DAHAN-DAHANG iminulat ni Elaina ang mga mata at bahagya pang nasilaw sa liwanag na lumalagos sa nakahawi na kurtina ng malaking glass-wall window.
Nang masanay ang mga mata sa liwanag ay tumitig siya sandali sa kisame bago bumangon at lumapit sa glass-wall window.
Napangiti siya nang matanaw ang malawak at kulay luntiang taniman ng kung anu-ano sa malayo, napakasarap niyon sa mga mata.
Nasa ganiyang ayos siya nang biglang bumaliktad ang kaniyang sikmura. Nagmamadali siyang tumakbo patungo sa bathroom at nagduduwal sa countertop sink.
Ilang sandali rin siya sa ganoong ayos bago gumaan ang pakiramdam. Pagkaraan ay lumabas siya sa bathroom. Napatingin siya sa pinto nang makarinig ng mga katok doon.
Kaagad siyang lumakad palapit sa pintuan at binuksan ang dahon niyon.
"Mabuti at gising ka na," kaswal na sabi ni Carlina sa kaniya. "Hinihintay ka na ni Señorito sa komedor." Tumalikod ito pagkatapos magsalita.
Nakadama siya ng labis na excitement kaya kaagad na sumunod dito hanggang sa makarating sila sa dining room.
"Adrian!" sigaw niya na puno ng excitement nang bumungad siya roon.
Ngunit kaagad siyang natigilan at parang binuhusan ng malamig na tubig nang makita ang lalaking nakaupo sa kabisera ng mahabang mesa.
Kagyat na naglaho ang excitement na nararamdaman at napalitan iyon ng hindi maipaliwanag na pakiramdam.
Nagtataka siya, naguguluhan. Hindi ito si Adrian.
Nag-angat ang lalaki ng mukha at pinukol siya ng malamig na tingin.
Napamata siya at kaagad na naalala ang mukha nito. Ito ang lalaki sa sasakyan na napagtanungan ng kaibigan niya kahapon.
Ano'ng ginagawa nito rito?
Narinig niyang sinabi nito sa kaibigan niya kahapon na hindi nito alam ang Hacienda Montana, pero heto at nakaupo ito mismo sa kabisera ng mahabang mesa.
Hinagod siya nito ng mapanuring tingin. "Maupo ka," kapagkuwa'y pautos nitong sabi sa kaniya, pati boses nito ay napakalamig.
Napatingin siya kay Aling Carlina na noon ay isinenyas ang upuan para sa kaniya.
Kumilos siya at hinila ang silya kung saan nakatapat ang platong para sa kaniya.
Hindi niya maiwasan ang mapatingin sa lalaking ito habang iniisip kung sino ito at ano ang kaugnayan nito kay Adrian.
Kapatid ba ito ng nobyo niya? Ah, hindi siguro, hindi ito kamukha ni Adrian.
Binawi niya ang tingin dito nang makitang hindi ito kumukurap sa pagkakatitig sa kaniya.
"Habang nandito ka at hinihintay si Adrian, gusto kong maintindihan mo ang mga rules ko rito." Tumingin ito kay Aling Carlina. "Ituturo mo iyon sa kaniya Carlina," pormal na wika nito.
"Opo, Señorito," mabilis na tugon ng matanda.
Señorito?
'Tinawag niyang Señorito ang lalaking ito?' tanong niya sa isip habang manaka-nakang muling napatingin sa lalaking ito.
Para sa kaniya hindi ito mukhang señorito kagaya ng Adrian niya.
Hinagod niya ito ng mapanuring tingin. Oo nga at guwapo ito, pero ang pananamit nito ay hindi niya masabi kung anong clothing code.
Naka-t-shirt ito ng kulay puti na pinatungan pa nito ng naka-unbutton na long sleeves polo kahit kainitan, kung sabagay, light blue naman ang kulay niyon kaya malamig sa mga mata pero nakakahilong titigan dahil sa geometric pattern. Tapos ay naka-cargo pants ito ng itim at parang safety boots.
Dinala niya ang tingin sa mga mata ng lalaking ito na eksaktong ibinalik ang tingin sa kaniya kaya kaagad na nagpanagpo ang kanilang mga paningin.
"Bukas si Carlina ay hindi na aakyat muli sa 'yong silid upang gisingan ka para sa almusal. Hindi ka Señorita kaya hindi ka pagsisilbihan dito, bagkus ay tutulong ka sa kanila sa mga gawain nila. Nagkakaintindihan ba tayo?" Bahagyang umarko ang kilay nito habang tahasang sinasabi ang mga iyan.
Hindi siya nagsalita pero nananatiling sinasalubong ang malamig nitong titig sa kaniya.
Napakunot ang noo nito. "Kailangan ko bang ulitin ang sarili ko, hah?" tanong nito, bakas ang inis sa malamig nitong pananalita.
"Opo, Señorito," mahinang tugon niya.
"Ano!?" paasik kaagad nitong tanong.
"Ibig ko pong sabihin, opo, Señorito. Naiintindihan ko po lahat ng sinabi mo," pantay ang tonong tugon dito.
"Mabuti," maikling turan nito na sinundan ng pagtayo. "Carlina, sabihin mo sa kaniya lahat ng dapat niyang malaman, para makapagpasya siya kung mananatili ba siya rito ng matagal. Aalis na ako." Tumayo ito at iniwan sila na walang lingon-likod.
Sinundan niya ito ng tingin sa napakatikas nitong paglakad.
Napabuntong-hininga siya nang mawala ito sa kaniyang paningin.
Hindi niya alam kung paano niya na-compose ang sarili sa harap nito kanina matapos ang naging reaksyon niya nang makita ito.
"Narinig mo naman ang mga sinabi ni Señorito Ndrew," untag ni Aling Carlina na kumuha sa atensyon niya.
'Ndrew? Señorito Ndrew?' ulit niya sa kaniyang isip.
"Ayaw ko ng matigas ang ulo sapagkat ayaw kong nakakagalitan ng Señorito. Kaya makikinig ka at susunod sa akin," mataray na sabi pa nito sa kaniya.
Hindi siya nagsalita pero tumango.
"Una, ayaw ni Señorito Ndrew na tinititigan siya kapag wala siyang pahintulot, kagaya ng ginawa mo kanina. Huwag mo na uulitin iyon. Ikalawa, ayaw niyang pakalat-kalat ang kahit na sino rito sa loob ng mansion kapag tungtong ng alas dyes ng gabi. Lahat kami sa ganoong oras ay nasa maids quarter na kaya dapat ikaw rin, nasa silid mo na. Ikatlo, kapag sinabi niyang hindi, hindi talaga. Ayaw niyang paulit-ulit, at hindi rin niya gustong nagpapaliwanag kung bakit hindi sa kaniya ang isang bagay o pagpapasya. Ayaw niya ng matigas ang ulo at mapilit. Ikaapat, hindi niya gusto ang pabalang-balang na trabaho, kaya pagbutihin mo. Kapag nilabag mo ang ikalawang rule, kagaya ng mga nauna lalayas ka rito ura-urada. At kahit si Señorito Adrian, walang magagawa riyan."
Napakunot ang noo niya habang nakatitig pa rin dito matapos ang mga sinabi nito.
Daig pa niya ang in-orient sa in-apply-an na trabaho. Aplikante ba siya rito? Girlfriend siya ng Señorito Adrian nito, hindi ba nito naiisip iyon pati na ng masungit na lalaki sa harap niya kanina?
"May gusto ka ba itanong?" medyo nandilat ang mga matang tanong nito sa kaniya.
"S-sino po ba s'ya?" hindi na niya napigil na usisa rito.
Hindi ito nagsalita bagkus ay tinitigan siya.
Naibaba niya ang tingin sa platong nasa harap niya.
"Hindi rin pala binanggit sa 'yo ni Señorito Adrian ang tungkol kay Señorito Ndrew?"
Napamaang siya rito. 'Hindi rin? Ano'ng hindi rin?' tanong sa isip niya.
"Half-brother silang dalawa, magkaiba sila ng ina. Hindi sila magkamukha kase si Señorito Adrian ay sa mother n'ya siguro kumuha ng hitsura samantalang si Señorito Ndrew ay kamukha ng kanilang ama," paliwanag nito kahit pa nga hindi naman niya itinanong ang tungkol doon.
"Si Adrian po, Aling Carlina? Sinabi po niya na darating siya rito ngayong umaga," sabi niya at hindi pinansin ang mga sinabi nito. Hindi siya interesado tungkol doon. "Hindi pa po ba siya dumating?"
Umiling lamang ito bilang tugon sa kaniyang tanong.
Napabuntong-hininga siya at napaisip.
