HINDI ko pa nararanasang magkanobyo, pero heto ako ngayon naglalakad sa altar at ikakasal na sa isang bilyonaryong estranghero. Alam kong hindi naman totoo ang kasalang ito, pero hindi ko pa rin mapigilang madismaya lalo na't pangarap kong ikasal sa taong minamahal ko. Pangarap kong bagtasin ang mahabang pasilyo kung saan naghihintay ang lalaking nagmamay-ari ng puso ko. Ang ganitong karanasan ay isang beses lang nangyayari sa buhay ng isang tao, kaya naman ginagawa talaga ng karamihan na gawing espesyal ang araw na ito. Pero heto ako ngayon, pinipeke ang lahat.
Nakakalungkot isipin na peke ang lahat ng mga karanasang ito—ang emosyon, ang pakiramdam, ang seremonya. Pero wala akong magagawa kundi ang yakapin ito nang buo dahil nakasalalay rito ang buhay ko; ang kinabukasan ko at ng pamilya ko.
Huminga ako nang malalim bago tumingin sa unahan kung saan naghihintay si Mr. Muller. Walang bahid ng kahit na anong emosyon ang mukha nito. Pero kahit na gano'n ay hindi ko maitatanggi ang kaguwapuhang taglay nito.
Matangkad, mestiso, at guwapo. Idagdag mo pa ang yaman nito. Almost perfect na sana, kaso ang sama lang ng ugali. Kahit ilang oras ko pa lang siyang nakikilala, ay masasabi ko nang marami ang may galit sa kanya. Tingin niya'y nareresolba ng pera ang lahat. Oo, nagagawan niya ng paraan ang mga bagay-bagay, pero hindi nito naaalis ang inis, ang galit, ang pagkamuhing nararamdaman ng mga taong inaapakan niya, at kasama na ako roon.
Hindi ko mapigilang mainis sa kanya dahil pinilit niya ako na mapunta sa posisyong ito at pwersahang pinapayag. Pero 'yon na nga, kaya kong isawalang-bahala ang nararamdaman ko para sa pamilya ko. Kung ito ang tanging paraan para maibigay ko sa kanila ang magaang pamumuhay ay gagawin ko, titiisin ko.
Pagkarating ko sa dulo ay muli akong bumuga ng hangin bago umangkla sa braso niya.
"Keep your head up," bulong niya sa akin. "We need to pretend we're really in love," dagdag niya kaya napatingin ako sa kanya.
"B-Bakit po?"
"My grandfather is here," matigas niyang sabi at naramdaman ko kung paano manigas ang muscles niya sa braso niyang hawak ko. "That mischievous old man," gigil niyang bulong at medyo napangiwi ako nang maipit ang kamay ko.
"Just go with the flow, understand? Think of me as your beloved groom. Hindi pwedeng mahalata ni lolo na pinepeke lang natin ang kasal," aniya habang umaakyat kami sa maliit na altar.
Wala siyang ibang sinabi sa akin kundi ang umakto nang natural. Hindi ko naman din alam kung ano ang ibig niyang sabihin. Inisip ko na lang na siya ang lalaking nagmamay-ari ng puso ko.
"Things will get real from now on, Ms. Kristine. Ready yourself and don't act surprised or our cover will be blown," paalala niya bago kami tumayong dalawa para sa wedding vows.
Nang makatayo kami ay doon ko nakita ang isang matandang lalaki na halos puti na ang lahat ng hibla ng buhok na nakatingin sa amin. Napapaligiran siya ng mga lalaking nakasuot ng itim na amerikana.
"That's my grandfather. Kahit matanda na 'yan, malinaw pa rin ang mga mata niyan kaya umayos ka," bulong ni Mr. Muller sa akin. "Take this ring as proof of..."
Hindi na ako nakapag-focus sa sinasabi niya dahil natuon ang atensyon ko sa lolo niya na titig na titig sa amin. Hindi ko alam pero bigla akong kinabahan.
"Your turn..." Napapitlag ako nang bahagyang pisilin ni Mr. Muller ang kamay ko kaya napatingin ako sa kanya. "Focus on me, Ms. Kristine Sandoval," dagdag niya. "Say your vows."
