Chapter 1

833 Words
“Ito po ang sukli n’yo. Maraming salamat!” magiliw na wika ni Mara sa customer na babae habang inaabot ang sukli at mga pinamili nito. Nagtatrabaho siya bilang cashier sa isang maliit na tindahan sa palengke na nasa Magalang, Pampanga. Tatlong taon nang natetengga ang pagkukulehiyo nila ng kakambal na si Marc. Nakatungtong sila ng unang taon sa kulehiyo ngunit hindi na nila nagawang magpa-enroll sa second semester dahil na-stroke ang tatay nila sa labis na pagtatrabaho sa bukid bilang magsasaka. Paralisado na ang kalahating bahagi ng katawan nito kaya tatlong taon na itong nakapirmi sa bahay. Bukod pa sa mahal na gamot pang-maintenance ni Mang Samuel, hinuhulugan din nila ang lupang kinatitirikan ng maliit na bahay sa San Agustin. Nang sabay silang matanggap sa mga trabahong in-apply-an nilang magkapatid, pakiramdam ni Mara ay nanalo siya ng jackpot sa lotto. Hindi man gano’n kalaki ang kanyang sahod pero nakakatulong naman sa gastusin ng pamilya nila.   “Mara! Mara!” halos sabay na sigaw ng dalawang boses na papalapit. Kaagad niyang nahulaan ang mga may-ari niyon – sina Dhom at Dixie, ang mga kababata niya. “Mara!” ulit pa ng dalawa nang marating ang harap ng tindahan. Humihingal pa ang mga ito mula sa pagtakbo, bakas sa mukha ang pagkataranta. “O, bakit parang natataranta kayo? Nasaan ang sunog?” pabirong tanong niya sa dalawa. “Hindi sunog kundi aksidente, Bes!” mabilis na sagot ng bading na si Dhom. Mukha itong caricature dahil sa makukulay na kasuotan at mga anek-anek na nakakabit sa maikli nitong buhok. Sa kabila ng lahat ay tanggap pa rin nila ang pagkatao nito lalo na at subok na ang pagiging tapat nitong kaibigan.   Biglang bumundol ang kakaibang kaba sa dibdib ni Mara. Lihim niyang nahiling na sana hindi miyembro ng pamilya niya ang naaksidente. Naku, hindi niya talaga alam ang gagawin kung sakaling may masamang nangyari sa kahit sino sa mga ito. “Ha? Sinong naaksidente?” nanlalaki ang mga matang bulalas niya habang palipat-lipat ang tingin sa mga kaibigan. “Bes, ‘wag kang mabibigla, ha? Ang Kuya Marc mo kasi—“ “Ano nga? Anong nangyari kay Kuya?” Biglang tumaas ang kanyang boses at hindi na pinatapos magsalita ang babaeng si Dixie. “Naaksidente ang Kuya Marc mo!” sabay at pasigaw na sagot ng dalawa. “Ha?” Iyon lang ang salitang namutawi mula sa kanyang bibig. Wala pang isang segundo ay mabilis niyang pinuntahan ang may-ari ng tindahan. Nagpaalam siya na magha-half-day upang pumunta sa ospital. Hindi naman siya nahirapan dahil kaagad na pumayag ang matandang may-ari.   Sinamahan si Mara ng mga kaibigan hanggang sa ospital, kapamilya na rin ang turing ng kanyang pamilya sa dalawa. Kaagad nilang natagpuan ang kanyang inang si Aling Lourdes. Nakaupo sa mahahabang upuan na nasa hallway na malapit sa emergency room. Halatang galing pa ito sa bukid dahil may bahid pa ng putik ang damit nito. Magsasaka rin ito tulad ni Mang Samuel. “’Ma, kumusta si Kuya?” nag-aalalang tanong niya kahit hindi pa man sila nakalapit dito. Mabilis na tumayo si Aling Lourdes at sinalubong siya. “Nasa emergency room pa siya, Mara. Sinusuri pa ng mga doctor. Diyos ko namang bata ‘yon, hindi nag-iingat!” Umiiyak ang ginang habang nagsasalita kaya mabilis niya itong nilapitan at niyakap upang aluin. “’Wag na po kayong umiyak, ‘Ma. Baka makasama pa ‘yan sa’yo. Magtiwala na lang tayo sa doctor at sa Diyos.” Masuyo niyang hinagod ang likod nito. Hindi mabura-bura ang kalungkutan sa mukha ni Mara at ng dalawa niyang magkaibigan habang nagtitinginan silang tatlo. Tahimik siyang nagdadasal na sana hindi ganoon kalala ang tinamo ng kakambal. Marc was her twin brother. Limang minuto ang pagitan nila at una itong lumabas mula sa sinapupunan ng kanilang ina. Unlike other twin, Marc didn’t use the excuse that he was older to his advantage. He treated Mara fairly. Just like other brothers, he has been so protective of her. Marami na rin itong nagawa para sa kanya. Isa na roon ang pagbibigay ng allowance tuwing may extrang pera ito mula sa pagiging trainer ng football sa San Agustin Elementary School. Suma-sideline din ito ng pagmemekaniko sa isang talyer na malapit lang sa kanilang bahay kaya nagagawa nilang sustentuhan ang pangangailangan ng buong pamilya sa araw-araw. Habang naghihintay ng balita mula sa doctor, ikinwento nina Dhom at Dixie kay Mara ang nangyari kay Marc. Nabangga ng isang kotse ang motorsiklong inangkasan nito nang pauwi na para sa noon break. Mabuti na lang at walang namatay at may lisensiya ang may-ari ng motorsiklo. Sinagot ng may-ari ng kotse ang lahat ng gastos kaya kahit papaano ay hindi na sila gaanong mamumroblema. A warning bell suddenly rang at the back of her mind. Bigla niyang naalala na nag-tryout si Marc sa football team sa isang university sa Manila para makakuha ng full scholarship. Inirekomenda kasi ito ng barangay kapitan nila at swerte namang pumasa ito.  Kaso pasukan na sa isang linggo. Bigla tuloy siyang nanghinayang at nag-alala para sa kakambal. Alam niya kasi kung gaano nito kagustong makapagtapos ng pag-aaral. Kaya sa mga oras na iyon, wala siyang nagawa kundi hilingin na sana magkamilagro at gumaling na ito kinabukasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD