KINABUKASAN ay nakalabas na sa ospital si Elaina. Dalawang gabi rin siyang puyat sa pagbabantay sa dalaga. Kaya plano niyang manatili na lang muna sa kaniyang silid ngayong araw.
Kargo niya si Elaina dahil kay Adrian kaya naman hindi niya ito iniasa sa mga kasambahay niya. Kahit hindi sila nagkikibuan ng dalaga sa ospital ay nanatili siya kasama nito roon.
Paghimpil pa lang ng sasakyan niya sa garahe ay kaagad na silang sinalubong nila Carlina at Elvira.
Napaangat ang mga kilay niya nang lapitan ng mga ito si Elaina at ’ni hindi naisip na kunin ang bitbit niyang holder bag. Nakalagay roon lahat ng personal na gamit niya na kinailangan niya habang nasa ospital siya at nagbabantay kay Elaina.
Inalalayan ng mga ito ang dalaga sa pagbaba nito sa kaniyang kotse. Pinagmasdan lang niya ang mga ito. Sinabayan ng mga ito si Elaina sa pagpasok sa entryway at tila nabalewala nga siya.
"Carlina!" tawag niya rito.
Tila noon lamang siya nito naalala. Bumitaw ito kay Elaina at lumakad pabalik sa kinaroroonan niya.
"Señorito Ndrew?" bakas sa mukha nito ang pag-aalala sa maaaring marinig buhat sa kaniya. "Paumanhin po hindi ko po—"
"Carlina,” putol niya rito. "Kapag tumawag ang guard sa gate at sinabing may naghahanap sa akin o kay Elaina, sabihin mo papasukin tapos ay ipasundo mo kay Rodel sa bukana. H'wag mo akong kalimutan akyatin sa bedroom ko," mahigpit na bilin niya.
"Paumanhin po, Señorito Ndrew, masama po ang pakiramdam ng aking asawa."
"Kung gayon, ipakuha mo kay Robbie ang service car at siya ang pagsunduin mo sa mga bisita sa bukana kapag dumating na."
"Opo, Señorito Ndrew," mabilis nitong tugon.
Pinukol niya ito ng malamig na tingin bago pasalyang ibinigay rito ang kaniyang bitbit sabay talikod.
Hindi ito nakakibo sa kinatatayuan habang yakap ang holder bag niya.
Sa hagdanan ay naabutan pa niya sa pag-akyat sila Elaina at Elvira. Nilampasan niya ang mga ito. Ngunit bahagya pa siyang napahinto sa paghakbang at pinakiramdaman ang dalaga sa kaniyang likuran.
Nang nasa ospital ito ay kinausap niya ang family lawyer nila para ipatuntun ang mga magulang nito sa Maynila at kausapin tungkol sa dalaga. Ipinaimbita niya ang mga magulang nito sa kaniyang abugado upang magtungo roon at sunduin ang dalaga.
Nagpatuloy siya sa paglakad patungo sa kaniyang kuwarto.
•••
HINDI niya alam kung ilang oras na siyang nakatulog nang makarinig ng marahang katok sa pintuan ng kaniyang silid.
Bumangon siya at tinungo ang pinto.
"Pasensiya na po, Señorito Ndrew, pero mayroon ka pong mga panauhing naghihintay sa ‘yo sa ibaba," mahinahong sabi ni Carlina.
"Sige, dalahin mo sila sa lanai at sabihin mo sa kanila bababa na ako,” utos niya rito.
"Opo, Señorito Ndrew," tugon nito saka tumalikod.
Inilapat niya ang dahon ng pintuan at kaagad na nagtungo sa bathroom. Matapos doon ay inayos niya ang sarili sa walk-in closet at lumabas na sa kaniyang silid.
Kagaya ng utos niya ay sa lanai nga dinala ni Carlina ang mga magulang ni Elaina.
Doon niya naisip kausapin ang mga ito upang hindi kaagad makita ng dalaga kung sakaling bumaba ito. Nais pa niyang makausap ang mga ito.
Isa pa ay maaliwalas doon at tiyak na paglilinawin nang tanawin doon ang mga pag-iisip nila habang nag-uusap sila.
Kanugnog ng lanai ang malawak na wooden pool deck sa malawak at mahabang swimming pool na may frameless glass fence sa kabilang ibayo bilang barrier sa napakataas na bangin. Nasa paligid din ang mga live plants na may iba't ibang kulay na mga bulaklak habang sa malayo ay tanaw ang napakalaki't luntiang mga kabundukan at asul na karagatan.
Kaagad na tumayo ang mga bisita nang makita siya.
"Magandang araw po," halos magkasabay pang bati ng mga ito sa kaniya habang nasa mga labi ang ngiting hindi naman umaabot sa mga mata.
Sa hitsura ng mga ito ay hindi maitatanggi ang pagiging salat sa buhay kagaya ng sinabi sa kaniya ng family lawyer nila.
"Magandang araw rin sa inyo. Kayo ba ang mga magulang ni Elaina?" paniniyak niya kahit pa nga nakita na niya ang hitsura ng mga ito sa mga larawan na ipinadala sa email ng family lawyer nila.
"Opo," kaagad na wika ng may edad na lalaki.
Mukha na itong maedad sa paningin niya, palatandaan ng hirap na pinagdaraanan nito sa buhay.
"Ikaw po ba si Sir Ndrew John Montana, kapatid ni Adrian John?" tanong nito.
Tumango siya. "Ako na nga," malamig ang boses na tugon niya.
Napansin niya ang pasimpleng tinginan ng mga ito.
"Ipagpaumanhin po ninyo kung hapon na kami nakarating," ang ginang.
Tumango siya. "Huwag n'yo na isipin iyon, ang importante ay nandito na kayo ngayon," wika niya tapos binalingan ang kasambahay na si Minda na naroon at nagdidilig ng mga halaman.
"Minda!" tawag niya rito.
Kaagad itong huminto sa ginagawa at lumapit sa kaniya.
"Pakisabi kay Elvira dalahan kami ng merienda," mahinahong utos niya.
"Opo, Señorito Ndrew," tugon nito at kaagad na kumilos.
"Maupo kayo," alok niya sa dalawa nang napansin na hindi na bumalik ang mga ito sa pagkakaupo.
Maingat namang naupo ang mga ito, animo'y natatakot na magasgasan ang mga upuan.
"Kumusta ang biyahe patungo rito?" tanong niya nang makaupo na rin.
"Medyo malayo po, nakakainip," tugon naman ng ginang.
"Kaya nga hindi ko kinahiligan ang pagluwas," pabirong sabi niya bagama't seryoso ang ekspresiyon ng kaniyang mukha.
Ngumiti lamang naman ang mga ito.
"Ah, si Elaina po, alam na po ba niya na dumating na kami?" tanong naman ng ama ng dalaga na hindi na nakatiis hintaying mabanggit niya ang tungkol sa anak nito.
"Ipinaalam ko na sa kaniya ang tungkol sa pagdating ninyo, maya-maya lang ay bababa na rin siya," pagsisinungaling niya.
Ang totoo ay hindi pa niya naipaalam sa dalaga ang tungkol doon dahil ang nais nga niya ay makausap muna ang mga magulang nito.
Hindi naman nagsalita ang mga ito matapos ang sinabi niya.
Nag-isip siya ng mga bagay na maaari nilang mapag-usapan habang humahanap siya ng tiyempo upang buksan sa mga ito ang main purpose niya kung bakit pinapunta niya rito ang mga ito.
Pagkaraan ng ilan pang sandali ay dumating si Elvira at inihain sa harap nila ang puff pastry at paneed chicken pati na rin ang malamig na fruit juice.
"Kumain muna tayo," sabi niya sa mga ito at nauna ng magsimula sa pagkain.
Gumaya naman ang mga ito sa kaniya.
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila habang kumakain sila.
Nang matapos silang kumain ay kagyat na natahimik ang mga ito at tila walang mahagilap sabihin, maging siya.
Ilang sandali niyang tinantiya ang mga ito bago naisip na dapat na niyang ibuka ang kaniyang bibig.
"Alam na ba ninyo ang tungkol sa kanila Adrian John pati na rin ang tungkol sa pagbubuntis ni Elaina?" tanong niya nang maisip na iyon na nga ang tamang sandali para pag-usapan nila iyon.
Hindi kaagad nakasagot ang mga ito. Natigilan siya at naisip na mali ang paraan ng pagtatanong.
Tumikhim ang ginang. "Ang totoo po n'yan," medyo alangan pa nang magsalita ito. "Napag-usapan na namin ni Elaina ang tungkol sa pagbubuntis niya, kagaya ng normal na reaksiyon ng isang magulang, hinanap namin sa kaniya ang ama ng bata. Pero maliban sa pangalan ay hindi niya nagawang iharap sa amin ang kaniyang nobyo. Sa sama ng loob nitong aking asawa—ng kaniyang ama ay wala sa loob na pinalayas niya si Elaina."
"Halos magkanda-kuba ako sa kakatrabaho mapagtapos lamang siya sa pagkokolehiyo," segunda ng lalaki sa asawa. "Tapos ay nagpabuntis lamang siya? Sino bang ama na tulad ko ang matutuwa sa ginawa niya—sa ginawa nila ng kaniyang nobyo na ‘ni minsan ay hindi namin nakita o nakilala,” maluha-luha na sabi pa nito.
Nakadama siya ng konsensiya sa ginawa ni Adrian, nagdulot ito ng kabiguan sa pobreng mga magulang ng dalaga.
Pasimple siyang napabuntong-hininga. "Sa totoo lamang ay hindi ko rin mahagilap ang kapatid ko,” mahinahong sabi niya. “Nais ko sana siyang makausap tungkol sa bagay na ito pero ‘ni anino niya ay hindi ko makita sa ngayon.”
Bumakas sa mukha ng dalawa ang matinding pagkadismaya matapos marinig ang sinabi niya.
"Nahihiya ako sa ginawa ni Adrian John, pero nais kong makatulong." Kinuha niya sa ilalim ng ceramic vase ng halamang nasa gitna ng mesang pinaghaharapan nila ang maliit na puting envelope.
Inihanda na niya iyon doon kanina pang umaga nang makauwi sila ni Elaina buhat sa ospital.
"Sana po ay makatulong ito sa inyo, ganoon din kay Elaina para muling magsimula," marahang wika niya saka hawak ng dalawang kamay ay iniabot iyon sa mga ito.
Kapwa napakunot ang noo ng mga ito at atubili pang kinuha iyon ng ama ni Elaina.
Nagtinginan pa ang mga ito bago iyon binuksan upang silipin ang laman. Inilabas nito sa envelope ang tseke at binasa ang nakasulat doon.
"Hindi ito isang tulong," turan ng ama ni Elaina na noon ay kagyat na nagdilim ang anyo. "Masyadong malaki ang halagang ito para sa tulong na sinasabi mo. Bakit hindi mo na lang kami diretsuhin? Binabayaran mo kami at tinatapatan ng halaga ang atraso ng kapatid mo sa anak namin!" tumaas pa ang nanginginig nitong boses.
Napailing siya. "Hindi iyon ang ibig kong ipahiwatig. Nais ko lang—" naputol ang sasabihin niya nang iwaksi nito ang tseke sa harap niya sabay tayo.
Napatingin siya sa tseke. Ilang beses pa niyang pinag-isipan ang pagpapakawala sa halagang ito, labis siyang nanghihinayang pero dahil nga sa pagsasaalang-alang niya kay Adrian ay pinasya niyang bitawan ang halagang ito ng pera. Tapos ay ibabato lamang pala nito ito sa harapan niya?
"Nasaan ang anak ko?!” galit na tanong nito sa kaniya.
"Harold, pakiusap huminahon ka," maagap namang awat ng ginang sa asawa.
"Ilabas mo ang anak namin!” Hindi nito pinansin ang asawa. “Isasama namin siya sa pag-alis pabalik sa Maynila at sa 'yo na ang Five Million Pesos mo!"
Itinaas niya ang tingin dito. 'Mabuti, iyan din naman talaga ang nais kong mangyari, bitbitin ninyo paalis dito sa bahay ko ang inyong anak,' inis na sa loob-loob niya.
Tumayo siya habang nakatingin dito. "Tatawagin ko siya.” Tiningnan ulit niya ang tseke sa harap niya at dinampot. "Pag-isipan mo itong mabuti," wika pa niya bago tumalikod sa mga ito.
•••
"BAKIT hindi na lang natin tanggapin 'yong pera?" naiiyak na tanong ni Elena sa asawa.
Matalim ang tinging ipinukol nito sa kaniya. "Ganoon na lang ba sa ‘yo? Pera na lang ba—"
"Maging praktikal na lang tayo," pigil ang boses na putol niya sa asawa. "Iuuwi lang din naman natin ang anak mo ng walang ama ang ipinagbubuntis niya, bakit hindi na lang natin tanggapin 'yong pera? Malaki ang maitutulong niyon sa atin, sa pagpapagamot ng bunso nating si Earl, sa pagnenegosyo, sa pag—"
"Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo Elena?!" galit na putol din nito sa kaniya. "Hindi natin tatanggapin ang pera, 'di bale na kumayod-kalabaw ako pero hindi ko babaliin ang prinsipyo ko. Maipapagamot ko si Earl at mapapagtapos ko sa pagna-nursing si Elaina. Itataguyod ko ang pamilya natin kasama ang ating magiging apo," matigas na sabi nito.
Hindi na siya nagsalita pa pero hindi napigil ang mapaiyak habang iniisip ang sitwasiyon nila at ang mga sinabi ng asawa.
Habang si Ndrew naman ay napatiim-bagang sa pinagkukublihan. Narinig nito lahat ng naging usapan nila. Umalis ito sa kinatatayuan upang akyatin si Elaina sa silid.