Napatango na lang ako bago sinunod ang mga sinasabi ng pari kasabay ng paglagay ko ng singsing sa daliri niya. Hindi ko talaga ramdam ang ginagawa namin kaya hindi ko alam kung halata ba sa mukha ko na pinipeke lang namin ang lahat.
Hindi ko maiwasang magpasulyap-sulyap sa kinaroroonan ng lolo ni Mr. Muller. Masyado akong na-distract sa kanya kaya hindi ko na nasundan ang mga sinasabi ng pari.
Napakurap na lang ako nang maramdaman ko ang paglapit ni Mr. Muller sa akin at ang dahan-dahan niyang pag-angat ng belo. Titig na titig siya sa akin. Gusto ko sanang iiwas ang mga mata ko pero may kung amo sa mga titig niya na pilit akong hinihila sa kanya.
"Close your eyes," matigas niyang bulong. "I can't kiss you when your eyes are open," dagdag niya pa bago mas lumapit sa akin.
"K-Kiss?" Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. "Wala sa usapan natin 'yan," dagdag ko.
"I told you, right? I told you that things will get real," dagdag niya bago mas sa akin. Ikinulong ng malalaking kamay niya ang magkabilang pisngi ko. "So just put up with it. I'll give you additional compensation," dagdag niya.
Natuod ako sa aking kinatatayuan. Gusto ko siyang pigilan. Gusto kong sabihin na huwag; na kung pwede sa pisngi na lang dahil hindi ko pwedeng hayaang magdampi ang mga labi namin dahil hindi pa ako nahahalikan buong buhay ko. At gusto kong ang una kong hahalikan ay ang lalaking mahal ko.
"M-Mr—" Hindi ko na naituloy ang dapat sana'y sasabihin ko nang dumampi na ang mga labi niya sa labi ko.
Gusto ko siyang itulak pero natatakot ako na baka masira ko ang plano niya kaya ang ginawa ko na lang ay pumikit at hinintay na lumayo ang labi niya sa akin.
"I now declare you husband and wife..." rinig kong sambit ng pari kasunod ng palakpakan ng mga tao sa paligid.
Marahan kong iminulat ang mga mata ko at nakita kong nakalayo na pala si Mr. Muller sa akin. Akala ko nakadampi pa rin ang labi niya dahil damang-dama ko pa rin ito.
Napatitig na lang ako sa kanya; sa lalaking nakakuha ng unang halik ko. Hindi ako makapaniwalang naibigay ko ang pinakainiingatan kong first kiss sa isang estranghero. Ang mas malala pa ay sa taong gumulo ng tahimik kong buhay!
Tumitig sa akin si Mr. Muller at ngumiti. Iyon ang unang beses na nakita ko siyang ngumiti sa akin nang matamis, 'yong ngiti na tila ba nakatitig siya sa taong mahal na mahal niya. Kung hindi ko lang talaga alam na palabas lang ang lahat, maniniwala talaga akong mahal niya ako.
Pilit din akong ngumiti sa kanya pabalik at inisip na siya ang lalaking mahal ko. Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko, pero sana oo, dahil patay talaga ako nito sa kanya mamaya pagkatapos ng wedding ceremony.
"I love you, my wife," sambit niya at sinadya niyang lakasan ang boses niya para marinig ng lahat. Pagkatapos ay muli siyang lumapit sa akin at hinagkan ako. "Kiss me back," dagdag niya. "Do it. I'll pay you extra."
Wala na akong nagawa kundi ang humalik pabalik kahit na hindi ko alam kung paano. Ginaya ko na lang ang ginawa niya.
Para sa pera!
Nang maglayo ang aming mga labi ay muli akong ngumiti sa kanya. Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi at mabilis siyang hinalikan. Nang lumayo ako sa kanya ay kita ko ang panlalaki ng mga mata niya. Marahil ay hindi niya 'yon inasahan sa akin.
"I love you, too," sagot ko sa kanya at matamis na ngumiti. "My husband."