Apoy 3

1477 Words
MASUSING pinagmasdan ng matandang si Argus, isang panday sa Gomi, ang espada ni Honoo. Sinipat niya ang bawat detalye ng espada at medyo namangha siya sa nakita.   "Sigurado ba kayong sa libingan ng mga espada n'yo ito kinuha?" tanong ng matanda kina Erza at Honoo.   "Opo Ka Argus. Bakit po?" sagot ng dalaga.   "Hindi ito pangkaraniwang espada. Sa dami na ng espadang nakita ko, ito pa lang yata ang espadang may kakaibang talim," sagot ng matanda na marahang pinukpok-pukpok ang talim ng espada.   "Ano po'ng ibig ninyong sabihin?" ani Erza.   "Hindi ito gawa sa kenzoku na karaniwang gamit sa paggawa ng talim ng mga espada sa Ken. Kakaiba ito. Mas matibay at mas matigas kumpara sa normal na espada..." seryosong paliwanag ng matanda at tiningnan nito si Honoo.   "Iho, maaari mo bang iwasiwas sa hangin ang espada mong ito?" Hirap na iniabot ng matanda ang espada sa binata. Sadyang may kabigatan kasi ang sandata. Matapos iyon ay lumayo muna ang panday at si Erza mula kay Honoo.   Isang pa-ekis na wasiwas ang ginawa ni Honoo. Hindi iyon gano'n kabilis at kalakas pero nagulat ang matandang panday matapos iyon.   "Pambihira! Bukod sa kamangha-mangha mong lakas. Kaya ng espada mo ang lumikha ng matalas na hangin. Na kahit malayo ka sa kalaban ay kaya mo itong tamaan... Ang espada mo, masasabi kong kaya nitong tapatan ang espada ng mga nasa matataas na posisyong kawal ng Ken at ang lakas mo... kayang-kaya mo pa silang higitan."   Namangha si Erza sa narinig niya. Hinugot niya ang kanyang espada.   "Ka Argus, ito pong espada ko? Ano'ng lebel kung inyong susuriin?" nakangiting tanong ng dalaga. Hinawakan naman ng matanda ang talim ng espada niya.   "Kaya nitong tapatan ang espada ng mga kawal... Pero kapag nalaman mo ang kakayahan ng espada mo, makakaya na rin nitong tapatan ang espada ng mga matataas na opisyal ng mga kawal ng Ken. Pero kailangan mo ring paghusayan ang paggamit mo rito."   Napatango ang dalaga sa narinig. Parang napaisip nang malalim.   "Gusto mo bang lumakas iha?" tanong ng matanda.   "O-opo!"   Pumasok saglit ang panday sa maliit niyang silid. Paglabas nito ay may dala na itong itim na buta (boots) at isang pares ng telang itim. Inilapag niya ito sa maliit na mesa at pinunasan nang bahagya.   "Iha, ipapahiram ko ito sa iyo. Dahil nakikita ko ang determinasyon sa mga mata mo... Ibalik mo ito sa akin kapag kontento ka na sa taglay mong lakas at abilidad," nakangiting sabi ng matanda.   "Paano po ako?" biglang tanong naman ni Honoo.   Napangiti naman uli ang matanda at pinagmasdan ang binata. "Kailangan mo na lang gawin ay kung paano mo gagamitin ang lakas at abilidad na mayroon ka. Nakikita kong kakaiba ka... Kaya hindi na ako magugulat na isang araw ay tangkain mong pasukin ang kaharian ng Ken."   "A-ano po'ng ibig n'yong sabihin?" pagtataka ng binata.   "Wala naman iho... Sadyang marami lang mga bagay akong hindi gusto sa pamamalakad ng kaharian... Lalo na sa mga nakatira rito sa Gomi." Isa ring may kahulugang ngiti ang binigay ng matanda sa dalawa.   Matapos ang kaunti nilang usapan ay kinuha na ni Erza ang gamit na ipinahiram sa kanya ng matanda. Nagulat siya nang mabitawan ang mga iyon nang hindi inaasahan.   "A-ang bigat..." sambit ng dalaga.   "Kapag nasanay ka ng gumalaw nang mabilis habang suot iyan... Malalaman mo ang malaking pagbabago sa kakayahan mo," pahabol pa ni Lolo. Pagkatapos ay nagpaalam na ang dalawa sa matanda.   *****   BUMUNGAD kina Erza at Honoo ang isang grupo ng mga kawal ng Ken na nagro-ronda sa Gomi. Isa-isang pinupuntahan ang mga bahay ng mga naninirahan. Nagugulat na nga lang si Honoo nang makita niyang winasak ng mga kawal ang ilang bahay. Ang mga nakatira roon, ikinadena sa leeg at parang aso na hinila para isama sa kung saan sila pumunta.   "Kailangan na nating umuwi agad... Ngayon nga pala ang pagbabayad ng lingguhang buwis," sabi ni Erza. Nagkaroon din ng kaunting lungkot sa mga mata nito dahil doon.   Pagdating nila sa maliit na bahay ni Erza ay naabutan nila si Ezel na nakaupo at pinagmamasdan ang putol nitong espada. Ilang araw pa lang matapos niya itong makuha ay heto't naputol agad.   "Ezel! Madali! Ayusin mo ang sarili mo. May darating na mga kawal dito para maningil ng buwis!" agad na sabi ni Erza na inalis agad ang mga hindi kaaya-ayang bagay sa loob. Nakatingin lang naman si Honoo sa dalaga. Napatanong ito kung saan nga pala kumukuha ng pera ang magkapatid.   "Ate, kulang pa ang pambayad natin 'di ba? Ibinili kasi natin ng lunas kay kuya. Pati na rin sa akin," ani Ezel na napahawak pa sa dibdib niyang balot pa ng tela.   Napahinto sa ginagawa si Erza at napahikbi. Naisip niya ang batas ng Ken, na ang sinumang hindi makakabayad ng tamang buwis ay magiging alipin ng mga Duragon.   Duragon, ito ang tawag sa sinumang may dugong maharlika sa Ken. Sinusunod at sinasamba ito ng mga mamamayan at kahit ano'ng sabihin nito ay kailangang sundin, tama man o mali.   "A-ako'ng bahala..." munting sagot ng dalaga na marahang pinahid ang karampot na luha sa gilid ng mata.   "Huwag muna kayong magbayad. Papakiusapan natin sila," seryoso namang suhestyon ni Honoo na nakatingin sa labas. Inaabangan niya ang mga kawal.   "H-hindi iyon gano'n kadali. Ang sinumang sumuway sa batas ng mga Duragon ay mapaparusahan..." sagot ni Erza.   "Wala na bang ibang paraan?" tanong ng binata.   "W-wala na kuya... Mukhang magiging alipin na kami ng mga Duragon..." malungkot na sagot naman ni Ezel. Naalala niya ang mga k'wento ng ilan tungkol sa mga aliping mula sa Gomi. Ginagawang parang hayop ang mga ito. Nakakadena at ipapagawa ang kahit ano'ng maisipan ng amo. Minsan, kapag babae at maganda ay ginagawang parausan. Inililibot daw sa buong Ken kapag napagsawaan nang walang saplot para pag-pyestahan naman ng mga kawal. Minsan, pinapatay, papahirapan muna nila hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga.   "D-dito sa Gomi... Walang magagawa ang tulad namin sa batas ng mga Duragon. Hindi pa man kami alipin ay hawak na nila kaming lahat sa leeg..." napaiyak si Erza sa mga sinabi niyang iyon. Naalala niya ang mga magulang niya na naging alipin ng mga Duragon. Isang taon na niya iyong hindi nakikita at wala na siyang balita sa mga iyon.   "P-pero siguro ayos na rin ito... Para makita namin sila kung sakali mang maging alipin kami. Makakapasok kami sa Ken. 'Di ba Ezel?"   "S-siguro ate... P-pero..." Napahikbi si Ezel. Alam niyang darating din ang araw na ito. Alam niyang ito ang kapalaran ng mga taga-Gomi, pero araw-araw pa rin niyang hinihiling na sana, balang-araw ay matapos na ang kalunos-lunos nilang buhay mula sa mga taga-Ken... sa mga Duragon.   "Paano tayo lalakas sa paggamit ng espada kung magiging alipin kayo?" seryosong tanong ni Honoo.   Napailing na lang ang magkapatid.   "P-pasensya ka na. A-ang totoo, kaming mga taga-Gomi ay mahina talaga sa paggamit ng espada. Kaming mga taga-Gomi ay ipinanganak para maging alipin ng Ken... At ang paggamit ng espada... Isa lang itong katatwang bagay na hinangad namin. Iilan lang sa mga taga-Gomi ang ipinanganak na may galing sa espada at ang natitira ay mga mahihina... K-kasama na kami roon sa mga mahihina... Mg---"   "Itigil mo na ang mga walang k'wenta mong sinasabi!" Napatigil si Erza nang nagsalita si Honoo at may kalakasan iyon.   Hinugot ng binata ang espada niya at pinagmasdan iyon.   "Magpapalakas tayo... Sige na! Umalis na kayo! Magtago muna kayo... Ako nang bahala rito. Maaaring wala akong maalala pero alam ko pa rin ang tama sa mali. Umalis na kayo... Ako munang bahala sa kanila." Natigilan ang magkapatid sa sinabi ni Honoo.   "N-nasisiraan ka na ba? Hindi porke nalaman mong malakas ka ay lalabanan mo na sila! Malupit sila! Lalo na ang mga Duragon!" sabi naman ni Erza.   "Wala akong pakialam. May utang na loob ako sa inyo... Kaya siguro, dapat magbayad muna ako..." Lumakad papunta sa labas si Honoo. Umupo ito sa ibabaw ng tumbon ng basura at hinawakan ang kanyang espada.   "Alis na! Madadamay pa kayo!"   "P-pero?" ani ni Erza.   "Wala nang pero-pero... Isuot mo na ang gamit na ipinahiram ni Lolo Argus," ani Honoo at seryosong tiningnan si Erza.   "Sabi mo, gusto mong maging malakas? Kaya umalis na kayo! Kaya ko ito..." Isang makahulugang ngiti rin ang ibinigay ng binata. Kasunod noon ay ang pagtakbo palayo ng magkapatid.   "Salamat kuya!" pahabol naman ni Ezel. Nag-aalala sila para kay Honoo, pero may nagsasabi sa kanila na magiging maayos ito.   Nang mga oras na iyon, seryosong tumingin sa kawalan si Honoo. Napatingin siya sa harang na pader ng Ken. Parang naisipan niyang pumunta roon, pero naisip niyang hindi pa ngayon. Gusto niya munang may maalala na kahit kaunti... Pero sa ngayon, gusto muna niyang ipaalam sa mga taga-Ken na hindi mahihina ang mga taga-Gomi.   Huminga muna siya nang malalim at tumayo. Natanaw niya ang papalapit na mga kawal. Marami sila pero pakiramdam niya ay kaya niya itong lahat.   "Laban na!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD