PROLOGUE
WILLOW
“Nay, nasaan po si Tatay?” Tanong ko kay Nanay na nagluluto ng tanghalian namin. Sabado ngayon kaya wala akong pasok sa school. Usually, tumutulong ako kay Tatay sa talyer. Madalas ako roon lalo na kung bakasyon sa school.
Grade 1 palang ako noon nasa talyer na ako ni Tatay kasama ang mga tauhan ni Tatay. Ang akala nga nila sa akin tomboy ako. Sanay akong nakasuot ng maluluwang na damit at pantalon. Hindi ako nagsusuot ng bestida na laging inuungot sa akin ni Nanay na iyon daw dapat ang isuot ko. Panay ang tanggi ko kaya hinayaan na lang niya ako. Ngayong sampong taon na ako ay hindi pa rin nagbago ang pananamit ko.
“Nakita ko siya sa garahe, may inaayos na sasakyan,” sabi ni Nanay at napalingon sa akin. Naningkit ang mata ni Nanay nang makita ang suot ko.
“Willow, di ba sinabi ko na sa iyong huwag ka ng magsusuot ng ganyang damit?! Magdadalaga ka na! Diyos ko namang bata ka!”
Napatirik ako ng mata. Kung makasabi naman ng diyos ko si Nanay.
“Nay, dito ako komportable. Ayoko ngang magsuot ng bestida. Yuck!” sabi ko na parang diring-diri sa bestida. Hinarap ako ni Nanay at pumameywang sa harapan ko.
“Ano namang nakakadiri sa bestida? Kung maka-yuck ka naman diyan parang tae ang bestida. Kung kurutin ko kaya iyang singit mo para madala ka,” banta na sabi ni Nanay.
“Nay, naman!” Inis na sabi ko. Nagpapadyak ako. “Ayoko nga po! Dito po ako komportable sa maluwang t-shirt at pantalong punit.” Sumama lalo ang mukha ni Nanay sa sinabi ko.
“Mukha kang lalaki! Huwag mong sabihing tomboy ka?! Aba kung ganoon makakatikim ka sa akin ng kurot sa puday mo, para malaman mong babae ka!” Sermon nito. Humaba ang nguso ko.
Hinablot ni Nanay ang sumbrero ko na suot ko. “Nay, ibalik mo sa akin iyan!” sabi ko at pilit na kinukuha sa kanya.
“Itong sombrero na ito para lang sa lalaki! Sino’ng nagbigay nito?” Tanong ni Nanay. Nakangusong tumingin ako kay Nanay.
“Si Lorenzo po ang nagbigay niyan sa akin. Regalo niya po iyan noong birthday ko.”
Naningkit ang mata ni Nanay. “Pati ba naman si Lorenzo pinapayagan ka niyang magsuot nang panglalaki? Papuntahin mo nga iyang bata na iyan dito at nang masabihan ko.”
“Nay, naman! Nakakahiya naman po kung pagagalitan niyo po siya.”
Minsan si Nanay hindi ko maintindihan. Sabi niya dapat hindi ako maging mahinhin dahil baka may masamang gawin ang mga lalaki sa akin. Dapat matapang ako at palaban. Kaya nga hindi ako nagsusuot nang pa-girly na damit kasi ayokong maging mahina sa paningin ng mga lalaki. Saka komportable kasi ako sa ganitong outfit.
“Puntahan ko na po si Tatay,” sabi ko na lang. Wala rin namang saysay na makipagtalo pa ako kay Nanay tungkol sa suot ko. Hindi rin naman ako mananalo sa kanya. Hindi ko na hinintay pang magsalita si Nanay ay tumalikod na ako.
Pinuntahan ko si Tatay sa garahe. Mukhang inuwi ni Tatay ang trabaho niya. Dapat nagpapahinga na siya dahil weekend naman. Pero heto nagtatrabaho pa rin siya. Minsan naaawa ako sa kanya dahil kita ko ang pagod ni Tatay kapag umuuwi sa bahay. Kung wala lang trabaho tutulong ako sa kanya sa talyer. Kahit sampong taong gulang palang ako may alam na ako sa pagkalikot nang makina ng sasakyan. Una ko ngang natutunan ang motor. Madalas akong tumambay doon sa talyer. Pinanonood kong gumawa ang tauhan ni Tatay. Sa katunayan tinuruan nila ako at madali naman akong natuto.
“Tay, hindi pa po ba kayo magpapahinga?” Tanong ko nang makalapit sa kanya.
Lumabas sa ilalim ng sasakyan si Tatay at tiningnan ako. Madumi na ang suot na t-shirt ni Tatay. May mantsa ng grasa pati ang kamay at pati braso nito. Tumayo si Tatay mula sa pagkakahiga. Pinagpag ang pantalon nitong may bahid ng grasa.
“Malapit na akong matapos. Rush kasing pinagagawa ito kaya kailangan matapos ko ngayong araw. Nakabayad na kasi itong kliyente ko na ito.
“Pakiabot nga anak iyong turnilyo.” Tinuro nito ang kinalalagyan ng turnilyo na nasa ibabaw ng table. Nang makuha ko iyon ay binigay ko kay Tatay.
Sa batang edad natuto akong magkalikot ng sasakyan kaya alam ko ang mga klase ng turnilyo. Palagi kasi akong dito sa talyer ni Tatay naglalagi. Sabi nga nila parang junior ako ni Tatay puro kasi kami babae. Apat kaming magkakapatid. Two years ang agwat namin. Ang bunso namin ay 3 years old at ako ay nasa 10 years old.
Hindi ako typical na batang babae na kung manamit pang-girl. Sanay akong nakapants o short at maluluwang na t-shirt at nakasuot ng cap.
“Willow may tumatawag sa iyo sa labas. Kaklase mo yata,” sabi ni Nanay.
Sino naman kaya iyon? Nagpunta ako sa gate namin. Nagulat ako nang makita si Lorenzo ang bestfriend ko. Mula Grade 1 hanggang ngayon ay kaklase ko siya. Sabay kaming lumaki kaya naging matalik ko siyang kaibigan.
Nagtaka nga ako dahil public nag-aral si Lorenzo samantalang mayaman ang pamilya nito. Kayang-kaya naman nitong mag-aral sa pribadong eskwelahan. Karamihan ng pinsan nito ay nag-aaral sa school namin.
Nakapunta na ako sa bahay nila Lorenzo. Palagi akong pinapupunta ni Tita Felicity doon dahil gustong-gusto niya ako. Palagi niyang sinasabing maganda ako. Crush ko ang Daddy ni Enzo na si Tito Mikael. Ang pogi kasi niya kahit may edad na. Napangiti ako.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Wala naman tayong usapang magkikita, a?” sabi ko kay Lorenzo. Nagulat ako nang yakapin niya ako at saka hinagkan ang pisngi ko.
Hindi ko maiwasang mag-init ang pisngi ko dahil sa ginawang paghalik ni Lorenzo.
“Ew! Kadiri ang laway mo!” Nandidiring pinahid ko ang pisngi ko. Napanguso ako.
“Grabe ka naman maka-ew. Siyempre dinadalaw kita, I miss you, babe!” Anito.
Nangunot ang noo ko. Parang may iba kay Lorenzo. Bakit parang may something sa lalaking ito?
Naningkit ang mata ko. “Ano’ne meron bakit ganyan ka umasta?”
Hinila ko siya at pinatahimik. “Huwag mo nga akong tinatawag na babe. Baka marinig ka ni Tatay.”
“Ano namang masama, babe?” Tinakpan ko ang bibig ni Enzo, lagot ako kapag narinig ni Nanay at Tatay.
Hinampas ko siya sa balikat. “Ano ka ba tumahimik ka nga o palalayasin kita.” Pagbabanta ko.
“Bakit kinahihiya mo ba akong maging boyfriend mo?” Anito at kumindat pa. Ang landi nito. Ang bata pa namin para sa isang relasyon.
“Ano’ng boyfriend! Mag-bestfriend lang tayo! Nagtapat ka lang ng pag-ibig boyfriend na kita agad?! Siraulo ka!” Inirapan ko ito.
“By the way kaya ako nandito dahil sasabihin ko sa Tatay at Nanay mo na tayo na.” Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya.
“Ano?! Kailan naging tayo? Wala akong sinabi!
“Babe, roon din naman ang tuloy natin. Pormal kong hihingin ang kamay mo sa Nanay at Tatay mo.” Hindi makapaniwalang tiningnan ko siya.
“Ano?! Mamanhikan ka na?!” sabi ko.
“Sinong mamanhikan?” Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang marinig ang seryosong boses ni Tatay. Napakagat labi ako at mariing napapikit. Naku patay!