akong kasabay na kumain. Siya lang naman kasi ang lagi kong kasama although marami naman akong kaibigan.
"Balita ko kasi kasama ka na sa top five para sa managerial training kaya gusto kita batiin," sagot niya.
"Ha? Wala pa naman result until next month kaya paano mo nasabi na kasama ako. Marami pa rin kaming natira at sa tingin ko mas may potential sila compare sa akin," tugon ko at ngumiti siya.
Hindi sa wala akong tiwala sa sarili ko pero nakita ko rin naman ang effort ng mga kasama ko. Hindi madali ang pinapagawa nila sa amin pero pinipilit ko ibigay ang total performance ko. Hindi man ako mapili at least masabi ko na ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Lagi sinasabi ni Lola na kung hindi ko susubukan ang isang bagay hindi ko malalaman kung kaya ko ba o hindi.
"Alam mo Gemma obvious naman na may potential ka. Bilib nga ako sa lakas ng loob mo dahil hindi lahat ay kaya mag-apply sa ganun na position kahit na iyong matagal na rito. Bukod kasi sa malaki ang responsibilidad na haharapin may kasama pang pressure galing sa taas," paliwanag niya.
"Sinubukan ko lang naman kung makapasa ako. Hindi ko naman akalain na makakaya ko pala. Para kasi sa akin malaking opportunity iyon para mas ma-improve ko pa ang sarili ko. Lahat naman ng gawin natin ay may malaking responsibilidad at lagi rin naman may pressure. Kung sakali na mapili ako sobrang pasasalamat ko at kung hindi naman okay lang din sa akin," tugon ko at nakangiti tumingin siya sa akin.
Nakaramdam ako ng pagkailang dahil sa reaksyon niya kaya umiwas agad ako nang tingin. Pumila na ako sa counter para kumuha ng pagkain at kasunod ko naman siya. Tumingin ako sa paligid para maghanap ng bakanteng upuan na pwede kong pwestuhan. Bitbit ko ang tray ko naglalakad na ako sa pwesto nakita ko kanina. Inaasahan ko na pupuntahan ni Gilroy ang mga kaibigan niya kaya nagulat ako ng umupo siya sa karapat ko na bangko. Gusto ko sana siya itaboy pero ayaw ko naman maging bastos kaya hinayaan ko na lang siya. Maya-maya lang ay nakita ko ang grupo ni Kimberly papasok ng cafeteria at nag-salubong ang tingin namin. Kitang-kita ko kung paano nagbago ang ekspresyon ng mukha niya nang makita niya si Gilroy.
"Hindi mo ba pupuntahan sina Kimberly?" tanong ko at lumingon naman si Gilroy sa direksyon ng tao na tinutukoy ko.
"Dito na lang ako may mga kasama naman siya," nakangiti na tugon niya at yumuko ako saka ipinagpatuloy ang pagkain ko.
Sinadya ko na bilisan ang pagkain para makaalis na agad ako. Ramdam ko kasi ang matatalim na tingin ni Kimberly sa akin. Alam ko na ang tumatakbo sa isip niya ng mga oras na iyon.
"Okay ka lang ba, Gemma?" nagtataka na tanong niya at marahan na tumango ako.
Nagulat ako nang bigla niya hawakan ang kanang kamay ko at napatingin ako sa kanya. Agad ko binawi ang kamay ko ng marealize ko ang ginawa niya at alanganin na ngumiti siya.
"Kung si Kim ang dahilan kaya ka umiiwas sa akin huwag ka na mag-alala. Kinausap ko na siya ng masinsinan at saka alam naman niya kung sino talaga ang gusto ko. Please Gemma bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan ko sa iyo na seryoso ako sa nararamdaman ko," pagsamo niya at huminga ako nang malalim.
"Gilroy mabuti kang tao pero sorry talaga dahil may boyfriend na ako at mahal na mahal ko siya," tugon ko at nakita ko na bumagsak ang balikat niya saka tumungo.
"Hindi ako naniniwala na may boyfriend ka. Sinasabi mo lang iyan para tumigil na ako at layuan ka. Alam kong ginugulo ko nila at dahil iyon sa akin," sabi niya pagkalipas ng ilang minuto na katahimikan.
"Maniwala ka man o hindi sa sinasabi ko nasa iyo na iyon. Kung hindi mo kayang tanggapin na kaibigan lang ang maibibigay ko sa iyo ay mas mabuti nga siguro na layuan mo na ako. Wala akong intensyon na manakit ng damdamin kaya mas mabuti pa na tanggapin mo na lang," tugon ko bago ako tumayo at naglakad na papalayo sa kanya.
Diretso na ako sa locker room para ma-retouch ng make-up. Pagdating ko ay kinuha ko ang phone ko at tiningnan ko kung may message si Troy. Maaga kasi siya umalis kanina dahil kailangan niya kausapin ang Papa niya. Napangiti ako ng mabasa ko ang message niya. Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng excitement dahil sa bahay ulit siya matutulog.
"Iba ka rin Gemma!" nangungutya na boses ni Kimberly mula sa may pinto at huminga ako nang malalim dahil alam ko na ito ang mangyayari.
Pagkatapos ko ipadala ang reply ko ay tumayo na ako at binalik na ang phone ko sa bag. Hindi ko siya pinansin kahit na alam kong nakamasid siya sa akin. Kinuha ko na ang toothbrush ko at pumunta sa banyo. Nakasandal siya sa may pinto ng banyo paglabas ko at nalampasan ko lang siya pero sinundan niya ako.
"Pagkatapos mo makipag-landian kay Gilroy ngayon naman ay may iba ka pang kalandian. Hindi ko talaga matukoy kung ano ba ang nagustuhan ni Troy sa iyo," sabi niya at tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Kung sa tingin mo ay pakikipaglandian na ang ginawa ko kanina, ikaw na ang bahala. Kahit sabihin ko na hindi at nag-uusap lang kami habang sabay na kumakain alam kong hindi ka maniniwala. Hindi ko rin obligasyon na magpaliwanag sa iyo. Tungkol naman sa huli mong sinabi siya na lang siguro ang tanungin mo," tugon ko at naningkit ang mga mata niya.
"Pasalamat ka Gemma hindi ako pumapatol lalo na sa mga katulad mo na trying hard para lang maging belong. Masyado kang bilib sa sarili mo at kaya lang naman malakas ang loob mo kasi sipsip ka. Ngayon pa lang sinasabi ko na sa iyo na huwag mo na asahan na makasama ka sa Training dahil hindi ka roon nababagay. Take note huwag ka rin pabibo at pasikat dahil hindi lahat natutuwa sa ginagawa mo," pang-iinsulto niya at napangiti lang ako.
"Salamat," nakangiti na tugon ko at para siyang dragon na umuusok ang ilong.
Tiningnan niya ako ng masama saka padabog na lumabas ng locker room. Nanghihina na umupo ako at huminga ng malalim. Ume-echo sa isip ko lahat ng sinabi niya at kahit hindi naman totoo ay masakit marinig mula sa ibang tao. Tumingala ako para pigilan ang nagbabadyang luha na gustong kumawala sa mga mata ko. Kinuha ko ang makeup kit ko at nag-retouch na ako bago bumalik sa trabaho ko. Mas kailangan ko patunayan na karapat dapat ako sa trabaho ko. Hindi ko dapat hayaan na sirain ni Kimberly ang mood ko.
"Nakauwi na kaya siya?" tanong ko habang nakatingin sa phone ko.
Katatapos lang ng shift ko at palabas na ano ng building. Nagtataka ako kasi hanggang ngayon ay wala pa rin reply si Troy sa message ko mula kaninang lunch break ko. Nag-message ulit ako ngayon para tanungin kung ano ang gusto niya na lutuin ko pero wala rin reply. May mga stock sa bahay kaya hindi ko na kailangan mamili. Sumakay na ako sa dyip at ilang sandali lang ay nakarating na ako sa Apartment na tinutuluyan ko. Pagbukas ko ng bag ko para kunin ang susi ay naramdaman ko ang pag-vibrate ng phone ko at napangiti ako.
"Hello po, Lola!" masaya na bati ko.
"Kumusta po?" tanong ko habang binubuksan ko ang pinto.
"Okay naman ako Gem. Ikaw, kumusta ka? Nakakaistorbo ba ako sa iyo?" tugon niya at napatawa ako.
"Kahit kailan Lola hindi ka po nakakaistorbo sa akin. Mabuti naman po at okay po kayo. Nabili na po ba ni Mela ang mga gamot na kailangan mo?" tanong ko at siya naman ang tumawa.
"Sobra-sobra naman ang pinadala mo sa amin. Paano ka makakaipon kung lagi ka na lang nagpapadala? Hindi naman ganun kadami at kamahal ng mga iniinom ko. Pakiramdam ko naman ay okay na ako kaya hindi ko na kailangan iyong mga gamot," sabi niya at umiling ako.
"Hay naku Lola, huwag mo na po alalahanin iyon kasi ang mahalaga po sa akin ay ang kalagayan mo po. Kaya nga po ako nandito para po mabili ko lahat po ng pangangailangan mo po. Hangga't hindi po sinasabi ng Doctor na okay na po kayo ay kailangan natin sundin ang mga bilin po niya," paalala ko sa kanya.
May hypertension si Lola kaya marami ang bawal sa kanya at dala na rin ng edad niya kaya kailangan siya i-monitor. May mga gamot siya na kailangan inumin at every month ay may check-up din siya. Gustuhin ko man na mag-resign para ako mismo ang mag-aalaga sa kanya pero mas kailangan ko magtrabaho para sa mga panggastos niya. Malakas pa naman si Lola para sa edad na sixty-eight pero bilin ng Doctor na hindi siya pwede mapagod o ma-stress.
"Kumain ka na ba?" tanong niya.
"Hindi pa po Lola, kararating ko lang po galing sa trabaho po. Kayo po, kumain na? Huwag po kayo magpapalipas ng gutom at huwag po ninyo kalimutan ang mga gamot po ninyo," bilin ko.
"Para kayong sirang plaka ni Mela, paulit-ulit ang mga sinasabi niya," yamot na tugon niya at natawa ako.
"Syempre po Lola para naman po iyon sa iyo. Nangako ka po sa akin na hindi ka mawawala sa kasal ko kaya dapat hindi po kayo magkasakit," nakangiti na sabi ko.
"Naku kailan ba iyon mangyayari, Gem? Hanggang ngayon nga ay wala ka pa ipinakilala sa akin na nobyo mo o manliligaw. Baka naman sinusungitan mo na naman ang mga lalaki na nagtatangkang manligaw sa iyo kaya natatakot. Ikaw ba ay may balak pa mag-asawa? Ilang taon na lang wala na sa kalendaryo ang edad mo," usisa niya at bigla ko naalala si Troy.
Gustong-gusto ko na sabihin kay Lola kung sino ba ang boyfriend ko pero ayaw ko naman siya mabigla. Naghahanap pa ako ng magandang timing para sabihin ko sa kanya ang lahat. Gusto ko rin na handa kaming dalawa ni Troy lalo na ako. Kung sakali na ma-promote ako kahit paano hindi na alanganin ang sitwasyon namin. Hindi naman kami huhusgahan ni Lola pero alam ko na ang sasabihin niya tungkol sa amin. Hindi siya naniniwala na hindi magiging hadlang ang estado sa buhay ng dalawang taong nagmamahalan. Para sa kanya ay iba ang mundong ginagalawan ng mga taong mayayaman at ng mga taong katulad namin.
"Lola, huwag ka po mainip malapit na," sabi ko.
"Sana nga. Bago sana ako mawala sa mundo ay panatag ang loob ko na may mag-aalaga at magmamahal sa iyo. Nangako ako sa mga magulang mo na hindi ko hahayaan na masaktan ka. Hindi naman ako naghahangad ng kung ano pa man basta gusto ko lang ay kaya ka niya mapasaya at protektahan. Mamahalin ka kung paano ka magmahal," paalala niya at napatingin ako sa picture namin ni Troy nakapatong sa ibabaw ng kabinet.
"Kumain ka na muna bago ka magpahinga. Alam kong pagod ka sa trabaho mo. Huwag ka makalimot magdasal at mag-ingat ka palagi Apo. Miss na miss na kita," sabi ni Lola.
"Ikaw din po Lola lagi ka pong mag-ingat at huwag mo po pabayaan ang sarili mo po. Mahal na mahal po kita at sobrang miss na po kita," tugon ko bago siya nawala sa kabilang linya.
Kinuha ko ang picture frame nasa ibabaw ng kabinet ko at umupo sa gilid ng kama. Picture namin ni Troy noong nag-celebrate kami ng first anniversary sa Tagaytay. Sobrang saya ko ng araw na iyon dahil magkasama kami at hindi niya nakalimutan. Akala ko ay pumunta lang kami roon para kumain at mag-sight seeing pero hindi ko inaasahan na may supresa pala siya sa akin. Wala akong pinagsisihan dahil worth it lahat ng sakripisyo, oras at attention ko para sa relasyon namin ni Troy. Kakayanin at gagawin ko ang lahat para maging katanggap tanggap ako para kay Troy.
"Mahal mo ako at mahal din kita. Alam kong hindi mo ako pababayaan at hinding-hindi mo ako iiwan. Pinaparamdam mo sa akin kung gaano ako kahalaga sa buhay mo kaya alam ko na hindi mo magagawa na saktan ako. Kung pwede lang sana pero hindi pa ito ang tamang panahon. Ikaw lang ang lalaki na gusto ko makasama hanggang sa huli," emosyonal na sabi ko habang pinagmamasdan ko ang picture namin.