MAGKASAMANG bumalik sina Venus at Mars sa mansyon ni Lolo Mera. Kahit hindi halata sa dalaga, masayang-masaya talaga ito na bumalik ang binata. Hindi tuloy niya maiwasang higpitan ang pagkakahawak sa bisig nito habang sila ay naglalakad.
"Siguro, umiyak ka nang umiyak nang mawala ako 'no? Noong tinalo ko si Lucifer," tanong ni Mars na pabiro ang tono.
"Iyakin ka pa naman..." dagdag pa ng binata at napatingin sa malayo, at pasimpleng ngumiti.
Nainis naman si Venus sa narinig. Hinigpitan nga niya lalo ang hawak kay Mars. Hindi na lang siya nagsalita. Hanggang sa napalibutan na lang bigla ang kinatatayuan nila ng maraming butil ng tubig na ikinabigla nga kaagad ng binata.
"Alam mo, ang galing mo! Ikaw na nga itong iniwanan ako... Ikaw pa itong mang-aasar." Bumukol bigla ang muscles ni Venus sa kanang braso nito. Ang kanang kamay rin nito ang may hawak kay Mars at pagkatapos ay walang kahirap-hirap niyang ibinato pataas ang kasintahan.
"V-venus. J-joke lang iyonnn!" sabi naman ni Mars habang mabilis siyang lumilipad pataas. Hindi nga lang siya pinaniwalaan ng dalaga. Umismid nga ito at bigla pang naglaho.
Bigla namang lumitaw sa unahan ni Mars habang nasa ere si Venus na tila galit. Nababalot din ng tubig ang kanang binti nito.
"Joke pala huh!" Itinaas ni Venus ang kanang binti nito habang lumulutang sa ere. Nagliwanag iyon dahil sa liwanag ng araw na nasa likuran nito at bumulusok iyon papunta sa katawan ni Mars. Tila isang bomba atomika na sumabog ang biglang narinig sa buong kabundukan dahil sa sipang iyon ng dalaga.
Napasigaw na lang si Mars habang bumubulusok paibaba. Napakaraming tubig din ang kumalat sa ere matapos iyon. Bumagsak siya sa gubat na malapit sa mansyon at nahilo siya dahil doon. Marami tuloy hayop at ibon ang nabulabog dahil doon. Sina Jupiter at Lolo Mera nga ay nagmamadaling lumabas mula sa loob ng bahay dahil sa ingay na nilikha ng insidente. Wala silang kaalam-alam sa mga nangyayari.
BUMABA si Venus sa tabi nina Lolo Mera na mainit ang ulo. Nababalot pa nga ito ng mga butil ng tubig kaya napaatras naman si Jupiter. Ramdam kasi nito na parang hindi maganda ang mood ng dalaga. May ideya siya kapag ganito ito, at ayaw niyang kulitin ito.
"P-prinsesa Venus? Ano'ng nangyari? May kalaban ba?" Kinakabahan pa si Lolo Mera sa tanong nito. Nakatago pa rin kasi ang aura ni Mars kaya wala itong ideya sa kung sino ang pinabagsak ng prinsesa ng tubig.
Sandali na lang natahimik ang paligid. May hanging umihip din na nakapagpalipad sa ilang tuyong dahon sa kanilang harapan nang oras na iyon. Ang nakakatakot ngang aura ni Venus ay unti-unting nawala. Dahan-dahan itong napalitan ng pagngiti na may kasamang kaunting luha sa paglamapas niya kina Lolo Mera.
"Buhay pa po siya Lolo!"
Biglang kumabog ang dibdib ni Lolo Mera at maging si Jupiter matapos marinig iyon. Hindi man sabihin ni Venus ang pangalan ng tinutukoy nito ay isang tao lang ang bigla nilang naisip.
"A-ano'ng ibig mong sabihin?" paniniguro ng matanda. Tila mas kumabog lalo ang dibdib nila habang inaabangan ang isasagot ng dalaga.
"Kumusta na kayo? Lolo Mera! Jupiter!" Ngunit bago pa man sumagot si Venus ay isang boses ang nagsalita mula sa hindi kalayuan.
Natigilan si Lolo Mera nang marinig iyon. Kilala niya kung kanino ang boses na iyon. Doon nga ay mabilis niyang tiningnan ang bubong ng mansyon kung saan iyon nagmula.
Nandoon nga si Mars, nakasuot ito ng medyo lumang damit at may espada sa likod. Bumalik naman bigla sa ala-ala ng matanda ang mga pinagsamahan nila ng anak ni Haring Alpiro. Nandoon din ang kalungkutan niya nang mawala ang binata nang matagal... at nang mga sandaling iyon, hindi na niya naiwasang mapaluha. Pinilit niyang pinigilan iyon, pero mahirap gawin ito lalo pa't itinuring na rin niyang parang tunay na anak ang binata.
"Gago ka Marcelo! Buhay ka pala!" sigaw naman ni Jupiter na halatang masaya sa pagbabalik ng kaibigan. Bigla rin nga itong naglaho. Umihip din bigla ang malakas na hangin sa loob ng bakuran ni Lolo Mera matapos iyon.
"Maligayang pagbabalik! Tingnan ko ngayon kung gaano ka na kalakas!" sabi ni Jupiter. Lumitaw siya bigla sa harapan ni Mars. Nakaporma sa anyong susuntok si Jupiter sa ere at ito ang kanyang pambungad para sa nagbabalik niyang kaibigan.
"Hindi ka pa rin nagbabago... pero wala ka pa ring binatbat sa akin," nakangising sagot naman ni Mars. Hindi man lang siya nakitaan ni katiting na emosyon o pangamba sa sitwasyon niya. Alam kasi niyang kaya niyang iwasan ang suntok ni Jupiter.
"Mayabang ka pa rin!" Ngumisi pa si Jupiter at nagulat nang bahagya si Mars sa sumunod na nangyari. Mabilis na isinuntok ng kanyang kaibigan ang kanang kamao nito sa hangin at napakabilis niyon. Dumami na lang bigla sa paningin ni Mars ang kamao ng kanyang kaibigan. Sunod-sunod at mabilis na pagsuntok ang ipinamalas nito sa pagbabalik niya.
"Aba? 'Di na masama!" sambit pa nga ni Mars. Sunod-sunod ngang malalakas na tunog ang narinig sa paligid nang oras na iyon. Lumilikha ng impact ang bawat suntok ni Jupiter sa hangin habang iniiwasan naman ito ni Mars nang walang kahirap-hirap.
Tumagal ng sampung segundo ang senaryong iyon ng dalawa. Hanggang sa si Mars naman ang umatake sa kanyang kaibigan.
"Pero, mas malakas pa rin ako sa 'yo..."
Napatigil na lang si Jupiter nang makaramdam siya na may tumapik sa kanyang dibdib. Isang mahinang tapik ang ginawa ni Mars at kasunod noon ay ang bigla niyang pagbulusok papunta sa mansyon. Isang malakas na pagsabog ang nilikha noon at yumanig din ang buong paligid. Gumuho ang malaking bahagi ng mansyon ni Lolo Mera dahil sa nangyaring iyon.
Nakangisi pa nga si Mars na tumalon papunta naman sa itaas ng bakod na semento ng mansyon. Pinapanood niya lang ang pagguho ng ibang bahagi ng bahay at sigurado siyang marami ang bumagsak kay Jupiter.
Ilang segundong natahimik ang paligid matapos iyon hanggang sa bigla namang yumanig ang lupa. Nagtaasan ang ilang bumagsak na parte ng mansyon. Isang malakas na sigaw ang umalingawngaw at nagpatalsik sa mga gumuhong bagay. Nababalot na si Jupiter ng liwanag na kakulay ng lupa. Nagngangalit ito at buong-lakas na binuhat ang natitirang bahagi ng mansyon. Naiangat niya iyon mula sa lupa at tumingin sa direksyon ni Mars pagkatapos.
"Lumakas ka Marcelo... kaya ito ang tanggapin mo! Yahhhh!" Buong-lakas na ibinato ni Jupiter ang napakalaking wasak na mansyon papunta sa kaibigan. Napakabilis niyon, patunay na pambihira rin ang lakas ng binata.
Ngumisi naman si Mars at kalmadong hinugot ang kanyang espadang dala. Nabalot ng liwanag ang talim niyon at walang katakot-takot niyang sinalubong ang napakalaking bagay na ibinato ni Jupiter.
"Tayo na... Hikinnn!"
Sunod-sunod na malalakas na ihip ng hangin ang kumawala mula sa espada ni Mars. Papunta iyon sa iba't ibang direksyon. Nalampasan niya nga ang mansyon pagkatapos noon. Sa paglapag niya sa lupa ay ang dahan-dahan din niyang pagbalik sa kanyang espada sa lalagyan nito. Sinundan iyon ng pagkakahati ng mansyon sa ere. Yumanig din nga ang paligid nang nagpatakan iyon sa lupa. Pati nga ang binagsakan nitong pader ay nasira. Tila naging isang maliit na bundok ng semento ang kinalabasan noon pagkatapos.
