ISANG araw na maaliwalas sa mundo ng mga Elemento, ang Elementalika. Sa Enomenos, sa Lungsod ng Cleyanero ay isang biglaang pagpupulong ang kasalukuyang ginaganap. Mula sa mundo ng mga tao, ang lolo't lola ni Venus ay muling bumalik para mag-ulat dahil sa isang tila nagbabantang suliranin sa mundong iyon. Kahit hindi ito mismong nagaganap sa mundo nila, dapat pa rin iyong mapag-usapan lalo't ang dalawang Maharlika ay nagawang talunin ng mga kalabang hindi pa nila nakikilala. Si Mars, ang prinsipe ng Apoy at Venus, ang prinsesa ng tubig ay nagapi at hindi malaman kung saan dinala ng mga kalaban ang dalawa.
Sa isang mataas na bahay sa tabi ng kinalulugaran ng malaki at gintong kampana ginaganap ang pagpupulong. Sa ibaba ng bahay ay makikita ang mga kawal mula sa apat na kaharian na kasalukuyang nakabantay sa lugar. Nakapila sila nang maayos base sa kanilang elemento. Sa may plaza naman ay naroon ang may kalakihang bilang ng mga mamamayan. Alam nilang isang malaking isyu ang pinag-uusapan sa loob kaya matiyaga rin silang nag-aabang. Wala silang ideya pero batid nila na seryosong suliranin iyon.
Sa loob ito ng isang malawak na silid na napapaligiran ng mga malalaking estatwa ng mga naunang Maharlika. May simbolo rin sa unahan ng apat na elemento. Mayroong isang mahabang lamesa na may mga upuang yari sa matibay na uri ng kahoy sa palibot ang makikita rin dito. Nagsisilbing ilaw din ng silid ang malaking tsandelyir sa itaas na mayroong puting ilaw. Pinapailaw ito gamit ang aura ng mga nasa loob na kasalukuyan ng nakaupo sa kanilang mga pwesto. Ang mga Hari't Reyna ay katabi ang kani-kanilang anak at Punong-heneral. Nakahain din sa mesa ang mga pagkain at inumin para sa lahat. Nandoon nga si Terrance at Neptune. Naroon din si Isago at Alpiro na kakambal ni Mars. Nakaupo na rin ang lolo't lola ni Venus at katabi ang dating Punong-heneral ng mga Flammanian na si Mera na katabi naman ang kasalukuyang pinuno ng hukbong Apoy na si Zeus. Mula sa Kaharian ng Hangin, naroon si Reyna Claudia na kasama si Haring Winado, sila naman ang pinakabatang Hari't Reyna roon. Nang panahong bago dumating si Lucifer, pumanaw na ang ama't ina ni Claudia na kasalukuyang prinsesa noon. Sa digmaan na niya nakilala si Winado na naging ama ni Neptune. Naroon din nga si Reyna Sakura ng Lupa, ang Maharlika na may buhok na kakulay ng dahon ng punong sakura. Magkatabi naman si Haring Shiryarko at Reyna Isabella ng Tubig, kasunod nila si Haring Alpiro at Reyna Pirena ng Apoy. Bukod kay Zeus, nakaupo rin ang tatlong punong-heneral ng tatlo pang kaharian. Sa likuran nila ay may mga kawal pa na nakatayo nang tuwid at matikas. Nakapila rin sila nang maayos. Mararamdaman din nga ang bigat ng tensyon sa loob dahil sa pagsasama-sama ng mga pinakamakapangyarihan sa Elementalika sa loob ng isang silid. Doon na nga rin nagsimula ang pagpupulong.
"Ano'ng dahilan Haring Shiryarku at ipinatawag mo kami para sa biglaang pagpupulong na ito?" tanong ni Haring Alpiro na suot ang pulang kasuotan na tila apoy na sumisimbolo sa kanilang kaharian.
"Hayaan nating si Amang Sui at Inang Mi-zu ang magsabi sa inyong lahat ng dahilan," sagot naman ng hari ng Kahariang Tubig. Nakasuot naman ito ng asul na kasuotang sumisimbolo sa kanilang lugar. Nasa tabi rin nito ang isang mahabang sandata na tila tinidor na may tatlong talim sa dulo.
Sandaling tiningnan ng lolo't lola ni Venus ang lahat. Si Sui at Mi-zu, ang dating Hari't Reyna ng mga Aquanian.
"Unang-una, nais muna naming ipabatid sa inyo na ang ating tagapagligtas ay buhay pa. Si Prinsipe Honoo ay muling nagbalik na sa mundo ng mga tao!" wika ni Lolo Sui matapos humigop ng tsaa sa tasa nitong yari sa asul na muwebles.
Si Reyna Pirena at Haring Alpiro ay biglang nagalak sa narinig na iyon. Nanabik tuloy silang makitang muli ang isa pa nilang anak. Habang si Prinsipe Alpiro naman ay napangisi. Ang tanging naaalala naman niya ay ang paglalaban nilang magkapatid at nais pa niyang maulit uli iyon. Gusto niyang makalaban ang kakambal sa ikatlong pagkakataon.
"Ngunit, hindi iyon ang pinaka-isyu sa pagpupulong na ito..." dagdag pa ng matanda at muli itong humigop ng tsaa mula sa tasa.
"Kung gano'n, ano po iyon Amang Sui?" tanong naman ni Reyna Claudia na nakasuot ng kulay puti at kumikislap na kasuotan. May nakalagay rin sa magkabilang ulo nitong kumikinang na pamuyod na hugis ulap.
"Dahil iyon sa bagong mga kalaban na lumitaw."
"Alam kong batid ninyo kung gaano kalakas si Prinsipe Honoo... ngunit siya'y natalo ng mga bagong mga kalaban," sambit naman ni Lola Mi-zu. Tila nabigla nang bahagya ang lahat lalo na si Terrance at Neptune. Parang ayaw nilang maniwala sa narinig na iyon.
"T-totoo ba iyon Inang Mi-zu?" agad na tanong ng reyna ng apoy na si Pirena. Nabalot din kaagad ito ng kaba.
Seryosong tiningnan ng matanda ang tila kinakabahang reyna.
"Totoo iyon. Maging ang apo naming si Venus ay gano'n din. Tinalo sila ng mga hindi kilalang nilalang na iyon. Bukod pa roon, nagkaroon din sila ng mga malalakas na kakampi... ang mga taong may lahing mula sa Elementalika!"
Si Reyna Isabella ay napadasal bigla nang marinig ang nangyari sa anak. Kinabahan naman ang asawa nitong Hari.
"Maging si Izu ay napalaban din, at hindi basta-basta ang mga kalaban. Nahirapan siya bago matalo ang kalabang kontrolado ng mga hindi kilalang nilalang na iyon. Isa iyong patunay na hindi iyon malulutas nang iisa o iilan," dagdag naman ni Lolo Sui. Nabalot lalo ng tensyon ang buong silid dahil sa mga iyon. Tila may mga imbisibol na aura ang gustong sumabog mula sa loob. Lalo ring lumiliwanag ang ilaw ng tsandelyir sa itaas.
"Hindi namin kayang lutasin ang problemang iyon sa mundo ng tao. Kaya namin hiniling kay Shiryarku na ipatawag ang pagpupulong na ito ay para... humingi ng pwersa mula sa apat na kaharian sa bagay na ito!" seryosong sabi pa ni Amang Sui.
"Amang Sui, may ideya ba kayo kung sino ang mga nilalang na iyon?" tanong ni Haring Winado.
Mas naging seryoso ang dalawang matanda. Mas bumigat ang atmospera sa loob dahil doon.
"Ang mga aura nila... katulad ng aura ni Lucifer!"
Nagmistulang pasabog sa lahat ang isiniwalat ng dalawang matanda. Natigilan at nabigla ang mga hari't reyna. Sariwa pa rin kasi sa ala-ala nila ang mga sinapit nila kay Lucifer. Doon na rin nagliwanag ang mga aura nila.
SA kasaysayan ng Elementalika, si Lucifer lamang ang may taglay ng itim na aura. Siya lang din ang may kakayahang magbigay ng itim na aura sa sinuman.
Si Prinsipe Alpiro, napatingin sa palad niya. Dahil kay Lucifer, naging itim ang apoy niya... na labis na niyang kinasusuklaman.
"Posible bang may kinalaman si Lucifer sa nangyayaring iyon sa mundo ng mga tao?" tanong ni Haring Alpiro.
"Alam kong pare-pareho tayo ng iniisip. Maaaring may kinalaman si Lucifer sa mga nangyayaring iyon. Oo, wala na ang aura niya sa Elementalika... subalit bilang taga-Elementalika, kinakailangan nating alamin iyon," sagot naman ni Amang Sui.
"Kaya humihingi kami ng kooperasyon mula sa apat na kaharian. Magpadala kayo ng pwersa sa mundo ng mga tao sa lalong madaling panahon."
Nagkatinginan ang lahat ng Hari't Reyna matapos iyong sabihin ni Amang Sui. Tila nabuo kaagad ang desisyon nila. Mabilis silang nagkaintindihan.
"Pupunta ako sa mundo ng mga tao!" mabilis na sinabi ni Terrance sa lahat.
