IKA-DALAWAMPU’T ANIM NA PATAK:

1649 Words
“IKAW pala ang pinahahanap ng inay sa akin.” Napalingon si Juniel sa babaeng bigla na lamang nagsalita sa kanyang likuran. Pilit niyang iniyuko ang kanyang ulo upang hindi nito mapansin ang kanyang kapangitan. Pag nagkataon ay baka bigla na lamang itong magtatakbo. Hindi na lamang siya umimik habang iniiwasang matitigan ito. “Kakain na raw ng panaghalian. Gusto ng inay na sumabay ka na sa amin.” Sabay talikod nito. Parang labag yata rito ang pag-invite sa kanya. “O-Okay lang. Fasting ako,” dahilan niya. Napapihit ito paharap sa kanya. “Fasting? Nagpapatawa ka ba? Piling mo naman katabaan ka para mag-fasting ka ng ganyan? Huwag mo nga akong pinatatawa. Eh, mas mukha pa nga akong mataba sa iyo. Huwag ka ng mag-inarte.” Nagulat na lamang siya nang bigla itong lumapit sa kanyang tagiliran at bitinan ang kanyang braso. Dahil hanggang baba lamang niya ang babae ay nagmukha itong pusang nakabitin. Tama naman ito. Mas mataba nga ito kaysa sa kanya. Hindi naman sobrang katabaan na tulad ng isang obese, ngunit malaman. Nawalan ng choice si Juniel nang halos hilahin siya nito sumama lang sa kanya at nang makarating sila sa palengke ay nagsasara na pansamantala ang tindahan ng mga ito na isdaan. “Oh, Juniel, nariyan ka na pala. Siya nga pala ang anak kong si Gwendolyn.” “Inay naman eh! Gwen lang. Ang pangit ng Gwendolyn eh,” reklamo pa nito na binitiwan din siya at agad lumapit sa ina nito. Pinanonood lang ni Juniel ang dalawa. Nakikita ni Juniel ang isang larawan ng masayang mag-ina na hindi niya naranasan at umaasa siyang sana ay maranasan din niya balang araw. “Ano pang itinatayo-tayo mo riyan? Tulungan mo kaya ako, ano?” halos bulyaw na sabi ng dalagitang anak ni Aling Sita. Sa tingin ni Juniel ay kasing edad niya ito ngunit kung umasta naman ito ay kala mo siga. Parang hindi lalaki. Napalapit tuloy siya nang wala sa oras saka tumulong sa mag-iina kahit wala hindi niya intensyong sumalo. Nahihiya siyang sumama sa mga ito dahil uuwi na ang mga ito sa bahay nila para mananghalian. Hindi naman siya pamilya para makisalo. Mula sa palengke na puwesto ni Aling Sita ay nilakad lang nilang tatlo ang daan pauwi. Tahimik lang si Juniel na nakayuko habang patuloy ang paglakad at sinusundan ang anak ni Aling Sita. Bahagyang huminto ito sa paglakad kaya napahinto rin siya. “Kailan mo pa nakilala ang inay ko?” parang siga na tanong nito. “N-Noong nakaraang linggo lang,” kiming sagot ni Juniel. “Mukha ka namang hindi masamang bata. Pero mukha ring mahiyain.” Napansin nito ang malimit niyang pagyuko. “Bakit ka ba panay ang yuko? May ano ba sa mukha mo at ayaw mong ipakita?” Inisang kamay nito ang binubuhat at saka hinawakan ang baba niya para iangat. Nagitla si Juniel sa ginawa nito at hindi agad naka-react. Ni hindi nga niya agad naiiwas ang sariling mukha para hindi nito makita ang kanyang kapangitan. “Ah. Kaya pala,” sabi lang nito saka siya iniwan at nagpatuloy sa paglalakad. Nagpatuloy rin sa paglakad si Juniel na hindi umimik o sinupla ang sinasabi niya. “Huwag kang mag-alala, hindi lang ikaw ang pangit sa baranggay