"Bilisan mo na kumain, maya-maya lang magluluto na tayo ng pagkain para sa mga trabahante," sabi ni Aling Carlina sa kaniya.
Tiningnan niya ang mga pagkaing nakahain sa harapan niya na sa totoo lang ay kanina pa siya ginugutom sa masarap na amoy.
Sumubo siya ng pagkain buhat sa plato niya at nginuya subalit kaagad ding natigilan at kapagkuwan ay napatayo dahil sa biglang pagbaliktad ng kaniyang sikmura.
Ngunit dahil hindi niya kabisado ang pasikot-sikot sa mansion ay sa marmol na sahig na siya nasuka at hindi na nagawang hanapin pa ang comfort room.
"Naku! Bakit d'yan ka…!?" natataranta ngunit nabitin na bulalas ni Carlina at mabilis na tumalikod upang kumuha ng kagamitan sa paglilinis ng sahig.
Nasapo niya ang sikmura na halos ayaw na huminto sa pagbaliktad. Nagpatuloy siya sa sunud-sunod na pagduwal.
"Ikaw ang maglinis niyan dahil mahina ang sikmura ko pagdating sa ganiyan," wika ng matanda nang makabalik dala ang kakailanganin niya upang linisin ang kaniyang kalat.
Napapaduwal na rin ito kaya mabilis itong umalis at iniwan siya.
**
BUMALIK si Ndrew sa mansion at sa komedor siya dumiretso sa pag-aakalang nandoon pa si Carlina. Ngunit nang sumapit siya roon ay wala na ang matanda at si Elaina na lamang ang naabutan niya na abala sa pagma-mop ng marmol na sahig.
Awtomatikong nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang paraan nito sa pagpupunas.
"Hindi mo ba alam kung paano ang tamang pagpupunas ng sahig!?" inis na tanong niya rito.
Napakislot ito sa pagkabigla nang marinig ang boses niya at awtomatikong napalingon sa kaniya.
"Basang-basa ang mop mo!" inis na turan niya sabay lakad palapit dito at akmang hahawakan ang mop handle pero para siyang may sakit na nakahahawa nang mabilis itong pumitlag palayo sa kaniya.
Mas lalo siyang nainis sa inasal nito kaya naman humakbang siya para haltakin ito at komprontahin.
Dahil sa pagkainis dito ay nakalimutan niya ang basang sahig, at kumalabog na siya roon bago pa man nakalapit nang tuluyan kay Elaina.
"Buwisit!" galit na bulyaw niya rito na noon ay tinakasan ng kulay ang mukha.
Sapo nito ang bibig habang nakatingin lang sa kaniya ang namimilog na mga mata.
"Señorito!" sigaw ni Carlina na mabilis na dumalo sa kaniya nang makita siya sa ayos niya.
Tinulungan siya nitong makatayo.
Napangiwi siya nang maramdaman ang sakit sa kaniyang p'wetan na naunang bumagsak sa sahig.
Nag-aalala siya na baka hindi siya makalakad dahil doon pero masuwerteng hindi naman siya napilayan sa balakang.
"S-sorry," wika ni Elaina na tila noon lang nagkaroon ng kakayahang makapagsalita.
Napatiim-bagang siya. Matalim ang tingin na ipinukol niya rito at hindi nagawang baguhin nang tumingin sa matanda.
"Carlina, bumalik ako dahil nakalimutan kong banggitin sa iyo na may apat na tao akong idinagdag sa plantasyon kaya dagdagan mo ang iluluto mong pagkain para sa tanghalian!" paasik na utos niya rito.
"Opo, Señorito Ndrew," kaagad nitong tugon na sinabayan pa ng pagtango.
"Siya ang pagdalahin mo ng tanghalian sa prutasan, h'wag mo siyang tulungan at h'wag mo siyang pasasakayin sa kabayo o kalabaw papunta roon!" paasik na bilin pa niya kay Carlina habang nakatingin kay Elaina.
Hindi niya hinintay na makapagsalita pa ang inutusan, kaagad siyang tumalikod sa mga ito at iniwan.
Napangiwi siya habang naglalakad pabalik sa kuwadra kung saan naroon ang kaniyang kabayo na si Abilo, nasa singkuwentang metro lamang ang layo niyon mula sa gate ng mansion niya.
Napamura siya habang inaalala ang sinapit niya sa kagagawan ni Elaina ngayong unang araw pa lang nito sa poder niya.