Chapter 1

1056 Words
TAGAKTAK ang pawis mula sa noo ko habang binabagtas ang eskinita papunta sa maliit na bahay na inuupahan ni Mama kasama ang asawa niyang sugarol. Nakabukod ako sa kanila simula nang makapagtapos ako at magkaroon ng sariling trabaho. Bata pa lang ako nang iwan kami ni Papa para sumama sa kabit nito. Simula no'n ay naghirap kami. Naranasan kong hindi kumain nang isang buong araw, magdikdik ng asin bilang ulam, at manlimos sa kapit-bahay dahil sa kumakalam na sikmura. Isang araw, nagising na lang ako sa bahay ng isang lalaking hindi ko kilala. Boyfriend pala iyon ni Mama at pag-aari nito ang bahay kung nasaan kami. Simula no'n, iyon na ang naging paraan ni Mama para mabuhay kami—ang sumama kung kani-kaninong lalaki kapalit ng pagkain at matitirahan. Napagod ako sa ganoong sitwasyon. Kaya pinangako ko sa aking sarili na oras na makapagtapos ako at makahanap ng trabaho, aalis ako at hindi na muling lilingon pa. Pero dahil sa nangyari sa akin, heto ako, naglalakad pabalik sa buhay na pilit kong tinatakasan. "Puta ka! Matapos ng lahat ng ginawa ko para sa iyo, iiwan mo lang ako!" "E, tarantado ka pala, e! Ano bang nagawa mo para sa akin? Ang bugbugin ako? Ang bigyan ako ng pasa?!" "Hoy, Magda! Pinapalamon kita! Binabayaran ko ang bubong na sinisilungan mo!" "Puwede ba, Gado? May pangarap din ako sa buhay! Hindi ko plinanong tumanda na isang kahig, isang tuka!" Malayo pa lang, rinig ko na ang pagtatalo ni Mama at ng lalaki nito. Naiiling na lang ako habang papalapit sa maliit na bahay na yari sa semento. Umalis ako noon na ganito ang eksena, babalik akong ganito pa rin pala. "At saan ka sasama? Sa bago mong lalaki? Hoy, Magda! Ginawa mo na rin iyan noon! Ano bang nangyari? Hindi ba't bumalik ka rin sa akin!" "Hindi na mangyayari iyon, Gado! Dahil naka-jackpot ako ngayon! Mayaman ang lalaking nabinggwit ko!" Saktong paglapit ko sa pinto ng bahay ay siyang bukas naman nito. Natigilan si Mama nang makita ako. "Ma... " Ilan sandali itong natahimik dahil sa gulat, pero nang makabawi ay nakaismid ako nitong hinila sa braso para umalis. "Magda! Bumalik ka rito! Hayop ka talaga! Itaga mo sa bato, babalik ka rin! Hindi mo ako kayang iwan!" Napalingon pa ako kay Gado at nakitang may hawak itong alak habang nakasandal sa pinto. Kulang na lang ay bumagsak ito sa kalasingan. "Ma, saan kayo pupunta? Iiwan n'yo si Mang Gado?" "Punong-puno na ako sa hayop na iyon! Wala nang ibang ginawa kundi uminom at magsugal! Binubugbog pa ako kapag hindi napagbibigyan!" Mabilis kong hinatak ang kamay ko na hawak nito kaya natigilan siya sa paglalakad. "Magpapalit na naman kayo ng lalaki? Hindi ba talaga kayo titigil, ma? Ilang lalaki na ba ang dumaan sa buhay n'yo? Pang-ilang lalaki na itong sasamahan n'yo ngayon!" Mabilis nitong tinakpan ang bibig ko at luminga sa paligid. "Huwag ka ngang maingay! Naririnig ka ng mga tao!" Galit kong inalis ang kamay niyang nakatakip sa aking bibig. Gusto kong umiyak sa galit habang nakatingin dito. "Akala ko, pagbalik ko, nagbago na kayo! Pero hindi pa rin pala!" "Last na ito!" "Pang-ilang beses n'yo na bang sinabi iyan! Ma, tama na! Kaya naman natin mabuhay nang hindi umaasa sa lalaki!" Sandali itong natahimik habang nakatingin sa akin. Mahigpit kong kinuha ang kamay niya at pinisil ito. "Sumama na kayo sa akin. Magtatrabaho ako para sa atin, ma. Hindi natin kailangan ng mga lalaki—" "Puwede ba!" Marahas nitong tinabig ang kamay ko. "Last na nga ito! Mayaman si Enrico, Anika! Mabubuhay niya tayo kahit hanggang sa tumanda ako!" "Ma naman!" Gusto kong magpapadyak sa gigil. Hindi na ba talaga niya kayang hindi umasa sa lalaki? Bigla ako nitong hinila sa isang sulok at pinaghahampas sa braso. "Ikaw na bata ka! Matapos mong maglayas at hindi ako kausap, babalik ka bigla at ito ang ibubungad mo sa akin! Pagkatapos kong gawin ang lahat ng ito para sa iyo!" "Hindi ko naman hiningi na gawin mo ito, ma! Ayaw ko! Ayaw ko na laging umaasa tayo sa mga lalaki na parang hindi natin kayang mabuhay nang wala sila! Kaya siguro ako niloko ni Stanley, ma! Dahil karma na ito sa akin sa pagkunsinti ko sa panlalalaki mo kahit doon sa mga may asawa na!" Bigla itong natigilan sa lahat ng sinabi ko. Matagal niya akong tinitigan bago nagbawi ng tingin at bumaling sa malayo. Umiiyak ako habang nakatingin dito. Nakonsensya ako nang makita ang pamumula ng mga mata niya na parang nagpipigil na ng luha. "Pitong taon ka noon nang palayasin tayo ng asawa ng kinakasama ko. Wala akong dalang pera, pagkain o maski damit. Dalawang araw tayo sa lansangan, nanginginig ka na sa gutom pero wala akong magawa. Hanggang sa tumirik na ang mga mata mo kaya sinugod kita sa hospital. Sabi ko noon, hayaan ka lang Niyang makaligtas, gagawin ko ang lahat para mabuhay ka. Kahit ibenta ko pa ang kaluluwa ko sa demonyo." Tuluyang bumuhos ang masaganang luha sa pisngi ko. Gusto kong mag-sorry dito at yakapin siya, pero nang hahawakan ko na ang kamay niya ay bigla siyang humarap. Kinuha niya ang kamay ko at mataman akong tiningnan. "Sumama ka sa akin, Anika. Huli na ito. Promise, gindi na ako mag-aasawa ulit! Si Enrico na ang huling lalaki sa buhay ko." Inis akong pumikit at nagpahid ng mga luha. Kung kailan maiisip kong puwede pa, na maaari pa kaming magbago, ganito ang ginagawa ni Mama. "Paano mo nasisiguro na huli na nga siya? Paano kapag magkasama na kayo, saka lalabas ang tunay niyang ugali? O malaman natin na may asawa pala siyang tinatago? O baka may bisyo, baon sa utang o nagtatagong kriminal!" "Hindi!" "Paano mo nga nasisiguro!" "Dahil kilala ko siya! Matagal na siyang byudo, at respetadong tao siya at ang pamilya niya!" Naiiling akong pumikit. "Ma, saan mo na naman ba nakilala ang lalaking iyan? Sa bar? Sa casino?" "Sa hospital." "Hospital?" Kumunot ang noo ko. "May binibisita ako sa hospital nang isugod siya roon. Nagkakilala kami, nagkapalagayan ng loob. Inalagaan ko siya at nakilala ko ang pamilya niya." Tumango ito habang titig na titig sa akin. Pilit niya akong kinukumbinsi na maniwala sa kaniya. Huminga ako nang malalim. "Last na ito?" Mabilis itong tumango. "Oo, last na! Kaya sumama ka na sa akin, ha?" "Saan?" "Sa Hacienda Altagrasia."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD