Limelight
AiTenshi
March 30, 2017
"Samantala, balitang showbiz naman tayo mga katropa. Mainit na usapin ngayon ang pag remake sa isang sikat na Hollywood movie na ang title ay "Brokeback Mountain". Ito ay isang gay themed film na kinabibidahan nina Heath Ledger at Jake Gyllenhaal. Ang pelikulang ito ay sumikat noong taong 2005 na may budget na 14million US dollar at naging Box office na mayroon 178.1 million US dollar. Ngayon 2017 ay pinag p-planuhan ang pag gawa ng kaparehong kwento at sa pag kakataong ito ay dito na sa bansa gagawin ang naturang pelikula. Maraming sikat na artista ang napipiga upang gumanap sa role ng mga bidang tauhan at sa pag kakataong ito ay abala na ang management sa pag pili ng karapadapat sa pinoy version ng brokeback mountain.
Ilan naman sa mga lalaking artistang pinag uusapan sa mga social media ay sina Jevan Monsuni, Albert Rogondola, Jaspher Santos, Rico Ramos, Niko Cruz at Mark Kiko Peralta. Halos hindi na rin nila maitago ang excitement sa naiibang pelikula ng taon.”
"Oh diba, atleast kasama ka sa pinag uusapan sa social media. Iyan ang patunay na napapansin kana ng mga tao." ang wika ng aking manager habang nanonood kami ng telebisyon.
"Na gumanap sa isang gay themed na movie? Hindi nalang.." sagot ko naman.
"Bakit hindi Kiko? Isang malaking break ang nag hihintay sa career mo kung sakaling ikaw ang makuhang star ng brokeback mountain na iyan. Alam mo naman hindi sapat yung pa extra extra at pa sabit sabit natin sa mga sitcom at pelikula, saka ano bang kinatatakot mo? May talent ka naman sana diba?" sagot niya.
"Eh kung mag quit nalang kaya ako sa showbiz at ipag patuloy ang aking pag aaral? Tutal 3rd year naman na ako pag pasok sa kolehiyo." tugon ko.
"Hindi naman tama na mang iwan ka sa ere hano. Ang pag aaral ay walang pinipiling edad, maaari kang mag aral habang nag aartista. May mga online subjects naman na pwede mong ienroll. Pero ito Kiko, itong project na ito ang mag dadala sa iyo sa rurok ng tagumpay. Ano IN ka ba o OUT? Malaki pa naman ang chance mo. Sabi nga ni Direk Jojo Marquez ay nakikita ka niya sa role ni Jake Gyllenhaal."
"Syempre IN ako kung sakali. Pero ayokong umasa. Ganyan din ang nangyari last year eh, isa dapat ako sa gaganap na kalaban ni Darna sa movie pero di naman ako nakuha Full na raw ang casting. Umasa lang ako sa wala." reklamo ko sabay salpak ng earphone sa aking mag kabilang tenga.
"Nasulot naman tayo noon, pero this time.. Ramdam ko na sa atin ito Kiko." salita pa niya ngunit hindi ko na siya pinansin. Itinuon ko nalang ang aking atensyon sa pakikinig ng musika sa aking cellphone.
Part 1
Ako si Mark Kiko Peralta, 22 taong gulang at kasalukuyang nakikipag saparalan sa makinang na mundo ng showbiz. Ako ay may taas na 5'10 at may maayos na pangangatawan. Syempre kapag lumalabas ka sa telebisyon ay dapat kaaya aya ang iyong pisikal na anyo dahil ito ang iyong puhunan. Halos isang taon palang ako sa spotlight, sumali ako sa isang talent search sa tv at iyon ang nag bigay daan sa akin upang makilala. Bagamat hindi naman nanalo sa naturang kompetisyon.
Naalala ko nga noong nag audition ako sa starstruck batch 1, top 50 lang ang inabot ko. Wala daw kasi akong dating at patpatin pa. Sumubok rin akong sumali sa Star Circle Quest pero agad din akong na OUT. PGT, Talentadong Pinoy, Mr. Pogi at kung ano ano pa. Lahat ng iyon ay ligwak ako at wala akong naiuwi ni isang panalo. Minsan nga ay ayoko na rin maniwala sa kakayahan ko at sa tingin ko ay wala akong guts para gawin ang ganoong bagay. Kaibahan naman ito sa persepsyon ng aking pinsan na si Dada, nasa edad 30 na siya at tumatayong manager ko sa lahat ng kontest o raket na aking sinasalihan.
"Nakaka sawa na kasi ang mga love story na pinapalabas sa telebisyon. Mga lalaki at babaeng nag kakaibigan, mga batang nag kaka anak, mga batang kumakarengkeng, mga mistress, kabitan at iba pa. Kaloka.. Gusto naman namin ng fresh, yung delikado, yung pang kaluluwa." ang paliwanag ng direktor ng naturang pelikula.
"So ano naman ang delikado at pang kaluluwa na tinutukoy mo? Ito ba yung gay themed movie na pinag pplanuhan ng produksyon?" tanong ng media.
"Marahil iyon ang kasugatan, sa tingin ko naman ay handa ang mga pinoy na yakapin ang ganitong uri ng pelikula. Kung sa Amerika ay niyakap ito ng buong puso at kaluluwa, bakit hindi rito?"
"Kung sa bagay Direk, dapat talaga ay gumawa tayo ng bago at fresh. Eh sino naman kaya sa mga artista natin ang gaganap sa mga bidang tauhan ng pelikulang iyan? Alam mo naman sa original na movie ng Brokeback Mountain, mayroong daring scenes katulad ng kissing at s*x scene. Handa na ba ang mga kalalakihan natin sa ganyan?" ang tanong ng media.
"Dapat ay maging handa sila. Sa tingin ko ay kailangan natin mga pa audition. Pero mayroon na akong isang artistang napipiga para gawin ang isang role. Siya ang pinaka Hottest at pinaka sought after bachelor ng bansa. Fresh na fresh ang kgwapuhan ng batang ito. Siya si Jevan Monsuni." wika ng direktor
"Ah si Jevan Monsuni, isa sa finalist ng singing contest sa ibang network at may ilang album na rin. Naka kitaan ito ng husay sa pag arte kaya’t pumasok na rin sa big screen. Hindi pa ito nag kakaroon ng major role sa mga pelikula pero sa kagwapuhan niya ay tiyak na pag pi-piyestahan ang pelikula mo direk. Teka, dun sa isang lead role mayroon ka ba napipiga?" ang tanong ng media
"Sa ngayon wala pa, pero nag padala na kami ng mga imbitasyon sa piling mga artista na maaaring gumanap sa role. Pag kalipas ng ilang buwan ay ipapakilala na namin sila sa publiko." naka ngiting tugon ng direktor sabay walkout.
Pinatay ko ang telebisyon at nag basa na lang ng script ko sa isang sitcom kung saan ako mag g-guest mamaya. Kung ako ang tatanungin, syempre gusto ko rin namang maiangat ang career ko kahit papaano kaya minsan ay sumasagi rin sa aking isipan ang role na iyon kahit daring at malayo sa aking personalidad.
Tahimik..
Habang nasa ganoong pag babasa ako ay siya namang pag pasok ni Dada dala ang isang sobre na nag lalaman ng isang imbitasyon. Tuwang tuwa ito at hindi maitago ang excitement. "Kiko, heto ang pinaka aabangan natin! Ang imbitasyon sa pag aaudition mo sa lead role ng Brokeback Mountain. Gusto mo bang basahin ko?" tanong nito.
"Ang alin?" tanong ko.
"Edi yung sample script na iaarte mo doon sa audition. Ang kailangang suot mo ay maong na sira at naka hubad ka lang. So dapat maganda ang katawan mo. Tumayo ka nga dito." ang utos nito kaya naman tumayo ako at nag alis ng pang itaas na damit.
"Hala, maganda ang chest mo. Pero ang tiyan mo medyo may taba. Kailangan mong mag gym. Kailangan hunk at putok ang katawan. Teka ha, gwapo naman ang pez mo, makinis at matinee idol ang dating. Yung tiyan mo lang talaga. Mag start kana mag gym bukas." komento nito.
"Busy ako, saka bakit kailangan pang mag gym? Okay na ito." tugon ko naman.
"Hala, believe me Kiko hindi okay iyan. Iwas iwasan mo kasi ang pag kain ng maraming kanin para mawala iyang bilbil mo. Saka hello, nakuha na ni Jevan Monsuni ang isang slot. Unkabogable na ang lolo mo doon kaya paniguradong kukuha sila ng kasing hot nito. Dapat ay humabol tayo sa kakera! Kayang kaya mo iyan Kiko!"
"Okay sige, pero last ito. Kapag sumablay tayo dyan ay babalik nalang ako sa pag aaral. Ano deal?"
"Sige deal! Oh basahin mo na itong sample script. Kailangan ng intense na feelings ha." saad niya sabay lahad sa akin ng isang band paper na may print ng linya.
Binasa ko muna ito gamit ang aking mga mata. "Naguguluhan ako sa aking sarili, hindi ako bakla ngunit kapag kasama kita ay nang hihina ang aking tuhod, tumitibok ng mabilis ang aking dibdib na para bang lalabas ang aking puso sa matinding kaba at tuwa. Nakakabaliw ang nararamdaman kong ito para sa iyo Ruben. Halikan mo ako at sabihin mo sa akin na mahal mo rin ako katulad ng pag mamahal ko sa iyo."
Napakunot ako ng noo. Masyadong maramdamin ang linya at sa tingin ko ay ibayong emosyon ang kailangan ilaan dito. Binasa ko ulit ang ikalawang sample script.
"Nakakabaliw ang halik mo Ruben, ang labi mong malambot at ang hininga mong mainit na dumadampi sa aking ilong. Hayaan mong paligayahin kita ngayong gabi at sisiguraduhin kong makakalimutan mo ang kasintahan mo. Atin ang mag damag na ito, ang katawan mo at katawan ko ay magiging isa at lilikha tayo ng masayang ala-ala mula rito."
Natahimik ako..
Hindi ko alam kung paano ko babasahin ito ng malakas sa harap ni Dada. "p**n yata ang role na ito ah. Bakit parang malandi ang dating? Bakit parang punong puno ng pag nanasa? Brokeback mountain ba ito o Init kapirasong banig?" tanong ko sa aking manager. "Parang hindi ko yata kaya iyan."
"Kaya mo iyan. Think positive lang. Saka huwag kana mag reklamo dyan Kiko. Meron ka na lamang isang buwan para pag handaan ang audition na iyan. Palabasin mo yung abs mo para masindak sina Albert Rogondola noh."
"One month para mag ka abs? Tangina! p*****n ba? Bahala na. Basta focus muna ako roon sa sitcom." sagot ko naman sabay lundag sa aking higaan.
"Huwag mo na masyadong damdamin iyang sitcom na iyan. Kaya nga sitcom meaning situational comedy add live nalang at punch line ang mag dadala. Dyan ka mag focus, pag nakuha natin ang role tiyak na tiba tiba tayo. Mapupunta pa tayo sa ibang bansa o else maiikot natin ang buong mundo. Oh diba? Winner!"
"Umabot agad sa ganyang level? Gagawin ko ang best ko. Kung para sa akin ay para sa akin." sagot ko naman.
"Tama iyan Kiko, gawin mo ang best mo. Yung sagad, yung bongga yung todo!!"
Edi ayun nga ang set up, noong matanggap ko ang imbitasyon para mag audition sa role ni Lito (lead role sa pelikula kapareha ni Ruben) ay agad na akong nag handa. Madalas akong rumakaret sa mga sitcom at mga noon time show sa araw araw kaya't kahit paano ay kilala naman ako ng mga tao, iyon nga lang ay hindi ako star dito dahil mas maraming malalaking pangalan at sikat na personalidad ang pino-focus sa camera upang kuhanan ng close up. Bale wala naman sa akin iyon, ang mahalaga ay may kinikita ako pang tulong sa pamilya ko sa probinsya namin sa Cabanatuan.
At dahil nga pinag hahandaan ko ang role para sa audition, nag laan ako ng mga araw para sa gym at sa pag eensayo ng linya para maging epektibo ito. May mga araw kasi na bakante talaga ako kaya't dito ko inilalagay ang aking mga pag hahanda. "Abs? Sa loob ng isang buwan? Takte, imposible ang nais mo pare. Saka ka nalang mag palabas ng magandang katawan kapag natanggap kana sa role. Kung gusto mo palang mag karoon ng magandang katawan dapat ay noon kapang nakaraang taon nag simula." natatawang wika ng kaibigan kong gym instructor na si Gino.
"Ganoon talaga. Ayoko namang mag mukhang pulubi sa tabi ni Albert Rogondola, Niko Cruz."
"Ah si Albert ba? Madalas dito dati iyan. Maganda ang abs ng lokong iyan. Nung sumikat at nag karoon ng kaunti ay lumipat na ng ibang gym kasama yung mga friends niya from the upper upper daw. At si Niko Cruz naman ay nakita ko lang dati. Bakla iyon maniwala ka. Pumipilantik ang daliri eh." tugon niya.
"Kahit na, maingay ang pangalan nila sa role kaya't ayokong mag pahuli. Ano tutulungan mo ba ako?" tanong ko.
"May magagawa pa ba ako? Barkada mo ko kaya't di naman kita pwedeng ilaglag. Pero di ko maipapangako na makukuha mo ang katawang gusto mo sa loob ng isang buwan ha. Ang lahat ay naka depende sa iyo."
"Ayos! Simulan na yan!" excited kong tugon.
Yun nga, simula noong araw na iyon ay nag pursige na akong mag paganda ng katawan. Sa unang gabi ay naging baldado ako, maga ang aking katawan at masel dahil sa sobrang pag bubuhat. Halos di ako makagalaw dahil sa tindi ng p*******t ng aking kasukasuan. Ngunit gayon pa man ay tuloy tuloy pa rin ang aking ginawang pag hahanda. Hindi na ako kumain at pinilit paliitin ang aking tiyan para mas mabilis humubog ang abs mula dito. .Lahat halos ay sinubukan ko, boxing, muay thai, kick boxing, yoga. Bitin dito, sabit doon, buhat dito at buhat doon. Push up, curls up, barass lahat ng deadly ay sinubukan ko na rin. Sa araw ay nag ttrabaho ako sa gabi naman ay nag wowork out.
"Kiko, anak bakit pinapatay mo ang sarili mo sa pag wowork out. Halika dito at kumain kana muna. Paborito mo ang bototay ng Cabanatuan diba? Heto at dinalhan kita." naka ngiting bati ni mama noong dumalaw siya sa aking unit.
"Maaa, ayokong kumain. Baka tumaba nanaman ako. Binabash na nga ako sa twitter at f*******: eh. Mukha na raw akong longganisa." sagot ko habang naka dapa.
"Aba e ano naman. Masarap ang longganisa, ibig sabihin ay masarap ka." ang sagot ni mama habang natatawa.
"Kiko, kumain kana. Kalayo ng byahe mula sa Cabanatuan hanggang dito. Nag effort kami ng mama mo mag drive para lang dalhin dito ang paborito mong pag kain. Saka balita ko mag aaudition ka sa isang pelikula na ang tema ay kabaklaan? Sigurado ka ba sa gagawin mo?" tanong ni papa.
"Kaya nga ako nag hahanda papa. Saka malaking produksyon yon. Ang mahalaga ay mag ka project. Audition lang naman iyon, kung hindi ako makapasa ay babalik nalang ako sa Cabanatuan para mag aral." tugon ko.