namin,” walang anu-ano’y sabi nito. “By the way, bagong salta ka lang ba rito? Ngayon lang kasi kita nakita rito.” Pinanatili ni Juniel ang pagyuko saka sumagot. “T-Taga ibang nayon ako.” “Ah. Paano ka nasalta rito?” Kung magsalita ito ay parang hindi babae ang nakikita ni Juniel. Babae nga ang beses nito, ngunit ang tinig ay may hagod ng pagka-lalaking maton. Hindi rin siya sigurado, ngunit parang ganoon ang kanyang nakikita. Hindi naman siya observant, ngunit ang pagtira sa kalsada na halos ilang linggo na ay unti-unti na niyang nababasa ang mga ugali ng bawat tao. “N-Naglakad-lakad lang.” “May problema ka ba sa dila?” Napaangat siya ng kanyang ulo saka sinulyapan ito. Doon lamang niya natitigan ang mukha nitong maraming taghiyawat, namumula na dahil sa dami na kalat pa sa mukha nito. May katabaan din ang mukha nito ngunit maganda ang hugis ng ilong at mga labi nito na bahagyang nagpi-pink. “W-Wala.” “Talaga? Bakit utal-utal ka kung magsalita? Para kang hindi normal. Abno ka ba?” “Anong abno?” “Abno, abnormal. Mukha ka kasing abnormal kung magsalita,” sabi pa nito sa kanya na tila hindi niya alam ang salitang abnormal. Alam niya iyon, nagtataka lang talaga siya kung bakit nito sinasabing mukha siyang abno. Nagpatuloy na lang sa paglalakad si Juniel at hindi na pinatulan ang pang-aasar nito. Naglakad din naman itong kasunod sa likuran niya. Sinangga nito ang balikat niya. “Oy, joke lang iyong kanina. Wala akong ibang ibig sabihin.” Pagkasabi ay nagpatuloy ito sa paglalakad na inunahan siya. PAGDATING sa bahay nina Aling Sita ay iyon ang unang beses na nakakita at nakapasok siya sa isang bahay. Ibinaba ni Juniel ang bitbit na banyera malapit sa pintuan. Pinalibot ni Juniel ang mga mata at patingin-tingin sa paligid. “Barong-barong lang ang bahay namin kaya wala kang mananakaw.” Napahinto si Juniel sa pag-ikot ng mga mata sa paligid. “Para ka kasing electric fan diyan.” Lumapit ito at sumenyas sa kanya. “Umupo ka muna.” “Hindi ako electric fan,” katwiran niya. Bahagya itong natawa sa kanya hanggang ang kaunting tawa nito ay humaba na at nakahawak na ito sa sariling tiyan. “A-Ano bang nakatatawa?” “Ikaw…Ikaw kasi…” sabi pa nito sa pagitan ng pagtawa na halos gumulong na sa sahig dahil sa hindi matigil na paghalakhak. Lumabas mula sa kusina si Aling Sita saka binatukan ang sariling anak. “Ano ka ba namang bata ka? Tumulong ka sa akin sa paghahanda. Bilisan mo.” Napahawak si Gwendolyn sa nasaktan na ulo. “Ito na po, Inay.” Ilang sandaling nawala sa paningin ni Juniel ang mag-ina. Tahimik lamang na pinagmasdan ni Juniel ang paligid nang makitang ang buong bahay. “Oh, ano kabisado mo na ba ang bahay namin pati blue print?” natatawa na namang tanong nito sa kanya ngunit mas pigil na ngayon kaysa sa una. Napailing na lamang si Juniel. “Tumayo ka na riyan nang makasabay ka na sa amin. Alangan namang buhatin pa kita,” may irap na sabi nito saka dumiretso sa pinanggalingan. Tumayo na rin si Juniel at sinundan si Gwendolyn sa hapagkainan. “Oh, ito ang dining area namin. Mukha kasing ngayon ka lang nakapasok sa isang bahay. Iyong inupuan mo kanina, sala iyon.” Alam naman niyang lahat iyon at hindi na kailangan nang mas mahaba pang paliwanag. Namamangha lamang talaga siya dahil unang beses na nakapasok siya sa isang tahanan. “N-Nasaan ang tatay mo?” hindi mapigilang tanong ni Juniel nang mahila ang upuan. “Wala na akong tatay,” maiksing sagot nito. Tiningan niya ito nang hindi nakukumbinsi sa sagot nito kaya nagdagdag pa ito. “Sariling sikap.” Natawa si Aling Sita. “Ikaw talagang bata ka. Manahimik ka na nga lang at kumain na lang,” sabi nito sa anak. Inangat nito ang lagayan ng plato. “Kumain ka rin ng marami.” “Inay, akala ko naman po matinong tao itong dinala nakilala ninyo. Aba’y mas malala pa pala ang saltik nito kesa sa ulo ko eh,” nakangisi pang sabi nito na sinulyapan siya saka isinubo ang mga daliri na may lamang pagkain. Napatingin na lang din si Juniel sa kanya. “Oh, huwag mong sabihing hindi ka rin marunong kumain gamit ang kamay? Hindi ko na talaga alam kung saang planeta ka galing.” “Gwendolyn, tumigil ka na!” “Sabi ko nga, Inay.” Pinagpatuloy nito ang pagkain saka muli siyang sinulyapan habang nakatapat sa kanya. “Mamaya ka talaga sa akin,” mahinang bulong nito sa kanya. Tumayo si Juniel. “Maghuhugas lang po ako ng kamay,” paalam niya saka hinagilap ang lababo. Muling naupo si Juniel matapos makapaghugas. Siya na rin mismo ang kumuha ng kanin at inilagay ang nilutong ginisang sitaw at ang dumampot ng nahiwang pritong isda. “Taga saan ka pala, Juniel?” mayamaya ay tanong ni Aling Sita sa kanya. “Sa Sitio Delfin po.” “S-Sitio Delfin?” bulalas na tanong ni Aling Sita na halatang nagulat. Si Gwendolyn na man ay halos maubo nang ilang butil ng kanin ang tumilamsik mula sa pagkagulat at bahagya rin siyang natalsikan nito. Pahilamos na pinunasan ni Juniel ang sariling mukha. Kunot ang noong pinagmasdan ang mag-ina habang ang dalawa ay nagsalinan ng tingin. “Paano ka napunta rito sa nayon?” tanong muli ni Aling Sita. “Naglakad lang po,” maiksing sagot niya. Napanganga na si Gwendolyn sa sagot niya habang napapantastikuhang pinagmasdan siya. “Ganoon kalayo? Napakalayo mula roon hanggang dito. Nagba-bus pa kami para lamang makarating doon. Tapos naglakad ka lamang.” “Bakit ba kailangan mo pang magsinungaling?” sabi pa ni Gwendolyn na nakabawi na at hindi na yata naniniwala sa kanya. “Hindi ko po alam kung paano. Basta ay naglakad lamang po ako hanggang sa hindi ko alam kung saan mapunta ang aking mga paa. Nasunog po kasi ang bahay ampunan na tinutuluyan ko kaya kinakailangan kong magtrabaho para makatulong sa kanila.” Nang muling sumulyap si Juniel kay Aling Sita ay bahagya nang nagtutubig ang mga mata nito. “K-Kumain ka na. Magpatuloy ka sa pagkain. Mamaya na lamang tayo magkwentuhan.” Nahuli pa ng kanyang paningin ang pagsiko ni Aling Sita kay Gwendolyn. Hindi tuloy siya sigurado kung may nasabi ba siyang hindi nagustuhan ng mga ito o ayaw lamang ng mga ito sa mga sinasabi niya. Dahil kahit baliktarin pa ang mundo ay hindi siya nagsisinungaling sa mga sinasabi niya. Paulit-ulit man siyang tanungin ay iyon pa rin ang isasagot niya sa mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD