Chapter 2

2360 Words
Chapter 2 "This is the real me, baby." Hindi magkandaugaga si Vaylord sa pagpapaliwanag sa kapatid. Dahan-dahan niyang nilapitan ang kamang kinahihigaan ng dalaga. Panay lang ang punas ni Allane sa mga luhang nag-uunahang pumatak sa kaniyang pisngi. Ngayon lang siya nagkamalay at agad na pumasok sa isipan niya ang nakita kanina sa library. Hindi niya matanggap na isang bampira ang kaisa-isang kapatid. Nasaksihan niya kanina kung gaano ito kasabik sa dugo. Putlang-putla na ang mukha ni Vienna pero hindi pa rin tinitigilan ng kuya niya ang pagsipsip ng dugo sa leeg ng sekretarya. Naupo si Allane sa gilid ng kama at direktang tumingin sa mga mata ng kapatid. Napangiwi siya nang mapansing pulang-pula ang mga mata nito. Kulay dugo iyon, hindi kagaya kaninang umaga na mala-asul ang kulay na parang kalangitan sa maaliwalas na panahon. Gusto niyang magalit sa kapatid pero hindi niya magawa dahil kahit anong mangyari ay kapatid niya pa rin ito. "Why didn't you tell me, Kuya?" mapait na tanong ng dalaga at iniiwas ang paningin. Hindi niya kayang makita ang kapatid sa ganoong hitsura. Hindi sa natatakot siya rito, hindi lang siya sanay sa mga mata nito na kulay dugo. "I was twenty years old nang malaman ko ang totoo kong pagkatao, Baby. Si Dad na mismo ang nagdesisyon na huwag ng ipaalam sa 'yo dahil baka matakot ka sa akin." Lalapitan na sana ni Vaylord ang kapatid pero bigla itong tumayo at tinungo ang bintana. "You never trust me, Kuya," saad ni Allane habang nakatingin sa labas ng bintana. Papagabi na at hindi niya alam kung ano ang magiging hitsura ng kuya niya kapag ganitong sasapit ang gabi. Katulad din ba ang kuya n'ya sa mga bampira na nababasa niya sa libro? Nag-aabang din ba ito ng mabibiktima sa kalagitnaan ng gabi? "Baby, believe me. It wasn't my intention. Gusto lang kitang protektahan kaya hindi ko na sinabi sa 'yo." Umupo ang binata sa harap ng malaking salamin. Mula roon ay nakikita niya ang repleksiyon ng sariling kapatid ngunit napakunot ang noo niya nang mapansing naroon din ang sarili niyang repleksiyon. Pangalawang beses na niya ito na makita ang sariling repleksiyon sa salamin. Taliwas noon na tanging damit na suot niya lang ang nakikita sa tuwing haharap siya sa salamin. Humarap si Allane at nagtatakang tinanong ang kapatid. "Kuya, kung bampira ka at kapatid kita, hindi kaya bampira rin ako?" Muling lumandas ang mga luha sa pisngi ng dalaga. Hindi niya matatanggap iyon. Ayaw niyang maging bampira. "Kuya, ayoko." Napaluhod na ang dalaga at umiyak nang umiyak. Nilapitan ni Vaylord ang kapatid saka niyakap. Nagpakabusog siya kanina sa dugo kaya ligtas sa kaniya ang kapatid. Isa pa, suot nito ang bangle kaya hindi niya maamoy ang halimuyak ng dugo ni Allane. "Baby—" "I don't want to be a vampire, Kuya." Humagulgol siya habang yakap ng kapatid. Taong-lobo ang nobyo niya na si Gavil at mortal na kalaban ng mga taong-lobo ang mga bampira. Isa iyon sa mga ikinakatakot niya kapag nalaman ng kuya niya ang tungkol sa pagkatao ni Gavil. Tiyak niya na magkakagulo ang dalawa. Matalik na magkaibigan dati ang dalawa at hindi maintindihan ni Allane kung bakit bigla na lang naging mortal na magkaaway ang mga ito. Wala namang sinasabi sa kaniya ang dalawa kung ano ang pinag-ugatan ng kanilang away. "Kuya, I am not a vampire, right?" Tila mas kinukumbinsi ng dalaga ang sarili sa tanong na iyon. Mababanaag ang takot sa mukha niya. "Baby, you are—" Hindi naituloy ni Vaylord ang sasabihin dahil nakarinig sila ng katok sa pinto. Dali-daling kinuha ng binata ang sunglass na nakasabit sa bulsa ng suot na polo saka isinuot iyon. "Ma'am, Ser," tinig iyon ni Manang Tikay. "Dumating po si Ser Ahron." "Pakisabi bababa na ako, Manang Tikay," tugon ni Vaylord sa mababang tinig. Tinulungan ng binata na makatayo si Allane. "Si...si Kuya Ahron," nauutal na saad ng dalaga. Nagtatanong ang mga mata nito. "Isa rin ba siyang b-bampira?" Tumango si Vaylord at sinenyasan ang dalaga na huwag maingay saka hinawakan ang kaliwang braso nito. "I need to talk to him, Baby. Bababa na ako." Huminga nang malalim ang dalaga habang tinatanaw ang papalabas na kapatid. Muli, ay naalala niya ang pag-agos ng sariwang dugo ni Vienna kaya agad niyang tinakpan ang bibig gamit ang kanang kamay. Parang nasusuka siya sa isiping iyon. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakakita ng ganoon at kapatid niya pa mismo ang may gawa. Muli siyang naupo sa gilid ng kama at kinuha ang cellphone na nakapatong sa bedside table. Tatawagan sana niya si Gavil subalit biglang nagbago ang plano niya nang makita sa screen ng cellphone ang notification na nagsasaad na puwede na niyang ituloy ang paglalaro ng kinahihiligan niyang game app. Tuwang-tuwa siya dahil binigyan siya ng sampung lives para sa larong iyon. Ibig sabihin makakapaglaro siya ng sampung beses o higit pa kapag naipanalo niya ang bawat level sa laro. "Yes! Makakapaglaro na rin ako," masiglang sambit niya matapos pindutin ang game app na Journey To The Lost Kingdom. Kagabi ang huli niyang laro ng game app na 'yon. Naubusan kasi siya ng lives at hindi na rin siya nakapaglaro kaninang umaga. "Yes!" malakas na sigaw ni Allane nang matagumpay niyang natapos ang mission sa level na iyon kung saan nagkaroon siya ng tiara bilang gantimpala. "Nakuha rin kita, Tiara." Tuwang-tuwa siya habang tinititigan ang korona na napapalamutian ng batong jade, sapphire, at ruby. May maisusuot na rin na tiara ang hero princess na napili niya. Nagpatuloy si Allane sa paglalaro ng game app na iyon nang bigla na lang siyang nakarinig ng kakaibang ingay sa labas ng sariling kuwarto na tila ba nagbubulungan. Hindi niya mabitiwan ang cellphone dahil kasalukuyang nasa level siya kung saan malapit na niyang makuha ang susi ng Lost Kingdom. Napamura siya nang hindi siya magtagumpay sa level na iyon. Ibig sabihin nabawasan siya ng lives. Sa inis ay inilapag niya ang cellphone sa ibabaw ng mesa. Tumayo siya para tingnan kung ano ang ingay sa labas ng kaniyang kuwarto. Tila kasi boses ni Manang Tikay ang narinig niya. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at sumilip. Nang wala siyang makitang tao ay lumabas na siya ng kuwarto at tinungo ang hagdan pababa nang muli siyang makarinig ng mahinang boses sa pasilyo papunta sa balkonahe, kaya napalingon siya roon. Madilim sa bahaging iyon ng mansiyon dahil bukod sa laganap na ang dilim sa labas ay hindi pa nakabukas ang ilaw sa pasilyo. Papunta na sana siya roon para buksan ang ilaw nang lumabas sa bahaging iyon si Ahron. Kinabahan siya nang makita ito. "Hi, Allane," nakangiting bati ni Ahron. Tila nagulat ito nang makita ang dalaga. "H-hello, Kuya Ahron," nauutal niyang tugon sa kaibigan ng kuya niya. Nagtataka siya kung bakit naroon ito sa madilim gayong nasa baba si Vaylord. Kakaiba ang ikinikilos ni Ahron. Napansin din ng dalaga ang mapulang mantsa sa gawing dibdib ng suot nitong puting polo na napapatungan ng itim na leather jacket. "S-si Kuya Vaylord?" "Ah, kanina pa bumaba. Naiwan kasi sa balkonahe itong cellphone ko kaya binalikan ko." Itinaas nito sa ere ang cellphone. "Sige, Allane, bababa na ako." Tumango lang ang dalaga at tinanaw ang binata habang pababa ng hagdan. Biglang pumasok sa utak niya ang napag-usapan nila ng kuya niya. Ngayon niya nakumpirma na isang bampira rin si Ahron dahil kagaya ng kuya niya ay may maputla rin itong balat at hindi lang iisang beses niyang napansin ang kulay dugo nitong mga mata. Subalit ang ipinagtataka niya ay kung ano ang ingay na narinig niya kanina. Sigurado siya na may narinig siya, pero imposible naman na si Manang Tikay iyon dahil natanaw niya ang katulong sa ibaba nang hagdan. O, baka may iba pang kasamang dumating si Ahron at dito magpapalipas ng gabi. Napabuntong-hininga na lang siya sa isiping iyon. Sanay na sanay ang mga kaibigan ng kuya niya na sa mansiyon nagpapalipas ng gabi. Darating pagpatak ng dilim at aalis bago sumikat ang araw. Minsan ay hindi na niya namamalayan na nakaalis na pala ang mga 'yon. Muli siyang bumalik sa kuwarto at kinuha ang cellphone saka bumaba na dahil kumakalam na ang kaniyang sikmura. Almusal lang ang kinain niya ngayong araw, hindi siya nakapananghalian dahil hinimatay siya. Papunta na siya sa kusina nang makasalubong niya ang kapatid. Pansin niya na hindi na mapula ang mga mata nito. Bumalik iyon sa pagiging kulay asul. "Mabuti naman at bumaba ka na. Nakahanda na ang hapunan, baby." Nag-aalangan si Vaylord kung aalalayan ang kapatid dahil naghihina ito. Tumango lang si Allane at imbes na tumuloy sa kusina ay nagtungo siya sa living room. Pakiramdam niya kasi ay masusuka siya sa isiping kakain siya ng hapunan kaharap ang kapatid. Pansamantalang nawala sa utak niya ang nasaksihan sa library nang maglaro siya ng Journey To The Lost Kingdom, pero tila bigla na naman iyon pumasok sa utak niya nang muling makaharap ang kapatid. Hindi niya malilimutan ang malansang amoy ng dugo ni Vienna. Napansin din niya ang ganoong amoy nang makaharap niya kanina si Ahron. "Wala akong ganang kumain, Kuya," tugon niya matapos maupo sa pang-isahang sopa. Inilibot niya ang paningin sa kabuuan ng living room at napansin niyang pinalitan ni Manang Tikay ang mga kurtina. Kaninang umaga kasi ay nagrereklamo si Vaylord dahil bukod sa puti ang kulay ng kurtina ay napakanipinis pa niyon dahilan para tumagos ang sikat ng araw at ayaw na ayaw iyon ng binata. Mas gusto nito ang mga dark colors kaya kung titingnang maigi ang disenyo ng kanilang living room ay tila bumalik ka sa nakaraan kung saan nabuhay ang mga sinaunang maharlikang angkan. Kulay maroon ang kurtina at tanging ilaw ng chandelier na nakasabit sa high ceiling ng mansiyon ang tumatanglaw sa living room. Sakop ng ilaw niyon ang hagdan na pinapinturahan ng kuya niya ng kulay ginto na taliwas sa kagustuhan ng kinagisnan nilang ina. Itim ang kulay ng sofa set dahil iyon ang gusto ng kuya niya. Walang telebisyon sa sala, bagkus ang naroon ay isang istanteng salamin kung saan naglalaman ng iba't ibang mahahalagang bato. Naroon din ang ilang amulet na koleksiyon ng kuya niya, 'yong iba ay mismong design ng kuya niya. Iyon kasi ang pinagkaabalahan ni Vaylord nang makatapos ito sa kolehiyo. Nagtayo ito ng negosyo sa tulong ng kanilang ama. Iyon ang V-Empire Company na gumagawa ng mga alahas. Hindi lang sa bansa sikat ang kompanyang iyon kundi pati na sa ibang bansa at mismong mga international model at sikat na mga tao ay tinatangkilik ang mga designs ng kuya niya. Sa itaas ng istanteng salamin na iyon ay nakasabit ang isang espada na hindi niya maintindihan kung bakit doon pa iyon nakalagay. Kakaiba iyon sa espada na nakasabit sa kabilang pader kung saan naroon din ang larawan ng kanilang ama at ng kinalakihan nilang ina. Walang scabbard ang espadang iyon na may habang halos isang metro. Kulay silver iyon na may magkabilang talim. Ang kulay gintong hawakan niyon ay kagaya ng tiara na napanalunan ng hero princess niya sa larong Journey To The Lost Kingdom na napapalamutian ng mahahalagang batong jade, sapphire, at ruby. "Let's go, bro?" tinig iyon ni Ahron. Galing ito sa library at may dalang attache case. "Yup!" tugon ni Vaylord at nilapitan ang dalaga na tulala na sa pagkakatitig sa espada. Napatingin na rin ang binata sa espadang naroon sa pader. "Baby, you can have that sword." "Kuya?" Puno ng pagtataka ang mukha ng dalaga. Ang alam niya ay kasama sa koleksiyon ng kuya niya ang espadang iyon kaya hindi niya inaasahang ibibigay sa kaniya iyon nang gano'n gano'n lang. "I can't have that anyway. It's better if you have that piece of—" "Bro!" saway ni Ahron kaya nadagdagan ang pagtataka ni Allane. Muling tinitigan ng dalaga ang espada at wala sa loob na nilapitan iyon saka kinuha. Nagkatinginan sina Vaylord at Ahron nang matagumpay na makuha ng dalaga ang espada mula sa pagkakasabit. "Wow!" Naibulalas ni Allane nang itaas sa ere ang sandatang iyon. Pakiramdam niya ay matagal na niyang nahawakan ang sandatang iyon kahit ngayon pa lang siya nakahawak ng espada. Halos isang metro ang haba niyon at kung ibababa niya lang ay malamang na sasayad ang dulo niyon sa sahig. Nakatingala siya at titig na titig sa mahahalagang bato na nakapalamuti sa hawakan. "Thank you, Kuya." Kunot na kunot ang noo ni Vaylord. Rumehistro rin ang takot sa mala-asul niyang mga mata. "Baby, put it back. Hindi ka pa sanay humawak ng espada." "No!" sigaw ni Ahron habang tinatakpan ang mga mata na tila ba nasisilaw sa espada. Tila hangin ito sa bilis ng pagtakbo at lumabas ng mansiyon. "Kuya, what's going on?" Nabitawan ng dalaga ang espada dahilan para marinig ni Vaylord ang nakabibinging ingay na pumailanlang sa living room. "Sh*t!" mura ni Vaylord at mabilis na nagtago sa likod ng mahabang sopa habang nakatakip ang magkabilang tainga gamit ang dalawang kamay at sumigaw. "Baby, put it back to where it was before! That piece of sh*t might kill me!" Natataranta man ay mabilis na dinampot ni Allane ang espada at ibinalik ito sa dating kinalalagyan. Sinilip niya ang kapatid at alalang-alala siya nang panay buntong-hininga na lang ang naririnig niya mula rito. "I'm sorry, Kuya." Dahan-dahang tumayo ang kapatid niya nang masigurong naibalik na niya ang espada. Pansin niya ang biglaang pamumula ng mga mata nito nang tumingin sa gawi niya. "Nakakabingi ang ingay ng espadang 'yan." Nagtaka si Allane dahil hindi naman maingay ang tunog ng pagbagsak ng espada. Kaunting ingay lang iyon pero tila big deal na sa kuya niya at kay Ahron. "Anyway, Baby, we have to go," saad nito nang maka-recover sa takot. Naiwan si Allane sa living room, mag-isa at pilit na itinatanong sa sarili kung bakit gano'n na lang ang reaksiyon ng kuya niya sa espadang iyon. Muli niyang tinitigan ang espada at mabilis niyang kinusot ang dalawa niyang mga mata dahil tila umiilaw iyon sa paningin niya. Tila naglalabas iyon ng nakakasilaw na sinag kaya tinakpan na niya ang mga mata niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD