Chapter Three

2466 Words
Veronica's POV NAMIMILOG ang mga matang nilingon namin ang kalsada kung saan kami nanggaling kanina ni Anzo. Wala pang kuryente kaya madilim pa rin ang buong paligid. Agad na tumayo si Aling Celia at nagpaalam na sa amin. Bago umalis ay sinabihan pa kami nito na maglagay ng bawang at asin sa mga bintana. Magkahawak-kamay naman kaming nagtungo ni Anzo sa boarding house na nasa likuran lang ng tindahan ni Aling Puring. Up and down ito. Banyo at kusina ang sa ibaba, habang nasa itaas naman ang sala at mga tulugan. Mabilis kaming nagtungo sa itaas at agad akong pumasok sa sarili kong kuwarto na malapit lang sa hagdan. Pagkapasok pa lang sa loob ng silid ay agad kong kinuha ang pinamili kong mga bawang at asin kanina. Naglagay ako ng mga ito sa dalawang bintanang nasa kuwarto ko at siniguradong mahigpit na nakasarado ang mga iyon. Pagkatapos ay lumabas na rin ako ng silid. Nakita ko si Anzo na tahimik lang habang nakaupo ito sa mahabang sofa. Nilapitan ko ito at binigyan ng dala kong bawang at isang supot ng asin. "Salamat," anito bago ako umupo sa tabi niya. "Ang tahimik. Nasaan ang iba mo pang boardmates?" dagdag pa nito. Nahahalata ko sa boses ni Anzo ang takot na nararamdaman nito na siya ring nararamdaman ko ngayon. Siguro ay pinipilit lang nitong indahin ang takot sa pamamagitan ng pakikipag-usap kaya kahit ayaw kong magsalita ay sumagot na lang ako. "Disco freaks `yong mga `yon. Malamang, nando'n silang lahat sa diskohan," tipid kong tugon. "Ah," tanging nasambit niya. Sa gilid ng aking mata, nakita ko ang pagtango niya ng ilang ulit bago muling nanahimik. Nangibabaw ang nakabibinging katahimikan sa pagitan naming dalawa pagkatapos noon. Nang hindi na ako makatiis sa sobrang tahimik ay ako naman ang nagsalita. "Ano ba kasing ginagawa mo ro'n? Ba't sumunod ka pa?" tanong ko sa kaniya bago tumayo at nagsindi ng kandila dahil malapit nang maupos ang kandilang nakasindi sa ibabaw ng mesa. "Hindi ko naman maatim na hayaan kang umuwi mag-isa," rinig kong saad ni Anzo habang nakatalikod ako mula sa kaniya. Napapikit na lang ako nang mariin nang maalala si Sam. "Ano naman ang sinabi ni Sam?" muli kong tanong. "Wala, basta iniwan ko na lang sila kanina para mahabol ka," anito na nagpairita sa akin. Kung wala lang kami sa nakakatakot na sitwasiyon namin ngayon ay baka nasigawan ko na ito sa labis na inis. "Anzo, pinapasakit mo lalo ang ulo ko," sabi ko rito bago siya nilingon. Napaigtad kaming dalawa nang biglang tumunog ang lumang orasan ni Aling Puring. Alas-diyes na pala ng gabi. Maglalakad na sana ako upang bumalik sa tabi ni Anzo nang biglang may bumagsak sa bubungan ng boarding house namin. Sa sobrang lakas ng pagbagsak nito, pakiramdam ko ay isang kapre ang tumalon sa aming bubungan. Namimilog ang mga matang napalingon ako sa kinaroroonan ni Anzo. Napatayo naman ito at agad na lumapit sa akin, inabot nito ang supot ng asin na hawak ko at kumuha roon bago nito sinaboy ang asin sa bubong. Sa pagsaboy nito ng mga asin ay siya ring pagtahol ng mga aso sa labas. Sa dami ng asong tumatahol ay halos mabingi na kami sa lakas ng tahol ng mga ito. Hindi ordinaryo ang tahol ngayon ng mga aso. Waring may nakikita ang mga ito na naging dahilan ng pagtahol nila. Nakabibingi. Nakakikilabot. Napatingala ako nang marinig ang mga yabag mula sa bubungan. Naglalakad ang kung sinumang nasa itaas! Mahigpit akong kumapit sa braso ni Anzo nang mapagtanto kung saan patungo ang mga yabag. "A-Anzo, papunta yata s-sa kuwarto ko a-ang naglalakad sa itaas!" mariin kong bulong. Ramdam na ramdam ko ang sarili kong katawan habang nanginginig. Napapalunok akong yumakap kay Anzo at pumikit nang mariin. "Nasa'n ba ang kuwarto mo?" narinig kong tanong nito. Hindi ako natinag sa kinatatayuan, nakapikit pa rin ako nang maramamdaman ang kamay ni Anzo sa aking likod. "Nica? Sabihin mo sa `kin kung nasa'n ang kuwarto mo." Unti-unti akong nagmulat ng mga mata bago humugot ng malalim na hininga. Itinuro ko ang kuwartong nasa pinakadulong kaliwa, ang kuwartong malapit sa hagdan. Agad namang naglakad si Anzo patungo roon kaya sumunod rin ako rito dahil sa takot na maiwan mag-isa. Nang makapasok kami sa loob ay agad na naghagis ng asin sa bubong ng aking kuwarto si Anzo, at ang sumunod na nangyari ay nagpabilog sa mga mata ko. "Putang ina mo ka! Ano ba ang kailangan mo sa amin, ha!" pagalit na sigaw ni Anzo sa kung anumang nilalang na nasa bubungan namin. Agad kong hinawakan ang braso nito upang pigilin siya, pero hindi ako nito binigyan ng pansin. "Alam ko kung saan ka nakatira, hayop ka! Umalis ka rito!" dagdag pa nito bago muling nagsaboy ng asin. Bigla naman huminto sa pagtahol ang mga aso sa paligid. Wala na rin ang naririnig namin kanina na parang naglalakad sa itaas ng bubungan kaya nagkatinginan kami ni Anzo. Nakiramdam kami sa mga susunod pang mangyayari, ngunit nang wala na talaga kaming marinig na kahit ano ay pareho kaming nakahinga nang maluwag. Naging tahimik kami pagkatapos niyon, babalik na sana kaming dalawa sa sala nang bigla akong matigilan dahil sa narinig. "Haaahh haaahh haaahh . . ." Kamuntikan na akong mapasinghap nang marinig iyon mula sa labas ng bintana. Mabuti na lamang ay napatakip agad ako ng aking bibig. Nabaling ang tingin namin ni Anzo sa pangalawang bintana sa kaliwa, doon nanggagaling ang ingay na naririnig namin. Parang paghinga ng tao na parang aso na ewan. Ang lakas at ang lalim ng gigagawang paghinga nito, sobrang nakakikilabot din kung pakikinggan. Biglang sinabuyan ni Anzo ng asin ang bintana ko at kasunod niyon ay ang pagmumura uli nito. Bigla ko rin narinig ang pagtawag ni Aling Puring mula sa labas, baka narinig nito ang boses ni Anzo. Ibubuka ko sana ang aking bibig para humingi ng tulong kay Aling Puring nang unti-unting magdilim ang paningin ko. Bago pa man ako tuluyang nawalan ng malay ay ang malakas na pagpagaspas ng pakpak mula sa labas ng bintana, at ang sunod-sunod na pagtahol ng mga aso ang aking narinig, saka tuluyang hinila ng dilim ang aking paningin. NAGMULAT ako ng mga mata at luminga sa paligid. Ang nag-aalalang mukha ni Lea ang agad na bumungad sa akin. "Uy, okay ka na?" may himig pag-aalala ang boses nito. Nang maalala ang nangyari kagabi ay napabalikwas ako ng bangon. "Ano'ng nangyari? S-si Anzo? `Y-yong aswang?" uutal-utal kong tanong. Nakita ko ang pag-irap ni Lea dahil sa mga sinabi ko. "Nica naman, e! Tigilan mo na nga `yang aswang-aswang na `yan! Tingnan mo ang nangyari sa `yo!" saway nito sa akin. Mababakas ang pinaghalong inis at pag-aalala sa boses nito. "Nasaan nga si Anzo?" Hindi ko pinansin ang mga sinabi ni Lea nang malinaw ko nang naaalala ang nangyari kagabi. Hindi iyon isang panaginip, talagang nasundan kami ng aswang! Pakiramdam ko ay tumataas pa rin ang mga balahibo ko sa katawan. Para bang naririnig ko pa rin ang nakakikilabot na paghinga nito sa labas ng bintana. Tila ba nanggagaling sa malalim na hukay ang boses nito. "Umuwi na kanina lang. Nag-aalala nga sa `yo, e ayaw pang umalis. Pero tanghali na rin kaya no choice na siya kundi umuwi." Nang marinig ang salitang tanghali ay mabilis kong nilingon ang maliit na orasan sa loob ng aking kuwarto at nakitang alas-onse na pala ng hapon. "Ang tagal ko pa lang nakatulog," wala sa sariling nasambit ko. Umiling naman si Lea habang nakatitig sa akin. "Ano ba kasing nangyari? Pagkauwi namin kaninang umaga, nadatnan namin si Anzo dito sa loob mismo ng kuwarto mo, pati na rin si Aling Puring," mahabang salaysay ni Lea. Nagtaas ito ng isang kilay habang hinihintay ang sagot ko. Tinitigan ko naman siya nang mariin. Nagdadalawang-isip ako kung dapat ko bang sabihin sa kaniya ang nangyari kagabi. Hindi dahil ayaw kong malaman nito ang nangyari, kundi dahil hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang takot at kilabot sa dibdib ko. Pakiramdam ko, kahit na tirik na tirik ang araw ay para bang nasa paligid pa rin ang aswang. Palihim na nakamasid at nakikinig sa amin. "Hoy! Ano na?" muling naagaw ni Lea ang atensiyon ko nang bahagya ako nitong niyugyog sa balikat. Bigla naman pumasok sa kuwarto si Beatrice, isa sa mga boardmate namin na may dalang isang baso ng juice. "Heto, Nica, dinalhan kita," sabi nito bago inabot sa akin ang baso na hawak nito. Nginitian ko naman siya bago nagpasalamat. "Ayos ka na ba?" Tanging tango lamang ang naisagot ko sa kaniya. Ngumiti rin siya sa akin bago nagpaalam na lalabas na. Sa amin lahat na nagbo-board dito ay si Beatrice ang bunso at pinakamabait kaya malapit halos lahat kami sa kaniya. Pero nakapagtataka lang, hindi kasi nito ugaling magluto o magtimpla ng kahit na anong inumin. Hindi kasi ito marunong sa mga gawaing bahay dahil spoiled ito sa ina. Nang makalabas si Beatrice ng kuwarto ko ay saka ko lang ininom ang juice na dala niya. "Wala ka ba talagang balak magkuwento?" narinig kong muling tanong ni Lea habang nakataas pa rin ang isang kilay. Huminga ako nang malalim at tinitigan siya nang mariin. "Sinundan kami, Lea. Sinundan kami rito ng aswang!" pabulong ngunit may diin kong sabi sa kaniya. Matagal siyang nakatitig sa akin nang walang kahit na anong sinasabi, pagkatapos ng ilang segundo ay luminga ito sa bintana. Nang sundan ko ang tinitingnan nito ay nakita kong sa mga bawang at asin ito nakatingin. "That explains the garlic and the salt on your bintana," saad nito habang umiiling. "Hindi ka naniniwala," sabi ko naman sa kaniya bago tumayo mula sa pagkakaupo. "Nica, baka naman imagination mo lang iyon." Nagsalubong ang dalawa kong kilay sa narinig. "No. I heard what I heard, Lea. Sigurado ako! Kahit tanungin mo pa sina Aling Puring at Anzo!" bahagyang tumaas ang boses ko nang sabihin iyon. Agad kong kinuha ang towel ko at ang mga gamit para sa pagligo bago nagmamadaling lumabas ng kuwarto. "Ginawa na namin, pero ayaw naman nilang magsalita! Wala lang daw `yong nangyari sa `yo." Natigilan ako sa paglalakad at mabilis na nilingon si Lea. Tama ba ang pagkakaintindi ko? Ayaw nilang sabihin ang tungkol sa aswang? Ang tungkol sa nangyari kagabi? Nang dahil sa sinabi ni Lea, sa halip na sa banyo ako magtuloy ay sa tindahan ni Aling Puring ako dumiretso. Nang makita naman ako nito ay agad itong nag-iwas ng tingin at ipinagpatuloy ang ginagawang pagtitimbang ng mga asukal. "Aling Puring," tawag ko sa kaniya nang makalapit. "Tama na, Nica. Huwag na natin iyon pag-usapan," mariin at pabulong nitong saad. Mailap ang mga mata nito sa akin. Nagtaka naman ako kung bakit. Marahil ay napansin nito ang pangungunot ng noo ko kaya muli itong nagsalita. "Nasundan niya kayo, Nica. Nasundan kayo ng aswang at alam niya kung saan ka nakatira! Delikado kung pag-uusapan pa natin sila," pabulong nitong sabi at luminga pa sa paligid na para bang takot na takot ito na may makarinig sa kaniya. "Kung gugustuhin niya, puwede ka niyang balikan." Nakaramdam ako ng bahagyang pangingilabot sa mga sinabi nito. Grabe, sa spookify ko lang nababasa ang mga ganito noon, a, pero ngayon? Bakit sa akin na nangyayari? Parang mas gusto ko nang paniwalaan ang sinabi ni Lea na hindi totoo ang aswang. Sana hindi na lang sila totoo kung ganito na rin lang. "M-may mga bawang at asin naman po ako—" "Tingin mo ba, sapat `yan?" putol niya sa sinasabi ko. "Naniniwala ka talaga na kaya silang itaboy gamit lamang ng mga asin at bawang?" pagtatanong nito sa nang-uuyam na paraan. Bigla kong naalala ang nangyari kagabi. First year college pa lamang ako, ilang taon pa akong maglalakad sa gitna ng kagubatan hanggang sa makapagtapos ako ng kolehiyo. Kung totoo nga ang aswang, baka hindi pa ako nakakapagtapos sa unang taon ko ngayon ay mapaglamayan na ako. Napalunok ako dahil sa naisip. "Alam ko pong hindi maitataboy ng simpleng bawang o asin lang ang aswang, pero Aling Puring, puwede naman po tayong magdasal. Nandiyan ang Diyos," saad ko bago nagpaalam sa kaniya at bumalik na sa boarding house. Kagabi, habang tumatakbo sa madilim na gubat, wala akong ibang nagawa kundi ang magdasal. Sa tanang buhay ko, hindi pa ako nakaranas ng mga bagay na sobrang nakakikilabot. Unang beses kong maranasan iyon at wala akong ibang nakapitan kundi ang pagdadasal sa Kaniya, at para namang himala na biglang dumating si Anzo. Kung hindi ako nito sinundan kagabi, malamang ako na ang pinaglalamayan ngayon. "O, ano'ng sabi ni Aling Puring?" nakapamaywang na tanong ni Lea nang makapasok ako ng boarding house. Tumigil ako sa paglalakad at tinitigan siya nang mariin. "Lea, puwede ba humingi ng pabor?" pakiusap ko sa kaniya. Tinitigan naman niya ako nang may pag-aalala sa mukha bago tumango sa akin. "Paki-excuse naman ako mamaya kina ma'am. Ayaw ko munang pumasok." Biglang namilog ang mga mata niya. "Ano? Mag-isa ko lang mamaya na papasok sa school?" nag-aalala nitong tanong at halatang may takot sa buong mukha. Ayoko naman talagang um-absent, pero natatakot ako na baka sundan nga ako ng aswang. Paano kung nasa gubat na naman ito mamayang gabi? O paano kung pumunta na naman iyon dito sa boarding house? Pinanayuan ako ng mga balahibo sa katawan dahil sa naisip. "Nica, naman! Paano kung may mga adik na gumagala sa tabi? E, `di mapapahamak ako! Matitiis mo ba talaga na may masamang mangyari sa akin?" pagpapaawa nitong sabi. Kumunot naman ang noo ko. "Bodyguard mo ba ako, ha?" sabi ko, "Makisabay ka na lang sa iba o kina Beatrice." "Nica, naman, e! Pumasok ka na!" pagpupumilit nito na sinabayan pa ng pagtadyak ng mga paa niya. Tinitigan ko si Lea nang mariin bago nag-isip. Hindi ko rin naman maaatim na may masamang mangyari dito, pero matapos ng insidente kagabi, hindi ako sigurado kung makakaya ko nang bumalik sa gubat. Pakiramdam ko, sa labis na takot na nararamdaman ko ay masusuka na ako. "Veronica, naman, sige na!" pagpupumilit pa rin ni Lea. Hinawakan ako nito sa mga kamay at binigyan ako ng paawa effect na mga mata niya. Huminga ako nang malalim bago unti-unting tumango. "Yes! I love you, bespren!" sabi nito bago ako niyakap nang mahigpit. "Alam ko naman na hindi mo ako matitiis, e!" Napairap ako sa mga narinig. "Heh! Pinabayaan mo nga ako kagabi! Kamuntikan na akong paglamayan ngayon!" pagtatampo kong sabi sa kaniya. Kumalas siya sa pagkakayap sa akin at tinaasan ako ng mga kilay habang may malapad na ngiti sa mga labi. "Uy, girl, kaya nga pinilit ko si Anzo na sundan ka, `no? Nag-aalala ako sa `yo at pati `yong tao, nag-aalala rin. Ayaw lang naman paalisin ni Sam." Dumistansiya ito sa akin bago ako tinitigan nang mariin. "Alam mo minsan napapatanong ako kung sino ba talaga sa inyo ang girlfriend ni Anzo." Nang marinig ang sinabi niya ay mabilis akong nag-iwas ng tingin. "Bakit naman?" Sinuri ako ng tingin ni Lea. Ang mga ngiti nito, para bang nanunukso pa. "Kasi naman po minsan parang mas may pake pa siya sa `yo kaysa sa sarili niyang girlfriend." Nagpakawala ako ng buntong-hininga sa mga narinig. Hinarap ko si Lea at tinitigan nang mariin. "Si Sam ang niligawan niya. Sila ang may relasiyon. Magkaibigan lang kami ni Anzo," matapos sabihin iyon ay tinalikuran ko na ito at dumiretso na sa banyo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD