Ramdam niya na parang yumayanig ang mundo sa bawat paghakbang ng kanyang mga paa. Paminsan siyang tumitingala upang makakuha ng mas malinaw na imahe ng lahat sa kanyang harapan. Sinubukan pa niyang mas tatagan ang kanyang tindig subalit kusang bumigay ang mga paa niya.
“You asked for this. ’Di ba sabi mo kaya mo na. Na ayos na ang iyong pakiramdam. Then what's the fuss this time?” Nararamdaman niya ang panunuya sa bawat salitang binitiwan nito.
“Ma-magpapahinga lang po ako saglit. Pasensya na po, Mr . . .” bulong niya habang nag-iipon ng sapat na lakas upang makapag lakad ulit nang maayos. Ngayon na niya naiintindihan ang narinig niyang sabi ng Doctor na hindi pa siya dapat e-discharge. Wala siyang dapat na sisihin. She asked for this! Nang marinig niya kaninang ayos na ang kanyang mga sugat at tanging pagkahilo na lamang ang maari niyang maramdaman, ay agad na siyang naging atat lumabas ng Ospital.
“Kahit kailan talaga, sakit ka sa ulo!” impit nitong sigaw at hinawakan siya nang mahigpit, dahilan upang muntik na siyang bumagsak sa sahig. Kahit nakakaramdam nang matinding hilo ay nakuha pa rin niya ang ngumiti nang kanyang maramdaman ang ginawa nitong pagkarga sa kanya. Mistula silang bagong kasal sa paraan ng pagkakarga nito sa kanya.
“Stop smiling, you idiot!” Kinagat na lamang niya ang ibaba niyang labi. Hindi niya maintindihan kung nireregla rin ba ito o nagmi-minopose. Sa tingin niya ay daig pa nito ang bipolar na laging iritado. Habang karga siya nito ay bigla siyang napaisip. Pakiramdam niya ay mayroon siyang nakalimutan at kahit anong gawin niyang pag-alala rito ay hindi niya talaga matandaan. Iniisip niya na kung siya si Chelsy, anong klaseng babae siya? Na bakit siya kumikilos ng ganoon ka bulgar lalo na sa harap nito.
“Kailangan pa bang pasanin kita hanggang sa pagpasok mo sa loob ng sasakyan? O tatayo ka na lang d’yan hanggang mahimatay ka ulit?” Napapitlag siya sa biglang pagsasalita nito. Hindi na niya namalayan nasa lalim ng kanyang iniisip ay nakarating na pala sila sa sasakyan.
“O-opo. Papasok na po ako,” wika niya at aktong bubuksan ang pinto ng backseat upang do’n umupo.
“Balak mo ba akong gawing driver? Sa harap ka umupo.” Mabilis pa sa kidlat ang kanyang kilos nang nagsisimula na namang mangunot ang noo nito. Hindi siya makapaniwala na sa bilis niyang kumilos ay tila nawala nasa isip niyang nahihilo pa siya at muntik pang masuka’t sumubsob sa sahig kanina.
“Pati ba pag-seatbelt makalimutan mo na rin?” tanong nito. Nagtataka siyang tumingin dito at sa gilid niya.
“Ay! Upo, seatbelt,” sabi niya at aligagang kinabit iyon sa kanyang sarili. Hindi niya alam kung saan sila pupunta. Hindi rin niya ito kilala. Subalit sapat nang ito ang kanyang nakita nang magising siya upang pagkatiwalaan niya ito. Idagdag pa niya na gustong-gusto niya ito kahit mukha itong ipinaglihi sa sama ng loob at talagang may nakakairitang pag-uugali.
Matapos siyang makaupo nang maayos ay narinig na niyang binuhay nito ang makina ng kotse. Unti-unti itong umusad hanggang nakarating sila sa malapad na kalsada palabas ng Ospital. Panay pa rin ang nakaw tingin niya rito, habang ito naman ay hindi tumingin sa gawi niya kahit isang beses man lang.
‘Hindi ba talaga ako nakakaakit? Wala ba akong alindog? O pangit lang talaga ako?’ himutok niya at muli na naman tumingin sa gawi nito. Sa mga nangyayari sa kanila ay naisip na niyang baka pangit talaga siya. Kaya wala sa sariling tiningnan niya nang mabuti ang kanyang repleksyon sa glass window ng sasakyan.
‘Maganda naman ako. Mukha pa nga akong Hollywood actress at redheaded pa. Bakit ang dami kong naaalala? Samantalang ang sarili ko ay wala akong matandaan.’
Ipinatulis niya ang kanyang labi habang magiliw na pinagmamasdan ang sariling repleksyon.
“Bakit may biyak ang chin ko?” nagtataka niyang tanong.
“Cleft chin ka naman talaga . . .” bulong nito habang nasa kalsada pa rin ang buong atensyon.
“Maganda ba ako?”
“Itulog mo na lang ’yan.” Hindi niya alam kung matatawa ba siya o maiiyak. Kaya nagpasya na lamang siyang gawin ang sinabi nito. Ipinilig niya ang kanyang ulo. Sumandal siya sa bintana at mariing ipinikit ang kanyang mga mata.
“May sunog!” bulalas niya at agad na tumayo.
“Aray!”
“Ang tanga mo talaga,” sabi nito at matalim na tumingin sa kanya. Habang siya naman ay unti-unting kumilos upang ayusin ang kanyang sarili. Pinilit niyang tumayo kanina kahit na may suot siyang seat belt dahilan upang kumirot ang kanyang mga sugat. Ang himbing ng tulog niya nang makarinig siya ng malakas na busina ng sasakyan dahilan upang bigla siyang nagmamadaling tumayo.
Nakikita niyang labis itong iritable kaya hindi na lamang siya nagsalita pa at tiniis na lang ang kirot na kanyang nararamdaman.
Hindi naman nagtagal ay unti-unti na silang pumasok sa isang private road. Halos mapanganga na siya nang sa dulo nito ay isang napakalaki at napakalapad na solid black gate.
“Di-dito ba tayo papasok?” tanong niya habang iniisip na mukha silang papasok sa isang secret underground passage.
Ilang sandali pa ay unti-unti ng bumukas ang bakal na gate at nagsimula itong magmaneho papasok. Ipinikit niya ang kanyang mga at tila nagpipigil ng hinga. Masama ang iniisip niya sa kanilang pupuntahan kaya halos tinatambol sa kaba ang puso niya. Nang maramdaman niyang patuloy pa ring umuusad ang sasakyan ay pinilit niyang buksan ang kanyang mga mata. Laking gulat at mangha niya nang tumambad sa kanya ang tanawing nakamamangha. Mula sa matayog na mga puno hanggang sa magagandang mga bulaklak. Malinis na paligid at maaliwalas kahit napaliligiran ng malalaking gusali ang kanilang tinatahak na daanan.
Sa paglipas ng ilang minuto ay muli silang pumasok sa isang bakal na gate katulad ng kanina. Ngunit sa pagkakataong ito ay magiliw na siyang nag-aabang kung ano ang makikita niya sa likod ng bakal na gate.
“Wow! Ba-bahay mo ba ’yan?” tanong niya at parang batang idinikit ang mukha sa bintana ng sasakyan habang panay pa rin ang ngiti.
“Mukha ba ’yang bahay?”
“Hmmm . . . Bahay na malaki?” pabalik niyang tanong dito.
“Bumalik tayo sa Ospital. Baka hindi nila naibalik ang iyong utak,” saad nito at padabog na lumabas ng sasakyan dahilan upang lumabas na rin siya.
“Mistress Chelsy . . .”
“Mistress Chelsy . . .” Naririnig niyang bulungan sa paligid habang naglalakad siya at nakasunod lamang sa lalaki.
‘Ako nga talaga si Chelsy.’ Habang palinga-linga ay doon lamang niya napansin na naka-uniform ang lahat ng mga tauhan sa lugar. Habang mas malinaw na niyang nakikita ang tinawag niyang malaking bahay noong nasa sasakyan pa sila.
“Bring her to the guest room. Help her do things and make sure that she's gonna be thoroughly cleaned.”
“On it, Sir,” wika ng matandang babae at mahigpit siyang hinawakan sa siko sabay hila palayo sa lalaki. Magrereklamo pa sana siya dahil labis siyang nasasaktan sa paraan ng paghawak nito sa kanya. Ngunit nang makita niya ang nakasimangot na mukha ng lalaki ay nginitian na lamang niya ito.
“Hindi ko alam kung anong klaseng gayuma ang pinainom sa amo namin at muli ka pa niyang pinatuntong dito sa Black house. Ngunit isa lang ang nais kong itanim mo riyan sa utak mo. Hindi kita hahayaang bilugin muli ang puso at isip niya!” bulalas nito at mas lalo pang hinigpitan ang kapit sa kanyang siko. Pakiwari niya ay bumabaon na sa balat niya ang matalas at mahaba nitong kuko.
“Ma-masakit po . . .” bulong niya habang napapapikit dahil kumirot din ang kanyang mga sugat.
“Masyado kang madrama! Pumasok ka sa silid na ’yan. Maligo ka at mag-ayos. May mga damit sa walk-in closet. Pumili ka doon at ayusin mo ’yang sarili mo. Babalikan kita rito matapos ang isang oras,” mataray nitong turan at inayos ang malaking dibdib bago naglakad paalis. Habang naiwan naman siyang nakatunganga sa harap ng pinto.
“Pasok na! At ’wag na ’wag kang lalabas diyan hangga't hindi ka pinapalabas!” singhal nitong muli. Naitulak naman niya ang pinto nang wala sa oras dahilan kung bakit siya natumba. Ang buong akala niya ay nakaalis na ito. Ngunit ang mataray nitong singhal ay nagpapatunay na nagmamasid lang ito sa kanya.
Nang tumingin siya sa gawi nito ay agad na sumalubong sa kanya ang mataray nitong mukha. Agad niyang isinara ang pinto nang nagsisimula na naman itong tumalak.
“Ano ba ang ginawa ko? Bakit galit halos lahat ng mga tao rito sa ’kin?” tanong niya at nagsimulang tumingin sa loob ng guest room. Namamangha siya sa laki at aliwalas ng loob. Monochromatic ang tema nito na pansin niyang halos ito naman ang kulay ng buong bahay.
“Fan yata ng kadiliman ang mga tao rito. Tulad ng mga mood nila . . . Laging madilim . . .” bulong niya habang naglalakad papunta sa parte ng silid kung saan iniisip niyang matatagpuan ang palikuran.
“Sabi ko na!” Nakangiti siyang pumasok sa loob at aliw na aliw sa napakalinis nitong disenyo.
“Pakiramdam ko dapat gold ang idudumi rito. Nakakahiya naman sa makinang na bowl,” wika niya at napahagikhik sabay sapo sa kumikirot niyang noo.
Hindi na siya nagsayang pa ng oras. Mabilis niyang hinubad ang kanina pa niya suot na hospital gown at mabilis na nagsalin ng tubig sa lavatory. Marahan siyang naghilamos. Engat na engat na ’wag tamaan ang kanyang mga sugat.
“Ang ganda ko nga talaga! No wonder halos lumuwa ang mata ng mga lalaking tumingin sa ’kin kanina. Partida, may mga pasa pa ’yan at mukhang may sakit na bampirang libong taon ng hindi naaarawan . . .” Matapos purihin ang sarili ay mabilis na siyang kumilos at katawan naman niya ang kanyang nilinisan.
“Ang lagkit ko. Saan ba ako nagsususuot?” Hindi na siya nagbabad sa tubig at lumabas na rin sa shower room upang magpatuyo at magbihis.
“Patay! Ang tanga ko. Nasaan kaya ang mga roba o towel dito?” Nagsisimula na siyang lamigin habang tinitingnan ang mga aparador at naghahanap ng maitutuyo sa sarili.
“Ano ba ’to? Walang kahit na ano. Ang mahal ng mga gamit dito, wala namang kahit face towel of tissue . . .” himutok niya at dumukwang pa sa ibabang parte.
“Looking for this?" “Ay tipaklong maikli!” sigaw niya dahil sa labis na gulat. Mabilis itong lumapit sa kanya at ito na mismo ang nagsuot sa katawan niya ng robang dala nito.
“Labas na. Kumain ka dahil lagpas na sa oras ang pag-inom mo ng gamot. Nagsisimula na bang kumirot ang iyong mga sugat?” Ramdam niya ang pag-aalala sa boses nito.
“Medyo po. Ka-kanina pa nagsisimulang kumirot.”
“Tanga ka talaga! Bakit hindi ka nagsabi?” Napatungo na lamang siya dahil nagsisimula na naman itong maging bugnutin. Nang nakalabas mula sa banyo ay pinaupo na siya nito sa kama habang dala-dala nito ang tray ng pagkain.
“Kumain ka nang marami at uminom ng gamot. Maniningil ako mamaya,” sabi nito sabay matamang titig sa kanya. Hindi naman niya maiwasang manginig sa paraan ng mga titig nito na pakiramdam niya ay unti-unti siyang nilalapa.
“O-opo. Hihintayin po kita, Mr,” nakayuko niyang sambit.
“Onyx. Call me Onyx,” wika nito dahilan upang tumango siya at ngumiti.
“Ang pangit mong ngumiti. Kumain ka na lang!” singhal nito at mabilis na lumabas ng silid.
“Siguro may buwanang dalaw siya,” wala sa sariling sabi niya at nagsimula ng kumain. Nilantakan niya ang pagkain na para bang hindi pa siya nakatikim nito sa tanang buhay niya.
“Maniningil daw siya. Eh . . .” mahina niyang tili at magiliw na muling sumandok ng pagkain. Pangiti-ngiti pa siya habang nagsisimulang ngumuya. Hindi niya maitago ang matinding excitement sa mangyayari mamaya. Mga mangyayari na hindi niya alam kung ano pero inaabangan niya.