"Wow! Ang lupettt! Gumamit ka ng espada!" Napahanga naman si Jupiter sa ginawang iyon ni Mars. Nag-apiran din nga ang dalawa pagkatapos noon. Tila ba walang nangyari at mabilis silang naging maayos pagkatapos ng kanilang paglalaban.
"Turuan mo rin akong gumamit ng espada!" sabi pa ni Jupiter. Wala na ngang pakialam ang dalawa sa nangyari sa paligid. Ang mansyon nga ni Lolo Mera ay tanging sahig at mga sirang gamit na lang ang natira.
Naalarma na lang bigla ang dalawa nang makaramdam sila ng napakainit na bagay mula sa kanilang likuran. Nang lingunin nga nila ay doon na sila natakot. Si Lolo Mera ito, at nababalot na ng apoy ang katawan dahil sa galit sa kanila.
"Mga walang-hiya kayo! Ano'ng ginawa ninyo sa mansyon ko!? Hindi pa rin kayo nagbabagohhh!"
Nagtatakbo nga sina Mars at Jupiter. Hinabol sila ni Lolo Mera at pinagbabato ng bolang apoy. Napangiti naman si Venus sa ginawa ng dalawa sa mansyon.
“Nagbalik ka na nga Mars.”
*****
SA ILALIM ng isang malapit na puno nagk'wentuhan sina Mars at Jupiter. Dahil sa nawala ang mansyon, baka sa bodega sila matulog mamayang gabi. Agad ding pinapunta ni Lolo Mera ang pinagkakatiwalaan niyang tagagawa ng bahay para magawa uli ang mansyon sa lalong madaling panahon.
Samantala, mas pinili naman ni Venus na umupo sa duyan sa mini park sa loob ng bakuran ni Lolo Mera. Doon ay tanaw na tanaw niya ang pagkuk'wentuhan nina Mars at Jupiter. Kahit hindi halata sa itsura ng dalaga, ay masayang-masaya siya dahil buhay ang binata. Subalit, iba na ang dalaga matapos niyang magsanay sa Underground Arena. Naging magka-edad na uli sila ni Marcelo sa edad na bente-dos. Hindi na rin siya gaya ng dati na childish, naging mature na rin siya at maging sa pagkilos ay gano'n din.
"Salamat Mars at bumalik ka na uli..." Napapahid na lang ang dalaga sa pisngi nito dahil sa konting luha na pumatak mula sa mga mata niya.
*****
NASA kalagitnaan ng pagyayabang si Jupiter nang may tila kidlat na naramdaman si Mars sa kanyang utak. Napatingin agad siya sa malayo at napatayo. Napakuyom siya ng palad at nakaramdam ng hindi maganda mula sa isang hindi matanaw na direksyon.
"Ano'ng problema, Marcelo?" nagtatakang tanong agad ni Jupiter sa kaibigan.
Seryoso namang napatingin si Venus sa dalawa at napatayo ito mula sa pagkakaupo sa duyan.
"Kailangan ko pala munang umalis," seryosong sinabi ni Mars at inilagay niya sa noo ang kanyang dalawang daliri.
Isang malakas na hangin naman ang biglang umihip sa tabi ni Mars. Naramdaman na lang niya na may malambot na kamay ang humawak sa kanyang bisig.
"Saan ka pupunta?" seryosong tanong ni Venus sa binata.
"Oo nga Marcelo. Isama mo naman kami," sabat naman ni Jupiter.
Isang ngiti naman ang ginawa ni Mars sa dalawa.
"Mabilis lang ako. May titingnan lang ako. Huwag nga kayong mag-alala," sabi ni Mars at sa isang iglap ay bigla siyang naglaho sa harapan ng dalawa.
"Tarantado itong si Marcelo! Hindi man lang ako isinama. Pero ang astig ng bago niyang teknik. Parang 'yung kay Son Goku," sabi ni Jupiter at pagkatapos ay pinuntahan na nito si Lolo Mera para magyabang at asarin.
Si Venus naman ay biglang kinutuban nang masama. Hindi niya iyon maipaliwanag pero sa huli ay inis ang nangibabaw sa dalaga.
"B'wiset kang lalaki ka! Bigla-bigla ka na namang umaalis!" Pagkasabi niyon ni Venus ay agad din itong lumipad paitaas. Nagbaka-sakali siyang makikita pa kung nasaan si Mars.
*****
WALANG napala si Venus sa paghahanap niya kaya naisipan na lang niyang umuwi. Nag-text na lang siya kay Lolo Mera para magpaalam.
Sa bundok na rin nakatira sina Venus. Kasama pa rin niya roon ang kanyang lolo't lola. Hindi na rin naman nila problema ang kuryente dahil sa malaking solar panel na gamit nila. Pagdating nga ni Venus ay nakita nito ang lolo niya na nagbabasa ng dyaryo sa terrace ng kanilang bahay.
"Lolo, mano po!" sambit agad ni Venus pagkapasok niya sa terrace.
"Kaawaan ka ng Diyos apo. Teka, saan ka ba galing?" tanong naman ni Lolo.
"Kina Lolo Mera po." Hindi na nga naiwasan ni Venus na mapangiti at napansin ito ni Lolo.
"May magandang nangyari ba apo? Mukhang may magandang nangyari sa pagpunta mo roon ah."
Hindi na nga napigilan ni Venus na mapayakap sa lolo nito at pagkatapos ay kumalas din ito.
"Lo'! Buhay si Mars!"
Nabigla naman si Lolo sa narinig nito mula sa apo. Nagbalik bigla sa alaala niya ang ginawa ni Marcelo para sa Elementalika.
"T-totoo ba iyan apo?"
"Opo, Lo'!"
"Ay kung gano'n? Nasaan siya? Gusto kong makita ang anak ni Alpiro." Tila na-excite nga ang lolo ni Venus na makita si Mars.
"Iyon nga lang Lo'... Umalis siya bigla..."
"Nang basta-basta!" Napakibit-balikat na lang si Venus. Hanggang sa biglang bumukas ang pinto ng bahay nila. Humahangos na lumabas si Lola niya mula roon.
"P-panoorin ninyo ang balita sa TV! Wasak na ang Maynila!" namumutlang sabi ni Lola.
"Maghunus-dili ka nga! Sigurado ka ba? Baka pelikula lang iyan," sagot nanan ni Lolo na dahan-dahang tumayo.
"Basta pumasok kayo at panoorin ninyo sa loob."
Pumasok silang tatlo sa loob. Doon nga nila nakita ang kasalukuyang live na balita sa TV. Ipinapakita rito ang itsura ng Maynila. Kalunos-lunos. Maraming sira-sira at nasusunog na lugar. Ang dami ring mga bangkay. Mayroon ding mga umiiyak na mga duguan at sugatang tao.
Ilang sandali pa'y nagsalita na ang reporter. Sinabi nito na isang higanteng robot ang gumawa noon. Isang video footage nga rin ang ipinakita sa TV. Kuha iyon sa kung ano ang nangyari.
"Gawa ba iyan ng tao?" tanong ni Venus habang pinapanood ang video footage.
"Sa tingin ko ay hindi... tingnan ninyong maigi ang robot. May itim na aura na nakabalot," seryosong sabi naman ni Lolo.
"Itim na aura..." dagdag pa ni Lola na medyo kinabahan.
Muli ring nagsalita ang reporter. Sinabi naman nito na may isang lumilipad na nilalang ang lumaban daw sa robot. Isa itong lalaking gumagamit ng apoy. Ipinakita rin ang video footage noon at kasama na roon ang pagpapalabas ng lalaki ng isang apoy na dragon.
"Mars..." iyon ang unang salita na nasabi ni Venus pagkakita roon.
"Siya ba iyan apo? Si Mars ba ang nakamaskara na iyan na may dala ring espada?" gulat na tanong ni Lola na seryosong nakatingin sa telebisyon.
"Totoo ngang buhay ang anak ni Alpiro," dagdag naman ni Lolo na napangiti na lang.
Subalit ang sumunod na mga nangyari ang nag-alis kaagad ng kanilang mga ngiti. Doon na nila nakita ang tatlong binata na may itim na aura. Aura na katulad ng kay Lucifer. Napanood nila ang buong laban.
"H-hindi..." nasabi na lang ni Venus nang makitang natalo ng tatlo si Mars.
Pumasok ang tatlo sa isang lagusan at kasama ng mga ito ang prinsipe ng apoy na walang malay. Napakuyom ng kamao si Venus at dali-daling lumabas ng bahay. Hindi na ito napigilan nina Lolo at Lola na napatingin na lang sa asul na aura ng kanilang apo.
"Sira-ulo ka Marcelo! Nagpatalo ka nang gano'n lang!" galit na sabi ni Venus na mabilis lumipad paitaas. Iyon ang unang beses na tinawag niya sa tunay na pangalan ang binata.