"Kung saan ka masaya anak. Basta hindi mo napapa bayaan ang sarili mo. Kami naman ng mama mo ay parating naka handang umalalay sayo." tugon ni papa.
Natuwa ako sa sinabing iyon ni papa, ang akala ko talaga ay tutulan niya ang pag aaudition ko sa pelikula. At dahil nga masaya ako noong mga oras na iyon, hindi ko namalayan na nasa bibig ko na pala ang bototay na dala ni mama at noong araw ring iyon ay napakain nanaman ako ng marami. Ah basta bukas mag hapon akong hindi kakain para makabawi sa pandaraya ko ngayong araw. "Ang sabi sa akin ni Dada ay masyado kang naka subsob sa trabaho. At sa gabi ay nag ggym ka pa. Baka naman mabaldado kana niyan." puna ni papa.
"Ganoon talaga pag artista pa, kailangan parating presintable. Kapag nakita ka sa publiko na hindi maayos ang itsura mo ay tiyak na pipicturan ka nila at ipopost nila sa social media na may panget at pang lalait na caption. Alam mo naman ang mga tao ngayon, lahat sila ay hurado ng sarili mong buhay." paliwanag ko.
"Nasa iyo na iyon kung paano mo ihahandle ang mga puna sa iyo. It will make you or break you. Sa kaparehong paraan magiging malakas ka o mahina. Iyan ang sumpa sa mga public figure na pinag p-piyesta ng madla." tugon ni papa.
"Minsan talaga ay mapapa mura ka nalang eh." wika ko.
"Sshh anak huwag kang nag sasalita ng ganyan sa harap ng pag kain. Gusto mo bang layuan ka ng grasya? Mamaya nyo na nga pag usapan ang tungkol sa lipunan. Tapusin muna natin ang pag kain." suway naman ni mama.
"Pasensya na ma." mahina kong tugon at ipinag patuloy ko ang pag kain.
Malaking bagay ang suportang natatanggap ko kina mama at papa. At dahil dito ay lumalakas ang aking loob na mag pursige at gawin ang mga bagay na hindi ko akalaing magagawa ko. Kaya naman sila ang inspirasyon ko upang mas maging mahusay sa daan na aking pinili. Bagamat noong una ay talagang hindi sila pabor na huminto ako sa pag aaral. Noong lumaon ay sinuportahan nalang nila ako at tinanggap batay sa kung ano man ang aking naging desisyon.
Sa pag lipas ng mga araw ay itinuloy tuloy ko ang pag hahanda para sa nalalapit na audition. Kompiyansa naman ako sa aking sarili na matatanggap ako kung pag babasehan ay ang galing sa pag arte. Iyon nga lang ay mas sikat at mas magandang lalaki sina Rogondola at Niko. Bukod pa roon ay marami na rin silang experience sa mga pelikula kasama ang mga bigating artista. Si Jevan naman na unkabogable ay malawak ang fan base. Kapag nag lalabas ito ng album o ng music video ay parating top 1 sa local chart. Ako naman ay pasegway segway lang kung saan maisiksik ng aking manager Medyo malayo ang agwat nila kung tutuusin.
At makalipas nga ang isang buwan ay dumating ang araw ng audition para sa Filipino remake ng pelikulang Brokeback Mountain. Kumakabog man ang aking dibdib sa pag lalakad sa hallway ng naturang venue ay hindi ko ito ininda. Basta naka tuon lang ang aking atensyon sa pag nanais na mabago ang takbo ng aking career.
"Oh Kiko, relax ka lang ha. Basta mag focus ka sa line mo at dapat intense ang feelings." paalala ni Dada.
Tango lang aking sinagot sabay hinga ng malalim. At dito ay marahan kong binuksan ang pinto ng audition room..
Mula sa aking kinatatayuan ay sumalubong ang malakas na liwanag na nag mumula sa loob buong silid. Nakaka silaw ito at nag bibigay ng kakaibang pakiramdam..
Ito na ang oras upang ipakita sa lahat ang tunay na talento ni Mark Kiko Peralta Jr.
Itutuloy..