Cassandra’s POV
Araw ng sabado at medyo natanghalian ako ng gising, pababa ako ng hagdan patungo sa dining room upang mag breakfast.
“Nay sina Daddy po?” Ang tanong ko sa aming kusinera.
“Kanina pa umalis Cass, tanghali ka na kasi nagising.” Ang nakangiti nitong sabi habang hinahanda ang aking pagkain.
Malapit sa akin ang lahat ng kasambahay namin, ate at kuya ang tawag ko sa kanila, Cass naman ang tawag nilang lahat sa akin, samantalang sa aking kapatid ay señorita, doña at don naman ang tawag nila sa aking mga magulang.
Nakatingin lang sa akin ang ibang mga kasambahay habang isinasalin ko ang mga pagkain sa isang tupperware.
Nang matapos ay isinilid ko ito sa isang paper bag bago ko nilagay sa loob ng aking backpack. ngayong araw ay may sasalihan kaming laban ngunit sa pagkakataong ito ay si Ron ang lalaban.
Nagmamadali akong lumabas ng bahay at sumakay ako sa aking scooter na nakaparada sa tabi.
Binagtas ko ang daan patungo sa bahay nina Ron, malayo pa lang ay natanaw ko na ang tatay nito na nakaupo sa isang silya sa tapat ng kanilang maliit na bahay.
“Tay! Magandang umaga po, si Ronald po?” Ang masigla kong tanong ko sa kan’ya.
“Naku Ikaw pala Cassandra mukhang may lakad kayo ah, ikaw ba ay girlfriend na ng anak ko?” Ang masayang tanong sa akin ng tatay ni Ron, natawa ako sa tanong nito sa akin dahil gustong-gusto nila ako na maging nobya ng kanilang anak.
“Tay naman! Kita mo ng mas gwapo ako sa anak n’yo eh, ampunin n’yo na lang kasi ako tay, para may maganda kayong anak.” Nakangiti kong biro sa matanda na siyang ikinatawa nito ng malakas, iniwan ko na ito at pumasok na sa loob ng kanilang bahay.
May kaliitan ang kanilang bahay ngunit malinis sa loob at wala kang makikita na anumang kalat.
Para akong nasa sariling tahanan kung kumilos dito dahil pamilya na rin ang turing ng lahat sa akin.
“Cass nand’yan ka na pala sandali lang magbibihis lang ako.” Si Ron habang nagmamadali itong pumasok sa kan’yang kwarto, nakahubad pa ito at nakatappis lang ng tuwalya ang ibabang bahagi ng katawan nito dahil katatapos lang niyang maligo.
Sana’y na akong makita ito sa ganoong ayos, ni minsan ay hindi ako nakadama ng hiya o anumang malisya, normal na sa amin ang ganitong tagpo.
Lumapit ako sa lamesa at may nakita akong tuyo at itlog sa ibabaw nito kaya mabilis akong umupo at sinimulang lantakan ang mga pagkain ng walang paalam.
“Ang takaw mo naman hindi ka ba pinapakain sa inyo pati iyang ulam ko tinira mo?” Ang tanong ng bunsong kapatid ni Ron, si Jian.
“Sorry na, masarap kasi, palit na lang tayo ng ulam dinala ko yong pagkain ko, ito na lang ang kainin mo.” Nagliwanag naman ang mukha nito na kaagad kinuha ang tupperware sa aking kamay.
Natuwa ito ng makitang puno ng bacon, longganisa at ham ang tupperware.
Ngunit laking gulat niya ng sa pagbukas nang kaldero ay wala ng kanin.
“ Nay! Si Ate Cassandra inubusan na naman ako ng kanin!” Ang malakas na sigaw nito na siyang ikinatawa ng nanay nito na Kasalukuyang papasok pa lang sa loob ng kanilang bahay. Kaagad akong lumapit sa matanda at nagmano.
“Mano po nay, magsasaing na lang ako ng bago,” ang sabi ko kay Jian pagkatapos kong magmano.
“Naku kang bata ka huwag na, ako na lang ang magsasaing mukhang may lakad yata kayo ah.”
“Oho, may project lang po kaming gagawin,” ang sabi ko kay nanay Ness, walang alam ang pamilya ni Ron sa mga pagsali namin sa mga street fighting.
“Cass, tara na!” Ang narinig kong sigaw ni Ron na nasa bungad na ng pintuan, hinagis ko ang susi ng motor sa kan’ya na kaagad naman nitong nasalo.
“Nay, alis na po kami, sorry na bunso.” Ang malambing kong sabi kay Jian, inabutan ko ito ng isang libo bago lumabas ng bahay.
“Tay, alis na po kami!” Ang paalam ko sa tatay ni Ron, na nakangiti ito habang kumaway pa sa amin.
Umangkas na ako sa likod ng motor dahil si Ron ang magdadrive.
Medyo may kalayuan din ang gusali na paggaganapan ng laban, dahil halos inabot kami ng isang oras sa biyahe.
Pagdating namin sa loob ay marami ng tao ang nakaupo at nag-aabang kung kailan magsisimula ang laban.
