PAIKA-IKA at hindi mapigil ang mga luha sa mga mata ni Elaina habang tinutugpa ang kalsada palayo sa mansion. Gabi at napakalamig doon sa labas.
Kinuha niya ang cellphone sa bulsa at tinawagan si Adrian pero naka-off ang cellphone nito.
Napakislot siya nang biglang humalinghing ang kabayo sa kuwadra hindi kalayuan sa kinatatayuan niya.
Napalunok siya habang inililigid ang tingin. Naririnig niya ang huni ng mga panggabing insekto sa paligid.
Ang liwanag buhat sa mansion at ang ilaw sa mga poste na nakatayo sa driveway na daraanan niya ang kaniyang tanging tanglaw sa madilim na gabi. Hindi niya maiwasang makadama ng takot lalo pa at madalas ang mga pagkaluskos sa itaas ng mayayabong at matataas na mga puno ng mahogany sa kahabaan ng driveway.
Nagpatuloy siya sa ika-ikang paglakad pero kaagad ding napahinto nang maramdamang may pumatak sa kaniyang balat. Napatingala siya, umaambon.
Napakislot siya nang humalinghing ang isa sa tatlong kabayo na nasa kuwadra.
Saglit siyang tumanaw roon at sa tulong ng liwanag mula sa mansion ay naaaninaw niya ang itim na kabayong sinakyan ni Ndrew kanina, kasama ang dalawa pang kabayong naroon.
Pagkaraa'y nagpatuloy na siya sa ika-ikang paglakad habang impit na umiiyak.
'Napakalupit ng lalaking iyon, hindi man lang talaga isinasaalang-alang ang pagiging babae ko!' masama ang loob na sabi niya sa kaniyang isip.
•••
NAPATANAW sa labas ng glass-wall window si Ndrew nang makita ang biglaang paglurok ng ulan.
Nakahiga na siya sa king sized bed niya pero hindi pa rin dalawin ng antok kahit ilang beses na niyang ipinikit ang mga mata.
Ganoon pa man ay sinikap niyang makatulog. Ilang sandali na siyang nakapikit at bahagya nang idinuduyan ng antok nang marinig ang marahang katok sa pinto.
Iminulat niya ang mga mata at sumulyap sa desk clock na nakapatong sa bedside cabinet. Mag-aalas dyes na ng gabi.
'Sino kayang malakas ang loob na lumabag sa second rule ko?' Inis na bumangon siya at umibis sa kama.
Kinuha niya ang robe sa kinalalagyan niyon, isinuot bago lumakad palapit sa pintuan at binuksan.
"Pasensiya na po, Señorito Ndrew," bungad sa kaniya ni Carlina. "Lumalakas po ang ulan, naisip ko lang po si Elaina baka—"
"Kung nag-aalala ka para sa kaniya, lumabas ka at sundan siya. Pero, Carlina, hindi ka na rito puwedeng bumalik pa," malamig ang tonong sabi niya habang malamig din ang mga matang nakatitig dito.
Hindi ito kumibo.
"Ayaw ko nang istorbohin mo pa ulit ako. Nagpapahinga na ako.” Sinundan niya ng walang pasintabing paglapat sa dahon ng pintuan kahit pa nga nakatayo pa ito sa tapat niyon.
Hinubad niya ang robe at isinalya iyon sa couch saka padapang dumulog sa kama.
•••
KINABUKASAN ay maagang nagising si Ndrew. Matapos niyang dumaan sa bathroom at gawin ang dapat gawin doon ay lumabas na siya at tinungo ang komedor.
Nadatnan niya roon sila Carlina at Elvira na kapwa tahimik na nakamasid sa kaniya. Kakatapos lang ng mga itong ihain sa mesa ang umuusok pa niyang almusal.
Hinila niya ang upuan sa kabisera ng mesa at naupo roon.
"Bakit para kayong namatayan?" matabang niyang tanong sa mga ito.
"Medyo malamig lang po ang umagang ito dahil katitila lamang po ng ulan," si Carlina ang sumagot, mayroong nais iparating.
Tiningnan niya ito dahil napansin niya ang katamlayan sa pagsasalita nito.
"Hindi ba sinabi ko sa 'yo na habang maaga pa ipaalam mo na sa kaniya kung ano ang mga ayaw ko rito?" malamig ang tonong tanong niya kay Carlina.
"Ginawa ko po, Señorito Ndrew," nakatungong sabi nito.
Hindi siya nagsalita bagkus ay kumilos at sinimulang sumandok ng pagkain sa serving platters.
Nananatiling nakamasid ang mga ito sa kaniya hanggang sa magsimula na siyang kumain.
Napahinto siya sa unang pag-nguya pa lamang at kinuha ang tasa ng mainit na tsokolate na nasa tabi ng baso ng sariwang gatas.
Humigop siya ng mainit na tsokolate at muntik nang mapatupda. "Bakit walang kalasa-lasa ang mga inihain ninyo?" Padarag na ibinaba niya ang tasa. "Itapon nga ninyo ang mga ito!” iritang utos niya saka sinundan ng pagtayo at pagtalikod sa mga ito.
Nagkatinginan sila Elvira at Carlina. Kapwa napailing ang mga ito bago kumilos upang sundin ang utos niya.
Dumiretso siya sa kuwadra ni Abilo at natigilan nang sapitin iyon.
Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman nang makita si Elaina na nakabulukon sa mga tuyong damo roon at namamaluktot sa lamig. Basa pa ang paligid dahil halos katitila lamang ng ulan at hindi niya tiyak kung hindi ba nabasa ang mga tuyong damo. Gayunpaman, wala siyang pakialam.
Malaki ang kuwadra ni Abilo at ng mga kasama nitong kabayo, mayroon itong concrete roof tiles, dapat na nito iyong ipagpasalamat.
Inayos niya ang saddle sa likod ni Abilo at sumakay rito. Humalinghing ito pero hindi nagising ang mahimbing na si Elaina.
Pinasikad na niya si Abilo palabas ng kuwadra. Nang makalabas ay kaagad itong tumakbo palayo.
Habang papalayo ay hindi niya maikwaksi sa isip ang hitsura ni Elaina sa kuwadra, bagay na ikinaiinis niya. Subalit binilisan pa niya ang pagpapatakbo sa kabayo palayo roon.
•••
NAALIMPUNGATAN si Elaina nang magising siya. Parang naulinigan niyang may tumatawag sa kaniyang pangalan.
"Elaina…"
Napabalikwas siya ng bangon. Si Aling Carlina iyon, tinatawag nga siya.
Luminga pa ito bago siya pinasok doon sa loob ng kuwadra. "Ayos ka lang ba? Hindi ka ba nabasa ng ulan sa loob ng magdamag?" magkasunod na tanong nito.
Napatitig siya rito. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala sa kaniya ngayon samantalang hindi naman naging kaaya-aya ang pagtanggap nito sa kaniya nang dumating siya.
Hindi siya sumagot kahit pa nga sa totoo lang ay medyo hindi nga maganda ang pakiramdam niya.
"Halika, sumama ka na muna kay Robbie habang hinihintay natin si Señorito Adrian."
Inalalayan siya nitong tumayo at ito na mismo ang nagbitbit sa travelling bag niya.
Napatingin siya sa kalsada. Nandoon si Robbie at nakanaw sa kaniya.
"Robbie!" tawag ni Aling Carlina sa binata.
Bumaba ito sa kabayo at nagmadali sa paglakad palapit sa kanila. Kinuha nito kay Aling Carlina ang gamit niya.
Iginiya naman siya ng matanda pasunod sa binata palapit sa kabayong sinakyan nito.
Nang maayos ng binata ang travelling bag niya sa likod ng kabayo ay siya naman ang hinarap nito.
"Aling Carlina? " nag-aalangan pang tawag niya sa matanda habang nakatingin dito. Natatakot siyang sumakay.
Ngumiti ito sa kaniya. "Magiging maayos ka roon, manatili ka na lang sa loob ng bahay niya para hindi ka mapansin ni Señorito Ndrew, pupuntahan kita roon mamaya," mahinahong sabi nito.
Gusto na niyang pagtakhan ang biglaang pagbabago ng pakikitungo nito sa kaniya, pero hindi na siguro iyon ngayon mahalaga.
Napaluha siya bago tumingin kay Robbie.
Kumilos ang binata at sumakay sa likod ng kabayo. "Sakay na," mahinahong sabi ng binata at dumukwang upang alalayan siyang makasakay sa kabayo.
Tumulong si Aling Carlina upang maayos siyang makasakay.
"Robbie, ikaw na muna ang bahala kay Elaina," bilin ng matanda nang ganap na siyang makasakay sa kabayo sa bandang likod ni Robbie.
"Opo, Aling Carlina. Wala po kayong dapat na ipag-alala," tugon ng binata at hinila ang reins ng kabayo upang pausadin ito.
Tiningnan niya ang matanda na noon ay nakatingin din sa kaniya.
Pumihit ang kabayo upang tugpain ang driveway pababa.
"Kumapit ka, Elaina,” utos ng binata sa kaniya kaya nakuha nito ang atensyon niya.
Nag-atubili pa siya nang una pero nang bumilis na ang pagtakbo ng kabayo ay napahawak siya sa baywang ni Robbie.
Inihatid sila ng tanaw ni Aling Carlina.
•••
NAG-IIKOT sa perimeter ng hacienda si Ndrew John kasama ang mga nakatalagang bantay roon. Ginagawa niya iyon upang siya mismo ay matiyak na walang nagti-trespass sa kaniyang property.
Nag-ingay ang cellphone niya. Kinuha niya iyon sa bulsa at madilim ang anyong sinagot ang tawag.
"Ndrew?" kaagad na bungad ni Adrian sa kaniya.
Pinahinto niya ang kabayo sa pagtakbo. "Why would you even do that to Elaina?" malakas ang loob na kompronta nito sa kaniya.
"You know me at all, Adrian. I do when I say so," malamig ang boses na sabi rito.
"I know. Pero, nakiusap ako na kahit sa huling pagkakataon pagbigyan mo ako," sabi nito na bakas sa boses ang hinanakit. “She's different and truly special. Don't you even recognize that?” Dinig niya ang malalim nitong pagbuntong-hininga.
"Wala akong pakialam!" singhal niya.
"Please, Ndrew!"
"Pasensiya ka na, Adrian. Nagawa ko na, hindi ko na puwede bawiin pa,” pagmamatigas niya at akmang ibaba na ang cellphone nang marinig ang sinabi nito.
"Darating ako mamayang gabi," mabilis nitong sabi."Please bring her back and allow her to spend the night sa loob ng mansion for at least a few hours hanggang sa makarating ako," wika pa nito na may himig ng pakiusap. "At pagkatapos nito kahit kalimutan mo na ako buong buhay mo."
Saglit siyang napapikit kasabay ang pagbuntong-hininga.
Nang imulat niya ang mga mata ay tinapos niya mismo ang tawag na walang paalam.
"Buwisit!" bulong niya sa sarili habang ibinabalik ang cellphone sa bulsa.
Tapos ay muling pinatakbo si Abilo. "Hyah!"