"Ako rin po!" wika naman ni Neptune na kaagad nagtaas ng kamay.
"Pupunta rin ako!" dagdag naman ni Prinsipe Alpiro.
"Nais ko rin pong sumama!" sambit naman ni Isago na may hawak pang malaking palakol.
Nagkatinginan ang mga nakakatandang Maharlika matapos iyon. Batid nila na malalakas ang mga anak nila, subalit upang makasiguro, napagdesisyunan nilang magsama pa ng mga kawal mula sa kani-kanilang kaharian. Napagdesisyunan din nila na isang Hari o Reyna ang sasama sa pagpunta sa mundo ng mga tao. Iyon ay si Haring Alpiro. Nagboluntaryo rin si Reyna Claudia at pinaboran din iyon ng lahat.
"Sa lalong madaling panahon, kailangan nating makapunta kaagad sa mundo ng mga tao," dagdag pa ni Amang Sui.
Nagtagal ng tatlumpung minuto ang pagpupulong na iyon. Ang layunin nila sa pagpunta sa kabilang mundo; iligtas si Mars at Venus, at alamin kung sino ang mga kalaban.
*****
SA ILALIM ng lupa sa Luneta Park, sa lugar kung saan nagkukuta ang kalaban ay kasalukuyang pinagmamasdan ng tatlong magkakapatid ang apat na hawla na paglalagyan nila sa apat na taga-Elementalika. Kasama rin ng tatlo ang bago nilang kakampi.
"May Water User na rin tayong hawak... walang kahirap-hirap," wika ni Luke habang nilalaro sa kamay niya ang kanyang hinulmang bilog na metal.
"Isa ring Maharlika. Nadagdagan na naman ang ating kapangyarihan dahil sa dalawang iyan," dagdag naman ni Cijay na tila umaapaw sa kuryente ang katawan.
"Nagkaroon din tayo ng bagong alagad... at hindi isang pipitsugin. Gurahahaha!" sambit naman ni Fernan na nasa likuran ang isang lalaking kalbo. Wala itong suot na pang-itaas, bato-bato ang katawan at nakapantalon ng itim. Itim ang mata nito at nababalot ng itim na aura ang katawan.
Si Jupiter!
"Siya na ang mamumuno sa mga alagad natin. Tatlo na ang nalagas, ngunit dahil sa isang ito. Mas lalo tayong lumakas. Gurahaha!" dagdag pa ni Fernan at tumawa pa ito nang malakas.
Matapos iyon ay agad din silang lumikha ng bilog na lagusan. Iyon ay para ipadala na sa ibabaw ng lupa si Jupiter... para maghasik ng kaguluhan sa lahat.
"Patayin mo ang hahadlang! Ngunit buhayin mo ang makikita mong gumagamit ng hangin at lupa. Malinaw?" winika naman ni Cijay sa bago nilang alagad.
"Hihhih! Malinaw po, mga pinuno!" sagot naman ni Jupiter, at matapos iyon ay pumasok na ito sa loob ng lagusan.
INILUWA si Jupiter ng lagusan sa itaas ng isang bulkan. Sa itaas ng bulkang Mayon na matatagpuan sa Albay. Tanaw na tanaw niya ang bunganga noon at bigla siyang napangisi. Itinaas niya ang kanan niyang kamay. Nabalot ang katawan niya ng itim na aura. Isang maliit na bola ng itim na enerhiya ang unti-unting nabuo sa kanyang kanang palad dahil doon. Lumaki iyon nang lumaki hanggang sa maging mas malaki pa sa kanya ito. Pagkatapos ay buong lakas niya iyong itinira papunta sa bunganga ng bulkan.
Nayanig ang buong Bikol nang isang pagsabog ang naganap sa bunganga ng bulkang Mayon. Isang napakakapal na itim na usok ang biglang iniluwa niyon. Dumiretso iyon paitaas. Patuloy pa rin nga sa pagyanig ang lupa dahilan para maalarma ang lahat ng bayan na nakapalibot sa bulkan.
Mula nga sa maitim na usok. Biglang nagsitalsikan palayo ang mga malalaking tipak ng lupa at bato. Kasing-laki iyon ng mga bahay at isa-isang nagsibagsakan sa lupa. Iyon ay ang parte ng bulkan na nawasak dahil sa pagsabog. Unti-unti na ring dumilim dahil sa makapal na itim na usok sa langit. Lahat iyon ay agmula sa bunganga ng Mayon.
Nagpatuloy pa nga ang pagyanig na lalo pang lumalakas. Nararamdaman na iyon sa buong ka-Bikol-an, lalong-lalo na sa Albay. Kasunod noon ay biglang nagliwanag uli ang paligid. Isang makapal at maraming lava ang bumulwak paitaas mula sa bulkan. Napakarami niyon at umabot pa iyon hanggang sa ulap. Pulang-pula ito at mukhang napakainit na kayang-kayang tumunaw ng kahit ano.
Umawas na rin mula sa bibig ng Mayon ang tila dagat ng lava. Mabilis iyong umagos paibaba. Kasunod noon ay bigla na lang nagbagsakan mula sa langit ang malalaking bulto ng mainit na lava. Tila umuulan ng apoy sa buong probinsya ng Albay nang oras na iyon. Binagsakan noon ang maraming lugar at bayan. Marami kaagad ang namatay dahil doon. Maraming lugar din ang kaagad na nagliyab. Maraming mga tao rin ang kaagad nag-panic. Maraming umiiyak at may mga nagsiluhod din na tila humihingi ng tawad sa Itaas. Kaliwa't kanan na rin ang pagsabog at pagyanig ng lupa. Nagmistulang katapusan na ng mundo ang nagaganap sa probinsya ng Albay nang oras na iyon.
Sinabayan din iyon ni Jupiter. Bawat madaanan niya ay pinapatamaan niya ng kanyang bola ng enerhiya. Lumipad na nga siya sa bayan ng Camalig. Isang pamayanan ang agad niyang natanaw at sa isang iglap ay sumabog ang lugar na iyon dahil sa kanya.
"Hahhahhah! Matakot kayo sa kadiliman!" sigaw pa niya habang tila apoy na lumiliyab ang aura niyang itim.
Isang barangay naman ang natanaw niya at lumapag siya roon. Nabalot ng itim na liwanag ang kanang kamao niya. Napangisi siya at pagkatapos ay buong lakas niyang sinuntok ang lupang kinatatayuan niya. Nayanig ang paligid pagkatapos noon. Nagkaroon nga ng bitak ang lupa. Mula sa kinatatayuan niya ay humaba iyon nang humaba. Isa-isang nag-angatan ang malalaking tipak ng lupa nang oras na iyon. Nawasak agad ang karamihan sa mga bahay at may mga buhay ang kaagad ding nawala. Muling yumanig ang buong lugar hanggang sa biglang sumabog ang buong barangay. Nagkalusag-lusag at naabo ang lahat dahil doon. Patay ang lahat ng tao pati mga hayop sa lakas noon. Sa isang iglap nga ay nabura sa mapa ang lugar na iyon. Isang kalunos-lunos na eksena! Mula sa itaas, naglalaglagan ang mga debris at lupa, kasabay noon ang mga bangkay ng lahat ng namatay. Nakangisi si Jupiter habang nangyayari iyon at pagkatapos, muli itong lumipad na parang walang nangyari.
Isang barangay na naman ang kanyang natanaw. Mabilis siyang nag-ipon ng itim na enerhiya sa kamay. Nang lumaki iyon ay agad niyang inasinta ang target at buong lakas niya iyong ibinato.
Isang mala-demonyong ngisi ang ginawa ni Jupiter habang papalapit sa lupa ang malaking bola ng enerhiya. Nagliwanag ang paligid dahil tila itim na araw ang bumabagsak. Kitang-kita iyon ng mga tao na kaagad na nagsitakbuhan dahil sa takot. Tumakbo pa rin sila kahit wala na rin naman silang takas. Ngunit laking-gulat ni Jupiter nang makita niyang bumabalik sa kanya ang bola ng enerhiya niya.
"Ano'ng?!" Pero maagap si Jupiter at agad siyang lumipad paitaas. Sinundan siya ng kanyang atakeng ibinato kaya inipon niya ang kanyang aura sa kanang kamao. Mabilis niyang hinarap ang malaking bola ng enerhiya at buong lakas na sinuntok, dahilan para lumihis iyon ng direksyon. Dumiretso iyon paitaas at doon na nga iyon sumabog. Napakalakas noon. Isang napakalakas na hangin ang umalpas mula roon na nagpayanig pa rin sa kalupaan.
Napatingin si Jupiter sa ibaba. Doon nga'y nakita na niya ang may kagagawan niyon. Tumambad sa kanya ang isang lalaking may asul na aura. Nababalot ng maraming butil ng tubig ang kinatatayuan sa hangin. Seryoso rin iyong nakatingin sa kanya.
"Itigil mo na iyan Jupiter!" sigaw ng lalaki.
Napangisi naman si Jupiter. Tumaas lalo ang antas ng kanyang kapangyarihan. Lumaki nga lalo ang sakop ng kanyang itim na aura. Nakaramdam din siya ng pananabik. Pananabik na makalaban ang isang malakas na katunggali... Si Izu, ang kuya ni Venus!