“Nag-ensayo ka ba kahapon?” Ang tanong ko dito, ngumiti lang ito sa akin saka kumindat kaya napangiti na lang din ako. Ilang sandali pa ay tinawag na ang mga maglalaban.
“Tsk, malaking tao ang makakalaban mo ngayon bro, ingat ka, huwag mong hahayaang mabangasan yang gwapo nating mukha, kundi patay tayo niyan kina tatay.” Ang bilin ko sa kan’ya, natatawa naman itong ginulo ang aking buhok bago ito umakyat sa ibabaw ng ring.
Sa kabilang panig ay umakyat ang isang may katabaang lalaki na puno ng tattoo ang katawan at mas matangkad ito sa aking kaibigan.
Nasa gilid lang ako ng ring, nagmamasid sa dalawang lalaki na ngayon ay naglalaban at kasalukuyan ng nagpapalitan nang suntok.
Naiiwasan naman ni Ron ang bawat suntok ng kalaban, ngunit makailang beses din itong
tinatamaan sa katawan. Halos mapahiyaw ako sa tuwa ng makita kong tagilid na ang kalaban at tumalsik ito ng bigyan siya ni Ronald ng isang malakas na sipa.
Malakas na hiyawan ang nangibabaw sa loob ng bulwagan.
Nakikita ko na sigurado na ang aming panalo ngunit laking gulat ko ng biglang bumunot ng isang balisong ang kalaban mula sa tagiliran nito, kinabahan akong bigla.
“Teka, bawal yan! Ronald!” Ang malakas kong sigaw at mabilis na umakyat ng ring hindi ko ito pwedeng pabayaan.
Nakita ko ng umakyat ang ibang kasamahan ng kalaban at papalapit na ang mga ito kay Ronald.
Mabilis akong dumukot ng ilang barya sa aking bulsa at buong lakas kong tinarget isa-isa sa noo ang mga ito na siyang ikinaatras nila at nagsimula ng magkagulo ang lahat.
Natigil lang ako sa pag-atras ng maglapat ang mga likod namin ni Ronald.
“Tigas talaga ng ulo mo, bakit umakyat ka pa dito? wala ka bang tiwala sa akin!?” Seryoso niyang tanong sa akin habang matamang nakatitig sa kalaban na nasa kanyang harapan.
“Bakit ang lagay ba ay ikaw lang ang magsasaya? pa’no naman ako?” Ang mayabang kong wika habang dinudukot ko ang towel sa aking bulsa at mabilis ko itong pinaikot na nagmistulang lubid. Sinimulan ko ng sumugod sa dalawang lalaki at ganun din ang ginawa ni Ronald.
Mabilis kong pinitik ng towel ang katawan ng lalaki sa aking harapan kaya napaatras ito, bago ko binigyan ng isang sipa sa dibdib ang isa pang lalaki na medyo malapit na sa akin.
Napansin ko mula sa gilid ng aking mga mata ang pagsugod ng isang lalaki mula sa gilid, kaya mabilis akong yumukod bago sinipa ito mula sa ilalim. Tinamaan ang kan’yang paa kaya nawalan ito ng balanse na siyang ikinabagsak nito sa sahig.
Pagtayo ko ay binigyan ko ng isang suntok ang lalaki sa likod ni Ron habang ang aking kaibigan ay abala sa pakikipaglaban sa tatlong lalaki.
“Walang kikilos ng masama mga pulis ito!” Ang narinig kong sigaw ng isang malakas na boses.
“s**t! Cass tara na..” ang malakas na sigaw ni Ron sa akin at mabilis akong hinila nito sa braso kaya hindi na natuloy ang sana’y suntok na gagawin ko sa lalaki na nasa aking harapan.
Tinalon namin ang ring ngunit sa pagtapak ng aming mga paa mula sa sahig ay sakto namang lapit ng mga pulis sa aming dalawa sabay pa kaming pinosasan ni Ronald.
“Tatakas pa kayo ha, tsk..” ang sabi ng isang pulis bago kami hinila papunta sa mobile car.”
Harvey Vanderberg POV
Binabagtas ko ngayon ang daan patungo sa Hacienda ng mga Axford, ilang araw na rin ang lumipas ng huli kong makita si Cassandra at sa bawat araw na lumilipas ay pinananabikan ko na muling masilayan ang magandang mukha nito.
Naaalala ko pa ang mga sinabi ng Don sa akin ng huli kaming mag-usap.
“Iho, baka nabibigla ka lang sa iyong desisyon, dahil ang bunsong anak ko ay hindi mo pa lubusang kilala. Maaaring sa huli ay sumuko ka rin sa kan’ya at isa pa ay napakabata pa ng aking anak na si Cassandra.” Ang nag-aalala nitong sabi sa akin.
“Hindi na po mababago ang desisyon ko, si Cassandra ang gusto kong pakasalan.” Seryoso kong sagot na makikita sa aking mukha na kailanman ay hindi na mababago pa ang aking desisyon.
“Kung ganun ay wala na akong magagawa, ang tanging hiling ko lang ay sana habaan mo ang iyong pasensya para sa aking anak.” Ang may pakiusap nitong wika.
Huminto ang aking sasakyan sa harap ng Hacienda, pagkababa ko ng sasakyan ay diretso kaagad ako sa loob ng kanilang tahanan.
“Si Cassandra po?” Ang tanong ko sa isa sa kanilang kasambahay.
“Wala po dito Señorito, maaga pong umalis kanina mga 10 am po,” magalang na sagot nito sa akin.
Tumingin ako sa relo na nasa aking bisig at mag-alas tres na ng hapon wala pa rin ang dalaga Sunday ngayon kaya dapat ay nasa bahay lang ito.
Naagaw ang atensyon ko ng isang tawag mula sa telepono na kaagad itong sinagot ng kasambahay.
“Hello, Axford resident, good afternoon, sino po sila? Yes po, oho, PO!?” Bakas sa mukha ng katulong ang labis na pagkataranta dahil sa mga narinig nito mula sa kabilang linya.
“Señorito, si Señorita Cassandra po nasa presinto!” Ang nag-aalala nitong sabi bago mabilis na ipinasa sa akin ang telepono.
“Saang presinto ‘yan?” Ang tanong ko mula sa kabilang linya, pagkatapos kong malaman kung saang presinto ay kaagad kong ibinaba ang telepono.
“Huwag mong ipapaalam kina Don. Fernand ito ako na ang bahala.” Ang sabi ko sa kasambahay na mabilis namang tumango. Mabuti na lang at wala ang mag-asawa dahil sigurado mag-aalala ang mga ‘yon.
Kaagad kong tinungo ang aking sasakyan at mabilis na sumakay saka ko ito matuling pinatakbo.
Pagpasok ko sa loob ng presinto ay kaagad akong nagtanong sa information desk.
“Sarge, Cassandra Axford?” Ang tanong ko sa Police na nasa information desk.
“Mr. Vanderberg?” Gulat na reaksyon ng pulis na nasa aking harapan, marahil ay hindi nito inaasahan na makikita ako nito dito sa kanilang istasyon.
“Follow me, Sir,” mabilis itong tumayo at humakbang patungo sa mga selda nakasunod lang ako sa kanyang likuran. Ilang sandali pa ay huminto ito sa tapat ng isang selda.
Nagulat ako sa itsura ng dalagitang si Cassandra nakasuot ito ng isang maong pants at maluwang na black shirt kaya lalong lumitaw ang kaputian nito. Wala itong arte sa katawan at tila comfortable pang natutulog sa isang maliit na higaan.
“Axford!” Ang tawag ng pulis ngunit ang magaling na babae ay nagbago lang ng posisyon at ipinagpatuloy ulit ang pagtulog.
“Axford! Langya ginawa mo pang hotel itong selda at ganado ka pang natutulog d’yan ah! Hoy, gising!” naiinis na bumangon ang dalaga.
“Sarge naman, natutulog pa iyong tao eh,” ang sabi nito habang inaayos ang sarili, ang ilang mga preso ay nakamasid lang kay Cassandra na kung titingnan mo ay mukhang sanay na ang mga ito sa presensya ng dalaga.
Nang magtaas ito ng mukha ay tila nagulat pa ito ng makita ako.
“Oh, anong ginagawa mo dito!?” Ang hindi makapaniwalang tanong nito sa akin.
“Teka, Ako dapat ang nagtatanong niyan sayo, anong ginagawa mo dito sa loob ng kulungan!?” Ang seryoso kong tanong sa kan’ya, ngunit ang mukha nito ay hindi mo man lang kakikitaan ng takot, bagkus ay ngumiti lang ito sa akin at hindi man lang sumagot.
Binuksan ng pulis ang selda, nasa bungad na ito ng pintuan ng bigla itong huminto at nagtanong sa pulis.
“Sarge si Mansalapuz po ba ngayon na rin lalabas?” Nakangiti niyang tanong.
“Hindi pa siya pwedeng lumabas dahil wala pa ang kanyang guardian.” Ang sagot naman ni Sarge, lalong lumalim ang gatla ng noo ko dahil sa labis na pagtataka kung sino ang tinutukoy nito.
Ilang sandali pa ay halos magsalubong na ang mga kilay ko dahil ang magaling na babae ay muling bumalik sa loob ng selda at isinarado ang rehas.
“Ilock mo na Sarge ang pinto, hindi po ako lalabas dito hanggat hindi n’yo rin palalabasin ang kapatid ko...” ang mariin nitong pahayag bago humakbang pabalik sa kamang kinahihigaan nito kanina.
Napatingala na lang ako dahil parang sasabog na yata ako sa matinding galit. Hindi ko sukat akalain na ganito pala katindi ang anak ni Don Axford, ngayon ko lubos na nauunawaan kung bakit pati ang mga magulang nito ay tila sumusuko na sa ugali ng dalaga.
Mukhang kailangan ko ng maghanda kung paanong palambutin ang matigas na ulo ng dalaga.”